Unit 28: Day 3
Sa Mga Hebreo 11
Pambungad
Itinuro ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan ang tungkol sa pananampalataya at ang kahalagahan ng pagsampalataya kay Jesucristo. Nagbanggit siya ng mga halimbawa ng mabubuting kalalakihan at kababaihan mula sa Lumang Tipan na nanampalataya kay Cristo at dahil dito ay nakagawa ng mga himala, nakapagtiis ng hirap, at nakatanggap ng malalaking pagpapala.
Sa Mga Hebreo 11:1–6
Itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan ang kahalagahan ng pagsampalataya kay Jesucristo
Basahin ang sumusunod na kuwento, at pansinin kung ano ang ginawa ng dalagita upang magpakita ng pananampalataya:
Ikinuwento ng isang dalagita mula sa Pilipinas na isang araw ng tag-init, kinailangang pumunta sa malayo ng tatay niya para magtrabaho. Kapag natanggap na niya ang suweldo, ipinapadala niya ito sa kanyang pamilya. Isang Sabado, nagastos ng pamilya ang lahat ng pera at dalawang tig-20 pesos na lang ang natira. Nang tingnan ng dalagita ang listahan ng mga kailangan ng kanyang pamilya, alam niyang wala silang sapat na pambili para sa lahat ng nakalista at para sa pamasahe papuntang Simbahan kinabukasan. Tinanong niya ang kanyang ina kung ano ang dapat gawin. Sinabi nito na bilhin niyang lahat ang mga nakalista at ang Diyos na ang maglalaan ng pamasahe nila.
Ipinagdasal ng dalagita na sana ay mabili niyang lahat ang nasa listahan at may matira pa ring pamasahe para sa pagpunta sa Simbahan kinabukasan. Inuna niyang bilhin ang uling para makapagluto ang pamilya. Nagulat siya nang malamang nadoble ang presyo ng isang supot ng uling na mula sa dating 5 piso ay naging 10 piso na. Dahil alam niyang kailangan ng pamilya niya na makapagluto ng pagkain nila, bumili siya ng dalawang supot na uling sa halagang 20 pesos. Lalo pang ipinagdasal nang taimtim ng dalagitang ito na makapunta pa rin sa simbahan ang kanyang pamilya. Habang nagdarasal, may bumulong sa kanya: “Bilhin mo ang mga kailangan ninyo. Huwag kang mag-alala.” Kaya ipinagpatuloy niya ang pagpunta sa palengke na 20 pesos na lang ang natirang pera (mula sa video na “Pure and Simple Faith,” LDS.org).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa paanong paraan nagpakita ng pananampalataya ang dalagitang ito kay Jesucristo?
Basahin ang Sa Mga Hebreo 11:1, na inaalam ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa pananampalataya. Basahin din ang Sa Mga Hebreo 11:1 at ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 11:1 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).
Ginamit ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Sa Mga Hebreo 11:1, gayundin ang iba pang mga talata, para ipaliwanag ang tatlong sangkap na batayan ng pananampalataya:
“Binigyang-kahulugan ng Apostol na si Pablo ang pananampalataya bilang ‘siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay [at] ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita’ (Sa Mga Hebreo 11:1). Inihayag ni Alma na ang pananampalataya ay hindi ganap na kaalaman, sa halip, kung mayroon tayong pananampalataya, tayo ay ‘umaasa … sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo’ (Alma 32:21). Dagdag pa rito natutuhan natin sa Lectures on Faith na ang pananampalataya ay ‘ang unang alituntunin sa naihayag na relihiyon, at ang batayan ng lahat ng pagkamakatwiran’ at ito rin ‘ang alituntunin ng paggawa sa lahat ng marurunong na nilalang’ [Lectures on Faith (1985), 1].
“Binibigyang-diin ng mga aral na ito ang tatlong sangkap na batayan ng pananampalataya: (1) pananampalataya bilang katiyakan na inaasam na totoo, (2) pananampalataya bilang katibayan ng mga bagay na hindi nakikita, at (3) pananampalataya bilang alituntunin ng paggawa sa lahat ng marurunong na nilalalang. Inilalarawan ko ang tatlong sangkap na ito ng pananampalataya sa Tagapagligtas bilang sabay-sabay na pagharap sa bukas, paglingon sa nakaraan, at pagsisimula ng paggawa sa kasalukuyan.
“Ang pananampalataya bilang katiyakan ng mga bagay na inasaam ay nakaayon sa hinaharap. …
Ang pananampalataya kay Cristo ay hindi maihihiwalay sa, at nagbubunga ng, pag-asa kay Cristo para sa ating pagkatubos at kadakilaan. At ang katiyakan at pag-asa ang nagiging daan para puntahan natin ang dulo ng liwanag at lakbayin ang kadiliman—umaasa at nagtitiwala na ang liwanag ay lilitaw at magbibigay ng tanglaw sa ating daraanan [tingnan sa Boyd K. Packer, ‘The Candle of the Lord,’ Ensign, Ene. 1983, 54]. Ang kumbinasyon ng pag-asa at katiyakan ang nagpapasimula ng paggawa sa kasalukuyan.
“Ang pananampalataya bilang katibayan ng mga bagay na hindi nakikita ay lumilingon sa nakaraan at nagpapatunay sa ating pagtitiwala sa Diyos at pananalig sa katotohanan ng mga bagay na hindi nakikita. Nalakbay natin ang kadiliman na may katiyakan at pag-asa, at natanggap natin ang katibayan at katunayan habang ang liwanag ay tunay na lumitaw at tumanglaw sa atin. Ang patunay na natatanggap natin pagkatapos subukin ang ating pananampalataya (tingnan sa Eter 12:6) ay katibayan na nagpapalaki at nagpapatibay ng ating katiyakan.
“Naiimpluwensiyahan ng katiyakan, paggawa, at katibayan ang bawat isa sa tuloy-tuloy na paraan” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 18–19).
-
Kumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:
-
Sumulat ng maikling paliwanag tungkol sa ibig sabihin ng pagkakaroon ng panampalataya kay Jesucristo.
-
Kumpletuhin ang sumusunod na kahulugan ng pananampalataya, ayon sa ibinigay ni Apostol Pablo sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 11:1: Ang pananampalataya ay siyang kapanatagan … , ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita … (Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang katotohanang ito sa Sa Mga Hebreo 11:1.)
-
Isipin ang isang pagkakataon na may ipinagawa sa iyo na isang bagay na kinakabahan kang gawin o parang hindi mo kayang gawin. Marahil napalakas ang kompiyansa mo nang maalala mo ang isang bagay na nakaya mong gawin noon. Dahil sa naranasan mong iyan ay nabigyan ka ng katibayan na nakatulong sa iyo na harapin ang bagong hamon na may katiyakan na magtatagumpay ka. Sa mga espirituwal na bagay, ang katibayan ng pagtulong ng Diyos sa nakaraan ay nagbibigay sa atin ng katiyakan sa hinaharap, at tumutulong sa atin na gumawa nang may pananampalataya sa kasalukuyan. Tulad ng itinuro ni Elder Bednar, ang katiyakan, katibayan, at paggawa—tatlong sangkap na batayan ng pananampalataya—ay magkakasamang kumikilos habang hinaharap natin ang bukas, nililingon ang nakaraan, at kumikilos sa kasalukuyan.
-
Sagutin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ipinagkaiba ng pananampalataya kay Jesucristo sa simpleng paniniwala lamang sa kanya?
-
Paano nailarawan sa kuwento ng dalagitang mula sa Pilipinas ang tatlong sangkap ng pananampalataya na inilahad ni Elder Bednar?
-
Ilarawan ang isang pagkakataon na nagpakita ka ng pananampalataya sa Panginoon.
-
Basahin ang Sa Mga Hebreo 11:2–5, na inaalam ang mga halimbawang ginamit ni Pablo upang ilarawan ang maaaring mangyari kapag nanampalataya ang mga tao kay Jesucristo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “ang mga matanda ay sinaksihan” sa talata 2 ay ang mga matanda o mga elder ay tumanggap ng saksi, o patotoo.
Basahin ang Sa Mga Hebreo 11:6, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa pananampalataya.
Ang isang alituntunin na natutuhan natin mula sa Sa Mga Hebreo 11:6 ay na para malugod sa atin ang Diyos, dapat tayong manampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng paglapit sa Kanya, maniwala sa Kanya, at maniwala na gagantimpalaan Niya ang mga masigasig na naghahanap sa Kanya. Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang katotohanang ito sa talata 6.
Basahin ang katapusan ng kuwento ng dalagitang mula sa Pilipinas, na inaalam ang nangyari dahil nagpakita siya ng panampalataya kay Jesucristo:
Nang kumukuha na ang dalagita ng pambayad sa iba pang kailangan ng pamilya, may nakapa siya sa bulsa na malaking bungkos ng papel. Nang iladlad niya ito nakita niya na may nadagdag na limang 20-pisong papel na nakabalot sa natitirang 20-pisong papel. Sa sandaling iyon ay alam niyang may pambili na siya ng mga kailangan ng kanyang pamilya at pamasahe para sa pagpunta sa simbahan. Inilahad ng dalagitang ito na sa karanasang iyon ay nadama niya ang tulong ng Diyos at ang pagmamahal ng Diyos sa kanya. Pag-uwi niya sa bahay ay nagpasalamat siya sa Ama sa Langit sa himalang iyon (mula sa video na “Pure and Simple Faith,” LDS.org). Makapagtitiwala tayo na sinasagot ng Panginoon ang mga panalangin sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon.
Anong katibayan ang natamo ng dalagitang ito dahil nanampalataya siya kay Jesucristo?
Paano makatutulong sa dalagita ang karanasang ito na manampalataya pa rin sa hinaharap?
Kapag umasa tayo sa nakaraang katibayan na tinulungan tayo ng Diyos, makatitiyak tayo na tutulungan Niya tayong muli sa hinaharap. Dahil sa katibayan at katiyakang ito, magkakaroon tayo ng pananampalatayang kumilos sa kasalukuyan. Kung patuloy tayong mananampalataya, magpapatuloy ang prosesong ito at mas lalakas ang ating pananampalataya.
Isipin ang mga bagay na kailangan mong gawin nang may pananampalataya sa buhay mo. Naniniwala ka ba na tutulungan ka ng Diyos kapag kumilos ka? Maaari kang magsulat ng isang mithiin na kumilos ayon sa isa sa mga ipinadama sa iyo sa lesson na ito. Sa pagtupad ng mga mithiin mo, madarama mo ang katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa iyo.
Sa Mga Hebreo 11:7–40
Nagbigay si Pablo ng mga halimbawa ng mabubuting tao mula sa Lumang Tipan na sumampalataya
Ano ang ilang sitwasyon na nararanasan mo ngayon o haharapin sa hinaharap na kakailanganin mong manampalataya kay Jesucristo?
Sa pag-aaral mo ng Sa Mga Hebreo 11:7–40, alamin ang mga pagpapalang dulot ng pagsampalataya kay Jeucristo.
Nagbigay si Apostol Pablo ng mga halimbawa ng mabubuting tao mula sa Lumang Tipan na sumampalataya. Ito ay upang tiyakin sa kanyang mga mambabasa na pagpapalain din sila kapag sumampalataya sila. Basahin nang mabilis ang Sa Mga Hebreo 11, na hinahanap ang mga katagang “sa pananampalataya.” Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang mga katagang ito sa iyong mga banal na kasulatan.
Basahin ang Sa Mga Hebreo 11:7, na inaalam kung paano nagpakita ng pananampalataya sa Diyos si Noe. Anong mga pagpapala ang natanggap ni Noe dahil kumilos siya nang may pananampalataya?
-
Basahin ang mga halimbawa ng pananampalataya sa tatlo o mahigit pang mga talata na kasama sa kalakip na chart. Habang binabasa mo ito, alamin kung paano nagpakita ng pananampalataya ang mga tao at kung ano ang mga pagpapalang natanggap nila. Sa iyong scripture study journal, i-drowing ang chart at isulat ang mga talatang pinili mo, at isulat din ang mga naisip mo tungkol sa mga taong iyon na nabasa mo. Isulat mo rin ang mga pagpapalang katulad nito na inaasam mong matanggap sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas.
Scripture Reference |
Mga Taong Nagpakita ng Pananampalataya |
Mga Ideya |
Mga Pagpapalang Inaasam Kong Matanggap |
---|---|---|---|
Abraham | |||
Sara (asawa ni Abraham) | |||
Abraham, Isaac | |||
Isaac, Jacob | |||
Moises | |||
Mga Israelita, Rahab (tingnan sa Josue 2:1–22) |
Basahin ang Sa Mga Hebreo 11:13–16, na inaalam kung ano ang natutuhan natin mula sa mga halimbawa nina Abraham, Sara, at iba pa tungkol sa pagsampalataya. Ipaliwanag na ang mga katagang “lalong magaling na lupain” sa talata 16 ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan.
Marami sa mga pangako kina Abraham at Sara ay hindi natupad noong nabubuhay pa sila. Sa palagay mo, bakit nanatili silang tapat o nananampalataya kahit hindi nila natanggap ang lahat ng pangako ng Diyos sa buhay na ito? Paano makatutulong sa atin ang kanilang halimbawa na manatiling tapat o nananampalataya?
Basahin ang Sa Mga Hebreo 11:32–35, na inaalam ang mga karagdagang pagpapalang dumating sa mga nanampalataya kay Jesucristo. Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang nalaman mo.
Basahin ang Sa Mga Hebreo 11:36–40, na inaalam kung ano ang nangyari sa maraming tao kahit sila ay matatapat.
Mababasa natin sa Joseph Smith Translation ng Sa Mga Hebreo 11:40 na “Ipinaghanda sila ng Diyos ng lalong mabuting bagay sa pamamagitan ng kanilang mga pagdurusa, dahil kung walang pagdurusa sila ay hindi magagawang ganap” (Joseph Smith Translation, Hebrews 11:40). Pansinin ang pagpapalang ipinangako sa lahat ng sumasampalataya kay Cristo.
Ang isang katotohanang matutukoy natin mula sa halimbawa ng matatapat na taong ito ay kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, matitiis natin ang paghihirap, makagagawa ng mga himala, makatatanggap ng mga banal na pangako, mapalalakas ang ating patotoo tungkol sa Kanya, at makasusulong sa pagiging sakdal.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng tungkol sa isang kakilala mo na halimbawa ng pagsamplataya kay Jesucristo. Anong mga pagpapala ang nakita mong dumating sa buhay ng taong iyon dahil sumampalataya siya?
Isiping muli ang mga sitwasyon na inaasahan kang manampalataya kay Jesucristo. Humanap ng mga pagkakataong pagtiwalaan ang Kanyang mga pangako at kumilos sa paraang makapag-aanyaya ng Kanyang patnubay at pagpapala.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Sa Mga Hebreo 11 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: