Unit 27: Day 2
Kay Tito
Pambungad
Pinayuhan ni Apostol Pablo sa sulat na ito si Tito, na kapwa missionary na naglilingkod noon sa Creta, na gamitin ang totoong doktrina para turuan at iwasto ang iba. Pinayuhan din ni Pablo si Tito na turuan ang mga Banal na maging mabubuting halimbawa, na magkaroon ng pag-asa ng pagtubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at magpatuloy sa mabubuting gawa.
Kay Tito 1
Pinayuhan ni Pablo si Tito na gamitin ang totoong doktrina para turuan at iwasto ang mga Banal at ang iba pa sa Creta
Hanapin ang isla ng Creta sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Nang papatapos na ang buhay ni Pablo, sumulat si Pablo kay Tito, na naglilingkod bilang lider ng Simbahan sa Creta. Si Tito ay napabalik-loob ni Pablo ilang taon na ang nakararaan, at matapos siyang mabinyagan ay naglingkod na kasama ni Pablo sa iba’t ibang tungkulin. Sa kanyang sulat, hinikayat ni Pablo si Tito at pinayuhan ito tungkol sa kanyang tungkulin.
Tulad ng nakatala sa Kay Tito 1:1–6, nagpatotoo si Pablo tungkol sa pag-asa niya sa buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Diyos bago nagsimula ang daigdig (tingnan sa Kay Tito 1:2). Ipinaliwanag niya na isinugo niya si Tito upang ayusin ang Simbahan sa Creta at tumawag ng kalalakihan na maglilingkod bilang mga bishop.
Basahin ang Kay Tito 1:7–8, na inaalam ang mga ugaling dapat taglayin ng isang bishop at ang mga ugaling dapat iwasan ng isang bishop. Maaari mong markahan o isulat ang nalaman mo.
Sa Kay Tito 1:7, ang ibig sabihin ng mga salitang mapagsariling kalooban ay matigas ang loob o mayabang at ang mga katagang “masakim sa mahalay na kapakinabangan” ay tumutukoy sa salapi na nakakamtan sa pamamagitan ng kasinungalingan o kung hindi man ay sa masasamang paraan.
Sa palagay mo, bakit ang mga ugaling inilista ni Pablo ay mahalagang taglayin o iwasan ng mga bishop?
Basahin ang Kay Tito 1:9, na inaalam ang iba pang mga ugali na dapat taglayin ng mga bishop. Ang “magaling na aral” ay tumutukoy sa totoong doktrina.
Nalaman natin sa Kay Tito 1:9 na mahalaga sa mga bishop na humawak nang mahigpit sa salita ng Diyos para magamit nila ang totoong doktrina upang mahikayat ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo at “papaniwalain ang nagsisisalangsang.” Ang nagsisisalangsang ay isang taong nagsasalita nang laban sa isang ideya o tinatanggihan ito (sa ganitong sitwasyon, ang katotohanan ng ebanghelyo). Ang mga nagsisisalangsang ay maaaring kapwa hindi miyembro at miyembro ng Simbahan.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga turo ni Pablo ay na kapag humawak tayo nang mahigpit sa salita ng Diyos, magagamit natin ang totoong doktrina para mahikayat ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.
Isipin ang sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kapangyarihan ng totoong doktrina sa pagtulong sa mga tao na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo:
“Ang totoong doktrina na naunawaan, ay nagpapabago ng ugali at gawi.
“Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis magpabuti ng ugali kaysa pag-aaral ng pag-uugali. Ang pagtutuon sa hindi karapat-dapat na ugali ay maaaring humantong sa hindi karapat-dapat na ugali. Iyan ang dahilan kaya binibigyang-diin natin nang husto ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang magagawa mo para maging handa na maituro ang totoong doktrina nang sa gayon ay mahikayat mo ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo? (Tingnan sa D at T 11:21.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng pangyayari mula sa mga banal na kasulatan na nagturo ang isang tao ng totoong doktrina sa taong nagpahayag ng pag-aalinlangan o pagkapoot sa Simbahan o sa doktrina nito? (Magsama ng kahit isang halimbawa ng pangyayari na nagsisi ang isang tao dahil tinuruan siya ng totoong doktrina.)
-
Isipin ang isang pagkakataon na dahil sa natutuhan mo ang totoong doktrina ay nahikayat o nakumbinsi ka o ang isang taong kilala mo na lubos na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Bagama’t ang totoong doktrina ay makatutulong sa atin na hikayatin ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo at masagot nang may pananampalataya at patotoo ang mga taong kumakalaban sa Simbahan, hindi ito nangangahulugang tatanggapin ng isang tao ang doktrina ni Jesucristo. Dahil lahat ng tao ay may kalayaang pumili, maaari nilang piliing tanggapin o tanggihan ang totoong doktrina.
-
Isulat ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Sumulat ng kahit tatlong scripture mastery passage na pinag-aralan mo sa taong ito na lalong nakatulong na mahikayat ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo. Ipaliwanag kung paano makatutulong ang bawat scripture passage.
-
Sumulat ng kahit tatlong scripture mastery passage na maaaring gamitin upang makatulong sa pagsagot sa mga taong kumakalaban sa turo o gawain ng Simbahan. Ipaliwanag kung paano makatutulong ang bawat scripture passage sa pagtuturo ng totoong doktrina na sasagot sa kanilang pagsalungat.
-
Patuloy na isaulo at unawain ang mahahalagang scripture passage nang sa gayon ay maging handa kang ituro ang totoong doktrina sa iba.
Tulad ng nakatala sa Kay Tito 1:10–16, itinuro ni Pablo kay Tito na kailangang umasa ang mga Banal sa Creta sa tunay na doktrina dahil maraming mapanlinlang at huwad na guro sa kalipunan nila. Pinayuhan niya si Tito na pagsabihan ang mga bulaang guro nang sa gayon ay talikuran nila ang kanilang mga kamalian at “mangapakagaling sa pananampalataya” (Kay Tito 1:13). Ipinaliwanag din ni Pablo na ipinapakita ng mga tao na malapit sila sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.
Kay Tito 2
Pinayuhan ni Pablo si Tito na turuan ang mga Banal sa Creta na ipamuhay ang totoong doktrina
Basahin ang Kay Tito 2:1, na inaalam kung ano pa ang ipinagagawa ni Apostol Pablo kay Tito tungkol sa totoong doktrina.
Basahin ang Kay Tito 2:3–5, na inaalam ang ipinayo ni Pablo kung paano dapat mamuhay ang matatandang babae at kung ano ang dapat nilang ituro sa mas mga nakababatang babae. Pagkatapos ay basahin ang Kay Tito 2:2, 6–8, na inaalam ang ipinayo ni Pablo kung paano dapat mamuhay ang matatandang lalaki at ang mga mas nakababatang lalaki. Sa talata 2, ang ibig sabihin ng mapagpigil ay kalmado o matino at ang ibig sabihin ng mahinahon ang pagiisip ay mapagtimpi. Sa talata 7, ang ibig sabihin ng ipakita ang kahusayan ay maging kagalang-galang at magalang. Ang ibig sabihin ng mga katagang “sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa” sa Kay Tito 2:7 ay maging mabuting halimbawa sa pamumuhay ng ebanghelyo. Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang alinman sa ipinayo ni Pablo na angkop para sa iyo.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa ipinayo ni Pablo ay na dapat maging mabuting halimbawa sa iba ang mga disipulo ni Jesucristo.
-
Isipin ang isang matandang miyembro ng inyong ward o branch na naging mabuting halimbawa sa pamumuhay ng ebanghelyo at pagiging tapat dito. Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano nakatulong sa iyo ang halimbawa ng taong ito.
Pumili ng isa sa mga ugaling nakatala sa Kay Tito 2:2–8, at magtakda ng mithiing taglayin ang ugaling iyan sa iyong buhay para mapagpala ng iyong mabuting halimbawa ang ibang tao.
Nakatala sa Kay Tito 2:9–10 na pinayuhan ni Pablo si Tito na ituro sa mga miyembro ng Simbahan na nagtatrabaho bilang mga tagapaglingkod na maging tapat at masunurin sa kanilang mga amo. Sa pagiging tapat at masunurin, igagalang ng mga miyembrong ito ng Simbahan ang Panginoon at magiging mabuting halimbawa sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.
Basahin ang Kay Tito 2:11–15, na inaalam ang nagawa ng ebanghelyo para sa mga Banal at ang nagawa ni Cristo para sa ating lahat. Maaari mong markahan ang itinuro ng ebanghelyo na asamin ng mga tao. Mababasa sa Joseph Smith Translation, Titus 2:11, “Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao.”
Batay sa itinuro ni Pablo sa Kay Tito 2:14, nalaman natin na ibinigay ni Jesucristo ang Kanyang Sarili para sa atin upang matubos at madalisay Niya tayo. Ang mga katagang “[kakaibang] bayan” sa talata 14 ay tumutukoy sa mga natatanging tao ng Panginoon na Kanyang binili o tinubos (tingnan sa I Ni Pedro 1:18–19; 2:9) at nakipagtipan na susundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Exodo 19:5–6).
Kay Tito 3
Sinabi ni Pablo kay Tito ang dapat gawin ng mga Banal sa Creta pagkatapos silang mabinyagan
Tulad ng nakatala sa Kay Tito 3:1–2, pinayuhan ni Pablo si Tito na ituro sa mga Banal sa Creta na sundin ang batas ng lupain at magpakita ng mabuting halimbawa sa pagiging mapagkumbaba at hindi pagsasalita ng masama sa iba. Basahin ang Kay Tito 3:3–8, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa kung paano siya, ang mga miyembro ng Simbahan sa Creta, at ang lahat ng mga Banal binago ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Pansinin sa Kay Tito 3:3 kung paano inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili at ang ibang miyembro ng Simbahan bago nila nalaman ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari mong markahan sa Kay Tito 3:4–6 kung ano ang nagpabago sa mga tao. Sa Kay Tito 3:5, ang mga katagang “paghuhugas sa muling kapanganakan” ay tumutukoy sa pagpapabinyag.
Isipin kung paano ka nagbago dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Pansinin sa Kay Tito 3:8 na pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na “maging maingat na papanatilihin ang mabubuting gawa.” Sa iyong scripture study journal, magsulat tungkol sa mabubuting bagay na ginagawa mo at na patuloy mong gagawin upang maipakita ang iyong pananalig sa Diyos.
Tulad ng nakatala sa Kay Tito 3:9–15, pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na umiwas sa pakikipagtalo, o pakikipag-away, sa mga hindi naniniwala. Sinabi rin niya kay Tito na magpapadala siya ng iba pang mga lider ng Simbahan na bibisita sa Creta.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Kay Tito at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: