Library
Halina’t Basahin ang Bagong Tipan


Halina’t Basahin ang Bagong Tipan

Ano ang Bagong Tipan?

Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng mga isinulat ng mga unang Apostol at mga disipulo ni Jesus na nagsulat sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu Santo. Naglalaman ito ng apat na Ebanghelyo, na mga patotoo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan tungkol kay Jesucristo bilang ang ipinangakong Mesiyas—ang Tagapagligtas at Manunubos—at ang nabuhay na mag-uling Panginoon. Ang apat na Ebanghelyo ay nagsasalaysay tungkol sa buhay ni Jesus at nagtatala ng marami sa Kanyang mga turo. Naglalaman ang Bagong Tipan ng mga doktrina at mga alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol na makatutulong sa iba na malaman kung paano makabalik sa piling ng Diyos Ama at makamit ang buhay na walang hanggan. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, kasama ang Biblia ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas bilang banal na kasulatan (tingnan sa Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:8).

Ibinuod ni Elder Bruce R McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mahahalagang nilalaman ng Bagong Tipan: “Ang Bagong Tipan … ay nagsasalaysay ng katuparan ng mga sinaunang pangako; naghahayag ng pagsilang at ministeryo at nagbabayad-salang sakripisyo ng Ipinangako; nagpapaliwanag sa mga nakapagliligtas na doktrina ng kanyang walang hanggang ebanghelyo; nagtatala sa paglago at paglaganap ng ebanghelyo noong panahong iyon; nagpopropesiya sa malawakang pagtalikod mula sa pananampalataya na ipinagkaloob sa mga banal; nangangako ng maluwalhating panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw; at nagpopropesiya, sa literal at matalinghagang paraan, ng mga pangyayaring magaganap bago, sa mismong araw, at pagkatapos ng Ikalawang Pagparito ng Anak ng Tao. Ang pangunahing layunin nito ay patotohanan si Cristo” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 392).

Bakit Mahalagang Pag-aralan ang Bagong Tipan?

Tulad ng lahat ng banal na kasulatan, nagtuturo at nagpapatotoo ang Bagong Tipan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang pagiging Diyos. Sinabi ni Apostol Juan na ang kanyang layunin sa pagsulat ng kanyang Ebanghelyo ay “upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan” (Juan 20:31). Sa pag-aaral ng Bagong Tipan, matututuhan mo ang tungkol sa natatanging pagsilang ng Tagapagligtas, malalaman ang Kanyang mga himala at mga pagpapagaling, maririnig ang mga walang hanggang katotohanan ng Kanyang ebanghelyo, at maaalala muli ang mga araw ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, pagkapako sa krus, at maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. Habang pinag-aaralan mo ang buhay at mga turo ng Tagapagligtas, matututuhan mo kung paano lumapit sa Kanya para makatanggap ng pag-asa, kapatawaran, kapayapaan, at walang hanggang kaligayahan. Ang taos-pusong pag-aaral ng Bagong Tipan ay makapagpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo at makatutulong sa iyo na umasa sa Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala.

Itinuro ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Bagong Tipan “ang sentro ng kasaysayan ng banal na kasulatan, katulad ng dapat ay Tagapagligtas mismo ang sentro ng ating buhay. Dapat tayong mangako sa ating sarili na pag-aralan at pahalagahan ito!

“May matatagpuang walang-katumbas na karunungan sa pag-aaral natin ng Bagong Tipan” (“Ang Sabbath at ang Sakramento,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 6).

Ang sumusunod ay ilan sa mga walang-katumbas na katotohanan at karunungan na matatagpuan sa Bagong Tipan:

  • Si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay,” at makikila mo sa pamamagitan Niya ang Ama sa Langit (tingnan sa Juan 14:6–7).

  • Ang Espiritu Santo “ang Mangaaliw, … [na] magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat” (Juan 14:26).

  • May responsibilidad ang mga disipulo ni Jesucristo na ipahayag ang ebanghelyo sa buong mundo (tingnan sa Mateo 28:19).

  • Patuloy na pinamamahalaan ng Tagpagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga piniling tagapaglingkod (tingnan sa Mga Gawa 1:2).

  • Ikaw ay lahi, o anak, ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 17:28–29).

  • Dahil sa pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas, madadaig ng lahat ang kamatayan at mabubuhay muli (I Mga Taga Corinto 15:21–26).

  • Kung nagkukulang ka sa karunungan ay matatanong mo ang Diyos sa panalangin, at sasagot Siya (tingnan sa Santiago 1:5–6).

  • Tatanggap ng buhay na walang hanggan ang matatapat na Banal na madadaig ang kasamaan (tingnan sa Apocalipsis 3).

Ipinakita ng isang karanasan sa buhay ni Propetang Joseph Smith ang isang halimbawa kung paano makaiimpluwensiya at makaaapekto sa iyong buhay ang pag-aaral ng Bagong Tipan. Noong binatilyo si Joseph, nahirapan siya na malaman para sa kanyang sarili kung alin sa mga simbahan ang tama. Binasa niya ang Biblia, at nabasa niya isang araw ang Santiago 1:5. Sinulat niya kalaunan: “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12).

Matapos basahin at pag-isipang mabuti ang mga salitang iyon mula sa Bagong Tipan, nagpasiya si Joseph na kumilos ayon sa katotohanang nalaman niya at nagtanong sa Diyos, tulad ng itinuro ni Santiago. Ang kanyang pasiya ay humantong sa kanyang kamangha-manghang Unang Pangitain. Habang masigasig mong pinag-aaralan ang Bagong Tipan, mararamdaman mo rin na aantigin ng Espiritu Santo ang iyong puso at tutulungan ka na matukoy ang mga paraan para maipamuhay ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo.

Habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Bagong Tipan, kumilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Sa paggawa nito ay mas lubos kang makakapagbalik-loob sa Panginoon. Nangyayari ang tunay na pagbabalik-loob kapag patuloy kang kumikilos ayon sa mga doktrina na alam mong totoo at sumusunod sa mga utos, araw-araw, buwan-buwan, sa buong buhay mo.

Tungkol sa Bagong Tipan

Ang Biblia ay hindi iisang aklat. Koleksyon ito ng mga aklat. Ang ibig sabihin ng salitang Griyego na pinagmulan ng salitang bible o biblia ay “ang mga aklat.” “Ang Bibliang Cristiyano ay may dalawang bahagi, na karaniwang tinatawag na Luma at Bagong Tipan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biblia,”scriptures.lds.org). Thus the New Testament is the new covenant.

Sa konteksto ng ebanghelyo, ang tipan ay isang espesyal na kasunduan sa pagitan ng Panginoon at ng isang tao o grupo. Ang Lumang Tipan ay ang batas na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tao noong unang panahon. “Nang pumarito ang Tagapagligtas noong kalagitnaan ng panahon, ipinanumbalik Niya ang ebanghelyo sa mga Judio sa Palestina. Sapagkat tumalikod sila, maging sa batas ni Moises, ito ay isang bagong tipan sa kanila” (Bible Dictionary, “Bible”).

Ang Bagong Tipan ay karaniwang nahahati sa mga Ebanghelyo, ang Mga Gawa ng mga Apostol, mga sulat ni Pablo, mga pangkalahatang sulat, at ang aklat ng Apocalipsis.

  1. Ang mga Ebanghelyo. Ang mga aklat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ay tinatawag na mga Ebanghelyo, at nakapangalan ang bawat isa sa may-akda nito. Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Bagama’t magkakaiba ang apat na Ebanghelyo sa ilang detalye at pananaw, ang lahat ng ito ay nagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay at ministeryo sa mundo ng Tagapagligtas sa mga Judio. Ang apat na Ebanghelyo ay nagtuturo at nagpapatotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng sanlibutan. “Ang mga tala nina Mateo, Marcos, at Lucas ay nagbibigay ng tila pare-parehong koleksyon ng mga materyal at may pagkakatulad sa gamit ng maraming salita, pati na rin sa mga pangunahing mensahe, at dahil diyan ang mga ito kung minsan ay tinatawag na mga ‘Synoptic Gospels’ (o ‘magkakatulad ng nakikita’). Gayunpaman, bawat isa ay natatangi at may maraming detalye na hindi katulad sa iba. Ang tala ni Juan ay lubos na naiiba sa tatlong nauna sa bokabularyo, paggamit ng mga salita o mga parirala, at paglalahad ng mga pangyayari” (Bible Dictionary, “Gospels”).

  2. Ang Mga Gawa ng mga Apostol. Isinulat ni Lucas ang Mga Gawa ng mga Apostol at ito ay tala tungkol sa paglago ng Simbahan sa ilalim ng pamamahala ni Pedro at ng iba pang mga Apostol (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gawa ng mga Apostol, Mga”).

  3. Ang mga sulat ni Pablo. Ang mga sulat, o liham, ni Pablo ay ipinangalan sa sangay ng Simbahan o sa tao o grupo na sinulatan. Isinaayos ang mga sulat ni Pablo “ayon sa haba, mula sa pinakamahaba (Mga Taga Roma) hanggang pinakamaikli (Kay Filemon). Ganito inayos ang mga sulat maliban sa sulat Sa Mga Hebreo, na inihuli dahil sa pag-aalinlangan ng ilan kung isinulat ba ito o hindi ni Pablo” (Bible Dictionary, “Pauline Epistles”).

  4. Ang mga pangkalahatang sulat. Ang mga aklat ng Santiago hanggang Judas ay kadalasang tinatawag na mga pangkalahatang sulat dahil, maliban sa II at III Ni Juan, hindi isinulat ang mga ito para sa isang partikular na tao o sangay ng Simbahan. Ipinangalan ang mga ito sa mga may-akda nito. (Tingnan sa Bible Dictionary, “General Epistles.”)

  5. Ang aklat ng Apocalipsis. Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat ni Apostol Juan, na siya ring sumulat ng Ebanghelyo at ng mga sulat na nagtataglay ng kanyang pangalan. Ito ay ang tala ni Juan tungkol sa paghahayag na natanggap niya mula sa Panginoon. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghahayag ni Juan.”

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith at ang Joseph Smith–Mateo

Iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na gumawa ng pagsasalin, o rebisyon, ng King James Version ng Biblia. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith o Joseph Smith Translation (karaniwang pinaiikli bilang PJS o JST) ay hindi isang pagsasalin ng Biblia mula sa isang wika patungo sa isa pa. Sa halip, naglalaman ito ng mga pagbabago na itinuro ng Panginoon sa Propeta na gawin sa teksto ng Biblia.

Nagsimula si Joseph Smith sa kanyang pagsasalin noong Hunyo 1830 at natapos ito noong Hulyo 1883, bagama’t nagpatuloy siya sa paggawa ng mga pagbabago sa manuskrito hanggang sa bago siya mamatay noong 1844 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith”). Bagama’t nailathala ang mga bahagi ng pagsasalin ni Propetang Joseph Smith noong nabubuhay pa siya, ang kanyang kumpletong inspiradong pagsasalin ng Biblia ay unang inilathala noong 1867 ng Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints (na kilala ngayon bilang Community of Christ). Simula noong 1979, naglalaman ang Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia sa Ingles ng napakaraming mahalagang talata tungkol sa doktrina mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa mga footnote at apendiks. (Tingnan sa Robert J. Matthews, “Joseph Smith’s Efforts to Publish His Bible ‘Translation,’” Ensign, Ene. 1983, 57–64; Bible Dictionary, “Joseph Smith Translation.”) Simula noong 2009, ang Latter-day Saint na edisyon ng Biblia sa wikang Espanyol, ang Reina-Valera version, ay naglalaman din ng mga talata sa mga footnote at apendiks. Noong 2015, ang Latter-day Saint na edisyon ng Biblia ay inilathala sa wikang Portuges.

Ang Joseph Smith—Mateo, sa Mahalagang Perlas, ay isang sipi mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith (Joseph Smith, Matthew 23:39–24:56). Ito ay inspiradong pagsasalin ng Mateo 23:39–24:55.

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay napalawak ng ating pag-unawa sa Bagong Tipan dahil sa pagpapanumbalik ng ilan sa malilinaw at mahahalagang katotohanan na nawala mula sa Biblia (tingnan sa 1 Nephi 13:20–41) at pagdaragdag ng komentaryo at paglilinaw ng Panginoon.