Unit 10: Day 2
Lucas 6:1–7:18
Pambungad
Si Jesus ay nagturo tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng mabuti sa iba, pati na sa araw ng Sabbath. Matapos manalangin nang buong gabi, tumawag Siya ng Labindalawang Apostol at pagkatapos ay tinuruan sila at ang maraming tao. Pinagaling Niya rin ang alipin ng senturion at binuhay ang anak ng isang balo.
Lucas 6
Si Jesus ay may pinagaling sa araw ng Sabbath, pumili ng Labindalawang Apostol, at nagturo sa maraming tao
Isipin kunwari na narinig mong ibinalita sa mga miting ninyo sa Simbahan sa araw ng Linggo na maglilingkod kayo sa isang pamilyang nakatira malapit sa inyo. Matapos ibalita ito, narinig mo ang sumusunod na tugon:
-
“Matindi ang pinagdaanan ng pamilyang iyan. Masaya akong tutulong sa abot ng makakaya ko.”
-
“Dapat may miryenda pagkatapos, dahil kung wala, hindi ako pupunta.”
-
“Ayaw ko talagang pumunta, pero magpapatulong din ako sa susunod na linggo para sa binubuo kong proyekto, kaya tutulong na lang siguro ako ngayon.”
-
“Kung pupunta ang kaibigan ko, pupunta rin ako.”
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang ipinahihiwatig na mga dahilan kung bakit naglilingkod ang mga tao batay sa mga itinugon na ito.
Isipin ang mga pagkakataong nakapaglingkod ka at ano ang nadama mo tungkol sa paglilingkod. Sa pag-aaral mo ng Lucas 6–7, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo na maglingkod sa mas makabuluhang mga paraan.
Habang nasa Galilea si Jesus noong mga unang araw ng Kanyang ministeryo, pinagaling Niya ang natutuyong mga kamay ng isang lalaki sa araw ng Sabbath (tingnan sa Lucas 6:6–10), buong gabing nanalangin, at tumawag ng Labindalawang Apostol (tingnan sa Lucas 6:12–13). Pagkatapos ay nagsimula Siyang magturo sa kanila at sa “lubhang malaking bilang ng mga tao” (Lucas 6:17) kung paano makatatanggap ng gantimpala mula sa langit. Ang sermong ito sa Lucas 6 ay kadalasang tinutukoy na Sermon sa Kapatagan at katulad na katulad ng Sermon sa Bundok sa Mateo 5–7. “Iba’t iba ang opinyon hinggil sa kung ang Sermon sa Bundok na itinala ni Mateo at ang Sermon sa Kapatagan na itinala ni Lucas ay iisa lang ba o magkaiba. Gayunman, ang pagkakasunud-sunod at konteksto ng talaan ni Lucas ay tila nagpapahiwatig na ang ganito ring sermon ay nakatala sa Lucas 6 at Mateo 5–7” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 152–53; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na kasulatan, “Pangangaral sa Bundok”; Pagkakatugma ng mga Ebanghelyo). (Paalala: Maraming bagay sa Lucas 6 ang natalakay na nang pag-aralan mo ang Mateo 5–7; 10:1–4; at Marcos 3:1–6.)
Basahin ang Lucas 6:19, na inaalam kung ano ang ginawa ni Jesus para sa mga tao bago Siya nagsimulang magturo sa kanila.
Kasunod nito, basahin ang Lucas 6:31, na inaalam ang ipinayo ni Jesus sa Kanyang mga disipulo.
Paano nakakaapekto sa paraan ng pagtrato mo sa ibang tao ang pag-alala na kailangan nating tratuhin ang iba tulad ng nais nating pagtrato sa atin?
Basahin ang Lucas 6:32–35, na inaalam ang karagdagang ipinayo ni Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa pagmamahal at paglilingkod sa iba. Maaari mong markahan sa talata 35 kung ano ang dapat nating asahan na kapalit ng kabutihang ginagawa natin sa iba. Pansinin ang ipinangako ng Panginoon sa mga gumagawa ng kabutihan sa iba nang hindi naghihintay ng anumang kapalit.
Ang isang alituntunin na natutuhan natin mula sa mga talatang ito ay kung gagawa tayo ng mabuti sa iba nang hindi naghihintay ng anumang kapalit, malaki ang magiging gantimpla natin at tayo ay magiging mga anak ng Kataastaasan.
Pansinin ang mga katagang “kayo’y magiging mga anak ng Kataastaasan” (talata 35). Bagama’t lahat tayo ay anak ng Diyos, ang mga taong gumagawa ng kabutihan tulad ng ginawa ni Cristo ay isinasakatuparan ang kanilang banal na potensyal sa pamamagitan ng pagiging katulad ng ating Ama sa Langit. Isipin kung paanong ang paglilingkod sa iba nang hindi naghihintay ng anumang kapalit ay makatutulong sa isang tao na maging mas katulad ni Cristo.
Basahin ang Lucas 6:36–38, na inaalam ang mga halimbawang ibinigay ni Jesus na matutularan natin sa paggawa ng kabutihan sa iba. Mapapansin mo na ipinangako ni Jesus na ang mga taong nagpapakita ng awa sa iba, na hindi nanghuhusga sa iba, at nagpapatawad ay kaaawaan ng Diyos.
Nasubukan mo na bang maglagay ng mas maraming bagay sa isang kahon o maleta kaysa magkakasya sa loob nito? Ang deskripsyon sa Lucas 6:38 kung gaano tayo gagantimpalaan sa kabutihang ginawa natin ay kinapapalooban ng mga katagang “takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw.” Paano nailalarawan ng mga katagang ito kung paano tayo gagantimpalaan ng Ama sa Langit kapag tumulong tayo sa iba?
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa Lucas 6:38 ay kapag bukas-palad tayong tumulong sa iba, tayo ay lalong pagpapalain ng Ama sa Langit. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa tabi ng talata 38.
-
Mag-isip ng ilang paraan na maaari tayong maging bukas-palad sa pagtulong sa iba. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan ka o ang isang taong kakilala mo tumulong sa iba nang bukas-palad?
-
Paano ka o ang isang kakilala mo napagpala ng Panginoon dahil sa pagtulong nang bukas-palad?
-
Ano ang gagawin mo para maging mas bukas-palad sa pagtulong sa iba?
-
Ang isang paraan na maaari mong gawin para maging mas bukas-palad sa pagtulong sa iba ay sa pagsunod sa batas ng ayuno sa pamamagitan ng pagbibigay ng handog-ayuno kapag nag-ayuno ka. Maaaring nakapagbigay na ang iyong mga magulang ng handog-ayuno para sa inyong pamilya, pero kung kaya mo, maaari ka ring magbigay. Sa pagsisikap mong maging mas bukas-palad sa pagtulong sa iba, manalangin na tulungan ka ng Panginoon na makapaglingkod tulad ng gagawin Niya.
Lucas 7:1–10
Pinagaling ni Jesus ang alipin ng senturion
Nalaman natin sa Lucas 7:1 na pagkatapos magturo sa maraming tao, pumasok si Jesus sa Capernaum. Basahin ang Lucas 7:2–5, na inaalam kung sino ang humingi ng tulong kay Jesus pagkatapos mabalitaang pumasok Siya sa bayan.
Ang senturion ay isang opisyal sa hukbong Romano na namumuno sa isang grupong binubuo ng 50 hanggang 100 kawal. Karaniwang kinapopootan ng mga Judio ang mga senturion dahil kumakatawan sila sa mga Romanong namumuno sa pamahalaan at militar na sumakop sa kanila at sa kanilang lupain. Gayunpaman, ang senturiong ito ay mabait sa mga Judio.
Basahin ang Lucas 7:6–10, at isiping mabuti kung paano nagpakita ang senturion ng malaking pananampalataya kay Jesucristo at paano nagantimpalaan ang kanyang pananampalataya.
Natutuhan natin mula sa talang ito na sa pagsampalataya kay Jesucristo, makatutulong tayo na mapagpala ang buhay ng iba. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa tabi ng Lucas 7:10.
Lucas 7:11–18
Binuhay ni Jesus ang anak ng balo
Isang araw matapos pagalingin ng Tagapagligtas ang alipin ng senturion, Siya ay gumawa ng iba pang himala. Basahin ang Lucas 7:11–12, na inaalam ang nakita ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo habang papalapit sila sa lungsod na tinatawag na Nain.
Ayon sa talata 12, bakit napakasakit ng pagkamatay ng binatang ito para sa babaeng ito?
Hindi lamang namatayan ang babaeng ito ng kanyang kaisa-isang anak, ngunit pumanaw na rin noon ang kanyang asawa. Bukod pa sa matinding kalungkutang naramdaman niya, wala na ring magtataguyod sa kanya.
Basahin ang Lucas 7:13–15, na inaalam kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas nang makita Niyang nagdadalamhati ang babaeng ito. Ang kabaong ay ang pinaghihimlayan ng patay.
Ayon sa talata 13, bakit binuhay ni Jesus ang anak ng babaeng ito? Mapapansin mo na hindi hiniling sa Kanya ng balo na buhayin ang kanyang anak, ngunit napansin Niya ang pangangailangan ng balo at tumulong na matugunan ito. Mahalaga ring maunawaan na ang lalaking ito ay hindi nabuhay na muli; balang-araw siya ay muling mamamatay. Si Jesucristo ang unang taong nabuhay na mag-uli.
Kung may makukuhang video, panoorin ang “The Widow of Nain” (2:22) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos, sa LDS.org, na inaalam kung paano tinulungan ng Tagapagligtas ang babae kahit hindi nito hiningi ang Kanyang tulong.
Isipin ang mararamdaman mo kung ikaw ang nasa sitwasyon ng balo at nakitang binuhay ng Tagapagligtas ang iyong kaisa-isang anak.
Natutuhan natin mula sa talang ito ang sumusunod na alituntunin: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pagiging mahabagin sa iba at pagtulong na matugunan ang hindi masambit na mga pangangailangan nila.
Paano natin mahihiwatigan ang mga pangangailangan ng iba kung hindi nila ito sinasabi sa atin?
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Sa kaunting nakatala tungkol sa ministeryo ng Panginoon, higit akong naantig sa Kanyang ipinakitang pagkahabag sa nagdadalamhating balo ng Nain. …
“Napakadakilang kapangyarihan, kabaitan, pagkahabag ang ipinakita ng ating Panginoon! Maaari rin tayong magbasbas kung tutularan lamang natin ang Kanyang dakilang halimbawa. Naririyan ang mga pagkakataon sa lahat ng dako. Ang kailangan lamang ay mga matang makakakita sa kalunus-lunos na kalagayan at mga taingang dirinig sa tahimik na mga pagsamo ng namimighating puso. Oo, at kaluluwang puno ng pagkahabag, upang hindi lamang tayo makapag-usap nang mata sa mata o makinig gamit ang tainga, kundi sa maringal na paraan ng Tagapagligtas, maging nang puso sa puso” (“Meeting Life’s Challenges,” Ensign, Nob. 1993, 71).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kailan ka o ang iyong pamilya kinahabagan o pinaglingkuran ng iba, kahit hindi ninyo ito hiningi?
Basahin ang Lucas 7:16–18, na inaalam kung ano ang naging reaksyon ng mga tao sa pagbuhay sa anak ng balo.
Isa sa mga dahilan kaya nasabi ng mga tao na “lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta” (Lucas 7:16) ay dahil sa pagkakatulad ng pagbuhay sa anak ng balo ng Nain sa pagbuhay ng mga propeta sa Lumang Tipan na sina Elijah at Eliseo sa mga anak na lalaki (tingnan sa I Mga Hari 17:17–24; II Mga Hari 4:17–22, 32–37).
Sa iyong mga personal na panalangin sa linggong ito, humiling sa Ama sa Langit na tulungan kang makita ang mga nangangailangan at kumilos ayon sa pahiwatig na natanggap mo para matugunan ang mga pangangailangan ng iba. Gayon din, isipin ang mga paraan na makapaglilingkod ka nang lubos at nang walang hinihintay na anumang kapalit.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Lucas 6:1–7:18 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: