Library
Unit 18, Day 2: Mga Gawa 8


Unit 18: Day 2

Mga Gawa 8

Pambungad

Nagdulot ang pang-uusig sa Simbahan sa Jerusalem ng pagkalat ng mga miyembro ng Simbahan sa buong Judea at Samaria. Naglingkod si Felipe sa Samaria, kung saan maraming tao ang tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo. Matapos ipagkaloob nina Pedro at Juan ang kaloob na Espiritu Santo sa mga bagong miyembro, isang manggagaway na nagngangalang Simon ang nagtangkang bilhin ang priesthood. Pinapunta kalaunan ng Diyos si Felipe sa isang opisyal na taga Etiopia na tinuruan ni Felipe tungkol kay Jesucristo at nabinyagan.

Sa buong lesson na ito, maaari kang tumingin sa Mga Mapa sa Biblia 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang iba’t ibang bayan at lugar na nabasa mo.

Mga Gawa 8:1–25

Naglingkod si Felipe sa Samaria, kung saan nagtangkang bilhin ni Simon na manggagaway ang priesthood

Kung nakatanggap ka ng malaking halaga ng pera, ano ang bibilhin mo?

Naniniwala ang ilang tao na mabibili ng pera ang anumang bagay. Gayunman, hindi mabibili ng pera ang ilan sa pinakamahahalagang bagay sa buhay. Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 8, alamin ang isang kaloob mula sa Diyos na hindi mabibili ng pera.

Nalaman mo sa Mga Gawa 7 ang tungkol sa pagkamatay ng disipulong si Esteban sa mga kamay ng mga taga-usig. Basahin ang Mga Gawa 8:1–5, na inaalam ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa pang-uusig sa Simbahan sa Jerusalem. Ang ibig sabihin ng salitang kinakaladkad sa talata 3 ay puwersahang hinihila.

Pansinin ang pangalang Felipe sa talata 5. Isa Si Felipe sa pitong disipulo na inordena upang tumulong sa Labindalawang Apostol sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 6:5).

Tingnan ang “Buod ng mga Gawa ng mga Apostol” sa Unit 17: Day 1 lesson, at basahin ang iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na nakatala sa Mga Gawa 1:8. Ayon sa Mga Gawa 8:5, paano tumulong si Felipe na maisagawa ng utos na ito?

Basahin ang Mga Gawa 8:6–8, na inaalam ang naging reaksyon ng mga Samaritano sa pangangaral ni Felipe at sa mga himalang ginawa niya.

Basahin ang Mga Gawa 8:9–11, at pansinin kung paano inilarawan si Simon, isang lalaki sa bayang iyon.

Ano ang impluwensya ni Simon sa mga tao?

Elder Bruce R. McConkie

Binigyang-kahulugan ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang panggagaway bilang “paggamit ng kapangyarihang natamo mula sa tulong o puwersa ng masasamang espiritu” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 747).

Basahin ang Mga Gawa 8:12–13, na inaalam kung paano tumugon si Simon sa pangangaral ni Felipe.

Ayon sa talata 13, paano naapektuhan si Simon ng “mga himala at mga tanda” na nakita niya?

Nalamin natin sa Mga Gawa 8:14–16 na pumunta sina Pedro at Juan sa Samaria matapos marinig na tinanggap ng mga tao roon ang salita ng Diyos. Nagdasal sila na makatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ang mga nabinyagang Samaritano.

Basahin ang Mga Gawa 8:17, na inaalam ang ginawa nina Pedro at Juan para sa mga bagong miyembro ng Simbahan sa Samaria.

Inilalarawan ng talang ito ang sumusunod na doktrina: Ipinagkakaloob ang kaloob na Espiritu Santo pagkatapos ng binyag sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga awtorisadong mayhawak ng priesthood.

Basahin ang Mga Gawa 8:18–19, na inaalam ang inalok ni Simon kay Pedro.

Paano mo sasagutin si Simon kung ikaw ang nasa katayuan ni Pedro?

Basahin ang Mga Gawa 8:20–24, na inaalam ang itinuro ni Pedro kay Simon tungkol sa pagtanggap ng priesthood.

mga barya at mga perang papel

Hindi mabibili ng pera ang priesthood. Dahil pag-aari ng Diyos ang priesthood, maipagkakaloob lamang ito ayon sa Kanyang kalooban. Nagtatag ang Diyos ng paraan sa pagtatamo ng priesthood (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).

Ayon sa Mga Gawa 8:21–23, bakit hindi pa natanggap ni Simon ang priesthood? Sa iyong palagay, sa paanong paraan “hindi matuwid sa harap ng Dios” ang puso ni Simon (Mga Gawa 8:21)? Tingnan sa Alma 41:11 para malaman kung ano ang ibig sabihin ng “nasa kasukdulan ng kapaitan” (Mga Gawa 8:23).

Itinuturo ng talang ito ang sumusunod na katotohanan: Ipinagkakaloob ang priesthood ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa pamantayan ng pagiging karapat-dapat.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa iyong palagay, bakit mahalagang malaman na ipinagkakaloob lamang ang priesthood ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa pamantayan ng pagiging karapat-dapat?

    2. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:36–42. Anong mga alituntunin ang pinagbabatayan upang magamit ang priesthood? Ano ang nangyayari sa kalalakihang sinusubukang gamitin ang priesthood “sa alinmang antas ng kasamaan” (D at T 121:37)?

Nalaman natin sa Mga Gawa 8:25 na nangaral ng ebanghelyo sina Pedro at Juan sa maraming nayon ng mga Samaritano.

Mga Gawa 8:26–40

Tinuruan at bininyagan ni Felipe ang isang opisyal na taga Etiopia

  1. journal iconMag-isip ng mga sitwasyon kung saan kinailangan o kakailanganin mo ang isang taong papatnubay sa iyo. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng ilang sitwasyon na maaari kang pumatnubay sa iba. (Mag-isip ng mga lugar o paksa na alam na alam mo o mga talentong napaghusay mo.)

Sa iyong pag-aaral ng natitirang tala sa Mga Gawa 8, alamin ang isang mahalagang paraan na maaari kang maging patnubay sa iba.

Basahin ang Mga Gawa 8:26, na inaalam kung sino ang nagsabi kay Felipe na magtungo sa Gaza. (Maaari mong hanapin ang Gaza sa Mga Mapa sa Biblia blg. 4, “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

Basahin ang Mga Gawa 8:27–28, na inaalam ang taong nakatagpo ni Felipe sa daan.

Ano ang ginagawa ng opisyal na taga Etiopia sa kanyang karo?

Basahin ang Mga Gawa 8:29–35, na inaalam kung ano ang nangyari sa pag-uusap ni Felipe at ng opisyal na taga Etiopia.

Maaari mong markahan sa talata 29 kung sino ang naghikayat kay Felipe na pumunta sa karo ng opisyal na taga Etiopia. Maaari mo ring markahan sa talata 31 ang sinabi ng taga Etiopia na kailangan niya para maunawaan ang mga isinulat ni Isaias. Maaari mong isulat sa iyong banal na kasulatan ang Isaias 53:7–8 bilang cross-reference sa tabi ng Mga Gawa 8:32–33.

Gamitin ang mga salitang pumatnubay, mga pahiwatig, at mga pagkakataon upang kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin na matututuhan natin mula sa karanasan ni Felipe: Kapag pinakinggan natin ang ____________________ mula sa Diyos, makatatanggap tayo ng ____________________ na tumulong na ____________________ sa iba patungo kay Jesucristo.

Elder Jeffrey R. Holland

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagtulong na mapatnubayan ang iba patungo sa Tagapagligtas: “Ang ‘[makalapit] kay Cristo’ ang bawat isa sa atin [D at T 20:59], sundin ang Kanyang mga kautusan at tularan ang Kanyang halimbawa pabalik sa Ama, ang talagang pinakadakila at pinakabanal na layunin ng buhay ng tao. Ang tulungan ang iba na gawin din ang gayon—turuan, hikayatin, at mapanalanging akayin din sila na lumakad sa landas na iyon ng pagtubos—ay talagang pangalawang pinakamahalagang gawain sa ating buhay. Kaya marahil ay nasabi minsan ni Pangulong David O. McKay, ‘Wala nang higit pang dakilang tungkulin na maaaring ibigay sa sinumang lalaki [o babae] kaysa maging isang guro ng mga anak ng Diyos’ [sa Conference Report, Okt. 1916, 57]” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 25).

  1. journal iconPumili ng isa o higit pa sa mga sumusunod na sitwasyon:

    Sitwasyon 1: May kaibigan kang binatilyo na kabilang sa ibang Kristiyanong simbahan. Isang araw sa oras ng tanghalian, nadama mong kausapin siya tungkol sa Simbahan.

    Sitwasyon 2: Habang naglalakad ka pauwi mula sa paaralan, nakakita ka ng isang dalagita na umiiyak. Nakilala mo na miyembro siya ng inyong ward at ilang taon nang hindi nagsisimba at dumadalo sa anumang miting ng Simbahan. Nadama mong dapat mo siyang kausapin. Habang sinisikap mong mapanatag siya, sinabi niya ang mga problema niya at itinanong, “Hindi ba ako puwedeng maging masaya?”

    Sitwasyon 3: Pumanaw kamakailan ang nanay ng isang binatilyo na nakakaugnayan mo sa social media. Nadama mong tumugon sa sumusunod na post na ginawa niya kamakailan: “Pakiramdam ko’y nag-iisa ako ngayon. Sana’y may makaunawa sa akin.”

    Sa iyong scripture study journal, isulat kung ano ang sasabihin at gagawin mo na makatutulong na mapatnubayan ang taong ito patungo kay Jesucristo. Sa iyong isusulat, isama ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

    1. Anong mga katotohanan ang ibabahagi mo na makatutulong na mapatnubayan ang taong ito patungo kay Jesucristo?

    2. Anong isang banal na kasulatan ang sasabihin mo na pag-aralan ng taong ito?

    3. Ano ang sasabihin mo na gawin ng taong ito?

Basahin ang Mga Gawa 8:36–40, na inaalam kung ano ang naging resulta ng pagtuturo ni Felipe tungkol kay Jesus sa opisyal na taga Etiopia.

  1. journal iconSagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan at paano ka nakatulong sa pagpatnubay sa isang tao patungo kay Jesucristo?

    2. Kailan at paano ka napatnubayan ng isang tao patungo kay Jesucristo?

Sa pagsisimula mo ng iyong araw sa pagdarasal, hilingin na patnubayan ka ng Espiritu Santo. Pagkatapos, habang gumagawa ka sa maghapon, pakinggan ang mga pahiwatig mula sa Diyos na tutulong sa iyo na mapatnubayan ang iba patungo kay Jesucristo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: