Library
Unit 1, Day 1: Ang Plano ng Kaligtasan


Unit 1: Day 1

Ang Plano ng Kaligtasan

Pambungad

Binigyang-diin ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng isang maikling buod ng plano ng kaligtasan bago simulan ang kursong pag-aaralan sa bawat taon:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang maikling buod ng ‘plano ng kaligtasan’ … , kung ituturo sa simula pa lang at pag-aaralang muli paminsan-minsan ay napakalaking tulong … sa mga estudyante. …

“Nagtataka ang mga kabataan kung ‘bakit?’—Bakit tayo inutusang gawin ang ibang mga bagay, at bakit tayo inutusang hindi gawin ang ibang bagay? Ang kaalaman sa plano ng kaligayahan, kahit naka-outline lamang, ay nagbibigay ng sagot sa mga tanong na ‘bakit’ na nasa isip ng mga kabataan” (“The Great Plan of Happiness,” sa Teaching Seminary: Preservice Readings [Church Educational System manual, 2004], 69–70, LDS.org; tingnan sa Alma 12:32).

Ang lesson na ito ay nagbibigay ng maikling buod ng plano ng kaligtasan at nakapokus sa mahalagang ginagampanan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa planong iyan.

Ang Tungkulin ni Jesucristo sa Buhay Bago ang Buhay sa Mundo

Ano ang sasabihin mo kapag may nagtanong sa iyo kung bakit mahalaga sa iyo si Jesucristo?

Malalaman mo sa lesson ngayon ang ginagampanan ni Jesuscristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mapalakas ang pananampalataya mo kay Jesucristo.

  1. journal iconIdrowing ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Magsusulat ka ng mga doktrina sa iyong chart habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito.

    Si Jesucristo ang Sentro sa Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit

    Buhay Bago ang Buhay sa Mundo

    Buhay sa Mundo

    Kabilang-Buhay

Ang plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligtasan ay binubuo ng tatlong pangunahing yugto: ang ating buhay bago ang buhay sa mundo, na naganap bago tayo isinilang; ang ating buhay sa mundo; at ang kabilang-buhay.

Basahin ang sumusunod na pahayag, at markahan ang mga salita o kataga na naglalarawan sa mga limitasyon na naranasan natin sa ating buhay bago ang buhay sa mundo:

“Nabuhay tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit bago tayo isinilang sa mundong ito [tingnan sa Mga Gawa 17:28–29; Abraham 3:22–26]. Pero hindi tayo katulad ng ating Ama sa Langit, ni magiging katulad Niya at makakamtan ang lahat ng biyayang mayroon Siya kung hindi tayo mabubuhay bilang mortal na may pisikal na katawan.

“Ang buong layunin ng Diyos—Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian—ay ang magawa nating tamasahin ang lahat ng Kanyang mga biyaya [tingnan sa Moises 1:39]. Naglaan Siya ng perpektong plano para maisagawa ang Kanyang layunin. Naunawaan at tinanggap natin ang planong ito bago tayo naparito sa lupa. …

“… Para umunlad at maging tulad ng Diyos, dapat magkaroon ang bawat isa sa atin ng pisikal na katawan para subukin sa panahon ng pagsubok” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 53).

Nang ihayag ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan, natutuhan natin na kailangan ng tagapagligtas para magawa ang planong ito. Si Lucifer, na isa sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit, ay sumalungat sa plano ng Ama sa Langit. Nakilala siya bilang si Satanas.

Basahin ang Moises 4:1–3, na inaalam ang hinangad ni Satanas sa Ama sa Langit.

Ano ang hinangad ni Satanas sa Ama sa Langit?

Natutuhan natin sa Moises 4:2 na si Jesucristo ang pinili mula pa sa simula na gumawa ng kalooban ng Ama sa Langit. Sa iyong chart, sa column na “Buhay Bago ang Buhay sa Mundo,” isulat ang sumusunod na doktrinang nalaman natin mula sa talatang ito: Si Jesucristo ay pinili bago pa man isinilang sa mundo na maging Manunubos ng lahat ng tao.

Matapos mapili si Jesucristo na magsagawa ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, kailangang lumikha ng isang mundo kung saan tayo magkakaroon ng pisikal na katawan at magtatamo ng karanasan.

Basahin ang Sa Mga Hebreo 1:1–2, na inaalam ang ginampanan ni Jesucristo sa paglikha ng mundo.

Natutuhan natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na doktrina: Sa patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mundong ito. Isulat ang doktrinang ito sa column na “Buhay Bago ang Buhay sa Mundo” sa chart mo sa iyong scripture study journal.

lawa sa bundok
  1. journal iconIsipin ang kagandahan ng mundo at ang mga pagkakataon kung kailan at ang lugar kung saan talagang pinahalagahan mo ang mga ito. Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod:

    1. Ilarawan ang isang pagkakataon na pinahalagahan mo ang kagandahan ng mundo.

    2. Nang malaman mong nilikha ni Jesucristo ang mundong ito, ano ang naging epekto nito sa damdamin mo tungkol sa Kanya?

Ang Tungkulin ni Jesucristo sa Buhay sa Mundo

Matapos pumarito sa mundo at magkaroon ng pisikal na katawan, nakaranas tayo ng iba pang mga hadlang na pipigil sa atin na maging katulad ng Ama sa Langit at makabalik sa Kanyang piling. Dalawa sa mga hadlang na ito ang pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan. Ang pisikal na kamatayan ay ang paghihiwalay ng ating katawan at espiritu, at ang espirituwal na kamatayan ay ating pagkawalay mula sa Diyos. Basahin ang sumusunod na pahayag, at markahan ang mga salita o kataga na naglalarawan sa dalawang hadlang na ito na ating nararanasan sa buhay natin sa mundo:

“Sa mortalidad daranasin natin kapwa ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Ang Diyos ay may perpekto, niluwalhati, at imortal na katawan na may laman at buto. Para maging tulad ng Diyos at makabalik sa piling Niya, dapat ay mayroon din tayong imortal na katawang may laman at buto. Pero dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, bawat tao sa lupa ay may katawang mortal na hindi perpekto at sa bandang huli’y mamamatay. Kung hindi dahil sa Tagapagligtas na si Jesucristo, kapag namatay ang tao ay wala nang pag-asa pa ang lahat na makapiling ang Ama sa Langit balang-araw.

“Kaakibat ng pisikal na kamatayan, ang kasalanan ang pinakamalaking hadlang na pipigil sa atin na maging katulad ng ating Ama sa Langit at makabalik sa Kanyang piling. Sa ating mortal na kalagayan madalas tayong natutukso, lumalabag sa mga kautusan ng Diyos, at nagkakasala. … Kahit kung minsan ay parang kabaligtaran ang nangyayari, laging nauuwi sa kalungkutan ang kasalanan. Nagiging sanhi ng dusa at kahihiyan ang kasalanan. Dahil sa ating mga kasalanan, hindi tayo makababalik sa piling ng Ama sa Langit maliban kung napatawad at nalinis muna tayo.

“… Tulad ng pisikal na kamatayan, hindi natin madadaig ang epekto ng kasalanan nang mag-isa. Wala tayong magagawa kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 55).

Bago isinilang si Jesus sa mundo, matapos malaman ni Jose na nagdadalang-tao si Maria, binisita siya ng isang anghel sa panaginip. Basahin ang Mateo 1:21, na inaalam ang ipinahayag ng anghel kay Jose.

Mula sa sinabi ng anghel na gagawin ni Jesus, nalaman natin na pumarito si Jesucristo upang iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Isulat sa chart mo ang doktrinang ito sa column na “Buhay sa Mundo.”

Maliligtas tayo mula sa ating mga kasalanan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kalakip sa Pagbabayad-sala ang pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Si Cristo sa Getsemani, Pagpapako sa Krus, nabuhay na muling Cristo

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na mga tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang dapat nating gawin upang maligtas mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

    2. Ayon sa Mga Gawa 2:32, ano pa ang dapat nating gawin?

Ang Tungkulin ni Jesucristo sa Kabilang-Buhay.

Namatayan ka na ba ng minamahal na kapamilya o kaibigan?

Dahil sa ating kaalaman sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, alam natin na sa kamatayan, ang mga espiritu ng lahat ng tao ay papasok sa daigdig ng mga espiritu.

Basahin ang I Ni Pedro 3:18–20 at I Ni Pedro 4:6, na inaalam ang ginawa kaagad ni Jesus matapos ang Kanyang kamatayan.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:18–19, 30–32, na inaalam ang ginawa ni Jesucristo upang maipangaral ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu. (Ang Doktrina at mga Tipan 138 ay isang paghahayag tungkol sa daigdig ng mga espiritu na natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith habang pinagninilayan niya ang pagpunta ng Tagapagligtas sa mga espiritu ng mga namatay na habang nasa libingan ang katawan Niya.)

Ibuod ang ginawa ni Jesucristo para maipangaral ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu:

Nabuhay na muli ang Tagapagligtas sa ikatlong araw matapos ang Kanyang kamatayan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:4). Kapag nabuhay na muli ang isang tao, ang espiritu at katawan niya ay muling magsasama, na hindi na kailanman muling maghihiwalay (tingnan sa D at T 138:17).

Si Jesucristo na kasama si Maria

Ang nabuhay na muling Panginoon

Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:20–22, na inaalam ang epekto sa atin ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Sa iyong chart, sa column na “Kabilang-Buhay,” isulat ang sumusunod na doktrina: Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay ring muli.

Basahin ang Apocalipsis 20:12, na inaalam ang mangyayari sa atin kapag nabuhay tayong muli.

Ang aklat ng buhay ay kumakatawan sa iniisip at ginagawa ng isang tao sa buhay na ito, gayundin ng mga talaang iniingatan sa langit tungkol sa mabubuti (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng buhay”). Hahatulan tayo hindi lamang ayon sa ating mga gawa kundi ayon din sa ating mga isipan, mga salita, at mga pagnanais (tingnan sa Mosias 4:30; Alma 12:14; D at T 137:9).

Basahin ang Juan 5:22, na inaalam kung sino ang hahatol sa atin. (Maaari mong isulat ang Juan 5:22 sa margin ng mga banal na kasulatan mo malapit sa Apocalipsis 20:12.)

Sa iyong chart, sa column na “Kabilang-Buhay,” isulat ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang hahatol sa lahat ng tao.

Ang pinakalayunin ng plano ng Ama sa Langit ay magbigay sa lahat ng Kanyang mga anak ng pagkakataong magtamo ng buhay na walang hanggan, o ng kadakilaan, na ibig sabihin ay makatulad ang Ama sa Langit at makapiling Siya magpakailanman sa walang-hanggang pamilya. Isipin ang pamilya mo ngayon at ang pamilya na nais mong magkaroon balang-araw.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung bakit mahalaga sa iyo na mamuhay magpakailanman kasama ang Ama sa Langit at ang mga kapamilya mo.

Basahin ang Juan 3:5, 16–17, na inaalam ang dapat gawin ng bawat isa sa atin upang matanggap ang buhay na walang hanggan.

Ang ibig sabihin ng maniwala sa Bugtong na Anak ay sumampalataya kay Jesucristo at mamuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo.

Sa iyong chart, sa column na “Kabilang-Buhay,” isulat ang sumusunod na alituntunin: Kung mananampalataya tayo kay Jesucristo at mamumuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo, makatatanggap tayo ng buhay na walang hanggan.

  1. journal iconIsipin muli ang tanong sa simula ng lesson: “Ano ang sasabihin mo kapag may nagtanong sa iyo kung bakit mahalaga sa iyo si Jesucristo?” Sa iyong scripture study journal, isulat ang iyong sagot sa tanong na ito ayon sa natutuhan at nadama mo sa iyong pag-aaral ngayon.

Maaari mong gamitin ang chart na ginawa mo sa iyong scripture study journal upang ituro sa pamilya mo o sa iba ang tungkol sa ginagampanan ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang lesson na “Ang Plano ng Kaligtasan” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: