Library
Unit 12, Day 3: Lucas 23–24


Unit 12: Day 3

Lucas 23–24

Pambungad

Ang Tagapagligtas ay nilitis sa harap nina Poncio Pilato at Herodes Antipas. Walang nakitang kasalanan ang dalawang lalaking ito sa Tagapagligtas sa mga krimeng ipinaratang sa Kanya, gayunpaman pinahintulutan ni Pilato na mapako Siya sa krus. Pinatawad ni Jesus ang mga kawal na Romano na nagpako sa Kanya at tiniyak sa isang magnanakaw na nakapako rin sa krus ang tungkol sa kabilang-buhay. Pagkamatay ni Jesus, inihimlay ang Kanyang katawan sa libingan na pag-aari ni Jose ng Arimatea. Sa ikatlong araw matapos ang kamatayan ni Jesucristo, ibinalita ng mga anghel na naroon sa libingan ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli sa isang grupo ng kababaihan. Si Jesus ay nagpakita kalaunan sa Kanyang mga Apostol at sa iba pa, ipinakita sa kanila ang Kanyang nabuhay na mag-uling katawan, at inatasan silang mangaral ng pagsisisi at maging saksi sa Kanya.

Lucas 23

Ang Tagapagligtas ay nilitis sa harap nina Pilato at Herodes at ipinako sa gitna ng dalawang magnanakaw

Isipin ang isang pagkakataon na pinagmalupitan ka ng isang tao. Paano ka tumugon sa gayong sitwasyon?

Sa pag-aaral mo ng Lucas 23, alamin ang katotohanan na makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano tayo tutugon kapag pinagmalupitan tayo ng iba.

Ipaalala na pagkatapos magdusa ni Jesus sa Getsemani, Siya ay dinakip ng mga punong saserdote at hinatulan Siyang mamatay. Pagkatapos ay dinala nila Siya kay Poncio Pilato, isang Romanong namumuno sa teritoryo ng Judea, at hiniling nila na ipapatay niya si Jesus. Walang makitang anumang pagkakasala si Pilato kay Jesus. Ipinadala niya si Jesus para mahatulan ni Herodes Antipas, na nagpapatay kay Juan Bautista at namamahala sa mga teritoryo ng Galilea at Perea sa ilalim ng awtoridad ng Roma. Wala ring makitang kasalanan si Herodes kay Jesus, kaya sinabi ni Pilato sa mga tao na kanyang parurusahan si Jesus at palalayain Siya. Sumigaw ang mga tao kay Pilato na palayain si Barrabas, isang mamamatay-tao, at hiniling na ipako si Jesus sa krus. Pinalaya ni Pilato si Barrabas at ibinigay sa mga tao si Jesus upang ipako sa krus (tingnan sa Lucas 23:1–25).

Basahin ang Lucas 23:32–34 at ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 23:35 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), na inaalam kung ano ang ipinagdasal ng Tagapagligtas habang Siya ay ipinapako. Maaari mong markahan ang Kanyang panalangin sa iyong mga banal na kasulatan.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit lubos na kaantig-antig at kahanga-hanga ang panalangin ng Tagapagligtas sa sandaling iyon?

    2. Anong alituntunin ang matututuhan natin sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa dapat nating gawin kapag pinagmalupitan tayo ng iba? (Sagutin ang tanong na ito sa pamamagitan ng pagkumpleto sa sumusunod na pahayag: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pagpili na .)

Ang pagpapatawad sa iba ay hindi nangangahulugang hindi natin papanagutin ang isang tao sa kasalanang ginawa niya. Hindi rin ito nangangahulugan na hahayaan nating patuloy tayong pagmalupitan ng mga tao. Sa halip, ang kahulugan ng pagpapatawad ay pakitunguhan nang may pagmamahal ang mga taong nagmalupit sa atin at huwag maghinanakit o magalit sa kanila (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.lds.org).

Isipin kung may taong kailangan mong patawarin. Kung minsan ay mahirap magpatawad. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na inaalam kung ano ang magagawa mo kung nahihirapan kang patawarin ang iba.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Isinasamo ko sa inyo na humingi sa Panginoon ng lakas para makapagpatawad. … Maaaring hindi ito maging madali, at maaaring hindi ito agad mangyari. Ngunit kung hihingin ninyo ito nang taos-puso at pagsisikapan ito, ito ay mangyayari. … Makadarama kayo ng kapayapaan sa inyong mga puso na hindi ninyo matatamo sa ibang paraan. Ang kapayapaang iyan ay ang kapayapaan Niya na nagsabing:

“‘Sapagka’t, kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan.

“‘Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan’ (Mat. 6:14–15)” (“Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 5).

  1. journal iconKumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:

    1. Sagutin ang sumusunod na tanong: Sa palagay mo, paano nakatutulong sa iyo ang paghingi ng lakas upang mapatawad ang taong nagmalupit sa iyo?

    2. Isulat ang isang pangyayari na ikaw (o isang kakilala mo) ay nagpatawad ng isang tao. Alalahanin na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal na bagay.

Hangaring tularan ang halimbawa ni Jesucristo at patawarin ang mga nagmalupit sa iyo. Manalangin at humingi ng lakas at kakayahan na magawa ito. (Alalahanin na kinukondena ng Panginoon ang mapang-abusong pag-uugali sa anumang uri nito—pisikal, seksuwal, verbal, o emosyonal. Ang pang-aabuso o pagmamalupit sa anumang uri nito, kabilang na ang pananakot o pangbu-bully, ay labag sa mga itinuro ni Jesucristo. Ang mga biktima ng pang-aabuso ay makatitiyak na hindi sila sisisihin dahil sa masamang ginawa ng iba. Hindi kailangang makonsiyensya ng mga biktima. Ang mga biktima ng pang-aabuso ay dapat humingi kaagad ng tulong, karaniwan sa kanilang bishop o branch president.)

Ang Pagpapako sa Krus

Nalaman natin sa Lucas 23:35–38 na kinutya ng mga pinunong Judio at mga kawal na Romano ang Tagapagligtas habang Siya ay nakabayubay sa krus. Basahin ang Lucas 23:39–43, na inaalam kung paano Siya tinrato ng dalawang magnanakaw na ipinako sa Kanyang magkabilang tabi. Maaari mong markahan ang mga salita o katagang napansin mo.

Basahin ang sumusunod na pahayag, na inaalam ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niya sa isa sa mga magnanakaw na siya ay isasama Niya sa paraiso:

“Sa mga banal na kasulatan, ang salitang paraiso ay ginamit sa iba’t ibang paraan. Una, ito ay isang lugar ng kapayapaan at kaligayahan sa daigdig ng mga espiritu sa kabilang buhay, na nakatalaga para sa mga nabinyagan at nanatiling tapat (tingnan sa Alma 40:12; Moroni 10:34). …

“Ang ikalawang gamit ng salitang paraiso ay matatagpuan sa pagsasalaysay ni Lucas tungkol sa Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas. … Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na … ang talagang sinabi ng Panginoon ay makakapiling Siya ng magnanakaw sa daigdig ng mga espiritu” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 191; tingnan din sa History of the Church, 5:424–25).

Mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa magnanakaw na nakatala sa Lucas 23:43, nalaman natin na ang mga espiritu ng lahat ng tao ay tutungo sa daigdig ng mga espiritu kapag namatay sila.

Nalaman natin sa Doktrina at mga Tipan 138 na nang mamatay ang Tagapagligtas, ang Kanyang espiritu ay nagtungo sa daigdig ng mga espiritu. Gayunman, hindi Niya dinalaw ang masasama, na nasa isang bahagi ng daigdig ng mga espiritu na tinatawag na bilangguan ng mga espiritu. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:29–32, na inaalam ang ginawa ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu at kung ano ang maaaring nangyari sa magnanakaw pagkamatay niya at pagkapunta sa daigdig ng mga espiritu. Maaari mong isulat ang cross-reference na D at T 138:29–32 sa tabi ng Lucas 23:43 sa iyong mga banal na kasulatan.

Kahit ituturo ang ebanghelyo sa magnanakaw na ito, siya ay hindi kaagad makatatanggap ng kadakilaan sa kaharian ng Diyos. Ang magnanakaw (at ang iba pa na namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo) ay kailangang magsisi at tanggapin ang mga ordenansa na isinagawa sa templo para sa kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:58–59).

Nakasaad sa Lucas 23:44–56 na namatay sa krus ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay ibinalot ang Kanyang katawan sa kayong lino at inihimlay sa isang libingan. Ang mga bagay tungkol sa kamatayan ng Tagapagligtas sa krus ay natalakay na sa lesson para sa Mateo 27.

Lucas 24

Ibinalita ng mga anghel na nabuhay na muli si Jesucristo, at nagpakita si Jesus sa Kanyang mga disipulo

Kunwari ay isa kang missionary, at may nakilala kang isang tao na nagsabing, “Marami akong kilala na hindi naniniwala na may kabilang-buhay. Sinabi ng ilan sa kanila na naniniwala sila kay Jesucristo ngunit hindi sila naniniwala na Siya ay nabuhay na muli at may pisikal na katawan. Sinabi nila na nabubuhay lamang Siya bilang isang espiritu. Ano ang pinaniniwalaan mo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo?”

Paano mo sasagutin ang kanyang tanong?

Basahin ang Lucas 24:1–4, na inaalam ang natuklasan ng kababaihan nang dumating sila sa libingan kung saan nakahimlay ang katawan ni Jesus.

Basahin ang Lucas 24:5–8, na inaalam ang sinabi ng mga anghel sa kababaihan. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Nalaman natin sa Lucas 24:9–10 na nilisan ng kababaihan ang libingan at ibinalita sa mga disipulo ang nakita at narinig nila.

Basahin ang Lucas 24:11, na inaalam ang reaksyon ng mga Apostol sa mga sinabi ng kababaihan.

Ibuod ang naging reaksyon ng mga Apostol sa mga sinabi ng kababaihan:

Pagkarinig sa ibinalita ng kababaihan, tumakbo si Pedro sa libingan at nakita roon ang kayong lino, ngunit wala ang katawan ni Jesus (tingnan sa Lucas 24:12).

Nalaman natin sa Lucas 24:13–32 na nagpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa dalawang disipulo sa daan patungong Emaus. Hindi nakilala ng dalawang disipulo si Jesus nang makisabay Siya sa paglalakad sa kanila at tinuruan sila gamit ang mga banal na kasulatan dahil ang “mga mata nila’y may nakatatakip” (Lucas 24:16). Ayaw ng Tagapagligtas na Siya ay makilala nila kaagad.

Basahin ang Lucas 24:32, na inaalam kung paano nakaapekto sa dalawang disipulo ang mga turo ng Tagapagligtas mula sa mga banal na kasulatan. Maaari mong markahan ang iyong nalaman.

Kaagad bumalik ang dalawang disipulo sa Jerusalem at ikinuwento sa mga Apostol at iba pang mga disipulo ang nangyari sa kanila (tingnan sa Lucas 24:33–35). Habang sila ay nag-uusap, nagpakita ang Tagapagligtas.

Basahin ang Lucas 24:36–39, na inaalam ang katibayan na literal na nabuhay na muli si Jesus at may katawang may laman at mga buto. (Ang Lucas 24:36–39 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong markahan ito sa paraang madali mo itong mahahanap.)

Ipinapakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat

Ano kaya ang mararamdaman mo kung naroon ka nang magpakita ang nabuhay na muling Cristo sa Kanyang mga disipulo?

Basahin ang Lucas 24:40–43, na inaalam kung ano pa ang ginawa ni Jesus para maipakita na Siya ay may nahahawakan (o pisikal) na katawan na nabuhay na muli.

Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na si Jesucristo ay nabuhay na muli na may katawang may laman at mga buto. Lahat ng katawang nabuhay na mag-uli ay may niluwalhating laman at mga buto.

Sa pagbabasa mo ng sumusunod na pahayag, salungguhitan kung bakit mahalagang maunawaan at paniwalaan ang doktrinang ito:

“Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli—maliligtas mula sa pisikal na kamatayan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22). Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang muling pagsasama ng espiritu at katawan sa isang perpekto at imortal na kalagayan, na hindi na dadanas pa ng sakit o kamatayan (tingnan sa Alma 11:42–45). …

“Ang pag-unawa at patotoo sa pagkabuhay na mag-uli ay magbibigay sa inyo ng pag-asa at pananaw habang dumaranas kayo ng mga hamon, pagsubok, at tagumpay sa buhay. Makasusumpong kayo ng kaaliwan sa katiyakang ang Tagapagligtas ay buhay at sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ‘nilagot niya ang mga gapos ng kamatayan, upang ang libingan ay hindi magtagumpay, at ang tibo ng kamatayan ay malamon sa pag-asa ng kaluwalhatian’ (Alma 22:14)” (Tapat sa Pananampalataya, 136–37).

Itinuturo sa atin ng plano ng kaligtasan na ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay naghatid ng pisikal at espirituwal na kamatayan. Hindi tayo makababalik at hindi natin makakapiling ang Ama sa Langit maliban kung may isang Manunubos na daraig sa kasalanan at kamatayan. Madaraig natin ang mga epekto ng Pagkahulog dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung bakit mahalagang maunawaan at paniwalaan ang doktrina ng Pagkabauhay na Mag-uli ni Jesus at kung bakit ito mahalaga sa iyo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Lucas 24:36–39

  1. journal iconBasahing muli ang sitwasyong ikaw kunwari ay isang missionary at may nakilala ka na nagtanong sa iyo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Gamit ang natutuhan natin sa Lucas 24:36–39, isulat ang sagot mo sa taong ito sa iyong scripture study journal.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Lucas 23–24 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: