Unit 19: Day 2
Mga Gawa 15
Pambungad
Ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Judea ay naglakbay papunta sa Antioquia at itinuro sa mga nagbalik-loob na Gentil na kailangan nilang matulian para maligtas. Dinala nina Pablo at Bernabe ang usaping ito sa mga Apostol sa Jerusalem. Ang kaganapang ito, na tinatawag kung minsan na kumperensya sa Jerusalem, ay idinaos noong mga A.D. 49–50. Sa kumperensyang ito, nagpatotoo si Pedro na ililigtas ng Diyos ang matatapat na Judio at Gentil, natulian man sila o hindi. Pinagtibay ni Santiago ang mga salita ni Pedro sa paggamit ng mga salita mula sa mga banal na kasulatan. Nagpadala ang mga Apostol ng mga sulat sa mga miyembro ng Simbahan sa Antioquia, Siria, at Cilicia na nagpapaliwanag na hindi na kailangan ang pagtutuli para sa kaligtasan. Pinili ni Pablo si Silas na maging kompanyon sa misyon at nagsimula sa kanyang pangalawang misyon.
Ang Mga Gawa 15:1–29
Sa pamamagitan ng inspiradong pagpupulong, natanto ni Pedro at ng iba pang mga Apostol na hindi na iniuutos ng Panginoon ang pagtutuli
Magsulat ng limang mahahalagang desisyon na kailangan mong gawin ngayon at sa hinaharap:
Isipin kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Bakit isang katalinuhan ang hingin ang tulong ng Diyos kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon?
-
Ano ang magagawa mo para malaman ang kalooban ng Diyos para sa iyo?
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 15, alamin ang mga katotohanan na gagabay sa iyo kapag hinangad mong malaman ang kalooban ng Diyos para sa iyo.
Upang mas maunawaan ang Mga Gawa 15, mahalagang malaman na habang bumibisita sina Pablo at Bernabe sa mga Banal sa Antioquia, ilang Judio mula sa Judea na naging Kristiyano ang nagturo tungkol sa kailangang gawin ng mga nagbalik-loob na Gentil para maligtas. Ang mga kalalakihang ito, at iba pang katulad nila, ay nakilala bilang “Judaizers” dahil ipinipilit nila na kinakailangang sumapi sa Judaismo ang mga nagbalik-loob na Gentil.
Basahin ang Mga Gawa 15:1, na inaalam ang itinuro ng mga kalalakihang ito mula sa Judea na kinakailangang gawin ng lahat ng nagbalik-loob na Gentil upang maligtas.
Bilang bahagi ng tipang ginawa kay Abraham, iniutos ng Diyos na kailangang matulian ang lahat ng kalalakihang nakipagtipan sa Kanya. “Isinasagawa ang pagtutuli sa pamamagitan ng pagputol sa ‘laman ng balat na masama’ ng mga lalaking sanggol at gayundin ng matatanda. Tinamasa ng mga yaong tumanggap nito ang mga pribilehiyo at tinanggap ang mga tungkulin ng tipan” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagtutuli,” scriptures.lds.org). Naging tanda o paalala ang pagtutuli sa tipang ginawa ng mga tao sa Diyos. Muling pinasimulan ang gawaing ito sa panahon ni Moises at patuloy na ginawa sa mga naniniwalang sambahayan ni Israel hanggang sa panahon ng Tagapagligtas.
Basahin ang Mga Gawa 15:2–3, na inaalam kung ano ang nangyari pagkatapos marinig nina Pablo at Bernabe na itinuturo ng mga kalalakihang ito na kailangang matuli ang mga nabinyagang Gentil. Ang ibig sabihin ng mga katagang “di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila” (Mga Gawa 15:2) ay nakipagtalo ang mga miyembro ng Simbahan kina Pablo at Bernabe na nagsasabing kinakailangang matuli ang mga Gentil.
Ayon sa talata 2, ano ang ipinasya nilang gawin?
Basahin ang Mga Gawa 15:4–6, na inaalam kung ano ang nangyari nang dumating si Pablo at ang iba pa sa Jerusalem. Ang mga katagang “pagusapan ang bagay na ito” sa talata 6 ay tumutukoy sa pagsasanggunian at pag-uusap.
Basahin ang Mga Gawa 15:7–11 na inaalam ang sinabi ni Pedro sa council o kapulungan. Ang ibig sabihin ng mga katagang “maraming pagtatalo” sa talata 7 ay pinag-usapan nang husto ng mga Apostol ang tungkol sa pagtutuli.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng sinabi ni Pedro na “tayo’y [mga nagbalik-loob na Judio] hindi itinangi [ng Diyos] sa kanila [mga nagbalik-loob na Gentil]” (Mga Gawa 15:9)?
Si Pedro ang senior na Apostol dito sa lupa at, samakatwid, may awtoridad na magsalita para sa Panginoon. Ang inspiradong pahayag ni Pedro na hindi na kailangang tuliin ang mga Gentil ay halimbawa ng paggabay ng Panginoon sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga Apostol (tingnan sa Mga Gawa 1:2).
Mula sa mga talatang ito, matututuhan natin ang sumusunod na katotohanan: Malalaman natin ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol. Maaari mong isulat ang katotohanang ito o magkomento tungkol dito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mga Gawa 15:6–7.
Sa ating panahon, ano ang ilan sa mga paraan na natutulungan tayo ng mga buhay na Apostol na malaman ang mga paghahayag na natanggap nila?
Basahin ang Mga Gawa 15:12–15, na inaalam kung paano tumugon ang mga tao sa pahayag ni Pedro na ang pagtutuli ay hindi kailangan para maligtas.
Si Pedro ang nangulo sa kumperensyang ito, at tila si Santiago ang nangasiwa sa pulong. Si Santiago ay kapatid ni Jesucristo sa ina at ang unang bishop ng kongregasyon ng Simbahan sa Jerusalem. Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 15:16–18, binanggit ni Santiago ang sinabi ng propetang si Amos (tingnan sa Amos 9:11–12) upang ipakita na ayon sa mga salita ng mga propeta ang ipinahayag ni Pedro, tulad ng nakatala sa mga banal na kasulatan.
Batay sa itinuro ni Santiago, natutuhan natin ang sumusunod na katotohanan: Malalaman natin ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong isulat ang katotohanang ito o magkomento tungkol dito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mga Gawa 15:15–18.
Basahin ang Mga Gawa 15:19–20, na inaalam ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga lider ng Simbahan.
Ang ibig sabihin ng salitang hatol sa talata 19 ay mungkahi o rekomendasyon. Inihayag ni Santiago ang kanyang suporta sa pamamalakad na ipinahayag ni Pedro, na nangungulo sa buong Simbahan, sa Mga Gawa 15:7–11 (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:143). Sa Mga Gawa 15:20, pansinin kung anong mga bahagi ng batas ni Moises ang sinabi ni Santiago na dapat pa ring sundin ng mga nagbalik-loob.
Basahin ang Mga Gawa 15:22–27, na inaalam ang pasiya ng council.
Nagpasiya ang council na magpadala ng mga sulat sa mga miyembro ng Simbahan na nagpapahayag na ang pagtutuli ay hindi na kinakailangan para sa kaligtasan at na ito ang nagkakaisang pasiya ng mga Apostol. Sinusunod ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang ganito ring paraan sa ating panahon upang mabigyan ng patnubay ang mga miyembro ng Simbahan.
Mula sa tala na ito sa Mga Gawa 15, nalaman natin ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng sama-samang pagsasanggunian at pag-uusap at paghingi ng paghahayag mula sa Diyos, tumatanggap ang mga lider ng Simbahan ng inspirasyon tungkol sa mahihirap na problema.
Para mas maunawaan kung paano nauugnay ang katotohanang ito sa Simbahan ngayon, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pagkatapos gamitin ang mga halimbawa sa Mga Gawa 10 at Mga Gawa 15 upang ilarawan kung paano “maaari mangusap [ang Tagapagligtas] sa bawat isa sa Kanyang mga lingkod o sa lupon ng Kanyang mga lingkod,” sinabi ni Elder Christofferson: “Ang mga huwarang ito ay sinusunod ngayon sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Ang Pangulo ng Simbahan ay maaaring maglahad o magbigay-kahulugan sa mga doktrina batay sa paghahayag sa kanya (tingnan, halimbawa, sa D at T 138). Ang paliwanag ukol sa doktrina ay maaari ding dumating sa pamamagitan ng magkasamang kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan, halimbawa, sa, Opisyal na Pahayag 2). Palaging nababanggit sa pinag-uusapan sa kapulungan ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga lider ng Simbahan, at mga dating ginagawa. Ngunit sa huli, tulad sa Simbahan sa Bagong Tipan, ang adhikain ay hindi lamang ang magkaisa ang mga miyembro ng kapulungan kundi ang magtamo ng paghahayag mula sa Diyos. Ito ay prosesong kinapapalooban kapwa ng katwiran at pananampalataya na makamit ang kagustuhan at kalooban ng Panginoon” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88).
Basahin ang Mga Gawa 15:28–29, na inaalam ang isinulat ng mga Apostol at mga elder sa kanilang mga liham sa mga miyembro ng Simbahan. Ang ibig sabihin ng mga katagang “huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan” sa talata 28 ay hindi na kailangang sundin ng mga tao ang anumang iba pang bagay na mula sa mga tao at hindi mula sa Diyos.
Ayon sa Mga Gawa 15:28, paano nalaman ng mga Apostol ang kalooban ng Diyos hinggil sa mga kinakailangan para sa mga nagbalik-loob na Gentil?
Hindi lamang binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo ang mga Apostol habang nag-uusap sila, kundi pinagtibay rin Niya na tama ang kanilang pasiya. Nalaman natin mula sa Mga Gawa 15:28 na ang isang paraan para malaman natin ang kalooban ng Panginoon ay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo.
-
Suriin ang isinulat mong mahahalagang desisyon sa simula ng lesson. Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano mo gagamitin ang mga salita ng mga propeta sa makabagong panahong ito at ang mga banal na kasulatan upang matamo ang patnubay ng Panginoon sa mga sitwasyon sa kasalukuyan at hinaharap.
Mga Gawa 15:30–41
Dinala ni Pablo at ng iba pa ang sulat ng mga Apostol sa mga miyembro ng Simbahan sa Antioquia
Ipinaliwanag sa Mga Gawa 15:30–41 na dinala ng ilang lider ng Simbahan ang liham ng mga Apostol sa mga miyembro ng Simbahan sa Antioquia. At, pagkatapos mangaral sa Antioquia, hiniling ni Pablo kay Bernabe na samahan siya sa pagbisita sa lahat ng lugar kung saan nila naipangaral ang ebanghelyo sa kanilang unang misyon. Gusto ni Bernabe na isama nila si Marcos, pero tumanggi si Pablo dahil iniwan sila ni Marcos sa kanilang unang misyon. Matapos ang bahagyang pagtatalo ng dalawang marangal na lider na ito ng Simbahan, naayos ito nang magpasiya si Bernabe na isasama niya si Marcos sa Chipre at pinili ni Pablo si Silas bilang kompanyon sa misyon at sinimulan ang kanyang pangalawang misyon.
Hindi itinuturing na kasalanan ang hindi pagsang-ayon sa iba. Tulad ng ipinapakita sa tala na ito, sa halip na makipagtalo dapat nating hangaring makahanap ng solusyon sa hindi natin pagkakasundo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 15 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: