Library
Pambungad sa I Kay Timoteo


Pambungad sa I Kay Timoteo

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Mababasa natin sa I Kay Timoteo na pinayuhan ni Apostol Pablo si Timoteo, isang lider ng Simbahan sa Efeso, na tiyakin na naituturo ang totoong doktrina at huwag hayaang makagulo sa mga turo ng ebanghelyo ang laganap na kasinungalingan. Itinuro niya kay Timoteo ang tungkol sa mga katungkulan ng bishop at deacon at tinalakay ang mga kwalipikasyon para sa mga taong naglilingkod sa mga katungkulang ito. Ipinahayag din ni Pablo ang kanyang taos-pusong pasasalamat na kinahabagan siya ni Jesucristo noong siya ay magbalik-loob. Ang pag-aaral ng I Kay Timoteo ay makatutulong na lalo mo pang maunawaan ang kahalagahan ng pagtuturo ng totoong doktrina sa Simbahan. Maaari mo ring gawing mas taos-puso ang iyong pasasalamat sa pagiging mahabagin ng Tagapagligtas at sa mahalagang gawaing ginagampanan ng mga bishop at iba pang mga lider ng Simbahan.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Isinulat ni Pablo ang I Kay Timoteo (tingnan sa I Kay Timoteo 1:1).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang Unang Sulat ni Pablo Kay Timoteo ay isinulat marahil sa pagitan ng A.D. 64 at 65, maaaring noong nasa Macedonia si Pablo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org; I Kay Timoteo 1:3). Bago ito naisulat, napalaya na si Pablo mula sa kanyang dalawang taong pagkakabilanggo (sa isang bahay) sa Roma at malamang na naglalakbay sa iba’t ibang lugar, binibisita ang mga rehiyon kung saan siya nagtayo ng mga branch ng Simbahan (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Isinulat ito ni Pablo para kay Timoteo, na naglingkod na kasama ni Pablo sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay (tingnan sa Mga Gawa 16:1–3). Kasunod ng kanilang misyon, si Timoteo ay patuloy na naging matapat na misyonero at lider ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 19:22; Mga Taga Filipos 2:19) at isa sa mga lubos na pinagkakatiwalaang kasamahan ni Pablo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 4:17). Tinukoy ni Pablo si Timoteo bilang kanyang “tunay na anak sa pananampalataya” (I Kay Timoteo 1:2). Ang ama ni Timoteo ay isang Gentil na Griyego, ngunit siya ay may mabubuting Judiong ina at lola na nagturo at tumulong sa kanya na matutuhan ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Mga Gawa 16:1; II Kay Timoteo 1:5; 3:15).

Sa panahong isinulat ito, naglilingkod si Timoteo bilang lider ng Simbahan sa Efeso (tingnan sa I Kay Timoteo 1:3). Ipinahiwatig ni Pablo na nag-alinlangan ang ilang miyembro sa kakayahan ni Timoteo sa pamumuno dahil bata pa siya (tingnan sa I Kay Timoteo 4:12). Nais ni Pablo na puntahan si Timoteo, ngunit hindi niya tiyak kung magagawa pa niya ito (tingnan sa I Kay Timoteo 3:14; 4:13). Ginawa ni Pablo ito para kay Timoteo upang tulungan ang batang lider ng Simbahan na mas maunawaan ang kanyang mga tungkulin.

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang mga sulat ni Pablo na kilala bilang I Kay Timoteo, II Kay Timoteo, at Kay Tito ay madalas tawaging pastoral epistles o mga sulat para sa mga pastor dahil ang mga ito ay naglalaman ng payo ni Pablo sa mga pastor, o mga lider sa Simbahan (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Ang salitang pastor ay mula sa wikang Latin para sa salitang “pastol.”

Nagmungkahi si Pablo ng mga tuntunin na tutulong kay Timoteo na matukoy ang mga karapat-dapat na tao na maglilingkod bilang mga bishop o mga deacon (tingnan sa I Kay Timoteo 3). Ang kanyang mga tuntunin ay nakatulong na maipakita ang responsibilidad ng mga lider ng Simbahan na maglaan ng mga pangangailangang temporal at espirituwal para sa mga miyembro (tingnan sa I Kay Timoteo 5). Itinuro rin ni Pablo ang tungkol sa pagtanggap ng maraming tao sa maling ideyang asetisismo o asceticism—ang paniniwala na matatamo ang mas mataas na espirituwalidad sa pamamagitan ng matinding pagkakait sa sarili. Halimbawa, nagbabala siya na mag-aapostasiya ang ilang miyembro ng Simbahan at na ituturo nila ang paniniwalang dapat ipagbawal ang kasal (tingnan sa I Kay Timoteo 4:1–3). Upang hadlangan ito at ang iba pang masasamang impluwensya at ang mga impluwensya ng mga nag-apostasiya, tinagubilinan ni Pablo si Timoteo na ituro ang totoong doktrina (tingnan sa I Kay Timoteo 1:3–4, 10; 4:1–6, 13, 16).

Outline

I Kay Timoteo 1. Nagbabala si Pablo laban sa mga maling turo. Niluwalhati niya ang Panginoong Jesucristo, na labis na nahabag sa kanya para mailigtas siya. Tinukoy ni Pablo ang kanyang sarili na “pangulo” (I Kay Timoteo 1:15), o pinakamasama, sa lahat ng mga makasalanan, sa pagtukoy sa pang-uusig niya sa mga Kristiyano bago siya nagbalik-loob. Tiniyak ni Pablo sa iba na matutulungan din sila ng awa ni Cristo.

I Kay Timoteo 2–3. Itinuro ni Pablo na kinakailangan ang panalangin at wastong pagsamba. Itinuro niya na tinubos ni Jesucristo ang lahat ng tao at Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Itinuro niya sa kalalakihan at kababaihan kung ano ang dapat gawin sa oras ng pagsamba. Inilahad niya ang mga kwalipikasyon para sa mga bishop at mga deacon. Ipinaliwanag niya na ang hiwaga ng kabanalan ay ang pagpapakababa ni Jesucristo, ang Kanyang perpektong buhay sa lupa, at ang Kanyang Pag-akyat sa kaluwalhatian.

I Kay Timoteo 4. Nagbabala si Pablo kay Timoteo na malilinlang ang ilang tao ng mga maling turo tungkol sa kasal at pagkain. Nagsalita siya tungkol sa kahalagahan ng kasal at pagtanggap ng mga likha ng Diyos nang may pasasalamat. Itinuro ni Pablo kay Timoteo kung paano harapin ang mga maling turo ng kanyang panahon at ang mga maling turo na darating pa.

I Kay Timoteo 5–6. Nagbigay si Pablo ng mga tuntunin na tutulong kay Timoteo sa pagbibigay niya ng tulong sa matatanda, mga bata, mga balo, at mga alipin. Inilarawan niya ang mga bulaang guro Nagbabala siya na “ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (I Kay Timoteo 6:10) at tinagubilinan si Timoteo kung paano matatamo ng mga Banal ang buhay na walang hanggan.

Print