Library
Unit 23, Day 3: II Mga Taga Corinto 1–3


Unit 23: Day 3

II Mga Taga Corinto 1–3

Pambungad

Sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto at ipinaliwanag kung paano nila maaaliw o mapapanatag ang iba. Pinayuhan din niya sila na patawarin ang isang nagkasala na kabilang sa kanilang kongregasyon. Itinuro ni Pablo sa mga Banal na kapag bumaling sila sa Panginoon, sila ay magiging higit na katulad ng Diyos.

II Mga Taga Corinto 1

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto kung paano panatagin ang isa’t isa

Alalahanin ang pagkakataon na nakaranas ng mabigat na pagsubok o paghihirap ang isang kakilala mo. Ano ang ginawa mo para tulungan siya?

Naranasan mo ba ang isang pagkakataon na gusto mong panatagin ang loob isang taong may mabigat na pagsubok, pero hindi mo alam kung paano?

Sa pag-aaral mo ng II Mga Taga Corinto 1, alamin ang katotohanang makatutulong sa iyo na malaman kung paano mo mapapanatag ang ibang dumaranas ng mabigat na pagsubok at paghihirap.

Si Apostol Pablo ay nasa Efeso noong isulat niya ang I Mga Taga Corinto sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Nagkaroon ng kaguluhan sa Efeso dahil sa mga itinuro ni Pablo roon (tingnan sa Mga Gawa 19:23–41; ang Asia na binanggit sa mga talatang ito ay isang lalawigan ng Roma sa Turkey ngayon). Umalis si Pablo sa Efeso at nagpunta sa Macedonia, kung saan ibinalita sa kanya ni Tito na tinanggap nang malugod ng mga Banal sa Corinto ang naunang sulat ni Pablo. Nalaman din ni Pablo na dumaranas ng kapighatian ang mga Banal at may ilang bulaang guro sa Corinto ang naninira sa totoong doktrina ni Cristo. Isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Corinto para panatagin ang mga Banal at tugunan ang mga problemang idinulot ng mga bulaang guro.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 1:1–5, na inaalam ang sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa kanilang kapighatian. Maaari mong markahan o isulat sa iyong mga banal na kasulatan ang sinabi ni Pablo sa mga talata 3–4 na maaaring nakatulong na mapanatag sila.

Matututuhan natin mula sa II Mga Taga Corinto 1:4 ang sumusunod na katotohanan: Dahil pinapanatag tayo ng Ama sa Langit sa ating mga kapighatian, naipadarama natin sa iba ang kapanatagang ibinibigay Niya.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang pagkakataong nadama mo ang kapanatagan mula sa Diyos sa oras ng pagsubok. Sa palagay mo, paano nakatulong ang karanasang iyan para matulungan ang iba na madama ang kapanatagang mula sa Kanya?

Nalaman natin sa II Mga Taga Corinto 1:6–8 ang sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa matinding pagsubok na halos ikamatay nila ng kanyang mga kasama habang nangangaral ng ebanghelyo sa Efeso.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 1:9–11, na inaalam ang nakatulong kay Pablo at sa kanyang mga kasama sa oras ng kanilang mga pagsubok.

Batay sa talata 11, kumpletuhin ang sumusunod na katotohanan tungkol sa paraan kung paano matutulungan ang mga taong dumaranas ng mga pagsubok: ay makatutulong sa mga taong dumaranas ng pagsubok.

  1. journal iconSagutin ang isa o lahat ng tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano makatutulong ang mga panalangin mo sa isang taong dumaranas ng pagsubok?

    2. Paano nakatulong sa iyo ang mga panalangin ng iba nang dumanas ka ng pagsubok?

Nalaman natin sa II Mga Taga Corinto 1:12–24 na natuwa si Pablo sa mga taong tumanggap sa payong ibinigay niya sa kanyang unang sulat. Tumugon si Pablo sa mga talata 15–20 sa mga pumuna sa kanya dahil sa hindi niya pagtuloy sa balak niyang pagbisita sa kanila. Tila sinasabi ng ilan sa mga pumupuna kay Pablo na dahil iniba niya ang mga nakaplanong paglalakbay, wala na silang tiwala sa kanya o sa mga itinuturo niya. Sinabi ni Pablo na totoo ang mensahe ng ebangelyo, magbago man siya ng mga plano.

II Mga Taga Corinto 2

Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na patawarin ang isang taong nagkasala

Isipin ang isang pagkakataong may nanakit sa iyo o sa isang taong mahal mo. Isipin kung bakit maaaring mahirap na mapatawad ang taong iyon.

Sa pag-aaral mo ng II Mga Taga Corinto 2, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na maunawaan kung bakit mahalagang patawarin ang lahat ng tao.

Sa unang sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto, pinagsabihan niya sila dahil sa kanilang pagsuway at kawalan ng pananampalataya. Basahin ang II Mga Taga Corinto 2:1–4, na inaalam ang nais ni Pablo na malaman ng mga Banal sa Corinto kung bakit niya sila pinagsabihan. Maaari mong markahan o lagyan ng tanda sa talata 4 ang dahilang ibinigay ni Pablo kung bakit niya pinagsabihan sila.

Paano nagiging katibayan ng pagmamahal ng isang tao ang pagdidisiplina o pagtatama niya sa atin?

Tulad ng nakatala sa II Mga Taga Corinto 2:5–6, sumulat si Pablo tungkol sa isang miyembro ng Simbahan na nagkasala at nagdulot sa kanila ng kalungkutan. Dahil dito, dinisiplina ng Simbahan ang taong ito.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 2:7–8, na inaalam ang sinabi ni Pablo sa dapat na pagtrato ng mga Banal sa taong ito. Ang ibig sabihin ng salitang bagkus sa talata 7 ay kabaligtaran o salungat.

Kahit nagkasala ang taong ito, ang kahalagahan ng kanyang kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos (tingnan sa D at T 18:10). Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na patawarin, panatagin, at mahalin ang taong ito para matulungan siyang magsisi.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 2:9–11, na inaalam ang isa pang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo na dapat magpatawad ang mga Banal.

Ayon sa itinuro ni Pablo sa mga Banal sa talata 11, matutukoy natin ang sumusunod na katotohanan: Kung hindi natin patatawarin ang iba, maiimpluwensyahan tayo ni Satanas. Maaari mong markahan o isulat ang katotohanang ito sa II Mga Taga Corinto 2:11. Iniutos sa atin ng Panginoon sa makabagong paghahayag na patawarin natin ang lahat (tingnan sa D at T 64:8–11).

Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugang hindi na natin pananagutin ang nagkasala sa kanyang nagawa. Hindi rin ito nangangahulugan na hahayaan nating patuloy tayong tratuhin nang masama ng mga tao. Sa halip, ang ibig sabihin ng pagpapatawad sa iba ay ang pakitunguhan nang may pag-ibig na katulad ng kay Cristo ang mga tumatrato sa atin nang masama at huwag magtanim ng sama ng loob o galit sa kanila, na makakaapekto sa ating sariling espirituwal na pag-unlad (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.lds.org).

“Kung naging biktima kayo ng pang-aabuso, dapat ninyong malaman na wala kayong kasalanan at mahal kayo ng Diyos. Kausapin ang inyong mga magulang o isa pang nakatatanda na mapagkakatiwalaan ninyo, at kaagad na humingi ng payo at tulong sa inyong bishop. Espirituwal nila kayong masusuportahan at matutulungan kayo na makuha ang proteksyon at tulong na kailangan ninyo. Ang pagpapahilom o paggaling ay maaaring tumagal. Magtiwala sa Tagapagligtas. Pagagalingin Niya kayo at bibigyan ng kapayapaan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 36).

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa palagay mo, bakit naiimpluwensyahan tayo ni Satanas kapag hindi natin pinapatawad ang ibang tao?

Isipin ang isang taong kailangan mong patawarin. (Tandaan na ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugang hahayaan mong tratuhin ka nang masama ng iba. Ang ibig sabihin nito ay pagpapatawad sa nanakit sa iyo para magpatuloy ka sa iyong espirituwal na pag-unlad.) Magtakda ng mithiin na patawarin ang taong iyan para hindi ka maimpluwensyahan ni Satanas. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan ka habang sinisikap mong patawarin ang iba.

Tulad ng nakatala sa II Mga Taga Corinto 2:12–17, sinabi ni Pablo sa mga Banal na pinasalamatan niya ang Diyos, na “laging pinapagtatagumpay tayo kay Cristo” (talata 14), kahit sa mabibigat na pagsubok.

II Mga Taga Corinto 3

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na kapag bumaling sila sa Panginoon, sila ay magiging higit na katulad ng Diyos

Matapos lisanin ni Apostol Pablo ang Corinto, may ilang bulaang guro na nagsimulang salungatin ang kanyang mga turo at tinangkang siraan siya sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga miyembro na kailangan pa rin nilang sundin ang batas ni Moises. Sa II Mga Taga Corinto 3:1, bilang tugon sa mga taong nagtangkang siraan siya, nagbigay si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ng retorikal na tanong—tanong na ibinigay niya para pagsabihan sila, at hindi para sagutin nila—kung kailangan ba niyang bigyan sila o makatanggap mula sa kanila ng “[liham] ng papuri” na nagpatotoo sa kanyang pagkatao at pagiging tunay na Apostol ni Jesucristo. (Noong panahon ni Pablo, ang mga bagong salta sa komunidad ay nagdadala ng mga liham ng papuri sa kanila. Ang mga liham na ito ang nagpapakilala sa mga bagong salta at nagpapatunay na mabuti ang kanilang pagkatao.)

Basahin ang II Mga Taga Corinto 3:2–3, na inaalam ang sinabi ni Pablo na liham ng papuri sa kanya.

Itinuro ni Pablo na ang mga pagbabagong-buhay ng mga Banal ay parang liham mula kay Cristo mismo na nagsilbing liham ng papuri sa pagkatao ni Pablo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao” sa talata 2 ay na makikilala muna ng maraming tao ang Simbahan at hahatulan ang pagiging totoo nito batay sa ugali at halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan.

Si Moises at ang mga tapyas na bato

Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang mga katagang “hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman” sa II Mga Taga Corinto 3:3. Ang mga kautusan noong panahon ni Moises ay nakasulat sa mga tapyas ng bato. Ginamit ni Pablo ang mga katagang ito upang tulungan ang mga Banal sa Corinto na maunawaan na naisulat ang mga kautusan sa kanilang mga puso sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Binanggit ni Pablo sa II Mga Taga Corinto 3:5–13 ang isang tala sa Lumang Tipan para tulungan ang mga Banal na maunawaan ang espirituwal na kalagayan ng kanilang panahon. Ipinaalala niya sa mga Banal sa Corinto na nakatalukbong ang mukha ni Moises nang bumaba siya matapos makipag-usap sa Panginoon sa Bundok ng Sinai dahil natatakot ang mga anak ni Israel sa kaluwalhatiang nagmumula sa kanyang mukha.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 3:14–15, na inaalam kung paano pinagkumpara ni Pablo ang mga Israelitang natakot sa kaluwalhatiang nagmumula sa mukha ni Moises at ang mga Judio sa kanyang panahon. Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan ang nalaman mo.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “ang kanilang mga pagiisip ay nagsitigas” (talata 14) at may “talukbong na nakatakip sa kanilang puso” (talata 15)?

Tulad ng hindi makayanan ng mga Israelita noong panahon ni Moises ang kaluwalhatian na nagmula sa mukha ni Moises dahil sa kanilang di-pagkamarapat, ang mga Judio noong panahon ni Pablo ay hindi rin makaunawa sa mga propesiya tungkol kay Jesucristo sa Lumang Tipan dahil sa kanilang kasamaan.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 3:16–18, na inaalam ang ipinangako ni Pablo na mag-aalis ng talukbong sa kanilang mga puso at isipan upang sila’y makaunawa.

Bahagyang binago sa Joseph Smith Translation ang mga katagang “magbalik sa Panginoon” sa talata 16 at naging “kapag magbalik ang kanilang puso sa Panginoon” (Joseph Smith Translation, 2 Corinthians 3:16; idinagdag ang italics).

Ayon sa II Mga Taga Corinto 3:18, ano ang nangyayari sa mga taong bumabaling sa Panginoon at hinahayaang alisin sa kanila ang talukbong upang sila ay makaunawa? Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang sagot na natagpuan mo sa iyong mga banal na kasulatan.

Ang mga katagang “nababago tayo sa gayon ding larawan mula sa kaluwalhatian” (talata 18) ay tumutukoy sa unti-unting pagbabago na natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu na tumutulong sa atin na maging higit na katulad ng Diyos. Nalaman natin mula sa mga talatang ito na kung ibabaling natin sa Panginoon ang ating mga puso, mapapasaatin ang Espiritu, na unti-unting nagpapabago sa atin upang maging higit na katulad ng Diyos.

  1. journal iconKumpletuhin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:

    1. Ipaliwanag ang sa palagay mo ay kahulugan ng pagbaling ng ating mga puso kay Jesucristo.

    2. Gumawa ng listahan ng mga paraan na maibabaling mo ang iyong puso kay Jesucristo.

Isipin kung paano ka nabago ng Espiritu mula nang simulan mo ang pag-aaral ng Bagong Tipan sa taong ito. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng mithiing makatutulong sa iyo na mas bumaling sa Panginoon upang matanggap mo ang Espiritu at maging higit na katulad ng Diyos.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang II Mga Taga Corinto 1–3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: