Pambungad sa I Ni Pedro
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Ang tema na matatagpuan sa buong Unang Pangkalahatang Sulat ni Pedro ay na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tapat na makapagtitiis at makatutugon sa mga pagdurusa at pag-uusig ang mga disipulo ng Tagapagligtas. Naglalahad ang bawat kabanata ng I Ni Pedro ng mga pagsubok o pagdurusa, at itinuro ni Pedro na ang matiyagang pagtitiis sa mga pagsubok ay “lalong mahalaga kay sa ginto” at makatutulong sa mga nananalig na magtamo ng “pagkaligtas ng [kanilang] mga kaluluwa” (I Ni Pedro 1:7, 9). Ipinaalala rin ni Pedro sa mga Banal ang pagkakakilanlan sa kanila bilang “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios” (I Ni Pedro 2:9). Sa pag-aaral ng payo na ibinigay ni Pedro sa sulat na ito, makatatanggap ka ng pag-asa, panghihikayat, at lakas na makatutulong sa iyo sa mga hamong kinakaharap mo.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Ang may-akda ng sulat na ito ay si “Pedro, na apostol ni Jesucristo” (I Ni Pedro 1:1).
“Si Pedro ay unang nakilalang Simeon o Simon (II Ni Ped. 1:1), isang mangingisda ng Betsaida at naninirahan sa Capernaum kasama ang kanyang asawa. … Si Pedro ay tinawag kasama ng kanyang kapatid na si Andres na maging disipulo ni Jesucristo (Mat. 4:18–22; Marcos 1:16–18; Lucas 5:1–11). …
“… Pinili [si Pedro] ng Panginoon upang humawak ng mga susi ng kaharian sa mundo (Mat. 16:13–18). …
“Si Pedro ang punong Apostol sa kanyang araw” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pedro,” scriptures.lds.org).
Makikita sa sulat ni Pedro ang kanyang pag-unlad mula sa isang simpleng mangingisda hanggang sa pagiging magiting na Apostol.
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Malamang na ginawa ni Pedro ang unang sulat na ito sa pagitan ng A.D. 62 at 64. Sumulat siya mula sa “Babilonia” (I Ni Pedro 5:13), na marahil ay isang simbolikong pagtukoy sa Roma.
Pinaniniwalaan ng nakararami na namatay si Pedro sa panahon ng paghahari ng Romanong emperador na si Nero—marahil matapos ang A.D. 64, nang simulang usigin ni Nero ang mga Kristiyano (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pedro”).
Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?
Ginawa ni Pedro ang sulat na ito para sa mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa limang lalawigan ng Roma sa Asia Minor, na matatagpuan ngayon sa Turkey (tingnan sa I Ni Pedro 1:1). Itinuturing ni Pedro ang kanyang mga mambabasa bilang “mga hinirang” ng Diyos (I Ni Pedro 1:2). Sumulat siya upang patatagin at palakasin ang loob ng mga Banal mula sa “pagsubok sa [kanilang] pananampalataya” (I Ni Pedro 1:7) at ihanda sila sa “mahigpit na pagsubok” na darating (I Ni Pedro 4:12). Itinuro din sa kanila ng mensahe ni Pedro kung paano tutugon sa pang-uusig (tingnan sa I Ni Pedro 2:19–23; 3:14–15; 4:13).
Lubhang napapanahon ang payo ni Pedro dahil ang mga miyembro ng Simbahan noon ay malapit nang dumanas ng napakatinding pang-uusig. Hanggang noong mga taong A.D. 64, ang taon kung kailan malamang na ginawa ni Pedro ang sulat na ito, pinahihintulutan ng pamahalaan ng Roma ang Kristiyanismo. Noong Hulyo ng taong iyon, isang sunog ang tumupok sa halos buong Roma, at ayon sa balita ay mismong si Emperador Nero ang nag-utos sa pagsunog. Dahil ayaw niyang masisi, ilang kilalang tao sa Roma ang nagparatang na ang mga Kristiyano ang nagpasimula ng sunog. Humantong ito sa matinding pang-uusig sa mga Kristiyano sa buong Imperyo ng Roma. Sinabi ni Pedro na kapag ang mga Banal ay “magbata na gaya ng [Kristiyano]” (I Ni Pedro 4:16), makadarama sila ng kagalakan dahil alam nilang sinusunod nila ang mga yapak ni Jesucristo (tingnan sa I Ni Pedro 2:19–23; 3:15–18; 4:12–19).
Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?
Sa gitna ng paghihirap at pag-uusig na naranasan ng mga Banal sa kanyang panahon, pinayuhan sila ni Pedro na bumaling sa isa’t isa nang may pagmamahal at kabaitan (tingnan sa I Ni Pedro 1:22; 3:8–9). Bukod pa rito, mababasa natin sa I Ni Pedro 5 na ipinaliwanag ni Pedro kung paano dapat patatagin ng mga lider ng Simbahan ang kanilang kongregasyon.
Ang sulat na ito ay naglalaman marahil ng pinakamalinaw na reperensya sa Biblia tungkol sa daigdig ng mga espiritu at sa gawain ng kaligtasan na nagaganap doon. Maikling binanggit ni Pedro na dumalaw si Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu para mangaral sa mga suwail na espiritu na nabuhay noong panahon ni Noe (tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20). Idinagdag pa niya na ipinangaral ang ebanghelyo sa mga patay upang bigyan ang mga pumanaw na indibidwal ng pagkakataong mahatulan sa kondisyon na kapantay ng mga buhay (tingnan sa I Ni Pedro 4:5–6). Sa ating dispensasyon, pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang kahulugan ng I Ni Pedro 3:18–20 at I Ni Pedro 4:6 nang matanggap niya ang isang paghahayag na naglilinaw ng mga doktrina hinggil sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa D at T 138).
Outline
I Ni Pedro 1:1–2:10. Isinulat ni Pedro na kailangan ng mga Banal na espirituwal na umunlad para tumanggap ng mga walang hanggang pagpapala. Ang pangako ng kaligtasan ay ginawang posible dahil sa napakahalagang dugo ni Jesucristo. Ang mga Banal ay “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios” (I Ni Pedro 2:9) na nagtamo ng awa ng Diyos.
I Ni Pedro 2:11–3:12. Hangad ng mga disipulo ni Jesucristo na igalang ang lahat ng tao at sumunod sa mga awtoridad ng pamahalaan at sa mga batas. Sumulat si Pedro sa partikular na mga grupo ng mga Banal: mga malayang mamamayan, mga tagapaglingkod, at mga mag-asawa.
I Ni Pedro 3:13–5:14. Kapag nagdurusa ang mga Banal dahil sa pang-uusig, dapat nilang alalahanin ang halimbawa ni Jesucristo, na nagdusa at pagkatapos ay nagtamo ng kadakilaan. Ipinangaral ni Jesucristo ang ebanghelyo sa mga patay upang makatanggap sila ng patas na paghatol. Tinutularan ng mga lider ng Simbahan si Jesucristo sa pangangalaga sa kawan ng Diyos. Ang mga Banal ay dapat magpakumbaba at ipaubaya ang kanilang mga alalahanin sa Diyos.