Library
Unit 29, Day 3: I Ni Pedro 1–2


Unit 29: Day 3

I Ni Pedro 1–2

Pambungad

Sumulat si Apostol Pedro upang patatagin ang pananampalataya ng mga Banal dahil sa pag-uusig na dinaranas nila mula sa Imperyo ng Roma. Binigyang-diin niya na sila ay tinubos sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Jesucristo at ipinaalala sa kanila ang kanilang banal na pamana bilang mga itinatanging tao ng Diyos. Iniutos niya sa mga Banal na purihin ang Diyos at tiisin ang pagdurusa tulad ng ginawa ni Jesucristo.

I Ni Pedro 1

Itinuro ni Pedro sa mga Banal ang maaari nilang manahin at ang pangangailangang makaranas ng mga pagsubok

Elder M. Russell Ballard

Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Sa paglalakbay ko sa buong Simbahan, nasaksihan ko ang pagsubok na dinaranas ng mga miyembro sa sangagan ng paghihirap” (“Hyrum Smith: ‘Firm As the Pillars of Heaven,’” Ensign, Nob. 1995, 9).

tunaw na bakal na ibinubuhos mula sa sangagan

Ang sangagan o crucible ay tunawan ng mga bakal o ng ibang mga sangkap, na ang ibig sabihin ay iniinit at tinutunaw ang mga ito para mawala ang dumi at mapatibay ang produkto. Tulad ng sinabi ni Elder Ballard, ang “sangagan ng paghihirap” ay tumutukoy sa mahihirap na pagsubok sa buhay. Ano ang ilan sa mga pagsubok, o “sangagan ng paghihirap,” na naranasan mo?

Ginawa ni Apostol Pedro ang sulat na ito upang patatagin at palakasin ang loob ng mga Banal sa dinaranas nilang matitinding pagsubok. Hanggang noong mga A.D. 64, ang panahong ginawa ni Pedro ang sulat na ito, pinahihintulutan ng pamahalaan ng Roma ang Kristiyanismo. Noong Hulyo ng taong iyon ay nasunog ang malaking bahagi ng Roma. Ilang kilalang tao sa Roma ang nagparatang na mga Kristiyano ang nagpasimula ng sunog. Humantong ito sa matinding pang-uusig sa mga Kristiyano sa buong Imperyo ng Roma. Ilan sa pagmamalupit na naranasan ng mga Kristiyano ay mula sa kanilang mga dating kaibigan at kapitbahay.

Sa pag-aaral mo ng I Ni Pedro 1–2, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na manatiling tapat sa iyong pananampalataya.

Sa I Ni Pedro 1:1–2, binati ni Pedro ang mga Banal sa mga lalawigan ng Roma sa Asia Minor (ang Turkey ngayon) at ipinaalala na sila ay mga hinirang na tao.

Basahin ang I Ni Pedro 1:3–5, na inaalam ang mga pagpapalang ipinangako sa mga Banal sa hinaharap. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Sa mga banal na kasulatan, ang mga salitang kaligtasan at kadakilaan ay madalas ituring na pareho lang ang kahulugan. Sa I Ni Pedro 1:5, tinukoy ni Pedro ang kadakilaan, o buhay na walang hanggan, na pagpapalang makasama ang Diyos at patuloy na mamuhay bilang mag-anak (tingnan sa D at T 132:19–20).

Basahin ang I Ni Pedro 1:6, na inaalam kung paano tumugon ang mga Banal sa pangako na pagpapalain sila sa hinaharap.

Malalaman natin ang sumusunod na katotohanan mula sa I Ni Pedro 1:3–6: Bagama’t nakararanas tayo ng mga pagsubok, magagalak tayo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos na ibibigay sa atin sa hinaharap.

Itinuro ni Pedro na sa kabila ng hirap na nararanasan natin, magagalak tayo dahil mapagpapala tayo nang lubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Paano nakatutulong sa iyo ang pag-alaala sa Pagbabayad-sala ni Cristo na magalak sa kabila ng mga pagsubok na nararanasan mo?

Basahin ang I Ni Pedro 1:7–9, na inaalam ang itinuro ni Pedro tungkol sa pagsubok sa pananampalataya ng mga Banal. Maaari mong markahan kung ano ang pinagkumparahan niya ng pagsubok sa pananampalataya ng mga Banal.

Ang pananampalataya, tulad ng ginto, ay mahalaga. Gayunman, ang pananampalataya ay higit na mahalaga kaysa ginto dahil ang ginto ay “nasisira” (I Ni Pedro 1:7) samantalang ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagdudulot ng kaligtasan (tingnan sa I Ni Pedro 1:9), na walang hanggan. Bukod pa riyan, ang ginto ay dinalisay ng matinding init, at tulad niyan, ang ating pananampalataya at paniniwala ay sinusubok kung minsan ng mga problema, tanong, at pag-aalinlangan. Ang isang katotohanan na matututuhan natin sa sinabi ni Pedro sa mga Banal ay na ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay nasusubok at nadadalisay kapag tapat nating tinitiis ang mga pagsubok.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang ilang pagsubok na nararanasan mo o ng iyong mga kaibigan?

    2. Sa paanong paraan sinusubok ng mga paghihirap na ito ang pananampalataya nila o ang pananampalataya mo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at markahan ang hinikayat niyang gawin natin kapag nakararanas tayo ng mga pagsubok sa ating pananampalataya:

Elder Neil L. Andersen

“Paano kayo mananatiling ‘matatag at di natitinag’ [Alma 1:25] sa oras ng pagsubok sa inyong pananampalataya? Magtuon kayo sa mismong mga bagay na nagpalakas sa inyong pananampalataya [bago dumating ang pagsubok]: manampalataya kay Cristo, manalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatan, magsisi, sundin ang mga utos, at maglingkod sa kapwa.

“Kapag naharap sa pagsubok ng pananampalataya—anuman ang gawin ninyo, huwag kayong lumayo sa Simbahan! Ang paglayo ninyo sa kaharian ng Diyos sa oras ng pagsubok sa pananampalataya ay parang pag-alis sa ligtas na kanlungan nang matanaw ninyo ang buhawi” (“Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 40).

Sa iyong palagay, bakit mahalagang gawin ang mga bagay na hinikayat ni Elder Andersen na gawin natin kapag sinusubok ang ating pananampalataya?

Basahin ang I Ni Pedro 1:13–17, na inaalam ang hinikayat ni Pedro na gawin ng mga Banal upang tapat na matiis ang kanilang mga pagsubok. Maaari mong markahan ang nalaman mo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “bigkisin ang mga baywang ng inyong pagiisip” sa talata 13 ay ihanda ang iyong sarili.

Basahin ang I Ni Pedro 1:18–21, na inaalam ang mga karagdagang katotohanan na itinuro ni Pedro sa mga Banal para matulungan sila na tapat na matiis ang kanilang mga pagsubok sa halip na talikuran ang kanilang pananampalataya.

Ang sumusunod ay ilan sa mga katotohanang itinuro ni Pedro sa mga talatang ito: Tayo ay natubos sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Jesucristo. Dahil si Jesucristo ay namuhay nang walang kasalanan, maiaalay Niya ang Kanyang sarili bilang perpektong handog para sa ating mga kasalanan. Si Jesucristo ay inorden noon pa man na maging Manunubos natin.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Sa unang organisasyon sa langit naroon tayong lahat at nakita natin na pinili at hinirang ang Tagapagligtas at ginawa ang plano ng kaligtasan, at sinang-ayunan natin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 242)

Paano makatutulong sa mga Banal na tapat na matiis ang kanilang mga pagsubok ang pag-alaala sa mga katotohanang ito?

  1. journal iconIsipin ang isang pagkakataon na pinili mo o ng isang taong kilala mo na tiisin ang pagsubok nang may pananampalataya kay Jesucristo sa halip na tumigil sa pagsampalataya sa Kanya. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng tungkol sa karanasang iyan at kung paanong ang pananampalataya mo o ng taong iyon sa Tagapagligtas ay napalakas dahil doon.

Sa I Ni Pedro 1:22–25, hinikayat ni Pedro ang mga Banal na mahalin ang isa’t isa at tandaan na sila ay isinilang na muli sa pamamagitan ng salita ng Diyos, na tumatagal magpakailanman.

I Ni Pedro 2:1–12

Binigyang-diin ni Pedro ang mga responsibilidad ng mga Banal

Sa paanong paraan naiiba ang mga miyembro ng Simbahan sa mga taong sumusunod sa mga gawi ng mundo? Ano ang ilang hamon na kakaharapin natin dahil naiiba tayo?

Sa pag-aaral mo ng I Ni Pedro 2:1–12, alamin ang alituntuning makatutulong sa iyo na mapatibay ang hangarin mo na maiba sa mundo.

Tulad ng nakatala sa I Ni Pedro 2:1–8, itinuro ni Pedro na ang matatapat na Banal ay katulad ng batong buhay na nakatayo sa mga batong-panulok ni Jesucristo at na ang mga yaong suwail ay nagalit sa Kanya dahil hindi Niya kinukunsinti ang kanilang pagsuway.

Basahin ang I Ni Pedro 2:9–10, na inaalam kung paano inilarawan ni Pedro ang matatapat na Banal. Maaari mong markahan ang mga kataga na naging kapansin-pansin sa iyo.

Alin sa mga titulong ibinigay ni Pedro sa mga Banal ang paborito mo?

Paano nakatulong sa mga Banal ang paglalarawan sa kanila ni Pedro sa I Ni Pedro 2:9–10 na magkaroon ng lakas ng loob sa gitna ng nararanasang pag-uusig sa kanilang relihiyon?

Basahin ang I Ni Pedro 2:11–12, na inaalam ang ipinakiusap ni Pedro na gawin ng mga Banal bilang bayang pag-aari, o itinatanging mga tao ng Panginoon. Pansinin na maaring tinawag ni Pedro ang mga Banal na mga “nangingibang bayan” at “nagsisipaglakbay” dahil namumuhay sila kasama ang mga taong iba ang kultura at relihiyon sa mga Banal o kaya’y malayo sa kanilang tahanan sa langit, at pansamantalang namumuhay bilang mga mortal.

Sinabi ni Pedro sa mga Banal na sila ay maaaring maging halimbawa sa mga nakapaligid sa kanila at makatutulong sa iba na purihin ang Diyos (tingnan sa I Ni Pedro 2:12). Natutuhan natin mula sa I Ni Pedro 2:11–12 na hinikayat ng Diyos ang Kanyang mga Banal na humiwalay at maiba sa mundo upang makita ng iba ang kanilang halimbawa at purihin Siya. Maaari mong isulat o lagyan ng tanda ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Elaine S. Dalton

Ito ang sinabi ni Sister Elaine S. Dalton noong siya pa ang Young Women general president: “Kung nais ninyong gumawa ng kaibhan sa mundo, dapat kayong maiba sa mundo” (“Panahon na para Bumangon at Magliwanag!” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 124.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang ilang paraan na sinasabihan ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na humiwalay at maging kakaiba sa mundo?

    2. Paano nakaapekto nang mabuti sa iba o nakatulong sa kanila na maakay sa Diyos ang pasiya mong humiwalay at maging iba sa mundo?

    3. Ano ang mas mabuti mo pang magagawa upang humiwalay at maiba sa mundo at maging mabuting halimbawa? (Magsulat ng mithiin tungkol sa plano mong gawin para maging mabuting halimbawa sa iba.)

I Ni Pedro 2:13–25

Ipinayo ni Pedro sa mga Banal na tiisin ang paghihirap tulad ng ginawa ng Tagapagligtas

Sa I Ni Pedro 2:13–18, itinuro ni Pedro sa mga Banal na ipasakop ang kanilang sarili sa mga batas at sa mga opisyal ng gobyerno na namumuno sa kanila (pati sa emperador ng Roma na nagbunsod o nag-utos na usigin sila). Pinalakas niya ang loob ng mga taong dumaranas ng hirap bilang mga lingkod na batahin ang kanilang pagdurusa nang may pagtitiis at alalahanin na alam ng Diyos ang nangyayari sa kanila.

Basahin ang I Ni Pedro 2:19–20, na inaalam ang ipinayo ni Pedro sa mga Banal tungkol sa dapat nilang gawin para matiis ang kanilang paghihirap.

Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na matiyagang tiisin ang kanilang paghihirap. Basahin ang I Ni Pedro 2:21–25, na inaalam ang paglalarawan ni Pedro sa paraan ng pagtugon ni Jesucristo sa pag-uusig. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Ayon sa I Ni Pedro 2:21, ano ang isang bagay na maidudulot sa atin ng pagdurusa ng Tagapagligtas?

Matututuhan natin ang sumusunod na katotohanan mula sa itinuro ni Pedro tungkol sa pagtitiis ng mga pagsubok: Matutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng matiyagang pagtitiis sa mga pagsubok.

Pag-isipan kung ano ang mas mabuti mo pang magagawa para matularan ang matiyagang pagtitiis ni Jesucristo sa mga pagsubok.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang I Ni Pedro 1–2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: