Library
Unit 23, Day 4: II Mga Taga Corinto 4–7


Unit 23: Day 4

II Mga Taga Corinto 4–7

Pambungad

Itinuro ni Apostol Pablo na ang mga pagsubok at pighati sa buhay na ito ay pansamantala at kaunti lamang kumpara sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Itinuro rin niya sa mga Banal sa Corinto ang tungkol sa Paghatol at nagpatotoo siya na dahil kay Jesucristo ay maaari tayong makipagkasundo sa Diyos. Sa patuloy na pagtatanggol ni Pablo sa kanyang ginagawa bilang ministro o tagapaglingkod ng Diyos, pinayuhan niya ang mga Banal na ihiwalay ang kanilang sarili sa lahat ng kasamaan at magalak na nakadama sila ng kalumbayang mula sa Diyos at nagsipagsisi.

II Mga Taga Corinto 4

Nagpatotoo si Pablo na kahit may mga pagsubok siya, hindi pa rin siya natatakot o nababalisa

Larawan
itinutulak ng isang lalaki ang isa pang lalaki

Ano ang tila ipinapakita ng larawang ito? Ano ang maaaring isipin ng taong itinutulak sa taong tumutulak sa kanya?

Ang pinalawak na bersyon ng larawang ito ay nagpapakita na itinutulak ng lalaki ang isa pang lalaki para iligtas siya sa paparating na sasakyan.

Larawan
itinutulak ng isang lalaki ang isa pang lalaki palayo sa daan habang paparating ang isang sasakyan

Matapos makita ang sitwasyon sa mas malinaw na konteksto, o pananaw, paano nabago ang naisip mo sa ipinakita ng unang larawan?

Tulad ng nakatala sa II Mga Taga Corinto 4, sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto para tulungan silang makita ang mas malinaw na konteksto o dahilan ng kanilang kapighatian. Sa pag-aaral mo ng kabanatang ito, isipin kung paano mo maipamumuhay ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa kanilang kapighatian.

Nabasa natin sa II Mga Taga Corinto 4:1–7 kung paano tiniyak ni Pablo sa mga Banal na matapat niyang ipinangaral ang ebanghelyo sa kanila. Itinuro niya na si Satanas, “ang dios ng sanglibutang ito” (II Mga Taga Corinto 4:4), ay nagsisikap hadlangan ang mga tao na tanggapin ang ebanghelyo. Ikinumpara ni Pablo ang kanyang sarili at ang kanyang kapwa tagapaglingkod sa mga sisidlang gawa sa luad (o clay) na naglalaman ng “kayamanan” na “liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios” (II Mga Taga Corinto 4:6–7).

Basahin ang II Mga Taga Corinto 4:8–9, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang mga pagsubok na naranasan niya sa gawaing misyonero.

Sa palagay mo, bakit nanatiling maganda ang pananaw ni Pablo kahit dumaranas siya ng mga pagsubok na ito?

Tulad ng nakatala sa II Mga Taga Corinto 4:11–14, itinuro ni Pablo na kahit may mga taong mamamatay para sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang kanilang kamatayan ay pansamantala lamang.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 4:14–16, na inaalam ang nalalaman ni Pablo na nakatulong sa kanya na harapin ang mga pagsubok at pang-uusig.

Ang mga katagang “bagama’t ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni’t ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw” (II Mga Taga Corinto 4:16) ay nangangahulugan na kahit mamatay ang katawan ni Pablo at ng kanyang mga kasama, pinalalakas araw-araw ang kanilang espiritu.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 4:17–18, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Pablo sa mga Banal tungkol sa kanilang mga pagsubok at kapighatian.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay na ang ating mga pagsubok at paghihirap sa buhay na ito ay kaunti lang kung ikukumpara sa walang hanggang pagpapala at pag-unlad na mangyayari kung tapat nating pagtitiisan ang mga ito.

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit napakahalagang tingnan ang ating mga paghihirap sa mas malawak na konteksto ng plano ng Ama sa Langit?

    2. Kailan ka nakakita ng taong nananatiling malakas sa gitna ng mga paghihirap dahil tiningnan niya ang mga paghihirap sa mas malawak na konteksto ng plano ng Ama sa Langit?

II Mga Taga Corinto 5

Itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tungkol sa Paghatol at Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Tupiin sa gitna ang isang pirasong papel. Buklatin ang papel. Isulat ang pangalan mo sa isang kalahati ng papel, at isulat ang Ama sa Langit sa kabilang panig. Nang pumarito tayo sa lupa, nilisan natin ang ating Ama sa Langit. Punitin sa gitna ang papel, at paghiwalayin ang mga napirasong papel. Isipin kung paano inilalarawan ng napunit na papel ang nangyari nang lisanin natin ang Ama sa Langit at pumarito sa lupa para maranasan ang mortalidad. Nabasa natin sa II Mga Taga Corinto 5 ang ilang katotohanang ibinahagi ni Pablo na magpapaunawa sa atin ng mga dapat gawin para makabalik sa ating Ama sa Langit.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 5:6–10, na inaalam ang mga katotohanang makatutulong sa atin na laging isaisip ang kaugnayan natin sa Ama sa Langit. Maaari mong markahan o lagyan ng tanda sa iyong mga banal na kasulatan ang nalaman mo.

Ang sumusunod ay ang dalawang katotohanang matututuhan natin mula sa mga talatang ito: Dahil nahiwalay tayo sa Diyos sa buhay na ito, kailangan nating magsilakad o mabuhay sa pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin. Ang bawat isa sa atin ay hahatulan ni Jesucristo ayon sa nagawa natin sa mortalidad.

Isipin kung ano ang ibig sabihin ng “[lumakad] sa pamamagitan ng pananampalataya, [at] hindi sa pamamagitan ng paningin” (II Mga Taga Corinto 5:7). Sinong kakilala mo ang nabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin?

Isipin kung ano ang maaari mong gawin sa buhay upang “maging kalugodlugod [sa Panginoon]” (II Mga Taga Corinto 5:9).

Basahin ang II Mga Taga Corinto 5:15–16, na inaalam ang ginawa ng mga disipulo ni Jesucristo dahil sa Pagbabayad-sala. Basahin din ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng II Mga Taga Corinto 5:16 (sa Gabay sa Mga Banal sa Kasulatan, scriptures.lds.org.). Ang ibig sabihin ng mga katagang “hindi tayo muling mamumuhay pa ayon sa laman” ay pagwaksi natin sa makamundong buhay.

Sa kalahati ng papel na may pangalan mo, isulat ang natutuhan mo tungkol sa nararapat na pamumuhay ng mga disipulo ni Jesucristo.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 5:17–19, na inaalam kung paano tayo matutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makabalik sa piling ng Ama sa Langit. Maaari mong markahan o lagyan ng tanda sa iyong mga banal na kasulatan ang nalaman mo.

Isulat ang sumusunod na katotohanan sa kalahati ng papel na may nakasulat na “Ama sa Langit”: Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong maging mga bagong nilalang at makipagkasundo sa Diyos.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging katulad ng isang “bagong nilalang” (II Mga Taga Corinto 5:17)?

Pagdikiting muli ang mga papel. Ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa Diyos ay maaari tayong mabago at madalisay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ibig sabihin tayo ay gagawing mga bagong nilalang, upang makabalik tayo sa piling ng Ama sa Langit.

Nabasa natin sa II Mga Taga Corinto 5:20–21 na tinukoy ni Pablo ang kanyang sarili at ang mga kasama niyang nagtuturo bilang “mga sugo ni Cristo,” at pinayuhan niya ang mga Banal na makipagkasundo sa Diyos.

II Mga Taga Corinto 6

Inilarawan ni Pablo ang mga katangian ng mga tagapaglingkod ng Diyos at pinayuhan ang mga Banal na lumabas o humiwalay sa masasama

Naranasan mo na bang malait o mapintasan dahil sinisikap mong paglingkuran o tulungan ang iba? Nabasa natin sa II Mga Taga Corinto 6:1–13 kung paano hinikayat ni Pablo ang mga Banal na maging mga tagapaglingkod ng Diyos at maging matiyaga at maingat na huwag makasakit, kahit tinatrato sila nang hindi maganda.

Nalaman natin sa II Mga Taga Corinto 6:14–18 na itinuro ni Pablo sa mga Banal ang mga pagpapalang dulot ng paghiwalay nila sa masasama.

Kumpletuhin ang sumusunod na chart sa pamamagitan ng pagbasa ng II Mga Taga Corinto 6:14–18 at pagsulat sa mga payo ni Pablo at mga kaugnay na pangako:

Payo sa mga Banal

Mga pangako mula sa Panginoon

Ang ibig sabihin sa II Mga Taga Corinto 6:15 ng salitang pakikipagkasundo ay pagkakaisa, ang ibig sabihin ng salitang belial ay kasamaan (tingnan sa Bible Dictionary, “Belial”), at ang di-sumasampalataya ay tumutukoy sa di-naniniwala o taong naniniwala sa mga huwad na diyos. Sa mga sinaunang Kristiyano, ang mga di–Kristiyano ay mga di-sumasampalataya.

Ang mga katagang “magsihiwalay kayo” at “huwag … magsihipo ng mga bagay na marumi” (talata 17) ay mga babala na iwasan ang mga sumasamba sa diyus-diyusan at ang kanilang mga maling gawain at naaangkop din ito sa atin sa panahon ngayon. “Ikinumpara ni Pablo ang mga Banal sa Corinto sa ‘templo ng Dios na buhay’ (II Mga Taga Corinto 6:16). Pagkatapos ay pinigilan niya sila na makipag-ugnayan sa mga sumasamba sa diyus-diyusan o makisama sa kanilang ‘maruming’ mga gawi (tingnan sa Isaias 52:11). Sa mga turong ito, inulit ni Pablo ang ipinangako sa mga tao ng Diyos noong unang panahon—na kung sila ay ‘[magsisialis] sa mga’ masasama, ang Diyos ay mananahang kasama nila at kanilang magiging Diyos (II Mga Taga Corinto 6:17; tingnan din sa … Jeremias 32:38; at Ezekiel 11:19–20)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 402). Nagbabala si Pablo sa mga miyembro na iwasan ang lahat ng maling pagsamba, pagsamba sa mga diyos-diyosan, at mga maling gawain, tulad ng itinuro sa Lumang Tipan na sambahin ng mga tao ang Diyos at sikaping maging mga taong Kanyang pinili, at huwag tanggapin ang ibang mga dios.

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa II Mga Taga Corinto 6:14–18 ay kung ihihiwalay natin ang sarili sa mga maling gawi at maruruming bagay, tatanggapin tayo ng Panginoon. (Ang alituntuning ito ay hindi nangangahulugan na pakikitunguhan natin nang masama ang mga miyembro ng ibang relihiyon o hindi makikihalubilo sa kanila.)

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa ating panahon, ano ang ibig sabihin ng ihiwalay ang ating sarili sa mga maling gawain at maruruming bagay? (Tingnan sa D at T 1:15–16.)

    2. Kailan mo nadama na pinagpala ka dahil inihiwalay mo ang iyong sarili sa sitwasyon na maaaring maglayo sa iyo sa Panginoon?

II Mga Taga Corinto 7

Ikinagalak ni Pablo ang tapat na pagsisisi ng mga Banal

Ipinaliwanag ni Apostol Pablo sa II Mga Taga Corinto 7 na habang sila ng kanyang mga kasamang nangangaral ay dumaranas ng paghihirap sa Macedonia, may ibinalita si Tito mula Corinto na nagbigay kay Pablo ng galak at kapanatagan. May naunang sulat na ipinadala si Pablo sa Corinto na nananawagan sa mga Banal na magsisi, at sinabi sa kanya ni Tito ang itinugon ng mga miyembro ng Simbahan sa sulat na iyon.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 7:8–10, na inaalam ang itinugon ng mga Banal sa Corinto sa sulat ni Pablo.

Bakit natuwa si Pablo na nalumbay ang mga Banal dahil sa sulat niya?

Isipin kung ang nadarama mong kalumbayan ay mula sa Diyos, na “gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas,” o “kalumbayang ayon sa sanglibutan” (II Mga Taga Corinto 7:10), na ibig sabihin ay nalulungkot ka dahil nahuli ka o dahil kailangan mong harapin ang mga ibinunga ng iyong pagkakamali.

Basahin ang II Mga Taga Corinto 7:11, na inaalam ang mga uri ng pagbabagong ginawa ng mga Banal sa kanilang buhay dahil sila ay natulungang magsisi ng kanilang kalumbayang mula sa Diyos.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang II Mga Taga Corinto 4–7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

Print