Unit 10: Day 1
Lucas 5
Pambungad
Sina Pedro, Santiago, at Juan ay mga mangingisda, ngunit pagkatapos mahimalang makahuli ng maraming isda sa tulong ng Tagapagligtas, iniwan nila ang lahat upang sumunod sa Tagapagligtas at maging mga mamamalakaya ng mga tao. Pinagaling ni Jesus ang isang ketongin at isang lalaking bulag. Tinawag Niya si Mateo para maging disipulo at nagturo na naparito Siya upang mangaral ng pagsisisi sa mga makasalanan. Itinuro rin ni Jesus ang talinghaga ng paglalagay ng bagong alak sa mga lumang balat.
Lucas 5:1–11
Sina Pedro, Santiago, at Juan ay tinawag ng Panginoon na maging mga mamamalakaya ng mga tao
Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong: Kailan ka inutusang gawin ang isang bagay nang hindi nalalaman ang dahilan kung bakit ito gagawin? Bakit maaaring mahirap sundin ang mga tagubilin kapag hindi nauunawaan ang mga dahilan nito?
Anong mga payo mula sa mga lider ng Simbahan o mga kautusan ng Panginoon ang maaaring mahirap sa ilang kabataan na sundin kung hindi nila lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito?
Sa pag-aaral mo ng Lucas 5:1–11, hanapin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo kapag hindi mo gaanong nauunawaan kung bakit kailangan mong sundin ang payo ng mga lider ng Simbahan o ang kautusan ng Panginoon.
Basahin ang Lucas 5:1–5, na inaalam ang ipinagagawa ng Tagapagligtas kay Pedro (na tinawag na Simon dito; tingnan sa Lucas 5:8) pagkatapos Niyang mangaral. Ang “dagat-dagatang Genezaret” (Lucas 5:1) ay ang Dagat ng Galilea, at ang mga katagang “ihulog ninyo ang inyong mga lambat” sa talata 4 ay tumutukoy sa paghagis ng kanilang mga lambat para makahuli ng mga isda. Maaari mong markahan sa talata 5 kung ano ang itinugon ni Pedro sa iniutos ng Tagapagligtas.
Ano ang maaaring naging karanasan noon ni Pedro sa pangingisda kaya niya nasabi iyon nang iutos sa kanya ng Tagapagligtas na ihulog muli ang mga lambat?
Basahin ang Lucas 5:6–9, na inaalam ang nangyari nang sundin ni Pedro ang iniutos ng Panginoon. Maaari mong markahan ang mga salita o mga kataga na nagpapakita kung bakit dapat nating gawin ang iniuutos ng Tagapagligtas sa atin, kahit hindi natin nauunawaan ang dahilan nito.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa talang ito ay kung susundin natin ang utos ng Panginoon kahit hindi natin nauunawaan ang dahilan nito, magbibigay Siya ng mas malalaking pagpapala kaysa inaasahan natin. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Lucas 5:3–9.
Sa paanong paraan kinakailangan ang pagtitiwala natin kay Jesucristo sa pagsunod sa alituntuning ito?
Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang buhay na ito ay isang karanasan sa pagtitiwala nang lubos—pagtitiwala kay Jesucristo, pagtitiwala sa Kanyang mga turo, pagtitiwala sa ating kakayahan kapag nahikayat ng Banal na Espiritu na sundin ang mga turong iyon upang lumigaya ngayon at upang mabuhay nang may layunin at lubos na kaligayahan sa kawalang-hanggan. Ang ibig sabihin ng magtiwala ay sumunod nang kusa nang hindi nalalaman ang wakas mula sa pasimula (tingnan sa Kawikaan 3:5–7). Upang mabuti ang ibunga nito, dapat mas malakas at matibay ang inyong pagtitiwala sa Panginoon kaysa pagtitiwala ninyo sa sarili ninyong damdamin at kaalaman.
“Ang manampalataya ay magtiwala na nalalaman ng Panginoon ang ginagawa Niya para sa inyo at na maisasagawa Niya ito para sa inyong walang hanggang kabutihan bagama’t hindi ninyo nauunawaan kung paano Niya ito magagawa” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 17).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano ka magkakaroon ng gayong uri ng pagtitiwala kay Jesucristo na inilarawan ni Elder Scott?
-
Paano ka o ang iyong pamilya nakatanggap ng mas malalaking pagpapala na hindi mo inasahan dahil sa pagsunod sa mga tagubilin ng Panginoon kahit hindi mo lubos na naunawaan ang mga dahilan nito?
-
Sa isang papel, magsulat ng payo o mga kautusan ng Panginoon na mas lalo mo pang masusunod kahit hindi mo lubos na nauunawaan ang mga dahilan sa paggawa nito. (Kung may magagamit kang Para sa Lakas ng mga Kabataan [booklet, 2011], maaari mong basahin ito para makakuha ka ng mga ideya.) Ilagay ang papel sa isang lugar na makatutulong sa iyo na maalala ang iyong mithiin na gawin ang ipinagagawa ng Panginoon.
Nabasa natin sa Lucas 5:10–11 na iniwan nina Pedro, Santiago,at Juan ang kanilang mga bangkang pangisda para sumunod kay Jesus.
Lucas 5:12–26
Pinagaling ni Jesus ang isang lalaking may ketong at isang lalaking lumpo
Ano ang ilang bagay na maaaring gamitin para matulungan o magamot ang isang taong maysakit o nasugatan.
Maliban sa karamdaman at pinsala sa katawan, ano pa ang kinakailangang mapagaling sa isang tao?
Sa pag-aaral mo ng Lucas 5:12–25, alamin ang mga alituntunin na nagtuturo ng maaari mong gawin upang matulungan ang iyong sarili at ang iba na makatanggap ng kinakailangang paggaling.
-
Nabasa natin sa Lucas 5:12–25 ang tungkol sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa dalawang lalaki. Isa sa mga lalaki ay may ketong, at ang isa pang lalaki ay lumpo, ibig sabihin ay paralisado siya. Basahin ang Lucas 5:12–15 at Lucas 5:17–25, at ihambing ang dalawang kaganapan. Sa iyong scripture study journal, gumawa ng chart gaya ng nasa ibaba, at irekord kung paano nagkatulad at nagkaiba ang mga ito.
Mga Pagkakatulad |
Mga Pagkakaiba |
---|---|
Isiping mabuti ang nagawa ng pananampalataya sa bawat kaganapan. Maaari mong markahan ang mga katagang “pagkakita sa kanilang pananampalataya” sa Lucas 5:20. Nakita ng Tagapagligtas ang pananampalataya ng mga taong nagdala ng lalaking lumpo sa Kanya.
Ang Joseph Smith Translation ay nakatulong sa atin na mas maunawaan ang itinanong ni Jesus sa Lucas 5:23: “Nangangailangan pa ba ng mas malaking kapangyarihan ang pagpapatawad ng mga kasalanan kaysa patayuin at palakarin ang maysakit?” (Joseph Smith Translation, Luke 5:23 ). Sa pagtatanong na ito, itinuro ni Jesucristo na Siya ay may kapangyarihang pagalingin kapwa ang pisikal at espirituwal na karamdaman.
Ano ang matututuhan mo mula sa mga talang ito tungkol sa paano tayo mapapagaling at ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na mapagaling?
Matututuhan natin mula sa mga talang ito na kapag sumampalataya tayo at lumapit sa Tagapagligtas, mapapagaling Niya tayo at maaari nating tulungan ang iba na lumapit sa Tagapagligtas upang sila ay mapagaling din. Maaari mong isulat ang mga alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Lucas 5:12–25.
Ang pagpapagaling ay hindi nangangahulugang aalisin ng Tagapagligtas ang mga karamdaman natin. Ang pagpapagaling ay maaari ding mangahulugang bibigyan Niya tayo ng lakas ng loob, pananampalataya, kapanatagan, at kapayapaan na kailangan natin upang mapagtiisan o makayanan ang ating mga karamdaman.
Pag-isipan ang sumusunod na payo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang kabutihan at pananampalataya ay mga kasangkapan sa pag-aalis ng mga balakid—kung ang pag-aalis ng mga balakid ay nagsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Ang kabutihan at pananampalataya ay tunay na kasangkapan sa pagpapagaling ng maysakit, bingi, o lumpo—kung ang gayong paggaling ay magsasakatuparan sa mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Ngunit, kahit malakas ang pananampalataya, maraming balakid ang hindi naaalis. At hindi lahat ng maysakit at may karamdaman ay mapagagaling. Kung lahat ng oposisyon ay mababawasan, kung lahat ng hirap ay aalisin, ang pangunahing mga layunin ng plano ng Ama ay mabibigo.
“Marami sa mga aral na dapat nating matutuhan sa mortalidad ay matatanggap lamang sa mga bagay na nararanasan natin at pinagdudusahan kung minsan. At umaasa at nagtitiwala ang Diyos na haharapin natin ang pansamantalang paghihirap ng buhay sa tulong Niya upang matutuhan natin ang dapat nating matutuhan at sa huli ay marating ang dapat nating marating sa kawalang-hanggan” (“Upang Tayo’y ‘Hindi … Manliit’ [D at T 19:18]” [CES devotional para sa young adults, Mar. 3, 2013], lds.org/broadcasts).
-
Isipin ang mga karamdamang kinakailangang mapagaling sa mga tao. Sa iyong scripture study journal, sagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang magagawa mo para makatulong sa pagdadala ng mga tao sa Tagapagligtas upang sila ay Kanyang mapagaling?
-
Kailan ka o ang isang kakilala mo napagaling sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas?
-
Kailan mo nakita ang isang tao na nagdala sa Panginoon ng iba pa para mapagaling ng Tagapagligtas?
-
Pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa mo para mas lalo ka pang manampalataya kay Jesucristo upang ikaw ay mapagaling, mapatawad, o mapanatag. Isipin din ang mga paraan na madadala mo ang isang kaibigan o iba pang tao sa Tagapagligtas.
Lucas 5:27–35
Nagtanong ang mga eskriba at mga Fariseo kung bakit kumakain si Jesus kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan
Basahin ang Lucas 5:27–28, na inaalam ang paanyaya ng Tagapagligtas kay Mateo (na tinawag na Levi dito; tingnan sa Mateo 9:9).
Ano ang hinangaan mo sa pagtugon ni Mateo sa paanyaya ng Tagapagligtas?
Si Mateo ay maniningil ng buwis, ibig sabihin ay nangongolekta siya ng mga buwis sa kapwa Judio para sa pamahalaang Romano. Karaniwang kinapopootan ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis at itinuturing sila na masasama at mga makasalanan. Nabasa natin sa Lucas 5:29–35 na habang kumakain si Jesus kasama si Mateo at ang iba pa, kinutya Siya ng mga eskriba at mga Fariseo sa pagsalo sa mga makasalanan. Itinuro ni Jesus na naparito Siya upang mangaral ng pagsisisi sa mga makasalanan.
Isipin kung paano pakikitunguhan ng Tagapagligtas ngayon ang mga yaong nasa paaralan mo na mga nag-iisa at parang itinakwil. Pag-isipang mabuti kung paano mo, tulad ng ginawa ni Jesus, isasama ang mga yaong nag-iisa at parang itinakwil o itinuturing na hindi gaanong tanggap ng lahat nang hindi ikinukumpromiso ang iyong mga pamantayan.
Lucas 5:36–39
Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng bagong alak na nasa mga lumang balat
Gumamit ang Tagapagligtas ng talinghaga upang turuan ang mga eskriba at mga Fariseo. Basahin ang Lucas 5:36–39, na inaalam ang mga bagay na ginamit ng Tagapagligtas upang ituro ang Kanyang talinghaga. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan.
Isipin ang isang butas o punit sa isang lumang tela na tinagpian ng bagong tela. Ang estilo ng bagong tela ay maaaring hindi tumugma sa lumang telang iyon, o maaaring umurong ang bagong tela kapag ito ay nilabhan at lalo pa itong magpapalaki sa dating butas o punit. Sa gayunding paraan, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi pagtatagpi sa mga sinaunang paniniwala at gawi kundi isang lubos at ganap na panunumbalik ng katotohanan.
Sa Lucas 5:37, ang mga salitang mga balat ay tumutukoy sa mga balat na sisidlan o wineskins. Ang bagong balat ay malambot at madaling mabaluktot, ang lumang balat naman ay nagiging matigas at madaling mabiyak.
Kapag ang bagong alak ay nagtagal sa balat na sisidlan, nagkakaroon ng gas sa loob at nababanat ang balat. Kapag nabanat nang ganito, ang luma at matigas na wineskins ay puputok. Sa talinghaga, ang bagong alak ay sumasagisag sa mga turo at ebanghelyo ng Tagapagligtas, at ang lumang alak ay sumasagisag sa mga gawi, kaugalian, at paniniwala ng mga Fariseo sa ilalim ng batas ni Moises.
Paano sumasagisag ang “mga balat na luma” sa mga eskriba at mga Fariseo na tinuturuan ni Jesus?
Pag-isipan kung paano sumasagisag ang “mga bagong balat” sa mga taong mapagkumbaba at handang magbago upang matanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo. Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa talinghaga ng Tagapagligtas ay na upang matanggap ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo, dapat tayong maging mapagkumbaba at handang magbago.
-
Upang matulungan ka na mas maunawaan ang alituntuning ito, basahing muli ang Lucas 5. Maghanap ng mga halimbawa ng mga sumusunod na uri ng tao, at isulat ang nahanap mo sa iyong scripture study journal:
-
Mga taong matigas ang ulo at puso at ayaw sumunod sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo.
-
Mga taong mapagkumbaba at handang magbago at umuunlad sa pagsunod nila sa Tagapagligtas.
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Lucas 5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: