Library
Unit 25, Day 3: Mga Taga Filipos 1–3


Unit 25: Day 3

Mga Taga Filipos 1–3

Pambungad

Hinikayat ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Filipos na magtulungan sa pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pinayuhan niya sila na tularan ang halimbawa ng kababaang-loob at pagiging di-makasarili ng Tagapagligtas, at itinuro niya na tinutulungan sila ng Diyos na maisakatuparan ang kanilang kaligtasan. Inilarawan ni Pablo ang sakripisyong ginawa niya upang sundin si Jesucristo.

Mga Taga Filipos 1

Inilahad ni Pablo ang mga pagpapalang dulot ng oposisyon

Anong mga salita ang isusulat mo sa mga patlang sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young?

Pangulong Brigham Young

“Sa tuwing uusigin ninyo ang ‘Mormonismo,’ inuusig ninyo ito upang ____________________; hindi ninyo ito kailanman inuusig upang ____________________. Ito ay ipinag-uutos ng Pinakamakapangyarihang Panginoon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 296).

(Malalaman mo kalaunan ang mga sagot sa lesson na ito.)

Ano ang ilang halimbawa, mula sa kasaysayan o sa ating panahon, ng mga taong inuusig, o kinakalaban, ang Simbahan ng Tagapagligtas at ang Kanyang mga tagasunod?

Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Filipos 1, alamin ang katotohanan na makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano nakakaapekto ang oposisyon sa gawain ng Panginoon.

Hanapin ang Filipos sa kalakip na mapa na nagpapakita ng mga pangmisyonerong paglalakbay ni Apostol Pablo.

mapa, silangan ng Mediterania

Nagtatag si Pablo ng isang sangay o branch ng Simbahan sa Filipos sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay (tingnan sa Mga Gawa 16). Sumulat siya kalaunan sa mga taga-Filipos habang siya ay nakabilanggo, malamang sa Roma. Sa Mga Taga Filipos 1:1–11, mababasa natin na nagpahayag ng pasasalamat at pagmamahal si Pablo para sa mga Banal sa Filipos.

Basahin ang Mga Taga Filipos 1:12–14, na inaalam ang ibinunga ng oposisyon na naranasan ni Pablo sa kanyang gawaing misyonero.

Tulad ng inilarawan sa mga talatang ito, ang oposisyon na naranasan ni Pablo ay humantong sa “ikasusulong ng evangelio” (Mga Taga Filipos 1:12). Alam ng mga tao sa buong “pretorio,” o punong-himpilan ng militar, na ibinilanggo si Pablo dahil sa pangangaral tungkol kay Jesucristo. Ang pagkabilanggo ni Pablo ay naghikayat din sa iba pang mga miyembro ng Simbahan na maging mas matapang sa pangangaral ng ebanghelyo.

Nalaman natin mula sa Mga Taga Filipos 1:12–14 na makatutulong ang mga nararanasan nating oposisyon sa pagsunod kay Jesucristo sa ikasusulong ng Kanyang gawain.

Sa pahayag ni Pangulong Young, punan ang patlang ng mga salitang umangat (na ibig sabihin ay sumulong sa kontekstong ito) at bumaba.

  1. journal iconKunwari ay isa kang manunulat para sa isang blog o sa isang pahayagan. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng mga headline o ulo ng mga balita para sa dalawa o tatlong totoong sitwasyon kung saan nakatutulong ang oposisyon sa pagsulong ng gawain ng Tagapagligtas. Maaaring kunin ang mga kuwentong ito sa mga banal na kasulatan o mula sa buhay ng mga taong kilala mo. (Ang sumusunod ay isang halimbawa ng headline: “Ang mga protesta laban sa gawaing misyonero ay nagpatindi ng interes ng mga tao na alamin ang mensahe ng ebanghelyo mula sa mga lokal na missionary.”)

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Filipos 1:15–26, itinuro ni Pablo na maitatanyag ang Tagapagligtas anuman ang mangyari sa kanya.

Basahin ang Mga Taga Filipos 1:27–30, na inaalam kung ano ang inihikayat ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Filipos para sa ebanghelyo. Tandaan na ang salitang pamumuhay sa talata 27 ay tumutukoy sa kilos at pag-uugali.

Mababasa natin sa Joseph Smith Translation, Philippians 1:28: “At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway, na hindi nagsitanggap ng ebanghelyo, na nagdala ng pagkalipol sa kanila; ngunit kayo na nagsitanggap ng ebanghelyo, nagdala ito sa inyo ng kaligtasan; at pagliligtas ng Diyos.”

Pansinin sa Mga Taga Filipos 1:27–30 ang mararanasan ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa pagsunod sa Tagapagligtas. Isipin kung paano mapagpapala ang mga Banal sa Filipos kapag kanilang inalala na ang naranasan nilang oposisyon sa pagsunod kay Jesucristo ay makatutulong sa pagsusulong ng Kanyang gawain.

Mga Taga Filipos 2

Itinuro ni Pablo ang tungkol sa pagpapakababa ng Tagapagligtas at tinagubilinan ang mga Banal hinggil sa kanilang kaligtasan

Basahin ang Mga Taga Filipos 2:2–4, na inaalam ang ipinayo ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Filipos. Ang ibig sabihin sa talata 3 ng salitang pagpapalalo ay pagyayabang at ang mga katagang “kababaan ng pagiisip” ay tumutukoy sa pagpapakumbaba.

Basahin ang Mga Taga Filipos 2:5–9, at maaari mong markahan o isulat ang mga salita o parirala na nagsasaad ng kababaang-loob at pagiging di-makasarili ni Jesucristo.

Malalaman natin ang sumusunod na alituntunin mula sa mga turo ni Pablo sa mga talatang ito: Kung tutularan natin ang halimbawa ng pagpapakumbaba at taos-pusong pagmamalasakit ni Jesucristo sa iba, mas magkakaisa tayo.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang ilang paraan na matutularan natin ang halimbawa ng kababaang-loob at pagiging di-makasarili ng Tagapagligtas sa ating mga pamilya, mga paaralan, at mga ward o branch?

    2. Kailan ka nakakita ng isang tao na inuna ang pangangailangan ng iba kaysa sa sarili nila? Paano nagpapatibay ng pagkakaisa ang paggawa nito?

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Filipos 2:9–11, itinuro ni Pablo na sa huli ay “[luluhod] ang lahat ng tuhod” at “[ipahahayag] ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon.” Sandaling isipin ang pangyayaring iyon, at pag-isipan kung ano ang iyong inaasahang mangyari sa karanasang ito.

Basahin ang Mga Taga Filipos 2:12–13, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga taga-Filipos para maging masaya ang pagluhod nila sa harap ng Panginoon. Ang mga katagang “takot at panginginig” sa talata 12 ay tumutukoy sa pagpapakita ng pagpipitagan at kagalakan (tingnan sa Mga Awit 2:11; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Takot,” scriptures.lds.org).

May mga taong mali ang pagkaunawa sa tagubilin ni Pablo na “lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas” (Mga Taga Filipos 2:12) at ipinapakahulugan ito na maliligtas tayo sa pamamagitan ng sarili nating mga gawa. Maliligtas lamang tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gayunpaman, dapat nating magawa ang mga kinakailangang gawin para sa kaligtasan, na ibinigay ng Diyos (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3–4). Tulad ng nakatala sa Mga Taga Filipos 2:13, itinuro ni Pablo na tinutulungan ng Diyos ang mga taong nagsisikap na magawa ang mga kinakailangang gawin para sa kaligtasan sa pagtulong sa kanila na “[nasain]”, o hangarin, at sundin ang “kaniyang mabuting kalooban,” o ang Kanyang mga kautusan.

Nalaman natin mula sa Mga Taga Filipos 2:12–13 na tutulungan tayo ng Diyos na hangarin at gawin ang mga kinakailangan para sa ating kaligtasan, na naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo, matutulungan tayo ng Diyos na magbago at mapadalisay ang ating hangarin upang naisin nating sumunod sa Kanya (tingnan sa Mosias 5:2). Kailan mo nadama na binago ng Diyos ang iyong puso kaya’t ninais mong sumunod sa Kanya? Paano ka Niya natulungan na mas tapat na sundin ang Kanyang mga kautusan?

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Filipos 2:14–30, ipinaalala ni Pablo sa mga Banal na sila ay “lumiliwanag tulad sa mga ilaw sa sanglibutan” (Mga Taga Filipos 2:15) at sinabi sa kanila na magpapadala siya ng mga sugo sa kanila para malaman ang kanilang kalagayan.

Mga Taga Filipos 3

Inilarawan ni Pablo ang sakripisyong ginawa niya upang sumunod kay Jesucristo

Ano ang isang bagay na kumakatawan sa pinahahalagahan mo na ituturing din na mahalaga ng mundo (tulad ng isang bagay na kumakatawan sa pamilya, mga kaibigan, edukasyon, pagkain, teknolohiya, o kayamanan)?

Ano ang handa mong isakripisyo para sa pinahahalagahang ito?

Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Filipos 3, alamin ang isinakripisyo ni Pablo para matamo ang isang gantimpala na maaari din nating matamo.

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Filipos 3:1–2, binalaan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa Filipos tungkol sa masasamang guro (“mga aso”) na nagsabing dapat sundin ng mga miyembro ng Simbahan ang ilang gawain ng mga Judio, pati na ang pagtutuli. Itinuro niya sa Mga Taga Filipos 3:3 na yaong “nagsisisamba sa Espiritu ng Dios, at nangagmamapuri kay Cristo Jesus” ay ang “pagtutuli,” o mga pinagtipanang tao ng Diyos.

Basahin ang Mga Taga Filipos 3:4–6, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa kanyang lahing Judio.

Pansinin ang pakinabang o kalamangan na taglay noon ni Pablo sa lipunan at relihiyon ng mga Judio. Siya ay mula sa lahi ng mga Israelita, siya ay isang Fariseo, siya ay tapat sa Judaismo, at sinunod nang lubos ang batas sa relihiyon ng mga Judio.

Basahin ang Taga Filipos 3:7–11, at maaari mong markahan o isulat ang mga salita o parirala na naglalarawan kung paano itinuturing ni Pablo ang pakinabang o kalamangan na taglay niya noon sa lipunan ng mga Judio.

“Tiniis [ni Pablo] ang kalugihan ng lahat ng bagay” (Mga Taga Filipos 3:8) upang makilala niya si Jesucristo; “masumpungan sa kaniya” (Mga Taga Filipos 3:9), o sa pakikipagtipan sa Kanya; mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya; magdusa dahil sa pagsunod sa Kanya; at maging bahagi ng “pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid,” o mabubuti (Joseph Smith Translation, Philippians 3:11).

Basahin ang Mga Taga Filipos 3:12–14, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa kanyang espirituwal na pag-unlad. Tandaan na ang ibig sabihin ng salitang maabot sa kontekstong ito ay matamo.

Sa halip na magtuon sa anumang naiwan niya, si Pablo ay patuloy na sumulong upang matamo ang “ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios” (Mga Taga Filipos 3:14), na siyang buhay na walang hanggan. Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin batay sa natutuhan natin sa halimbawa ni Pablo: Kung tayo ay , makikilala natin Siya at magtatamo ng buhay na walang hanggan.

Ikinuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang tungkol sa pakikipag-usap niya sa isang opisyal sa navy na mula sa ibang bansa at pumunta sa Estados Unidos para sa advanced training at habang namamalagi roon ay sumapi sa Simbahan. Isipin ang handang isakripisyo ng binata para sundin si Jesucristo.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ipinakilala siya sa akin bago siya bumalik sa kanyang bayang sinilangan. … Sabi ko: ‘Ang mga mamamayan ninyo ay hindi Kristiyano. Ano ang mangyayari sa pag-uwi mo na isa ka nang Kristiyano, at, lalo pa’t isang Kristiyanong Mormon?’

“Naging seryoso ang kanyang mukha, at sumagot siya, ‘Malulungkot po ang pamilya ko. Maaari nila akong itakwil at ituring na patay na. Tungkol naman po sa aking kinabukasan at trabaho, maaaring hindi na ako bigyan ng pagkakataon.’

“Nagtanong ako, ‘Handa ka bang gawin ang gayon kalaking sakripisyo para sa ebanghelyo?’

“Nagningning sa kanyang guwapo at kayumangging mukha ang kanyang mga matang nabasa ng mga luha nang sumagot siya, ‘Totoo ito, hindi po ba?’

“Nahiya sa ginawa kong pagtatanong, sumagot akong, ‘Oo, totoo ito.’

“Na sinagot niya ng, ‘Kung gayon, may iba pa po bang mas mahalaga?’” (“It’s True, Isn’t It?” Ensign, Hulyo 1993, 2).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano na ang naisakripisyo mo (o ng isang taong kilala mo) para masunod ang Tagapagligtas?

    2. Bakit sulit sa pagsasakripisyo mo ang makilala si Jesucristo at umunlad tungo sa buhay na walang-hanggan?

  1. journal iconIsiping mabuti kung may isang bagay na kailangan mong isakripisyo upang lubos mo pang masunod si Jesucristo. Sa isang papel, magsulat ng isang mithiin para maisakripisyo ang bagay na ito. Ilagay ang papel sa lugar na palagi mo itong makikita sa susunod na ilang linggo. Pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal ang Nakumpleto ang assignment 4.

Mababasa natin sa Mga Taga Filipos 3:15–21 ang babala ni Pablo tungkol sa pagkawasak na naghihintay sa mga taong nakatuon sa mga bagay at kasiyahan ng mundo. Itinuro rin niya na babaguhin ni Jesucristo ang ating di-perpektong pisikal na katawan at gagawing imortal tulad ng sa Kanya.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Taga Filipos 1–3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: