Unit 13: Day 4
Juan 5–6
Pambungad
Dumalo si Jesus sa isang pista (marahil ang Paskua) sa Jerusalem at pinagaling ang maysakit na lalaki sa tangke (pool) ng Betesda. Inihayag rin Niya ang iba pang mga saksi na nagpatotoo sa Kanyang kabanalan o pagiging Diyos. Pagkabalik sa Galilea, mahimalang pinakain Niya ang isang pulutong ng mahigit 5,000 katao at itinuro Niya na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan.
Juan 5:1–30
Pinagaling ni Jesus ang maysakit na lalaki sa araw ng Sabbath at itinuro ang tungkol sa kaugnayan Niya sa Ama
Isipin ang isang pagkakataon na nakasira ka o ang isang kakilala mo ng isang bagay na mahalaga.
Bilang mga anak ng Ama sa Langit, napakahalaga natin. Gayunman, dahil sa mga pagpili o mga pagsubok na nakakaharap natin, may mga oras na tila nadarama natin na nanghihina tayo o wala tayong halaga.
Ano ang ilang paraan na maaaring maramdaman ng isang tao na nanghihina siya sa espirituwal, pisikal, o emosyonal?
Isipin ang isang pagkakataon na naramdaman mo ito. Sa pag-aaral mo ng Juan 5:1–9, alamin ang isang katotohanan na makatutulong na mapanatag ka at mabigyan ng pag-asa kapag nanghihina ka.
Nabasa natin sa Juan 5:1 na pagkatapos magministeryo ni Jesucristo sa Galilea, naglakbay Siya patungong Jerusalem upang dumalo sa pista ng mga Judio, na marahil ay ang Paskua. Habang nasa Jerusalem, pumunta Siya sa isang tangke malapit sa templo.
Basahin ang Juan 5:2–4, na inaalam kung sino ang mga taong nagtipon malapit sa tangke at ano ang hinihintay nila.
Ang mga salitang maysakit, bulag, pilay at natutuyo sa talata 3 ay naglalarawan sa mga taong may sakit, mahina, o may kapansanan. Maaaring may bukal na paminsan-minsan ay dumadaloy sa tangke kaya bumubula ang ibabaw ng tubig (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Bethesda”).
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod: “Walang alinlangan na ang tangke ng Betesda ay isang bukal na ang tubig ay nakagagaling. Ngunit anumang haka-haka na bumaba ang isang anghel at kinawkaw o pinagalaw ang tubig, para gumaling ang unang taong makalulusong dito ay pawang pamahiin lamang. Ang mga pagpapagaling na gawa ng himala ay hindi sa ganitong paraan nangyayari” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:188).
Isipin ang maaaring tagpo sa tangke, na naroon ang maraming taong umaasa na mapapagaling ang unang taong makakalusong dito.
Basahin ang Juan 5:5–7, na inaalam kung sino ang nakita ng Tagapagligtas na nakahiga malapit sa tangke.
Ano ang sinasabi ng mga talatang ito tungkol sa lalaking nakita ng Tagapagligtas? Bakit hindi kailanman naging una sa paglusong sa tubig ang lalaking ito?
Basahin ang Juan 5:8–9, na inaalam kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa lalaki.
Maaari mong markahan ang mga katagang “gumaling ang lalake” sa talata 9. Naganap ang pagpapagaling na ito sa may tangke ng Betesda. Ang salitang Betesda ay maaaring isalin bilang “bahay ng awa” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Bethesda”). Ang awa ay pagkahabag o kabaitan. Ang pinakadakilang ginawa dahil sa awa ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Bakit angkop ang Betesda sa pangalan ng lugar na ito, lalo na pagkatapos pagalingin ng Tagapagligtas ang lalaki?
Sa anong mga paraan tayo maaaring katulad ng lalaking ito na nasa gilid ng tangke ng Betesda?
Ang isang katotohanan na malalaman natin mula sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa lalaking ito ay sa pamamagitan ng kapangyarihan at awa ni Jesucristo, mapapagaling tayo.
Upang mas maunawaan ang katotohanang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Merrill J. Bateman ng Pitumpu, na inaalam ang mga sinabi niyang paraan na pinagagaling tayo ng Tagapagligtas: “Tulad ng pilay na lalaki na nasa Tangke ng Betesda na nangangailangan ng isang taong mas malakas sa kanya upang siya ay mapagaling (tingnan sa Juan 5:1–9), tayo rin ay umaasa sa mga himala ng pagbabayad-sala ni Cristo para mapagaling ang ating mga kaluluwa mula sa pighati, kalungkutan, at kasalanan. … Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga namimighating puso ay mapapagaling at ang pagkabalisa at kalungkutan ay mapapalitan ng kapayapaan” (“The Power to Heal from Within,” Ensign, Mayo 1995, 13).
Mahalagang alalahanin natin na mapapagaling tayo nang lubos sa buhay na ito o sa kabilang buhay, ayon sa panahong itinakda ng Panginoon.
-
Isipin ang mga pagkakataon kung kailan nasaksihan o naramdaman mo ang kapangyarihan, awa, o pagkahabag ni Jesucristo na tumulong sa iyo o kaninuman na pinanghihinaan sa espirituwal, pisikal, o emosyonal. Sa iyong scripture study journal, isulat at kumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Alam ko na ang Tagapagligtas ay maawain at mahabagin dahil …
Nabasa natin sa Juan 5:10–30 na natagpuan kalaunan ng Tagapagligtas ang lalaki sa templo at pinayuhan siyang huwag nang magkasala. Nang nalaman ng mga pinunong Judio na pinagaling ni Jesus ang lalaki sa araw ng Sabbath, inusig nila at pinagtangkaang patayin ang Tagapagligtas. Itinuro ni Jesus sa mga pinunong Judio na sa pagpapagaling sa lalaki, ginawa Niya ang gawain ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay nagturo ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang kaugnayan sa Ama. Itinuro rin Niya na malapit nang maturuan ng ebanghelyo ang mga nasa daigdig ng mga espiritu.
Juan 5:31–47
Nagturo si Jesus tungkol sa maraming saksi na nagpapatotoo sa Kanyang kabanalan at pagiging Diyos
Isipin ang isang pagkakataon na may nagsabi sa iyo ng isang bagay na mahirap paniwalaan.
Paano pinatitibay ng pagkakaroon ng mahigit sa isang saksi ang katotohanan ng anumang pahayag?
Basahin ang Juan 5:31, na inaalam kung ano ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sariling patotoo sa Kanyang kaugnayan sa Ama sa Langit.
Nilinaw ng Joseph Smith Translation ang Juan 5:31–32:
“Samakatwid kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili, gayon pa man ang patotoo ko ay katotohanan.
“Sapagkat hindi ako nag-iisa, mayroon pang isang nagpapatotoo sa akin” (Joseph Smith Translation, John 5:32–33).
Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Judio na mayroong iba pang magpapatotoo sa kanila maliban sa Kanya.
Basahin ang mga sumusunod na talata, at tukuyin ang iba pang mga saksi na nagpapatotoo sa pagiging Diyos ni Jesus:
Sa kabila ng pagkakaroon ng maraming saksi ni Jesucristo, ang mga pinunong Judio ay hindi naniwala sa pagiging Diyos ni Jesus. Pansinin sa Juan 5:39 na nang magsalita si Jesus tungkol sa mga banal na kasulatan, sinabi Niya, “Sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan.” “Maraming Judio sa panahon ni Jesus ang nag-aral ng mga banal na kasulatan, na naniniwala na magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pag-aaral nito. … Sinikap itama ng Tagapagligtas ang maling paniniwalang ito sa pagtuturo na ang mga banal na kasulatan, na itinuturing ng mga Judio na pinaka-awtoridad, ay nagpapatotoo na hindi sa mga banal na kasulatan matatanggap ang buhay na walang hanggan kundi sa pagsunod kay Jesucristo. Hindi rin naunawaan ng mga Judio na salita ni Cristo ang mga banal na kasulatan at ang layunin nito ay gabayan ang tao patungo kay Cristo, dahil Siya ang natatanging pinagmumulan ng katotohanan at buhay” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 219–20).
Basahin ang Juan 5:40, na inaalam ang kailangang gawin ng mga Judio upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Bagama’t pinag-aralan ng mga Judio ang mga banal na kasulatan, ano ang ayaw nilang gawin na makatutulong sa kanila na matanggap ang buhay na walang hanggan?
Mula sa mga nalaman mo sa mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 5:39–40, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan lamang ng paglapit kay natin matatanggap ang buhay na walang hanggan.
Tandaan na kasama sa buhay na walang hanggan ang pagiging katulad ng Ama sa Langit at pamumuhay magpakailanman kasama ang ating mga karapat-dapat na kapamilya sa Kanyang piling. Upang matanggap ang kaloob na ito, dapat tayong lumapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagtanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo, pagtupad sa ating mga tipan, at pagsunod sa mga utos ng Panginoon.
Isipin kung bakit kinakailangang lumapit kay Jesucristo upang matanggap ang buhay na walang hanggan.
-
Tingnan ang mga saksi ni Jesucristo na itinala mo sa itaas. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano nakatulong sa iyo (o makatutulong sa iyo) ang isa sa mga saksi ni Jesucristo upang mapalapit ka sa Kanya.
Isipin ang magagawa mo upang mas lubos na mapalapit sa Tagapagligtas nang sa gayon ay matanggap mo ang buhay na walang hanggan.
Juan 6:1–59
Itinuro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan
Nabasa natin sa Juan 6:1–13 na matapos bumalik sa Galilea, mahimalang pinakain ni Jesus ang mahigit 5,000 katao gamit ang limang piraso ng tinapay at dalawang maliliit na isda. (Pinag-aralan mo ang mga kaganapang ito sa mga lesson sa Mateo 14 at Marcos 6.)
Basahin ang Juan 6:14–15, na inaalam ang nais ng mga tao pagkatapos na mahimalang pinakain sila ni Jesus.
May paniniwala ang mga Judio noong panahon ni Jesus na nagsasabi na kapag dumating ang Mesiyas o ang Hari ng Israel, papakainin Niya ang mga tao ng tinapay mula sa langit.
Nakatala sa Juan 6:16–21 na pinatawid ng Tagapagligtas ang kanyang mga disipulo sa Dagat ng Galilea, at noong hatinggabi habang nahihirapan ang mga disipulo sa pagsagwan laban sa mga alon at hangin, naglakad si Jesus sa ibabaw ng dagat upang makasama sila. Binigyang-diin sa tala ni Juan na noong “malugod” na tanggapin ng mga disipulo si Jesus sa kanilang bangka, “pagdaka’y” o di-natagalan ay (Juan 6:21) nakadaong sila nang ligtas sa kanilang destinasyon. Kapag malugod na tinanggap natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo, gagabayan Niya tayo na maging ligtas sa mga pakikibaka sa buhay.
Nakatala sa Juan 6:22–59 na naglakbay patungong Capernaum ang karamihan sa mga tao na pinakain ni Jesus upang hanapin Siya, dahil gusto pa nilang mapakain sila. May ilang taong nagbulung-bulungan laban sa Tagapagligtas dahil itinuro Niya na Siya ang tinapay na bumaba galing langit. Itinuro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan at kung lalapit sa Kanya ang mga tao at tatanggapin ang Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala, matatanggap nila ang buhay na walang hanggan.
Juan 6:60–71
Nagpatotoo si Pedro na ang mga salita ng buhay na walang hanggan ay na kay Jesus
Isipin ang isang pangyayari kung saan kinailangan mong magdesisyon kung itutuloy mo o ihihinto ang paggawa ng isang bagay na mahirap.
Matapos ituro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan, ilang mga disipulo ang kinailangang magpasiya kung magpapatuloy ba sila sa pagsunod sa Kanya o hindi na. Basahin ang Juan 6:60, 66, na inaalam ang naging reaksyon ng maraming disipulo ni Jesus sa Kanyang mga turo.
Ang ibig sabihin ng mga katagang “matigas ang pananalitang ito” sa talata 60 ay naramdaman nilang masyadong mahirap sundin ang mga turo ni Jesus.
Alin sa mga turo ni Jesucristo ang maaaring mahirap sundin para sa mga tao sa ating panahon? (Kung kailangan, alamin ang mga turo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na maaaring mahirap sundin para sa ilang mga kabataan.)
Basahin ang Juan 6:67–69, na inaalam ang itinanong ni Jesus sa Kanyang mga Apostol at ang isinagot ni Pedro sa tanong na ito.
Ang isang katotohanan na malalaman natin mula sa sagot ni Pedro ay ang matibay na patotoo kay Jesucristo ay makatutulong sa atin na manatiling tapat sa mga sandaling tila mahirap sundin ang Tagapagligtas o ipamuhay ang Kanyang mga turo. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 6:67–69.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano nakatulong sa iyo o sa sinumang kilala mo ang matibay na patotoo sa Tagapagligtas upang manatiling tapat kahit na tila mahirap sundin ang mga turo ng ebanghelyo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 5–6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: