Unit 22: Day 1
I Mga Taga Corinto 7–8
Pambungad
Itinuro ni Apostol Pablo sa mga may asawa at walang asawang miyembro ng Simbahan sa Corinto ang tungkol sa kasal at sa gawaing misyonero. Sa pagsagot sa tanong tungkol sa pagkain ng mga karneng inihain sa mga diyus-diyusan, itinuro niya sa mga Banal na isipin ang epekto sa iba ng kanilang ginagawa at magkusa nang tigilan ang mga pag-uugali na magiging dahilan para sa espirituwal na pagkadapa o paghina ng iba.
I Mga Taga Corinto 7
Pinayuhan ni Pablo ang mga may asawa at walang asawa na mga miyembro ng Simbahan tungkol sa kasal
-
Idrowing ang sumusunod na diagram sa iyong scripture study journal. Dadagdagan mo pa ito habang pinag-aaralan mo ang I Mga Taga Corinto 7.
Tulad natin, ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay kabilang sa lipunan na may nakalilito at magkakasalungat na pananaw tungkol sa kasal at pakikipagtalik. Sa pagtukoy dito at sa iba pang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, mahalagang malaman ang kaibhan ng mga tama at maling paniniwala.
Nabasa mo sa I Mga Taga Corinto 5–6 ang ilan sa mga maling paniniwala tungkol sa seksuwal na relasyon na laganap sa Corinto. Isa sa mga maling paniniwalang ito ay ang sumusunod: Katanggap-tanggap na makipagtalik kahit kanino. Isulat ang pahayag na ito sa ilalim ng “Maling paniniwala:” sa bandang kanan ng diagram na idinrowing mo sa iyong scripture study journal. Isipin kung bakit mali ang paniniwalang ito.
Sumulat kay Apostol Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na humihingi ng gabay tungkol sa pamantayan ng Panginoon sa kalinisang puri. Basahin ang I Mga Taga Corinto 7:1, na inaalam ang itinanong kay Pablo ng mga Banal sa Corinto.
Ang mga katagang “mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae” sa talata 1 ay nagpapakita na may mga tanong ang mga Banal sa Corinto tungkol sa kung kailan dapat makipagtalik at kung tama ba na makipagtalik. Bukod pa riyan, may mga ilan pa na nagtanong kung dapat bang magtalik ang mag-asawa. Isulat ang pahayag na ito sa ilalim ng “Maling Paniniwala:” sa bandang kaliwa ng diagram na idinrowing mo sa iyong scripture study journal: Kahit kailan ay hindi katanggap-tanggap ang makipaggtalik, kahit kasal na kayo.
Ang dalawang maling paniniwala na nakasulat sa iyong scripture study journal ay parehong naglalarawan ng pananaw na lubhang kakaiba sa pamantayan ng Diyos sa pagtatalik.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 7:2–3, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa pakikipagtalik. Ang salitang pakikiapid sa talata 2 ay tumutukoy sa mga seksuwal na relasyon na walang basbas ng kasal, at ang mga katagang “sa kaniya’y nararapat” sa talata 3 ay tumutukoy sa pagmamahal at pagtatalik ng mag-asawa.
Nalaman natin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na ang “ang pagtatalik sa pagitan ng mag-asawa ay maganda at sagrado. Ito ay inordena ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at para maipahayag ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa. Iniutos ng Diyos na ilaan ang seksuwal na intimasiya matapos ang kasal” ([buklet, 2011], 35).
Isulat ang sumusunod sa ilalim ng “Katotohanan:” sa iyong scripture study journal: Ang pagtatalik sa pagitan ng mag-asawa ay maganda at sagrado.
Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang utos na magpakarami at kalatan ang lupa ay hindi kailanman binawi. Ito ay mahalaga sa plano ng pagtubos at ito ang pinagmumulan ng kaligayahan ng tao. Sa matuwid na paggamit ng kapangyarihang ito, maaari tayong mapalapit sa ating Ama sa Langit at maranasan ang lubos na kagalakan, maging ang pagkadiyos. Ang kapangyarihang lumikha ng bata ay hindi nagkataon lang na bahagi ng plano ng kaligayahan; ito ang susi sa kaligayahan.
“Ang hangaring magtalik ng mga tao ay hindi nagbabago at masidhi. Ang ating kaligayahan sa buhay na ito, ang ating kagalakan at kadakilaan ay depende sa paraan ng pagtugon natin sa masidhi at mapamukaw na pagnanasang ito” (“Ang Plano ng Kaligayahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 26).
Bakit napakahalaga ng kapangyarihang lumikha—ang kakayahang lumikha ng buhay—sa plano ng Ama sa Langit para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak?
Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 7:1–24, itinuro ni Pablo na maliban lamang sa kakaiba at pansamantalang kalagayan, hindi dapat pigilin ng mag-asawa ang pagmamahal sa isa’t isa; ang mga miyembro ng Simbahan na nabalo at nahiwalay sa asawa ay pinahihintulutang mag-asawa muli kung gusto nila, at dapat “manatili sa Dios” (I Mga Taga Corinto 7:24) anuman ang kalagayan nila. Sinabi rin ni Pablo na iwasan ang diborsyo o pakikipaghiwalay sa asawa.
May mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na hindi Kristiyano ang mga asawa. Isipin ang ilan sa mga problemang maaaring maranasan ng mag-asawa na magkaiba ang relihiyon.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 7:12–17, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Pablo na makatutulong sa mga part-member na pamilya ngayon.
Ang sumusunod ay isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talatang ito: Pinababanal ng matatapat na mga tagasunod ni Jesucristo ang kanilang mga pamilya.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong mga halimbawa ang nakita mo kung saan nakapagbigay ng magandang impluwensya ang isang miyembro ng Simbahan sa mga kapamilya niya na hindi miyembro ng Simbahan o hindi aktibo sa Simbahan?
Tinalakay ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 7:25–40 ang mga kalamangan at kakulangan ng walang asawa o may-asawa na “tinawag sa ministeryo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, I Mga Taga Corinto 7:29 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]), o tinawag sa misyon. Itinuro niya na ang mga walang asawa o mga single missionary ay mas kaunti ang kailangang intindihin habang naglilingkod kumpara sa taong may-asawa na may pamilyang dapat itaguyod. Gayunman, hindi niya sila pinagbawalan na magpakasal o magmisyon nang may asawa na. Ang ilang halimbawa ng mga mag-asawa na nasa full-time service ngayon sa Simbahan ay ang mga senior missionary couple, mission president, temple president, at mga General Authority ng Simbahan.
I Mga Taga Corinto 8
Sinagot ni Pablo ang tanong tungkol sa pagkain ng karneng inihahain sa mga diyus-diyusan
Ibinahagi ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na karanasan:
“Nalaman ko na kung namumuhay kayo nang ayon sa nararapat, napapansin kayo ng mga tao at humahanga sila sa inyong mga paniniwala at naiimpluwensiyahan ninyo ang buhay ng iba.
“[Matagal akong nagtrabaho] sa isang department store. Dahil isa ako sa mga namamahala, naging mahalaga sa akin ang makihalubilo sa ibang mga negosyante. Ang mga miting sa karamihan ng mga organisasyong ito ay laging nagsisimula sa cocktail [kung kailan kinaugalian nang maghain ng alak]. Ito ang oras para makahalubilo at makilala ang mga taong kabilang sa organisasyon. Lagi akong hindi komportable sa ganitong mga pagtitipon. Noong una humingi ako ng lemon-lime soda. Ngunit hindi nagtagal at natuklasan ko na kakulay ng marami sa iba pang mga inumin ang lemon-lime soda. Hindi ko maipapakita sa iba na hindi ako umiinom ng alak samantalang may hawak akong soda” (“Ang Tradisyon ng Balanse at Matwid na Pamumuhay,” Liahona, Ago. 2011, 32–33).
Ano kaya ang nangyari kung patuloy na uminom si Elder Perry ng soda o soft drinks na mukhang alak sa ganoong mga pagtitipon?
Ano ang ilan pang mga sitwasyon kung saan makaiimpluwensya nang di-maganda ang iyong halimbawa kahit wala kang ginagawang mali?
Itinanong ng mga miyembro ng Simbahan sa Corinto kung tama bang kainin nila ang mga pagkaing inihain sa mga diyus-diyusan, o mga diyos ng mga pagano. Sa pagtugon, naisip ni Apostol Pablo na maaaring akalain ng mga miyembro ng Simbahan na tama ito dahil alam nila na hindi totoo ang mga diyos ng mga pagano (tingnan sa I Mga Taga Corinto 8:4–6).
Basahin ang I Mga Taga Corinto 8:1, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto.
Pansinin sa talata 1 ang ibubunga ng kaalaman at ng pag-ibig sa kapwa. Ibig ipabatid ni Pablo na ang pag-ibig sa kapwa-tao (“ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” [Moroni 7:47], na di-makasariling pagmamahal sa iba) ay mas mahalaga kaysa magpakita ng kaalaman tungkol sa partikular na patakaran sa pagkain.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 8:7–11, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa pagkain ng inihain sa mga diyus-diyusan. Ang salitang mahihina sa mga talatang ito ay tumutukoy sa mga miyembro ng Simbahan na mahina ang pananampalataya. Ang salitang kalayaan sa talata 9 ay nagsasabi na walang partikular na utos na nagbabawal na kainin ang ilang uri ng pagkain.
Pansinin sa I Mga Taga Corinto 8:9 na nagbigay si Pablo ng mabigat na dahilan kung bakit hindi dapat kainin ng mga Banal ang pagkaing inihain sa mga diyus-diyusan. Anong halimbawa ang ibinigay ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 8:10–11 tungkol sa isang paraan na magiging katitisuran ang pagkain ng inihain sa mga diyus-diyusan?
Basahin ang I Mga Taga Corinto 8:12–13, na inaalam kung paano tinapos ni Pablo ang kanyang babala tungkol sa paggawa ng mga bagay na posibleng ikatisod ng ibang tao. Ang mga katagang “nakapagpapatisod sa aking kapatid” sa talata 13 ay maaari ding isalin na “nakapagpa[pa]dapa [o] nakapagpapahina ng loob ng aking kapatid” (I Mga Taga Corinto 8:13).
Ang sumusunod ay alituntuning matututuhan natin mula sa mga itinuro ni Pablo: Maipapakita natin ang pag-ibig sa ating kapwa-tao sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga gawain na maaaring humantong sa kanilang espirituwal na pagkatisod. (Maaalala mo sa pinag-aralan mo sa Mga Taga Roma 14 na itinuro rin ni Pablo sa mga Banal sa Roma ang alituntuning ito.)
Basahin ang nalalabing bahagi ng ikinuwento ni Elder Perry tungkol sa ipinasiya niyang gawin habang nasa cocktail party. Pansinin kung paano niya ginamit ang alituntuning ito.
“Sa huli ay nagpasiya ako na kailangan kong pumili ng inuming talagang magpapakita na hindi ako umiinom ng alak. Pinuntahan ko ang bartender at humingi ako ng isang basong gatas. Noon lang may humiling ng gayon sa bartender. Pumunta siya sa kusina at nakahanap ng isang basong gatas para sa akin. Kaya may inumin na ako na talagang ibang-iba sa itsura ng mga alak na iniinom ng iba. Bigla na lang natuon sa akin ang pansin ng lahat. Maraming nagbiro tungkol sa iniinom ko. Pinag-usapan na ang gatas na iniinom ko. …
“Gatas na ang pinipili kong inumin sa mga cocktail. Hindi nagtagal marami na ang nakaalam na Mormon ako. Talagang ikinagulat ko ang respetong tinanggap ko, pati na ang nakatutuwang pangyayaring naganap. Nakisama na rin sa akin ang iba sa pag-inom ng gatas sa cocktail!
“Magkaroon ng lakas-ng-loob na maging kakaiba. Ipamuhay ang mga pamantayang itinuturo sa atin sa ebanghelyo” (“Ang Tradisyon ng Balanse at Matwid na Pamumuhay,” 33).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang iba pang halimbawa ng paraan na maipapakita mo ang pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga gawain na maaaring humantong sa espirituwal na pagkadapa nila?
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Corinto 7–8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: