Library
Unit 4, Day 1: Mateo 13:24–58


Unit 4: Day 1

Mateo 13:24–58

Pambungad

Ang Tagapagligtas ay gumamit ng mga talinghaga upang ituro ang tungkol sa kaharian ng langit, ang panunumbalik at pag-unlad ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw, ang pagtitipon sa mabubuti, at ang paglipol sa masasama sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Mateo 13:24–30, 36–43

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng trigo at mga pangsirang damo

Isipin ang mga sumusunod na tanong, at isulat ang sagot sa huling tanong:

  • Pinanghinaan ka na ba ng loob o nabalisa dahil sa dami ng kasamaan sa mundo?

  • Bakit hindi na lang alisin ng Panginoon ang kasamaang nakapalibot sa atin?

  • Bakit dapat mong piliing maging mabuti kahit may mga tao sa paligid mo na parang magaganda ang nararanasan kahit mali ang mga desisyon nila?

Sa pag-aaral mo ng Mateo 13:24–30, 36–43, alamin ang katotohanan na tutulong sa iyo na mapanatag habang sinisikap mong mamuhay nang matwid sa isang masamang mundo. Matapos pag-aralan ang tala sa Mateo, maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 86:1–7, kung saan mas ipinaunawa ng Panginoon ang talinghaga ng trigo at mga agingay o pangsirang damo.

Itinuro ng Tagapagligtas sa Mateo 13:24–30 ang talinghaga ng trigo at mga pangsirang damo.

trigo, mga pangsirang damo

Ang mga pangsirang damo ay isang uri ng nakalalasong damo. Ang trigo at mga pangsirang damo ay halos magkatulad kapag umuusbong, ngunit makikita ang pagkakaiba ng mga ito kapag ganap nang nagsitubo.

Basahin ang Mateo 13:24–30 at ang ilang bahagi mula sa Joseph Smith Translation, na nagsasabing: “Tipunin muna ninyo ang trigo sa aking bangan; at bigkisin ang mga pangsirang damo para sunugin”.

Ano ang nangyari sa trigo at mga pangsirang damo?

Sa palagay mo, bakit sinabi ng manghahasik ng mabuting binhi sa kanyang mga tagapaglingkod na “pabayaan … [na] magsitubo kapwa hanggang sa panahon ng pag-ani” ang trigo at ang mga pangsirang damo” (Mateo 13:30)?

Ayon sa Joseph Smith Translation, ano ang unang tinipon—ang trigo o ang mga pangsirang damo?

Matapos ibigay ng Tagapagligtas ang talinghaga ng trigo at mga pangsirang damo, itinanong sa Kanya ng Kanyang mga disipulo ang ibig sabihin nito. Basahin ang Mateo 13:36–43, na inaalam ang paliwanag ng Tagapagligtas tungkol sa talinghaga. (Maaari mong isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong mga banal na kasulatan.)

  • Sino ang naghasik, o nagpunla, ng mabuting binhi?

  • Sino ang naghasik, o nagpunla, ng mga pangsirang damo?

  • Ano ang sinasagisag ng trigo at mga pangsirang damo? (Sa pagsagot mo ng tanong na ito, alalahanin na ang masasama ay ang mga taong pinipili na huwag magsisi [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:17].)

Nilinaw sa Joseph Smith Translation na “ang pag-aani” o “ang katapusan ng sanglibutan” na binanggit sa talata 39 ay tumutukoy sa pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Tinutulungan din tayo ng Joseph Smith Translation na maunawaan na sa mga huling araw, ang Panginoon ay magpapadala ng mga anghel at sugo upang tumulong sa paghihiwalay ng mabubuti mula sa masasama (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 13:39–44 [sa Bible dictionary ng LDS English version ng Biblia]).

Ang isang katotohanang itinuturo ng talinghagang ito ay titipunin ng Panginoon ang mabubuti sa mga huling araw at pagkatapos ay lilipulin ang masasama sa Kanyang pagparito.

Pag-isipan kung paano ka mapapanatag ng katotohanang ito habang nabubuhay sa masamang mundo. Paano ito makatutulong sa iyo na maunawaan kung bakit dapat mong piliing maging mabuti kahit may mga tao sa paligid mo na parang magaganda ang nararanasan kahit mali ang mga desisyon nila?

Dahil sa ating kalayaang pumili, nakasalalay sa mga pagpiling gagawin natin kung tayo ay matitipon na kasama ng mabubuti o magdurusang kasama ng masasama. Alalahanin na dahil lahat tayo ay nagkakamali, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na magsisi upang tayo ay matipon na kasama ng mabubuti.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, na inaalam ang sinabi niya na dapat nating gawin para matipon ng Panginoon:

Elder David A. Bednar

“Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao kapag Siya ay tinatanggap nila at sinusunod ang Kanyang mga kautusan. …

“… Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang sila ay sumamba, magtayo ng Simbahan, mapangalagaan, at tumanggap ng payo at tagubilin. …

“Sinabi ni Propetang Joseph Smith na sa lahat ng panahon ang banal na layunin ng pagtitipon ay upang ang mga anak ng Panginoon ay matanggap ang pinakamataas na mga ordenansa at sa gayon ay magkaroon ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 488–89]” (“The Spirit and Purpose of Gathering” [Brigham Young University–Idaho devotional, Okt. 31, 2006], byui.edu/devotionals).

Ayon kay Elder Bednar, ano ang kailangan nating gawin upang matipon ng Panginoon?

Pag-isipan ang mga pagpapalang dumating sa buhay mo dahil sa natipon ka ng Panginoon.

Tingnan ang mga sumusunod na larawan:

mga sister missionary na nagtuturo sa pamilya, mga elder na nagtuturo sa isang lalaki, mga taluktok ng Salt Lake Temple

Isipin kung paano naipapakita ng mga larawang ito ang maaari nating gawin upang tulungan ang Tagapagligtas sa pagtitipon ng mga anak ng Ama sa Langit.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“Ang doktrinang ito ng pagtitipon ay isa sa mahahalagang turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … Hindi lamang natin itinuturo ang doktrinang ito, kundi nakikibahagi rin tayo rito. Ginagawa natin ito sa pagtulong nating tipunin ang mga hinirang ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing. …

“… Nagtitipon tayo ng mga pedigree chart, gumagawa ng family group sheet, at nagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay upang matipon ang mga tao sa Panginoon at sa kanilang pamilya.

“Dito sa lupa, ang gawaing misyonero ay mahalaga sa pagtitipon ng Israel” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 80–81).

Isipin ang mga pagpapalang natanggap mo sa pagtulong sa Panginoon na tipunin ang mabubuti sa pamamagitan ng gawaing misyonero at gawain sa templo.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano ka matutulungan ng pakikibahagi sa pagtitipong ito na mamuhay nang matwid sa kabila ng pamumuhay sa mundong puno ng tukso at kasalanan?

    2. Ano ang gagawin mo para matipon ang iyong sarili, iyong pamilya, at iba sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan?

Mateo 13:31–35, 44–52

Gumamit si Jesus ng mga talinghaga upang magturo tungkol sa kaharian ng langit

butil ng binhi ng mostasa, pampaalsa, kayamanan, perlas, baul, lambat

Sa iba’t ibang talinghaga, inihambing ng Tagapagligtas ang kaharian ng langit (o ang Kanyang Simbahan at ebanghelyo) sa butil ng binhi ng mostasa, lebadura (ang lebadura, o pampaalsa, ay ginagamit sa pagluluto at idinadagdag sa masa ng tinapay para umalsa ito bago ihurno), nakatagong kayamanan, perlas, at lambat.

  1. journal iconBasahin ang bawat isa sa mga sumusunod na banal na kasulatan, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa talinghagang iyan. Sa iyong scripture study journal, isulat ang mga katotohanang sa palagay mo ay itinuro ng Tagapagligtas.

    1. Mateo 13:31–32

    2. Mateo 13:33

    3. Mateo 13:44

    4. Mateo 13:45–46

    5. Mateo 13:47–50

Ang isang katotohanan na itinuro ng Tagapagligtas sa mga talinghaga ng butil ng binhi ng mostasa at lebadura ay na ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay uunlad mula sa isang maliit na simula hanggang sa mapuno nito ang buong mundo. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 13:31–33.

Pangulong Joseph F. Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith kung paano maitutulad sa lebadura ang mga tagasunod ni Jesucristo: “Bagama’t masasabi, at may katotohanan naman, na kakaunti lamang tayo kumpara sa mga tao sa mundo, subalit tayo ay maitutulad sa lebadurang binanggit ng Tagapagligtas, na kalaunan ay pupuno sa buong mundo” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 74).

Elder Dallin H. Oaks

Nagturo rin si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa talinghagang ito: “Dapat tayong mabuhay sa mundo ngunit hindi maging makamundo. Kailangan nating mabuhay sa mundo dahil, tulad ng itinuro ni Jesus sa isang talinghaga, ang Kanyang kaharian ay “parang lebadura,” na ang layunin ay paalsahin ang buong masa sa pamamagitan ng impluwensya nito (tingnan sa Lucas 13:21; Mateo 13:33; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 5:6–8). Hindi iyan magagawa ng Kanyang mga tagasunod kung makikisalamuha lamang sila sa mga taong kapareho nila ang mga paniniwala at kaugalian” (“Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 25).

Pag-isipan kung ano ang magagawa mo bilang Banal sa mga Huling Araw para makatulong sa pagpapaunlad ng Simbahan ng Tagapagligtas.

Ang isa pang alituntuning itinuro ng Tagapagligtas sa mga talinghaga ng kayamanan sa bukid at sa mahalagang perlas ay na dahil sa walang-hanggang kahalagahan ng mga pagpapala ng ebanghelyo, ang mga ito ay karapat-dapat sa anumang sakripisyo. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 13:44–46.

  1. journal iconPara matulungan kang maunawaan ang alituntuning ito, gumawa ng chart na may dalawang column sa iyong scripture study journal. Sulatan ang isang column ng Mga pagpapala ng ebanghelyo, at sulatan ang isa pang column ng Mga sakripisyo para magtamo ng mga pagpapala.

    Sa column na “Mga pagpapala ng ebanghelyo,” ilista ang ilan sa mga pagpapala ng ebanghelyo (ang ilang halimbawa nito ay kaalaman sa mga banal na kasulatan, patnubay mula sa mga buhay na propeta, nakapagliligtas na mga ordenansa, at walang-hanggang kasal). Para sa bawat pagpapalang nakalista, sa column na “Mga sakripisyo para magkaroon ng mga pagpapala,” isulat ang mga sakripisyo na kailangan mong gawin para matamo ang pagpapalang iyon. Halimbawa, para matanggap ang pagpapala ng Kaalaman mula sa mga banal na kasulatan, kailangan nating Saliksikin ang mga banal na kasulatan araw-araw.

Isipin ang mga pagpapalang inilista mo, at pag-isipan kung bakit ang pagtatamo ng mga pagpapalang iyon ay karapat-dapat sa anumang sakripisyong maaaring ipagawa.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Anong pagpapala ng ebanghelyo ang gusto mong matamo?

    2. Bakit gusto mo ang pagpapalang iyan?

    3. Ano ang isasakripisyo mo para matanggap ang pagpapalang iyan?

Mateo 13:53–58

Si Jesus ay nagturo sa Nazaret at hindi tinanggap ng Kanyang sariling mga tao

Tulad ng nakatala sa Mateo 13:53–58, hindi tinanggap ng mga tao ng Nazaret ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo. Dahil sa kawalang-paniniwala ng mga tao, hindi gumawa ang Tagapagligtas ng maraming himala sa kanila.

Si Cristo na nagtuturo sa sinagoga
  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 13:24–58 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: