Library
Unit 8, Day 4: Marcos 9:30–50


Unit 8: Day 4

Marcos 9:30–50

Pambungad

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang nalalapit Niyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at itinuro sa kanila kung sino ang magiging pinakadakila sa kaharian ng Diyos. Nagbabala Siya tungkol sa ibubunga ng pang-uudyok na magkasala ang iba at tinagubilinan ang Kanyang mga disipulo na lumayo sa mga impluwensyang mag-uudyok sa kanila na magkasala.

Marcos 9:30–37

Ibinadya ni Jesus ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at itinuro kung sino ang magiging pinakadakila sa kaharian ng Diyos

Pagkatapos mapaalis ang masamang espiritu mula sa isang batang lalaki (tingnan sa Marcos 9:17–29), ang Tagapagligtas ay naglakbay sa Galilea kasama ang Kanyang mga disipulo. Basahin ang Marcos 9:31–32, at alamin ang mga kaganapang ipinropesiya ng Tagapagligtas.

Pansinin sa mga talatang ito na matapos sabihin ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na Siya ay papatayin at mabubuhay muli sa ikatlong araw, muli nilang hindi naunawaan ang tinutukoy Niya at natakot na magtanong sa Kanya.

Si Jesus kasama ang mga bata

Sa Marcos 9:33–37, nalaman natin na pagdating ni Jesus sa Capernaum, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na ang mga yaong mapagkumbabang naglilingkod sa iba ay ituturing na pinakadakila, o magkakaroon ng napakaringal na kalagayan, sa kaharian ng Diyos. Tinagubilinan din Niya sila na tanggapin sa Simbahan ang mga taong nagpakumbaba ng kanilang sarili tulad ng maliliit na bata at tumatanggap sa Kanya (tingnan sa Joseph Smith Translation, Mark 9:34–35).

Marcos 9:38–50

Si Jesus ay nagbabala sa mga nang-iimpluwensya sa iba na magkasala at sa mga hindi lumalayo sa masasamang impluwensya

Kung nakakita ka ng isang grupo ng mga tao na nakatingala at nakaturo sa isang bagay, ano ang gagawin mo? Titingala ka rin ba, para makita kung ano ang tinitingnan ng mga tao?

Madalas makaimpluwensya ang mga ugali ng tao sa iba pa, at dahil dito ay ginagaya nila ang pananalita, kilos, o asal ng mga ito. Kailan ka nakakita ng isang tao na nagbago sa kanyang pananalita, kilos, o asal dahil sa impluwensya ng iba?

Sa pag-aaral mo ng Marcos 9:38–50, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na pag-isipan ang impluwensya mo sa pagsisikap ng iba na sundin ang Tagapagligtas at gayon din ang impluwensya ng iba sa iyo.

Basahin ang Marcos 9:38, at alamin ang pangyayaring ibinalita ni Apostol Juan sa Tagapagligtas.

Elder Bruce R. McConkie

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na pinagbawalan ng mga Apostol ang lalaking ito na magpaalis ng mga demonyo dahil hindi siya kasama sa paglalakbay ng Labindalawang Apostol: “Hindi siya kabilang sa mga disipulo na napakalapit sa Tagapagligtas na kasamang naglalakbay, kumakain, natutulog, at palaging kausap ng Panginoon. … Ngunit malinaw sa itinugon ng ating Panginoon na siya ay miyembro ng simbahan, isang tunay na tagapangasiwa na kumikilos nang may awtoridad ng priesthood at may malakas na pananampalataya” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:417).

Sinabi ng Tagapagligtas sa mga Apostol na huwag pagbawalan ang lalaki at itinuro na magagantimpalaan ang mga taong tumutulong sa Kanyang mga kinatawan (tingnan sa Marcos 9:39–41).

Basahin ang Marcos 9:42, na inaalam ang babala ng Tagapagligtas. Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang ikatitisod ay pang-uudyok o pang-iimpluwensya sa iba na magkasala.

Kabilang sa “maliliit na ito na sumasampalataya [kay Jesus]” ay ang mapagkumbaba at nananalig na mga disipulo ng Tagapagligtas, anuman ang edad nila. Kabilang din dito ang mga taong bago pa sa Simbahan at walang gaanong alam sa ebanghelyo, tulad ng mga kabataan at mga bagong miyembro.

Ipinaliwanag ni Elder McConkie na “mas mabuti pang mamatay at mapagkaitan ng pagpapalang patuloy na mabuhay sa mundong ito kaysa mabuhay at mag-udyok ng mga kaluluwa palayo sa katotohanan” at magdanas ng matinding pagdurusa at pagkahiwalay sa Diyos dahil sa kagagawan natin (Doctrinal New Testament Commentary, 1:420).

Ang isang alituntunin na natutuhan natin mula sa babala ng Tagapagligtas sa Marcos 9:42 ay na, kung iimpluwensyahan natin na magkasala ang mga taong naniniwala kay Jesucristo, mananagot tayo sa harapan ng Diyos.

Pag-isipan ang mga paraan na maaaring maimpluwensyahan ng isang tao na magkasala ang mga naniniwala kay Jesucristo.

Isiping mabuti ang impluwensya mo sa mga taong naniniwala kay Jesucristo. Naiimpluwensyahan mo ba sila na ituon ang kanilang buhay sa Kanya o talikuran Siya?

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, maglista ng mga paraan na maaari mong maimpluwensyahan ang iba na maniwala kay Jesucristo at iwasan ang magkasala. Bilugan ang isa sa iyong mga ideya, at magtakda ng goal o mithiin na magawa ito.

Subukang alisin ang pagkakatali ng sintas, kurbata, o lubid at muling itali ang mga ito gamit lamang ang isang kamay.

Anong mga hamon ang mararanasan mo kung mawalan ka ng isang kamay? Kailan mas makabubuting mawalan ng isang kamay kaysa mapanatili ang dalawang kamay?

Ang amputation ay sadyang pagputol ng isang bahagi ng katawan, tulad ng kamay o paa, na napinsala nang husto, may diperensya, o naimpeksyon. Bagama’t ang amputation at kasunod na pagpapagaling ay maaaring maging napakasakit at sobrang nakapanlulumo, pinipigilan nito ang pagkalat ng sakit o impeksyon at pagkakaroon ng iba pang pinsala o kamatayan.

Basahin ang Marcos 9:43, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kung kailan mas makabubuting maputulan ng isang kamay kaysa panatilihin ang dalawang kamay.

Matalinghagang itinuro ng Tagapagligtas na mas mainam na maputol ang isang kamay kaysa panatilihin ang dalawang kamay kapag iniimpluwensyahan tayo ng isa sa ating mga kamay na magkasala at magpapatuloy sa pag-impluwensya sa atin na magkasala. Hindi Niya sinasabing literal nating putulin ang isa sa ating mga kamay; gumamit Siya ng matalinghagang pananalita para bigyang-diin ang kahalagahan ng itinuro Niya. Ginamit ni Jesus ang talinghagang pagputol ng isang kamay upang ipakita kung gaano kahalaga at gaano kahirap lumayo sa ilang masasamang impluwensya.

Ipinaunawa nang mas malinaw sa atin ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang itinuro ng Tagapagligtas sa Marcos 9:43–48. Sa mga talatang ito, nalaman natin na ginamit ng Tagapagligtas ang kamay, paa, at mata upang isagisag ang mga impluwensya sa ating buhay na nag-uudyok sa atin na magkasala.

stick figure
  1. journal iconMagdrowing ng larawan ng tao sa iyong scripture study journal. Bilugan ang isang kamay, paa, at mata ng larawang idinrowing mo. Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:40–48 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), at alamin kung saan inihalintulad ng Tagapagligtas ang isang kamay, paa, at mata na “makapagpapatisod” sa isang tao, o makakaimpluwensya sa iba na magkasala. Isulat ang isinasagisag ng kamay, paa, at mata na binilugan mo sa iyong drowing. Ang salitang buhay sa mga talatang ito ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan.

Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, ang kamay ay sumasagisag sa ating mga kapamilya at kaibigan, ang paa ay sumasagisag sa mga taong huwaran natin sa pag-iisip at pagkilos, at ang mata ay sumasagisag sa ating mga lider. Pag-isipang mabuti kung papaanong ang paglayo sa masasamang impluwensya, o mga impluwensyang nag-uudyok sa ating magkasala o mawalan ng pananampalataya, ay maaaring tulad ng pagputol sa isang kamay o paa. Ayon sa mga talatang nabasa mo, ano ang maaaring mangyari kung hindi tayo lalayo sa masasamang impluwensya?

Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Marcos 9:43–48: Mas makabubuting lumayo tayo sa masasamang impluwensya kaysa mahiwalay tayo sa Diyos.

Elder Walter F. González

Itinuro ni Elder Walter F. González ng Pitumpu ang tungkol sa iba pang mga impluwensyang dapat nating layuan: “Nangangahulugan din na ang pagputol na iyon ay hindi lamang tumutukoy sa mga kaibigan kundi sa lahat ng masasamang impluwensya, tulad ng mga hindi angkop na palabas sa telebisyon, Internet site, pelikula, babasahin, laro, o musika. Ang pagsulat sa ating kaluluwa ng alituntuning ito ay tutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso na magpadala sa anumang masasamang impluwensya” (“Ngayon ang Panahon,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 55).

Ang paglayo natin sa masasamang impluwensya ay hindi nangangahulugang pakikitunguhan natin nang hindi mabuti ang iba, magsasalita nang hindi maganda sa iba, o hindi makikihalubilo sa mga taong hindi miyembro ng Simbahan. Sa halip, dapat tayong lumayo, o umiwas sa pakikisama sa mga taong mag-uudyok sa ating magkasala. Bagama’t hindi natin maaalis o maiiwasan ang lahat ng impluwensya na maaaring mag-udyok sa atin na magkasala, tayo ay pagpapalain ng Panginoon kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para makalayo sa anumang masamang impluwensya at kapag sinikap nating magkaroon ng disiplina sa sarili para maiwasan ang impluwensyang hindi natin lubusang maalis.

Isipin ang mga hamong maaaring maranasan natin sa paglayo natin sa masasamang impluwensya. Paano natin malalaman ang tamang paraan sa paglayo sa masasamang impluwensya?

  1. journal iconBasahin ang mga sumusunod na sitwasyon. Sagutin ang mga kalakip na tanong sa iyong scripture study journal.

    1. May mga kaibigan ako na inuudyukan ako na sumali sa mga aktibidad na lumalabag sa mga utos ng Diyos. Gayunman, inisip ko na maaari akong maging mabuting impluwensya sa kanila kung patuloy akong sasama sa kanila. Anong uri ng pakikitungo ang dapat kong ipakita sa kanila? Ano ang dapat kong sabihin at gawin para maayos akong makalayo sa mga kaibigang ito?

    2. Ilang taon na akong tagahanga ng isang popular na banda. Sa ilan sa kanilang huling musika at interbyu, naghihikayat sila ng mga pag-uugali at ideyang salungat sa mga pamantayan at mga turo ng Panginoon. Musika at mga titik lang naman ito, ‘di ba? Kaya, ano ba ang masama kung patuloy kong pakikinggan ang kanilang musika at susundan sila sa social media?

    3. Palagi kong naririnig ang tungkol sa isang popular na show o palabas, at interesado akong panoorin ito. May nagsabi sa akin na may masasamang pananalita at imoralidad at karahasan dito, pero hindi ko naman gagayahin ang masasamang bagay na maririnig o makikita ko. Kaya, ano ang magiging problema kung panonoorin ko ito?

Kahit mahirap kung minsan na lumayo sa mga impluwensyang nag-uudyok sa atin na magkasala, bakit ang mga gantimpala, kasama rito ang buhay na walang hanggan, ay sulit sa sakripisyong ito?

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan mo, o ng isang kakilala mo, pinili na lumayo sa masasamang impluwensya? (Iwasang magsulat ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)

    2. Anong mga pagpapala ang dumating sa paggawa nito?

Pag-isipang mabuti kung may anumang impluwensya sa iyong buhay na maaaring mag-udyok sa iyo na magkasala. Sa isang hiwalay na papel, isulat kung paano mo ilalayo ang iyong sarili sa mga impluwensyang ito. Ilagay ang papel sa lugar na palagi mong makikita.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Marcos 9:30–50 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: