Unit 18: Day 4
Mga Gawa 10–12
Pambungad
Ipinahayag ng Diyos kay Pedro sa isang pangitain na dapat ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil. Itinuro ni Pedro ang ebanghelyo kay Cornelio at sa buong sangbahayan nito at kalaunan ay inayos ang pagtatalo-talo sa mga Banal na Judio tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil. Patuloy na sumulong ang gawain ng Panginoon sa kabila ng pag-uusig. Pinatay ni Herodes Agripa I, ang apo ni Herodes ang Hari, si Apostol Santiago at pagkatapos ay dinakip at ibinilanggo si Pedro. Noong gabi bago patayin si Pedro, isang anghel ang tumulong sa kanya na makatakas mula sa bilangguan. Pinarusahan si Herodes ng isang anghel mula sa Diyos, at patuloy na ipinangaral ang ebanghelyo.
Mga Gawa 10
Ipinahayag ng Diyos kay Pedro sa isang pangitain na dapat ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil
Ano ang nagbibigay sa iyo ng lakas na sundin ang isang tao?
Kunwari ay isa ka sa grupo ng mga tao na naliligaw. Ilan sa mga miyembro ng grupo ay nagsabing alam nila ang daan, pero magkakaiba sila ng itinuturong direksyon. Ano ang maghihikayat o iimpluwensya sa iyo kung sino ang susundin mo?
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 10–12, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na magkaroon ng tiwala sa mga taong tinawag ng Panginoon na mamahala sa Kanyang Simbahan.
Hanggang sa panahong ito sa Bagong Tipan, sa mga Judio lamang ipinangaral ang ebanghelyo, maliban sa ilang eksepsyon. Maging si Jesus ay nangaral lamang sa “mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel” at iniutos sa Kanyang mga apostol na gawin din ang gayon (tingnan sa Mateo 10:5–6). Gayunpaman, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na matapos mapasakanila ang Espiritu Santo ay ipangangaral nila ang ebanghelyo “hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa” (Mga Gawa 1:8). Nabasa natin sa Mga Gawa 10 ang tungkol sa isang malaking pagbabago sa paraan ng pamamahala ng Simbahan na makatutulong sa paggawa nito.
Basahin ang Mga Gawa 10:1–2, na inaalam ang mga detalye tungkol sa isang Gentil na nagngangalang Cornelio.
Isang senturion si Cornelio. Ang senturion ay “isang pinuno sa hukbong Romano na siyang namumuno sa isang pangkat ng 50 hanggang 100 tauhan. Ang gayong pangkat ay bumubuo ng mga ikaanimnapung bahagi ng isang lehiyong Romano” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Senturyon,” scriptures.lds.org).
Ayon sa patakaran ng Simbahan noong panahong iyon, bilang isang Gentil, hindi maaaring sumapi si Cornelio sa Simbahan ni Cristo kung hindi muna siya sasapi sa Judaismo. Bagama’t hindi makakasapi si Cornelio sa Simbahan bilang isang Gentil, paano niya ipinakita ang kanyang pananampalataya sa Diyos?
Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 10:3–48, nagkaroon si Pedro ng isang pangitain na sa una ay hindi niya naunawaan. Gayunpaman, dahil sa pagsunod sa Espiritu, nakilala ni Pedro si Cornelio, na nagkaroon ng isang pangitain kung saan sinabi ng anghel na narinig ng Panginoon ang mga panalangin ni Cornelio. Pumasok si Pedro sa bahay ni Cornelio at tinuruan niya ng ebanghelyo si Cornelio at ang pamilya nito. Nadama ng lahat ng naroon sa bahay ang Espiritu Santo. Naunawaan ni Pedro na ang kanyang pangitain, kung saan inutusan siya na kainin ang mga hayop na itinuturing na marumi, ay kautusan mula sa langit na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil at tulutan silang mabinyagan kahit hindi sila sumapi sa Judaismo.
-
Kumpletuhin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Basahin ang Mga Gawa 10:34–35, at isulat ang anumang naisip o nadama mo tungkol sa sinasabi rito na natutuhan ni Pedro sa dalawang talatang ito.
-
Basahin ang 2 Nephi 26:33, at pagkatapos ay sagutin ang sumusunod na tanong: Ano ang ibig sabihin ng “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao” (Mga Gawa 10:34)?
-
Isipin ang sinasabi ng sumusunod na pahayag tungkol sa Diyos na “hindi nagtatangi … ng mga tao”:
“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat ng tao. Sinabi sa Aklat ni Mormon, ‘maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … pantay-pantay ang lahat sa Diyos’ (2 Nephi 26:33). Ito ang opisyal na turo ng Simbahan.
“Ang mga tao sa lahat ng lahi ay malugod na tinatanggap at binibinyagan noon pa man sa Simbahan mula pa sa simula. …
“Lubos na kinukondena ng Simbahan ang racism o panglalait sa ibang lahi, kabilang ang anuman at lahat ng nakaraang panglalait sa ibang lahi ng mga tao sa loob at labas ng Simbahan. Noong 2006, sinabi ni Gordon B. Hinckley, na noon ay pangulo ng Simbahan na ‘walang sinumang nanlalait sa ibang lahi ang maituturing ang kanyang sarili na tunay na disipulo ni Cristo. Ni hindi niya maituturing ang kanyang sarili na nakaayon sa mga turo ng Simbahan ni Cristo. … Tanggapin nating lahat na bawat isa sa atin ay anak na lalaki o babae ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa lahat ng Kanyang mga anak’ [“Ang Pangangailangan sa Malaking Kabutihan,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 58]” (“Race and the Church: All Are Alike unto God,” mormonnewsroom.org/article/race-church).
Mga Gawa 11:1–18
Naayos ni Pedro ang pagtatalo ng mga Banal na Judio tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil
Mula sa iyong nabasa sa Mga Gawa 10:28, ano sa palagay mo ang nadama ng ilang Judio na miyembro ng Simbahan nang mabalitaan nila ang pakikipag-ugnayan ni Pedro sa isang Gentil?
Basahin ang Mga Gawa 11:1–3, na inaalam kung ano ang naging reaksyon ng mga disipulo sa ginawa ni Pedro.
Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 11:4–15, inilahad ni Pedro sa mga disipulo ang mga pangitaing natanggap nila ni Cornelio. Sinabi niya sa kanila na tinanggap ni Cornelio at ng buong sangbahayan nito ang mga turo ni Jesucristo at pagkatapos ay naranasan ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa gayon ding paraan kung paano ito naranasan ni Pedro at ng iba pang mga disipulo.
Basahin ang Mga Gawa 11:16–17, na inaalam ang huling sinabi ni Pedro sa mga disipulo.
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ni Pedro niyang, “Sino baga ako, na makahahadlang sa Dios?” (Mga Gawa 11:17)?
Basahin ang Mga Gawa 11:18, na inaalam kung ano ang reaksyon ng mga disipulo sa paliwanag ni Pedro.
Ano ang reaksyon ng mga disipulo nang nalaman nila na pinapatnubayan ng Diyos si Pedro?
Ang sumusunod ay isang alituntunin na maaari nating matutuhan mula sa talang ito: Kapag alam natin na pinapatnubayan ng Diyos ang mga namumuno sa Simbahan, buong tiwala natin silang sasang-ayunan at susundin. Ang alituntuning ito ay pinagtibay sa mga banal na kasulatan sa mga huling araw, na ayon dito ay inihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa mga mayhawak ng mga susi ng priesthood upang mamahala sa Simbahan (tingnan sa D at T 1:38; 28:2, 7; 42:11; 107:65–66).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano mo nalaman na ang mga namumuno sa Simbahan ay ginagabayan ng Diyos?
-
Anong payo mula sa mga propeta ang pinili mong sundin dahil alam mong ginagabayan ng Diyos ang mga propeta?
-
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isang mithiin na makatutulong sa iyo na magkaroon ng mas malakas na patotoo na ginagabayan ng Diyos ang mga namumuno sa Simbahan.
Mga Gawa 11:19–30
Patuloy na susulong ang gawain ng Panginoon sa kabila ng pag-uusig
Nakatala sa Mga Gawa 11:19–26 na dahil sa pag-uusig, ilang disipulo ang nakalat sa iba’t ibang dako ng rehiyon ngunit buong katapatang nangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo saanman sila maparoon. Nakatala sa Mga Gawa 11:27–30 na humayo ang mga propeta “sa Antioquia … galing sa Jerusalem” at na nagpatotoo ang isa sa mga propeta, si Agabo, na magkakaroon ng taggutom. Dahil dito, nakapagbigay sila ng tulong sa mga tao sa Judea.
Mga Gawa 12:1–17
Pinatay ni Herodes si Santiago at dinakip si Pedro, na mahimalang nakatakas mula sa bilangguan
Nakaturo ang compass sa hilaga dahil ang magnetic North Pole ng mundo ay nahihila ang north end ng magnet ng compass. Magdrowing ng X kahit saan malapit sa compass (ngunit huwag malapit sa north compass point o sa panuro sa compass na nakaturo sa hilaga), at sabihin sa klase na isipin kunwari na kumakatawan sa isang batubalani o magnet ang X.
Paano makaiimpluwensya ang magnet na ito sa pagkilos ng panuro o needle ng compass?
Paano ito nakakaapekto sa kakayahan natin na gumawa ng tamang pagpili tungkol sa direksyon na dapat nating tahakin?
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 12, alamin ang impluwensya na makahahadlang sa ating kakayahan na gumawa ng mga tamang desisyon.
Mula noong patayin si Esteban, lalo pang nakaranas ng matinding pang-uusig ang mga miyembro ng Simbahan na nasa Jerusalem at ang mga miyembro sa mga kalapit na lugar nito. Basahin ang Mga Gawa 12:1–4, na inaalam kung paano nakaragdag si Herodes Agripa sa pag-uusig na ito.
Sino ang pinatay ni Herodes?
Ang Santiagong binanggit sa talata 2 ay si Apostol Santiago, ang kapatid ni Apostol Juan at anak ni Zebedeo. Ayon sa mga tala, si Santiago ang unang Apostol na pinatay sa sinaunang Kristiyanong Simbahan. Miyembro rin siya ng Unang Panguluhan kasama sina Pedro at Juan.
Ayon sa Mga Gawa 12:3, sino ang natuwa sa pagkamatay ni Santiago?
Ang mga katagang “mga Judio” sa talata 3 ay tumutukoy sa mga maimpluwensyang pinunong Judio sa Jerusalem na nang-udyok na usigin ang Simbahan ni Jesucristo. Si Herodes Agripa ay “nagnais na maituring na ortodoksong Judio [orthodox Jew]” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Herod”) at hinangad na bigyang-lugod ang mga pinunong Judiong ito. Malapit sa X sa tabi ng compass, isulat ang: Kung hangad nating bigyang-lugod ang iba sa halip na ang Diyos, …
Ano ang ginawa ni Herodes nang makita niya na natuwa ang mga pinunong Judio sa pagkamatay ni Santiago? (Dapat mong maunawaan na ang isang tigaapat ay binubuo ng apat na kawal.)
Kung isasaalang-alang ang larawan ng compass at ang X, paano nakaapekto sa direksyon ng buhay ni Herodes ang hangarin niyang bigyang-lugod ang iba sa halip na ang Diyos?
Batay sa mga nalaman natin mula sa halimbawa ni Herodes, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kung hangad nating bigyang-lugod ang iba sa halip na ang Diyos, .
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bukod sa halimbawa ni Herodes, ano pa ang ibang mga halimbawa na nagpapakita kung paano mauuwi ang isang tao sa paggawa ng kasalanan dahil hinangad niyang bigyang-lugod ang iba sa halip na ang Diyos?
-
Ano ang ilang paraan na makapagpapalayo sa iyo sa Ama sa Langit ang hangarin mong bigyang-lugod ang iba? Ano ang gagawin mo para mapaglabanan ang kasalanan?
-
Pag-isipan ang mga paraan na nakapagpapalayo sa iyo sa Ama sa Langit dahil sa hangarin mong bigyang-lugod ang iba.
Basahin ang Mga Gawa 12:5–6. Ano ang ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito?
Basahin ang Mga Gawa 12:7–10. Anong mga hadlang at sagabal ang nalampasan ni Pedro sa kanyang pagtakas?
Basahin ang Mga Gawa 12:11–15. Kailan natanto ni Pedro na ang nangyari ay totoo at hindi isang pangitain?
Ano ang nangyari nang kumatok si Pedro sa pintuan ng bahay ni Maria?
Basahin ang Mga Gawa 12:16–17. Kanino nagpasalamat si Pedro dahil nakatakas siya sa bilangguan?
Muling basahin ang Mga Gawa 12:5, at alamin kung paano nauugnay ang talatang ito sa pagtakas ni Pedro sa bilangguan.
Sa iyong palagay, ano ang ipinahihiwatig ng mga katagang “maningas na dumalangin” (Mga Gawa 12:5) tungkol sa katapatan at kataimtiman ng mga panalangin ng mga miyembro ng Simbahan?
Ipinapakita sa tala na ito ang katotohanan na ang ating taos-puso at taimtim na mga panalangin ay nag-aanyaya ng mga himala at mga pagpapala ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng ibang tao.
Ano ang ibig sabihin ng manalangin nang taos-puso at taimtim?
Hindi nangangahulugan ang alituntuning ito na kung taos-puso at taimtim ang ating mga panalangin, agad tayong makatatanggap ng sagot sa ipinagdasal natin. Kabilang sa iba pang dahilan sa pagtanggap ng mga himala at mga pagpapala ng Diyos ay ang kalooban at takdang panahon ng Diyos pati na rin ang kalayaang pumili ng isang tao.
Basahin ang sumusunod na sitwasyon, na inaalam kung bakit mahalaga ang panalangin: “Ang panalangin ay paraan kung saan ang kalooban ng Ama at ang kalooban ng anak ay nagkakaroon ng ugnayan sa isa’t isa. Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap. Ang mga pagpapala ay nangangailangan ng [sapat na] sipag o pagsisikap natin bago natin makamtan ang mga ito. Ang panalangin ay isang uri ng gawain, at isang itinakdang paraan para makamtan ang pinakamataas sa lahat ng pagpapala” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Prayer”).
-
Sagutin ang dalawa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ayon sa pahayag na ito, ano ang mahalagang layunin ng panalangin?
-
Bakit mahalagang alalahanin na ang layunin ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos?
-
Kailan nangyari ang mga himala at pagpapala ng Diyos sa buhay mo o sa buhay ng ibang taong ipinagdasal mo?
-
Isipin kung sino o ano ang ipagdarasal mo. Pag-isipan kung paano ka mananalangin nang mas taos-puso at taimtim upang mapagkalooban ng mga pagpapala at mga himala na handang ibigay ng Diyos sa iyo at sa iba.
Mga Gawa 12:18–25
Pinarusahan si Herodes ng isang anghel mula sa Diyos, at patuloy na ipinangaral ang ebanghelyo
Nakatala sa Mga Gawa 12:18–25 na nalaman ni Herodes na nakatakas si Pedro at ipinapatay ang mga bantay na inakala niyang nagpabaya kaya nakatakas si Pedro. Nalaman din natin sa mga talatang ito na nagsalita si Herodes sa mga tao, na pumuri sa kanya at nagsabing siya ay parang diyos kung magsalita. Dahil hindi nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos si Herodes, pinarusahan siya ng isang anghel at siya ay nagkasakit at namatay.
Mahalagang maunawaan na ang pagpaparusa ng Diyos sa masasama ay ayon sa Kanyang kalooban at takdang panahon. Hindi napaparusahan kaagad lahat ang masasamang tao (tingnan sa Alma 14:10–11).
Ayon sa Mga Gawa 12:24, ano ang nangyari sa gawaing misyonero ng Simbahan sa kabila ng pag-uusig na naranasan ng mga miyembro ng Simbahan?
Rebyuhin ang mga katotohanang nalaman mo sa lesson na ito, at pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang mga ito.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 10–12 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: