Library
Unit 23, Day 1: I Mga Taga Corinto 15:1–29


Unit 23: Day 1

I Mga Taga Corinto 15:1–29

Pambungad

Nalaman ni Apostol Pablo na may mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na nagtuturo na walang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay. Nagpatotoo siya na si Jesucristo ay bumangon mula sa kamatayan at ipinaliwanag ang kahulugan ng Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit.

I Mga Taga Corinto 15:1–10

Pinatunayan ni Pablo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo

Pangulong Thomas S. Monson

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson: “Mga kapatid, tayo ay tumatawa, umiiyak, nagtatrabaho, naglalaro, nagmamahal, nabubuhay. Pagkatapos tayo ay mamamatay. Lahat tayo ay hahantong doon. Lahat ay daranas ng kamatayan. Mamatay ang matanda, mahina at maysakit. Kinukuha nito ang mga kabataang puno ng pag-asa sa hinaharap. Kahit maliliit na bata ay hindi ligtas sa kamatayan. Sa mga salita ni Apostol Pablo, ‘Itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan’ [Sa Mga Hebreo 9:27]” (“Alam kong Buhay Ang Aking Manunubos!” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 24.

Pagnilayan ang mga naisip o naramdaman mo nang namatay ang isang taong kakilala mo.

Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 15:1–29, alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa iyo kapag namatay ang isang taong kakilala mo.

Sa katapusan ng sulat ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto, binanggit niya ang isang maling paniniwala na itinuro ng ilang miyembro ng Simbahan. Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:12, na inaalam ang maling paniniwala na itinuro.

Sa palagay mo, bakit ikinabalisa ni Pablo ang maling paniniwalang ito?

Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:3–8, na inaalam ang isinulat ni Pablo para ipaunawa sa mga miyembro ng Simbahan ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. (Tandaan na ang Cefas ay isa pang pangalan ni Apostol Pedro.)

Malalaman natin sa mga talatang ito na nagpatotoo ang mga Apostol na si Jesucristo ay namatay para sa ating mga kasalanan at nabuhay na muli mula sa kamatayan. (Maaari mo itong markahan o lagyan ng tanda sa iyong mga banal na kasulatan.)

Pangulong Thomas S. Monson

Ibinahagi ni Pangulong Monson ang sumusunod na patotoo: “Buong puso at sigla ng aking kaluluwa na itinataas ko ang aking tinig sa pagpapatotoo bilang natatanging saksi at ipinahahayag na talagang buhay ang Diyos. Si Jesus ay Kanyang Anak, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Manunubos; Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya yaong namatay sa krus para pagbayaran ang ating mga kasalanan. Siya ang naging unang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli. Dahil Siya ay namatay, lahat ay muling mabubuhay. ‘O, kay tamis ng galak na dulot nito: “Alam kong buhay ang aking Manunubos!”’ [“Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78]. Nawa’y malaman ito ng buong mundo” (“Alam kong Buhay ang aking Manunubos!” 25).

Isiping mabuti kung paano nakatulong ang mga patotoo ng mga Apostol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo para mapalakas ang pananampalataya mo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

I Mga Taga Corinto 15:11–29

Itinuro ni Pablo ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli

Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 15:11–15, itinanong ni Apostol Pablo kung bakit pinagdudahan ng mga Banal sa Corinto ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Sinabi pa niya na kung wala ang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay, ibig sabihin ay hindi nabuhay muli si Jesucristo. At kung hindi bumangon mula sa kamatayan si Jesucristo, lahat ng patotoo tungkol sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay mali at wala nang dahilan para ipangaral pa ang ebanghelyo.

Propetang Joseph Smith

Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 58; ang mga kalakip ay mga karagdagan sa isang bagay o mga bahagi na isinama sa mas malaking bahagi).

  1. journal iconKopyahin ang kalakip na chart sa iyong scripture study journal. Pagkatapos ay basahin ang scripture passages na nasa kaliwang column ng chart, at alamin kung paano mo kukumpletuhin ang mga katugmang pangungusap sa kanang column. Pagkatapos ay kumpletuhin ang mga pangungusap sa iyong scripture study journal.

    Pansinin na ang salitang pangunahing bunga sa I Mga Taga Corinto 15:20 ay tumutukoy sa unang bunga na inaani ng isang magsasaka. Tulad ng mga bungang ito na unang inani, si Jesucristo ang unang nabuhay na muli. (Tandaan na ang I Mga Taga Corinto 15:20–22 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

    I Mga Taga Corinto 15:16–19

    Kung si Jesus ay hindi bumangon mula sa mga patay o sa kamatayan, …

    I Mga Taga Carinto 15:20–22

    Dahil si Jesus ay totoong bumangon mula sa patay o sa kamatayan, …

Basahin ang pahayag ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 15:19: “Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.” Isang katotohanan na matututuhan natin mula sa patotoo ni Pablo sa mga talata 20–22 ay na dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung paano magbibigay sa iyo ng pag-asa ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo kapag namatayan ka ng isang kakilala o kapag natatakot kang mamatay.

  2. journal iconSagutin ang isa o lahat ng assignment sa iyong scripture study journal:

    1. Isulat ang iyong patotoo sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa kahalagahan nito sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli sa ibang tao.

    2. Hilingin sa isa mong magulang, kaibigan, o lider sa Simbahan na ibahagi sa iyo ang kanyang patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Isulat ang natutuhan at nadama mo habang nakikinig ka sa patotoong iyan.

Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 15:23–24, itinuro ni Pablo na may pagkakasunud-sunod ang Pagkabuhay na Mag-uli. Si Jesucristo ang unang nagbangon, at ang susunod ay ang Kanyang matatapat na tagasunod. Itinuro sa Doktrina at mga Tipan na ang matatapat na tagasunod na ito ay magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal (tingnan sa D at T 76:50–70; 88:97–98). Ang mga hindi matatag sa kanilang patotoo kay Jesucristo at ang masasama ay mabubuhay na mag-uli kalaunan (tingnan sa D at T 76:71–86; 88:99–101). Itinuro rin Pablo na sa “wakas” (sa panahon ng Milenyo), si Jesucristo ay “ibibigay … ang kaharian” sa Ama sa Langit matapos wakasan ang lahat ng uri ng “kapamahalaan at kapangyarihan” sa lupa (o sa mundo) (I Mga Taga Corinto 15:24).

Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:25–26, na inaalam ang itinuro ni Pablo na mangyayari sa mga kaaway ni Jesucristo sa Milenyo.

Pansinin ang kahuli-hulihang kaaway na lilipulin ni Jesucristo. Bakit maituturing na kaaway ng plano ni Jesucristo at ng Ama sa Langit ang kamatayan? (Tingnan sa Moises 1:39.)

Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:29, na inaalam ang ordenansang ginagawa ng mga Banal sa Corinto.

Sa sarili mong mga salita, ibuod ang itinanong ni Pablo sa mga Banal tungkol sa kanilang pakikibahagi sa mga pagbibinyag para sa mga patay:

Isang katotohanan na matututuhan natin sa I Mga Taga Corinto 15:29 ay na ang mga yaong nangamatay na hindi nabinyagan ay maaaring makatanggap ng mahalagang ordenansang ito.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang mga templo ang sumasagisag sa paniniwala natin sa Pagkabuhay na Mag-uli: “Bawat templo, malaki man o maliit, luma man o bago, ay nagpapahayag ng ating patotoo na ang kabilang buhay ay kasing totoo at kasing tiyak ng buhay natin dito sa lupa. Hindi na kailangan ang templo kung ang espiritu at kaluluwa ng tao ay hindi walang hanggan. Bawat ordenansang isinasagawa sa mga banal na bahay na ito ay walang-hanggan ang ibubunga” (“This Peaceful House of God,” Ensign, Mayo 1993, 74).

Payson Utah Temple

Payson Utah Temple

Kung malapit ang tirahan mo sa templo, isipin ang pagkakataon na nagsagawa ka ng mga binyag para sa mga patay o naghanda ka ng mga pangalan ng mga ninuno mo na dadalhin sa templo. Ano ang nadama mo habang naghahanda ka ng mga pangalan o nagsasagawa ka ng gawain para sa kanila sa templo? Kung malayo ang tirahan mo sa templo, isipin kung ano ang magagawa mo para makatulong sa gawain ng kaligtasan para sa mga patay.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang magagawa mo upang mas lubos na makibahagi sa family history at gawain sa templo, at sa iyong palagay, paano makatutulong ang pakikibahagi mo para mapalakas ang patotoo mo sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Sa isang pirasong papel, sumulat ng mithiin tungkol sa gagawin mo para mas makatulong sa family history at gawain sa templo. Ilagay ang papel sa lugar na makapagpapaalala sa iyo na pagsikapan ang mithiin mo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—I Mga Taga Corinto 15:20–22

  1. journal iconAng pagsasaulo ng scripture mastery passage na ito (I Mga Taga Corinto 15:20–22) ay makatutulong sa iyo na masabi ang nalalaman at nauunawaan mo sa doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli kapag itinuro mo na ito sa iba. Mag-ukol ng ilang sandali na isaulo ang talata 22, at pagkatapos ay bigkasin ito nang hindi tinitingnan ang iyong mga banal na kasulatan. Gayon din ang gawin sa talata 21, bigkasin ang mga talata 21–22; at pagkatapos ay talata 20, at bigkasin ang tatlong talata ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Sa huli, subukang isulat ang buong scripture mastery passage sa iyong scripture study journal nang walang kinokopyahan.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Corinto 15:1–29 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: