Unit 18: Day 3
Mga Gawa 9
Pambungad
Nagpakita si Jesus kay Saulo (na tatawagin kalaunan na Pablo) habang naglalakbay siya patungong Damasco, pagkatapos niyon ay nabulag si Saulo. Matapos siyang mapagaling ni Ananias, nabinyagan si Saulo at nagsimulang mangaral sa Damasco. Nagtungo kalaunan si Saulo sa Jerusalem at sumama sa mga disipulong naroon, ngunit nang pagbantaan ng mga Greco-Judio sa Jerusalem ang buhay ni Saulo, ipinadala siya ng mga Apostol sa Tarso. Gumawa si Pedro ng mga himala sa Lidda at Joppe.
Mga Gawa 9:1–9
Nagpakita si Jesus kay Saulo sa daan patungong Damasco
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangan nating magpatawad:
“May isang bagay sa marami sa atin na hindi kayang patawarin at limutin ang nakaraang mga pagkakamali sa buhay—pagkakamali man natin o pagkakamali ng iba. Hindi ito maganda. Hindi ito gawain ng Kristiyano. Ito ay tuwirang pagsalungat sa kadakilaan at kamaharlikaan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …
“Hayaang magsisi ang mga tao. Hayaang umunlad ang mga tao. Maniwalang kayang magbago at magpakabuti ang mga tao. Iyan ba ay pananampalataya? Oo! Iyan ba ay pag-asa? Oo! Iyan ba ay pag-ibig sa kapwa? Oo! Higit sa lahat, ito ay pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (“Ang Pinakamaganda ay Darating Pa,” Liahona, Ene. 2010, 19–20).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang sitwasyon kung saan magiging mahalaga para sa iyo na hayaang magbago at magpakabuti ang iba at maniwalang magagawa nila ito?
-
Bakit mahalaga para sa iyo na maniwala na maaari ka pang magbago at magpakabuti?
-
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 9, alamin ang mga katotohanan na matututuhan natin mula sa karanasan ng isang taong nagbago at nagpakabuti.
Nakatuon ang karamihan sa nakatala sa Mga Gawa 9 sa mga karanasan ng isang lalaking nagngangalang Saulo. “Si Saulo ay isinilang sa Tarso, isang bayan ng mga Griyego sa Cilicia (tingnan sa Mga Gawa 21:39). Siya ay isinilang na mamamayang Romano (tingnan sa Mga Gawa 16:37) at nagsasalita ng ‘wikang Hebreo’ (marahil Aramaic) at Griyego (Mga Gawa 21:37–40). Siya ay isang Judio mula sa angkan ni Benjamin (tingnan sa Mga Taga Roma 11:1) at isang relihiyosong Fariseo (tingnan sa Mga Gawa 23:6), na masigasig na tinugis at pinahirapan ang mga tagasunod ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 9:1–2). Kalaunan ay nakilala siya sa kanyang Latin na pangalan, na Pablo [tingnan sa Mga Gawa 13:9]” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 294). Nakapag-aral si Saulo sa Jerusalem sa pagtuturo ni Gamaliel (tingnan sa Mga Gawa 22:3), isang bantog na Fariseo at iginagalang na guro ng mga batas ng mga Judio (tingnan sa Mga Gawa 5:34–40).
Una nating nabasa ang tungkol kay Saulo sa Mga Gawa 7, na naglalahad ng pagbato sa disipulong si Esteban. Maaalala mo na inilagay ng mga nagsibato kay Esteban ang kanilang mga damit sa paanan ni Saulo (tingnan sa Mga Gawa 7:58–59).
Basahin ang Mga Gawa 8:1–3; 9:1–2, na inaalam kung paano tinrato ni Saulo ang mga tagasunod ni Jesucristo. Maaaring makatutulong na malaman na ang ibig sabihin ng kinakaladkad (Mga Gawa 8:3) ay puwersahang hinihila o hinahatak.
Basahin ang Mga Gawa 9:3–6, na inaalam ang naranasan ni Saulo habang naglalakbay siya patungo sa Damasco para dakpin ang mga disipulo ni Jesucristo na naninirahan doon.
Pansinin ang mga katagang “mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis” sa Mga Gawa 26:14. “Ang ‘matulis’ ay tumutukoy sa isang pantaboy, na isang matulis na sibat na ginagamit na pansundot sa mga hayop para lumakad o kumilos ang mga ito. Sa halip na lumakad o kumilos, ang mga hayop na matitigas ang ulo ay sumisikad o sumisipa para gumanti, literal na sumisikad ‘sa mga matulis.’ Ang gayong reaksyon ay nagdaragdag lamang sa sakit na naramdaman ng hayop dahil mas tinutusok ito ng amo nito para sumunod ito. Nilinaw ng Tagapagligtas na kung patuloy Siyang kakalabanin ni Saulo, si Saulo mismo ang nagdadala ng sakit sa kanyang sarili. Sa literatura ng mga Griyego, ang ‘sumikad sa mga matulis’ ay karaniwang ginagamit na metapora sa mga kumakalaban sa diyos” (New Testament Student Manual, 295).
Pansinin ang tanong ni Saulo sa Mga Gawa 22:10. Ano ang maaaring itinuturo nito sa iyo tungkol kay Saulo?
Ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mga Gawa 9:7, nakita ng mga kasama ni Saulo ang liwanag ngunit hindi narinig ang tinig ni Jesus nang mangusap Siya kay Saulo (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mga Gawa 9:7 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; tingnan din sa Mga Gawa 22:9).
Matapos ang pangitain, nabulag si Saulo. Inakay siya patungong Damasco, at hindi siya kumain o uminom sa loob ng tatlong araw.
Isipin kunwari na ikaw si Saulo. Kung matindi mong inuusig ang mga disipulo ni Jesucristo, ano ang maiisip at madarama mo sa oras na ito?
Mga Gawa 9:10–22
Si Saulo ay napagaling ni Ananias ng Damasco, nabinyagan, at nangaral tungkol kay Jesucristo
Basahin ang Mga Gawa 9:10–12, na inaalam ang ipinagawa ng Panginoon kay Ananias, isang mabuting miyembro ng Simbahan sa Damasco.
Alalahanin na ang talagang pakay ni Saulo sa pagpunta sa Damasco ay dakpin ang mga taong tulad ni Ananias. Kung ikaw si Ananias at alam mo ang reputasyon ni Saulo, ano ang maiisip mo pagkatapos matanggap ang utos na ito ng Panginoon?
Basahin ang Mga Gawa 9:13–16, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kay Ananias tungkol kay Saulo.
Paano nagkaiba ang opinyon ng Panginoon at ni Ananias tungkol kay Saulo?
Pansinin sa Mga Gawa 9:15 ang partikular na gawain na pinili ng Panginoon na gagawin ni Saulo. Mula sa nalaman mo tungkol kay Saulo, ano ang naghanda sa kanya para mangaral sa “mga Gentil at [sa] mga hari, at [sa] mga anak ni Israel”? (Maaari mong balikan ang deskripsyon kay Saulo na nabasa mo kanina sa lesson.)
Ayon sa Mga Gawa 9:16, ano pa ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kay Pablo, bagama’t siya ay magiging isang piling sisidlan sa harap ng mga Gentil at mga hari?
Ang dalawang katotohanan na malalaman natin mula sa Mga Gawa 9:13–16 ay alam ng Panginoon ang maaari nating kahinatnan at alam ng Panginoon ang ating potensyal na makatutulong sa Kanyang gawain.
-
Kapag pinagninilayan mo ang mga katotohanang ito, isipin kung paano ka nakikita ng Diyos. Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng simpleng larawan ng iyong sarili at isulat ang ilan sa iyong mga kakayahan at pag-uugali na sa palagay mo ay magagamit ng Panginoon para makatulong sa Kanyang gawain.
Pansinin sa Mga Gawa 9:17 na binasbasan ni Ananias si Saulo upang muli itong makakita at mapuspos ng Espiritu Santo. Ayon sa Mga Gawa 9:18–20, nang ibalik ng Diyos ang paningin ni Saulo, paano naiba ang opinyon ni Saulo sa Panginoon kumpara noon?
Ang pagsisisi, pagpapabinyag, at pangangaral ni Saulo ay nagpakita ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo at pagpapasakop sa kalooban ng Panginoon.
Basahin ang Mga Gawa 9:21–22, na inaalam ang reaksyon ng mga tao sa pangangaral ni Saulo.
Ang itinanong ni Saulo sa Panginoon na nakatala sa Mga Gawa 9:6 ay nagpakita ng kanyang pagpapakumbaba at hangaring sumunod sa kalooban ng Panginoon. Tulad ni Saulo, kung pasasakop tayo sa kalooban ng Panginoon, magagawa nating magbago at maabot ang potensyal na nakikita Niya sa atin.
Upang matulungan ka na maunawaan ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa kalooban ng Panginoon, kunwari ay may isa kang clay na malambot at ang isa ay matigas. Ano ang kaibhan ng paghubog ng isang bagay gamit ang malambot na clay sa paghubog ng isang bagay gamit ang matigas na clay?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano maihahalintulad ang dalawang magkaibang clay sa kakayahang sumunod ng isang tao sa kalooban ng Panginoon?
-
Paano nakatutulong sa iyo o sa iba ang pagsunod sa Panginoon na magbago at maabot ang potensyal na nakikita sa iyo o sa kanila ng Panginoon?
-
Pag-isipan kung paano mo magagamit sa iyong buhay ang tanong ni Saulo, “Ano ang gagawin ko, Panginoon?” (Mga Gawa 22:10).
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Wala nang mas mahalaga pang katanungan sa buhay ng isang [tao] kaysa sa yaong itinanong ni Pablo: ‘… Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ Wala nang mas mabuting gagawin ang isang [tao] kaysa tahakin ang landas na maghahatid sa kanya sa sagot sa tanong na iyan at pagkatapos ay isagawa ito” (“Listen to a Prophet’s Voice,” Ensign, Ene. 1973, 57).
Magpatuloy sa pagdarasal nang taimtim at humingi ng sagot sa tanong na ito, at kumilos ayon sa anumang pahiwatig na natanggap mo.
Mga Gawa 9:23–31
Nanganib ang buhay ni Saulo sa Damasco at pagkatapos sa Jerusalem, at ipinadala siya ng mga Apostol sa Tarso
Nabasa natin sa Mga Gawa 9:23–26 na nagsabwatan ang mga Judio sa Damasco na patayin si Saulo, ngunit tinulungan siya ng mga miyembro ng Simbahan na makatakas sa bayan. Mababasa rin natin na nagpunta si Saulo sa Jerusalem, kung saan “pinagsikapan niyang makipisan sa mga alagad: at silang lahat ay nangatakot sa kaniya, sa di paniniwala na siya’y alagad” (Mga Gawa 9:26).
Sa iyong palagay, bakit nag-alangang maniwala ang mga miyembro ng Simbahan na naging disipulo na ni Jesucristo si Saulo?
Nabasa natin sa Mga Gawa 9:27–31 na si Bernabe, isang miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 4:36–37), ay dinala si Saulo sa mga Apostol at sinabi sa kanila ang tungkol sa pangitain ni Saulo at ang matapang nitong pangangaral sa Damasco. Pagkatapos ay malugod na tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan si Saulo. Nang hangarin ng mga Greco-Judio sa Jerusalem na patayin si Saulo, ipinadala siya ng mga lider ng Simbahan sa Tarso. Nalaman din natin sa Mga Gawa 9:31 na nagkaroon ang Simbahan ng kapayapaan at pag-unlad sa Judea, Galilea, at Samaria.
Mga Gawa 9:32–43
Gumawa si Pedro ng mga himala sa Lidda at Joppe
Mag-isip ng isang tao na gusto mong tulungang bumaling sa Panginoon at maniwala sa Kanya. Sa pag-aaral mo sa nalalabing bahagi ng Mga Gawa 9, alamin ang isang paraan na makatutulong sa taong ito at sa iba na bumaling sa Panginoon.
Inilarawan sa Mga Gawa 9:32–35 at Mga Gawa 9:36–42 ang mga himalang ginawa ni Pedro sa Lidda at Joppe. Kapag binasa mo ang mga talatang ito, alamin ang mga himalang ginawa ni Pedro at kung ano ang reaksyon ng mga tao. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na paliwanag: Mababasa sa Joseph Smith Translation, Mga Gawa 9:32 ang mga katagang “sa paglalakad ni Pedro sa lahat ng rehiyong ito” (idinagdag ang italics). Ang pagkaawang gawa (Mga Gawa 9:36) ay pagbibigay ng mga handog sa mga maralita.
Ano ang ginawa ng mga tao sa Lidda at Joppe sa nakitang paglilingkod ni Pedro? Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pedro ay sa paglilingkod sa iba, matutulungan natin ang mga tao na bumaling sa Panginoon at maniwala sa Kanya.
Isang paraan ng paglilingkod sa iba ang pagbibigay ng basbas ng priesthood. Ang halimbawa ni Tabita (o Dorcas) sa Mga Gawa 9:36, 39 ay nagpapakita ng isa pang paraan na makapaglilingkod tayo sa iba. Makatutulong sa iba na bumaling sa Panginoon ang pagiging “puspos ng mabubuting gawa” (Mga Gawa 9:36) at ang paglilingkod sa iba.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan nakatulong sa iyo o sa iba ang mabubuting gawa ng isang tao para bumaling ka o ang iba sa Panginoon at maniwala sa Kanya?
-
Ano ang ilang paraan na makapaglilingkod ka sa iba? (Maging espesipiko, sumulat ng dalawa o tatlong ideya.)
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 9 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: