Unit 27: Day 1
II Kay Timoteo
Pambungad
Sa kanyang pangalawang sulat kay Timoteo, itinuro ni Apostol Pablo na ang takot ay hindi nagmumula sa Diyos at pinayuhan si Timoteo na huwag ikahiya ang kanyang patotoo kay Jesucristo. Hinikayat niya si Timoteo na buong katapatang tiisin ang mga pagsubok at tinagubilinan siya na turuan ang mga Banal na magsisi. Ipinaliwanag ni Pablo na bagama’t lalaganap ang apostasiya at kasamaan sa kanilang panahon at gayon din sa mga huling araw, dapat manatiling matatag si Timoteo sa mga katotohanang nalaman na niya. Itinuro rin ni Pablo ang mga layunin ng mga banal na kasulatan. Tinapos niya ang kanyang sulat sa paghihikayat kay Timoteo na masigasig na gampanan ang kanyang tungkulin.
II Kay Timoteo 1
Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na huwag ikahiya ang ebanghelyo
Isipin ang isang pagkakataon na nakaranas ka ng takot. Nasaan ka? Ano ang ginagawa mo?
Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley kung paano maaaring makaimpluwensya sa atin ang takot: “Sino sa atin ang magsasabing hindi siya nakadama ng takot? Wala akong kilalang tao na hindi nakadama nito. Mangyari pa, ang ilan ay nakadarama ng takot nang higit kaysa sa iba. Ang ilan ay agad itong napaglalabanan, ngunit ang iba ay nabibitag at nahahatak nito pababa at nadaraig pa nito. Dumaranas tayo ng takot na makutya, takot na mabigo, takot na mag-isa, at takot sa kawalan ng kaalaman. Ang ilan ay natatakot sa kasalukuyan, ang ilan sa hinaharap. Ang ilan ay pasan ang mabigat na kasalanan at ibibigay ang halos lahat ng bagay para mapalaya ang sarili mula sa mga kasalanang iyon ngunit takot namang baguhin ang kanilang buhay. Dapat nating matanto na ang takot ay hindi nagmumula sa Diyos, sa halip ang nagpapahirap at mapanirang bagay na ito ay nagmumula sa kaaway ng katotohanan at kabutihan. Ang takot ay kabaligtaran ng pananampalataya. Nakawawasak ang epekto nito, at nakamamatay rin” (“God Hath Not Given Us the Spirit of Fear,” Ensign, Okt. 1984, 2).
Paano naaapektuhan ng takot ang ating kakayahan na ipamuhay ang ebanghelyo?
Sa pag-aaral mo ng II Kay Timoteo 1, alamin ang isang alituntunin na makatutulong sa iyo na madaig ang takot.
Habang nakabilanggo si Pablo sa Roma noong malapit nang magwakas ang kanyang buhay, ginawa niya ang kanyang pangalawang sulat kay Timoteo. Tulad ng nakatala sa II Kay Timoteo 1:1–5, ipinahayag ni Pablo na nais niyang makita si Timoteo at binanggit ang taos-pusong pananampalataya ni Timoteo.
Basahin ang II Kay Timoteo 1:6–8, na inaalam ang ipinaalala ni Pablo na gawin ni Timoteo para madaig ang takot.
Ang “kaloob ng Dios” na natanggap sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (II Kay Timoteo 1:6) ay tumutukoy marahil sa Espiritu Santo. Ang ibig sabihin ng salitang “paningasin” sa talata 6 ay muling pasiglahin o pag-ibayuhin. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na muling pagningasin ang kaloob ng Espiritu Santo, o anyayahan ang Espiritu Santo na patnubayan siya.
Ayon sa II Kay Timoteo 1:7, anong mga pagpapala ang maaaring dumating kapag nasa atin ang Espiritu?
Ang tinutukoy ni Pablo ay ang takot sa mundo, na lumilikha ng pagkabalisa, kawalang-katiyakan, at ligalig at naiiba sa tinutukoy sa mga banal na kasulatan na “pagkatakot sa Panginoon” (Mga Kawikaan 9:10). Ang matakot sa Panginoon ay ang “makadama ng paggalang at pagpipitagan sa Kanya at sumunod sa Kanyang mga kautusan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Takot,” scriptures.lds.org). Ang ating takot, o pagpipitagan, sa Panginoon ay makapagpapatatag sa atin laban sa takot sa mundo.
Ang isang alituntuning matututuhan natin mula sa payo ni Pablo kay Timoteo ay na kapag masigasig nating hinangad na mapasaatin ang Espiritu, madaraig natin ang takot at hindi mahihiya sa ating patotoo kay Jesucristo.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa paanong paraan mo maipapakita na hindi mo ikinahihiya ang iyong patotoo kay Jesucristo?
-
Kailan ka tinulungan ng Espiritu na madaig ang takot sa mundo o binigyan ka ng tapang na matatag na manindigan sa iyong patotoo kay Jesucristo?
-
Pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa mo para maanyayahan ang Espiritu na mapasaiyo upang madaig mo ang takot sa mundo at hindi ikahiya ang iyong patotoo kay Jesucristo.
Tulad ng nakatala sa II Kay Timoteo 1:9–18, hinikayat ni Pablo si Timoteo na manatiling tapat sa totoong doktrina. Nagpatotoo siya tungkol sa nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo, na ginawang posible ang Pagkabuhay na Mag-uli, imortalidad, at buhay na walang hanggan.
II Kay Timoteo 2
Tinagubilinan ni Pablo si Timoteo na buong katapatang tiisin ang mga paghihirap
Tulad ng nakatala sa II Kay Timoteo 2:1–9, hinikayat ni Pablo si Timoteo na umasa sa ebanghelyo at tiisin ang mga paghihirap tulad ng gagawin ng isang mabuting kawal. Sinabi rin ni Pablo na dumanas siya ng maraming pagsubok dahil siya ay disipulo ni Cristo.
Basahin ang II Kay Timoteo 2:10–12, na inaalam ang sinabi ni Pablo kung bakit tiniis niya ang gayong mga paghihirap. Ang “hinirang” (talata 10) ay tumutukoy sa matatapat na miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 29:7), at ang salitang mangagtiis sa talata 12 ay tumutukoy sa pagtitiis at pananatiling matatag.
Ang isang alituntuning matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay na kapag tiniis natin ang mga paghihirap at nanatiling tapat sa Panginoon, matutulungan natin ang ating sarili at ang iba na matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo.
Paano natin matutulungan ang iba na matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo sa pagtitiis nang buong katapatan sa sarili nating mga pagsubok?
Pinayuhan ni Pablo si Timoteo sa II Kay Timoteo 2:13–19 na paalalahanan ang mga Banal na iwasan ang pagtatalo at “lumayo sa kalikuan” (talata 19). Maaari mong markahan ang huling pangungusap sa II Kay Timoteo 2:19.
Upang tulungan si Timoteo na maunawaan na kailangang magsisi ng mga Banal, gumamit si Pablo ng iba’t ibang uri ng mga sisidlan, o mga lalagyan, bilang metapora para sa mga miyembro ng sambahayan, o Simbahan, ni Jesucristo.
Basahin ang II Kay Timoteo 2:20, na inaalam kung anong mga uri ng mga sisidlan ang nasa “isang malaking bahay.” Ang mga katagang ang “iba’y sa ikapupuri, at ang iba’y sa ikasisirang-puri” ay nagpapahiwatig na ang ilang miyembro ng Simbahan ay karapat-dapat at itinalaga ang kanilang sarili sa mararangal na layunin, samantalang ang iba ay hindi.
Basahin ang II Kay Timoteo 2:21, na inaalam kung paanong ang sinuman ay magiging marapat na “sisidlan … [para] gamitin ng may-ari.” Ang mga katagang “malinis sa alin man sa mga ito” ay tumutukoy sa pagiging lubos na malinis mula sa kasamaan (tingnan sa II Kay Timoteo 2:21).
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa metapora ni Pablo ay na kung lilinisin natin ang ating sarili mula sa kasamaan, mas mapaglilingkuran natin ang Panginoon.
Ano ang magagawa natin para malinis natin ang ating sarili mula sa kasamaan?
Basahin ang II Kay Timoteo 2:22, na inaalam ang ilang bagay na isinulat ni Pablo na maaari nating gawin upang malinis natin ang ating sarili mula sa kasamaan.
Nagbigay ng halimbawa si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naaangkop ang alituntuning ito sa mga missionary:
“Ang Panginoon ay nagbigay ng mga patakaran ng pagiging karapat-dapat para sa mga tinawag na tumulong sa Kanya sa gawaing ito. Walang misyonero ang kayang hamunin ang ibang tao na magsisi sa kasalanang seksuwal o lapastangang pananalita o panonood ng pornograpiya kung siya mismo ay hindi pa napagsisisihan ang mga kasalanang iyon! Hindi ninyo magagawa iyon. Ang Espiritu ay hindi mapapasainyo at mabubulunan kayo sa pagsasabi ng mga ito. Hindi kayo maaaring dumaan sa tinawag ni Lehi na ‘ipinagbabawal na landas’ [1 Nephi 8:28] at umasang magagabayan ang iba sa ‘makipot at makitid’ [2 Nephi 31:18] na landas—hindi magagawa iyan.
“Ngunit may paraan para mapagsisihan ang inyong mga kasalanan gaya sa investigator na tuturuan ninyo. Sinuman kayo at anuman ang nagawa ninyo, mapapatawad kayo. Bawat isa sa inyo … ay maaaring talikuran ang anumang kasalanan na nagpapahirap sa inyo. Ito ang himala ng kapatawaran; ang himala ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Ngunit hindi ninyo ito magagawa kung hindi kayo tapat sa ebanghelyo, at hindi ninyo pinagsisihan ang kailangang pagsisihan. Hinihiling ko sa inyo … na maging aktibo at malinis. Kung kailangan, hiling kong maging aktibo at maging malinis kayo” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 45).
Isiping mabuti kung bakit mahalagang maging malinis mula sa kasalanan kapag nangangaral ng ebanghelyo. Isiping mabuti ang mga kasalanang kailangan mong pagsisihan upang mas mapaglingkuran ang Panginoon. Alalahanin na maaari mong mahingan ng tulong ang iyong bishop o branch president sa pagsisikap mong maging malinis at dalisay.
II Kay Timoteo 3
Inilarawan ni Pablo ang mga panahong mapanganib sa mga huling araw
Ikinabahala mo ba na ikaw o ang magiging anak mo ay hindi mapaglalabanan ang mga kasamaan ng mundo sa ating panahon?
Itinuro ni Apostol Pablo kay Timoteo kung paano madaraig ang mga panganib ng mundo. Basahin ang II Kay Timoteo 3:1–5, na inaalam ang ilan sa mga panganib na sinabi ni Pablo kay Timoteo at mararanasan o masasaksihan natin sa ating buhay. You may want to use the footnotes to help you understand some difficult words.
Alalahanin ang isang pangyayari kamakailan na nakita mo ang ganitong mga uri ng mapanganib na pag-uugali.
Patuloy na inilarawan ni Pablo sa II Kay Timoteo 3:6–13 ang mga panganib na ito, at ipinropesiya niya na ang mga ito ay lalo lamang titindi sa mga huling araw.
Pansinin sa II Kay Timoteo 3:7 na binanggit ni Pablo ang mga yaong “laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.” Ano ang ilang pilosopiya o ideya na laganap ngayon ngunit salungat sa katotohanang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?
Matapos ilarawan ang mga panganib na ito, nagpayo si Pablo kay Timoteo—at sa atin—kung paano madaraig ang mga espirituwal na panganib na ito.
Basahin ang II Kay Timoteo 3:14–17, na inaalam ang ipinayo ni Pablo. (Tandaan na ang II Kay Timoteo 3:15–17 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Isipin ang maaaring ibig sabihin ng “manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan” (II Kay Timoteo 3:14).
Matututuhan natin ang sumusunod na dalawang alituntunin mula sa mga talatang ito: Kung patuloy nating ipamumuhay ang mga katotohanang nalaman natin mula sa mga mapagkakatiwalaang sanggunian o sources at sa mga banal na kasulatan, madaraig natin ang mga espirituwal na panganib sa mga huling araw. Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, matutuhan natin ang doktrina at makatatanggap tayo ng pagwawasto at tagubilin na makatutulong sa pagsulong natin patungo sa pagiging perpekto.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na nakatulong sa iyo ang mga banal na kasulatan sa isa o higit pa sa mga sumusunod na paraan:
-
Pag-unawa sa doktrina ng ebanghelyo
-
Pagsaway o pagwawasto hinggil sa isang bagay na iyong iniisip, pinipili, o inuugali na hindi tama
-
Pagbibigay ng sagot sa panalangin o pagbibigay ng tagubilin kung paano mo lulutasin ang isang problema
-
Scripture Mastery—II Kay Timoteo 3:15–17
-
Mag-ukol ng ilang minuto at isaulo ang II Kay Timoteo 3:16–17. Pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal: Nakabisado ko na ang II Kay Timoteo 3:16–17. Isipin kung paano mo mapag-aaralan ang iyong mga banal na kasulatan sa linggong ito sa paraang maaanyayahan mo sa iyong buhay ang mga pangako sa mga talatang ito.
II Kay Timoteo 4
Ipinahayag ni Pablo na nakipagbaka siya ng mabuting pakikipagbaka at iniutos kay Timoteo na magpatuloy sa pangangaral
Malamang na ang II Kay Timoteo ang huling sulat na isinulat ni Apostol Pablo bago siya namatay. Basahin ang II Kay Timoteo 4:1–5, na hinahanap ang dalawang bagay: (1) ang payo ni Pablo kay Timoteo at (2) ang propesiya ni Pablo tungkol sa mangyayari sa sinaunang Simbahang Kristiyano. Use the footnotes to help you understand what you read. Ang ibig sabihin ng mga katagang “magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan” sa talata 2 ay maging masigasig sa gawain ng Panginoon at pagsabihan o itama ang mga hindi masigasig (tingnan sa Joseph Smith Translation, 2 Timothy 4:2).
Isulat ang nalaman mo sa sumusunod na chart:
Payo ni Pablo kay Timoteo |
Propesiya ni Pablo tungkol sa sinaunang Simbahang Kristiyano |
---|---|
Sa palagay mo, bakit hinikayat ni Pablo si Timoteo na magpatuloy sa pangangaral at paglilingkod sa mga tao kahit alam niya na marami ang tatalikod sa katotohanan?
Basahin ang II Kay Timoteo 4:6–8, na inaalam ang isinulat ni Pablo tungkol sa kanyang pagsisikap na ipalaganap ang ebanghelyo.
Pansinin na ang pagbanggit ni Pablo sa mga bagay na may kaugnayan sa mga aktibidad ng isang atleta tulad ng mabuting pakikipagbaka at pagtapos sa takbo ay naglalarawan kung paano niya natapos nang buong katapatan ang kanyang misyon. Ayon sa talata 8, ano ang alam ni Pablo na nakalaan sa kanya pagkatapos ng kamatayan?
Matututuhan natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na alituntunin : Kung mananatili tayong matapat sa lahat ng iniuutos ng Panginoon sa atin, makatatanggap tayo ng putong na katuwiran. Kabilang sa “putong na katuwiran” ang maging katulad ng Ama sa Langit.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang ilang iniuutos ng Panginoon sa mga kabataan ng Simbahan na makatutulong sa kanila na maging higit na katulad ng kanilang Ama sa Langit. (Kung kailangan mo ng tulong, basahin ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan.) Pagkatapos ay isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Bakit maaaring piliin ng kabataan na hindi maging tapat sa ilan sa mga iniuutos na ito?
-
Sino ang kilala mo, na katulad ni Pablo, na mabuting halimbawa ng pananatiling tapat kahit mahirap itong gawin? Ano ang ginawa nila na nagpakita ng mabuting halimbawa ng alituntuning ito?
-
Tulad ng nakatala sa II Kay Timoteo 4:9–22, tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa pagpapaliwanag na kahit siya ay nalungkot paminsan-minsan sa kanyang gawain, alam niya na kasama niya ang Panginoon at pinalalakas Niya siya.
Alalahanin na manatiling tapat sa iniuutos ng Panginoon sa iyo. Maaari mong isulat ang anumang impresyon o pahiwatig mula sa Ama sa Langit na nadama mo sa lesson na ito. Maaari kang magtakda ng mithiing gawin ang ipinahiwatig sa iyo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang II Kay Timoteo at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: