Unit 25: Day 1
Mga Taga Efeso 2–3
Pambungad
Itinuro ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Efeso na ang lahat ng makasalanan ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos at na naging isa ang Judio at Gentil sa sangbahayan ng Diyos. Ipinaliwanag din ni Apostol Pablo na ang Simbahan ni Jesucristo ay nakatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at mga propeta, at ipinaabot ang kanyang hangarin na madama ng mga Banal ang pagmamahal ni Jesucristo.
Mga Taga Efeso 2
Itinuro ni Pablo kung paano parehong iniligtas ng dugo ni Jesucristo ang mga Judio at mga Gentil
Isipin ang isang pagkakataon na naramdaman mo na hindi ka kasama o nakahiwalay ka sa iba.
Sa panahong sumulat si Apostol Pablo sa mga Taga Efeso, inakala ng ilang miyembrong Judio ng Simbahan na mas nakahihigit sila sa mga miyembrong gentil dahil ang mga Judio ay mula sa angkan ng mga Israelita at natuli ang kalalakihan nila.
Basahin ang Mga Taga Efeso 2:1–3, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang espirituwal na kalagayan ng mga Banal na gentil (kayo at inyo sa mga talata 1–2) at ng mga Banal na Judio (tayo sa talata 3) bago ang kanilang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas at pagsapi sa Kanyang Simbahan. Ang mga katagang “pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin” sa talata 2 ay tumutukoy sa diyablo at sa kanyang impluwensya sa buong mundo.
-
Ayon sa mga talata 1–2, ano ang espirituwal na kalagayan ng mga Gentil bago sila nagbalik-loob at naging miyembro ng Simbahan?
-
Ayon sa talata 3, ano ang espirituwal na kalagayan ni Pablo at ng mga Judio bago sila nagbalik-loob at naging miyembro ng Simbahan?
Inilarawan ni Pablo ang mga Gentil at mga Judio na kapwa mga patay sa espirituwal, o nawalay sa Diyos, dahil sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa talata 1). Sinusunod nila ang mga paraan o pita ng laman at dahil dito ay isinailalim nila ang kanilang sarili sa poot ng Diyos.
Basahin ang Mga Taga Efeso 2:4–6, na inaalam ang espirituwal na kalagayan ng mga Banal na Gentil at Judio pagkatapos nilang magbalik-loob at maging miyembro ng Simbahan. Ang ibig sabihin ng salitang binuhay sa talata 5 ay binigyan ng buhay, at ang katagang “sangkalangitan” sa talata 6 ay tumutukoy sa kahariang selestiyal (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:500).
Pansinin na matapos ang kanilang pagbabalik-loob, binuhay ng Panginoon ang mga Judio at mga Gentil, o binuhay mula sa pagiging patay sa espirituwal at pagiging makasalanan. Tinutukoy natin ito bilang espirituwal na pagsilang na muli o pagiging ligtas mula sa ating mga kasalanan.
Basahin ang Mga Taga Efeso 2:7–10, na inaalam ang dahilan kung bakit nagawa ng mga Gentil at mga Judio ang pagbabagong ito.
Itinuturo sa mga talatang ito ang sumusunod na katotohanan: Dahil sa biyaya ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Ang tapat na pananampalataya kay Jesucristo ay palaging humahantong sa pagsunod sa Kanya at sa paggawa ng mabubuting gawa. Pansinin na binigyang-diin ni Pablo na hindi natin maililigtas ang ating sarili, gaano man kabuti ang ating mga gawa (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:8–9). Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang pangangailangan natin para sa biyaya ng Diyos:
“Dahil lahat tayo ay ‘nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios’ [Mga Taga Roma 3:23] at dahil ‘walang anumang maruming bagay ang makapapasok sa kaharian ng Diyos,’ [1 Nephi 15:34], lahat tayo ay hindi karapat-dapat na pumasok sa kinaroroonan ng Diyos.
“Kahit maglingkod tayo sa Diyos nang buong kaluluwa, hindi ito sapat; dahil magiging ‘hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod’ pa rin tayo [Mosias 2:21]. Hindi tayo makakapasok sa langit; ang mga hinihingi ng katarungan ang hadlang, at wala tayong kapangyarihan na daigin itong mag-isa.
“Ngunit may pag-asa pa.
“Ang biyaya ng Diyos ang ating dakila at walang-hanggang pag-asa.
“Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesucristo, ang plano ng awa ang tumutugon sa mga hinihingi ng katarungan, [tingnan sa Alma 42:15] ‘at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi’ [Alma 34:15].
“Ang ating mga kasalanan, bagama’t mapula, ay maaaring maging simputi ng niebe [tingnan sa Isaias 1:18]. Dahil ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas ay ‘ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat’ [I Kay Timoteo 2:6], naglaan siya ng pasukan sa atin tungo sa Kanyang walang-hanggang kaharian [tingnan sa II Ni Pedro 1:11].
“Bukas ang pintuan! …
“Para manahin natin ang kaluwalhatiang ito, kailangan natin ng higit pa sa bukas na pintuan; kailangan nating pumasok sa pintuang ito na may hangarin sa puso na magbago—isang pagbabago na dahil sa laki ay inilarawan ito sa mga banal na kasulatan na ‘isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa [ating] makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae’ [Mosias 27:25]. …
“Ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, at ang hangarin nating sundin ang bawat utos ng Diyos ay pag-unat ng ating kamay upang tanggapin ang sagradong kaloob na ito mula sa ating Ama sa Langit” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108, 110).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakatutulong sa atin ang pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi ng ating mga kasalanan na matanggap ang kaloob na biyaya ng Diyos?
Ang kalakip na larawan ay nagpapakita ng bahagi ng modelo ng templo ni Herodes sa Jerusalem. Itinuturo ng arrow ang “pader … na nagpapahiwalay” (Mga Taga Efeso 2:14) sa patyo sa labas ng templo. Dahil ang mga Gentil ay hindi mula sa angkan ng mga Israelita, na namumuhay sa ilalim ng batas ni Moises, sila ay pinagbawalang pumasok sa pader na ito papunta sa mas sagradong mga lugar ng templo. Sila ay itinuring na “mga di kabilang [mga dayuhan] sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako” (Mga Taga Efeso 2:12). Ang pader na nagpapahiwalay ay sumasagisag sa espirituwal na paghihiwalay ng mga Judio at mga Gentil bago ang paghahayag ni Pedro na ang ebanghelyo ay dapat ipangaral sa mga Gentil.
Basahin ang Mga Taga Efeso 2:12–15, na inaalam kung ano ang gumiba sa harang sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil. Ang ibig sabihin ng salitang alitan sa talata 15 ay “salungatan, labanan, at kapootan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Alitan,” scriptures.lds.org).
Ayon sa mga talatang ito, paano pinag-isa ang mga Gentil at mga Judio?
Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo (ang Pagbabayad-sala), ang simbolong pader na espirituwal na naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil ay giniba, at sila ay naging “isang taong bago” (Mga Taga Efeso 2:15), o isang nagkakaisang katawan, o grupo, kay Cristo. Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan malapit sa Mga Taga Efeso 2:12–15: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo at natanggap ang Kanyang biyaya, nagiging kaisa tayo ng mga Banal ng Diyos.
Basahin ang Mga Taga Efeso 2:16–19, na hinahanap ang mga kataga na nagbibigay-diin sa katotohanan na kapag lumapit tayo kay Jesucristo at natanggap ang Kanyang biyaya, nagiging kaisa tayo ng mga Banal ng Diyos.
Pag-isipan kung bakit sa palagay mo mahalaga sa atin na maunawaan at maipamuhay ang katotohanang ito sa Simbahan sa panahong ito.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano natin matutulungan ang iba na maging o madamang muli na “mga kababayan” (Mga Taga Efeso 2:19) sila sa halip na mga taga ibang lupa o dayuhan sa Simbahan?
-
Kailan may tumulong sa iyo para madama mong ikaw ay kababayan na kasama ng mga Banal sa halip na taga ibang lupa o dayuhan?
-
Kailan mo tinulungan ang isang tao na madama rin ang gayon?
-
Isipin ang isang taong kilala mo na maaaring makinabang sa pagdalo sa isang aktibidad ng Simbahan. Anyayahan ang taong ito sa susunod na aktibidad o miting ng Simbahan, at sikapin palagi na tulungan ang taong ito na madama na malugod siyang tinatanggap sa inyong ward o branch.
Basahin ang Mga Taga Efeso 2:20–22, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo na kinasasaligan ng Simbahan.
Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin batay sa mga turo ni Pablo sa mga talatang iyon: Ang Simbahan ng Panginoon ay nakatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng , na si Jesucristo ang .
Ang batong panulok ay isang malaking bato na nakalagay sa sulok ng isang pundasyon na nagbibigay ng lakas at katatagan sa buong gusali.
Sa paanong paraan si Jesucristo ang “pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20) ng Simbahan?
Habang pinag-aaralan mo ang Mga Taga Efeso 2:21–22, isipin kung ano ang mangyayari sa iba pang bahagi ng Simbahan dahil sa Batong Panulok na ito.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa paanong paraan itinatag ng mga apostol at mga propeta ang iba pang saligan ng Simbahan?
-
Paano nagbibigay ng katatagan ang saligang ito sa Simbahan at pinrotektahan ito sa pag-atake ng diyablo?
-
Mga Taga Efeso 3
Ipinahayag ni Pablo ang kanyang mga naisin para sa mga Banal sa Efeso
Tulad ng nakatala sa Mga Taga Efeso 3:1–16, nangaral si Apostol Pablo tungkol kay Jesucristo at itinuro na sa pamamagitan Niya, ang mga Gentil ay maaaring maging “mga tagapagmana” (talata 6) kasama ng Israel at mga kabahagi sa mga pangako ng Diyos. Ang gawain ni Pablo ay ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga Gentil.
Basahin ang Mga Taga Efeso 3:17–19, na inaalam kung ano ang nais ni Pablo na malaman at madama ng mga Banal.
Ayon sa mga talatang ito, ano ang nais ni Pablo na malaman at madama ng mga Banal?
Nalaman natin mula sa Mga Taga Efeso 3:1–19 na nais ng mga apostol at mga propeta na tulungan ang mga anak ng Diyos na malaman at madama ang pagmamahal ni Jesucristo.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano tinutulungan ng mga apostol at mga propeta ang mga anak ng Diyos na maunawaan ang mga pagpapala ng kadakilaan at madama ang pagmamahal ni Jesucristo sa ating panahon?
-
Kailan nakatulong sa iyo ang mga turo ng mga apostol at mga propeta na maunawaan ang mga pagpapala ng kadakilaan o madama ang pagmamahal ni Jesucristo sa ating buhay?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Taga Efeso 2–3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: