Unit 1: Day 4
Pambungad at Konteksto ng Bagong Tipan
Pambungad
Ang Bagong Tipan ay tala tungkol sa buhay sa mundo, mga turo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang pagtatatag ng Kanyang Simbahan, at ang paglilingkod at mga turo ng Kanyang mga disipulo noon. Sa lesson na ito, malalaman mo ang kontekstong pangkasaysayan at pangkultura ng Bagong Tipan, kabilang ang dahilan ng hindi pagtanggap ng maraming Judio kay Jesus bilang Mesiyas, o Tagapagligtas. Mababasa mo rin ang tungkol sa mga taong mapagpakumbabang tinanggap si Jesus bilang Tagapagligtas at piniling sundin Siya.
Ang Konteksto ng Bagong Tipan
Takpan mo ng iyong kamay ang larawan sa kanan. Ayon sa nakikita mo sa larawan sa kaliwa, ano sa palagay mo ang nangyayari sa larawan? Alisin ang takip ng larawan sa kanan.
Paano nakatulong sa iyong pag-unawa sa nangyayari ang pagkakakita sa buong larawan?
Ang lalaking may asul na gora o cap ay si Esteban, isang disipulo ni Jesucristo. Basahin ang chapter heading ng Mga Gawa 7 para malaman ang pangyayaring ipinakita sa larawang ito.
Isipin kung paano mo maihahalintulad ang pag-aalis ng takip sa larawan sa pag-unawa sa mga banal na kasulatan.
Ipinapakita sa aktibidad na ito ang kahalagahan ng pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan. Ang salitang konteksto ay tumutukoy sa mga kalagayang nakapalibot o nagbibigay ng impormasyon sa isang talata, pangyayari, o kuwento sa mga banal na kasulatan. Kapag naging mas pamilyar ka sa kontekstong pangkasaysayan at pangkultura ng Bagong Tipan, mas mauunawaan at maipamumuhay mo ang mga turo nito.
Ang mga sumusunod na bahagi sa lesson na ito ay naglalaman ng impormasyon na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang konteksto ng Bagong Tipan.
Mga Pinuno ng Relihiyon ng mga Judio sa Panahon ng Ministeryo ng Tagapagligtas
Itinala ni propetang Jacob sa Aklat ni Mormon ang propesiya na makatutulong sa atin na maunawaan ang mga kalagayang nakapalibot sa mortal na ministeryo ni Jesucristo. Basahin ang 2 Nephi 10:3–5, na inaalam ang mga salita o kataga na ginamit ni Jacob para ilarawan ang espirituwal na kalagayan ng mga Judio sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas.
Ang salitang huwad na pagkasaserdote sa 2 Nephi 10:5 ay tumutukoy sa pangangaral na naghahangad ng “yaman at papuri ng sanlibutan” sa halip ng ikabubuti ng mga tao ng Diyos (2 Nephi 26:29). Karamihan sa mga nagkasala ng huwad na pagkasaserdote ay masasamang pinuno ng relihiyon sa kalipunan ng mga Judio na inililigaw ang mga tao.
Mga Idinagdag sa Batas ni Moises at Iba Pang mga Maling Pilosopiya
Upang mas maunawaan kung paano iniligaw ng mga pinuno ng relihiyon ang mga tao, bilugan ang sumusunod na bilog na kumakatawan sa batas ni Moises, at pangalanan itong Oral na Batas.
Ang batas ni Moises ay tumutukoy sa mga utos at turo na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel sa pamamagitan ni propetang Moises. Idinagdag ng mga gurong Judio ang kanilang mga sariling patakaran at interpretasyon sa batas. Kilala bilang oral na batas o oral na tradisyon, ang mga idinagdag na patakaran at interpretasyong ito ay naglalayong pigilan ang paglabag sa batas ng Diyos. Halimbawa, ayon sa oral na batas, ipinagbabawal na magtanggal ng buhol gamit ang dalawang kamay kapag araw ng Sabbath. Ang paggawa nito ay maituturing na pagtatrabaho at sa gayon ay paglabag sa araw ng Sabbath. Gayunman, ang pagtatanggal ng buhol gamit ang isang kamay ay pinapayagan.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang sa palagay mo ay magiging panganib kapag dinagdagan ng mga patakarang gawa ng tao ang mga utos ng Diyos.
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na “sa mga nakaraang henerasyon at sa panahon ng ministeryo ng Panginoon,” may ilang mga pinuno ng relihiyong Judio na “inalis ang malilinaw at mga simpleng bagay ng dalisay na relihiyon at idinagdag dito ang marami sa kanilang sariling interpretasyon; pinalamutian nila ito ng mga dagdag na mga rituwal at seremonya; at inalis nila ang masaya at maligayang paraan ng pagsamba at ginawa itong mahigpit, mapaglimita, at malungkot na sistema ng mga rituwal at seremonya. Ang buhay na espiritu ng batas ng Panginoon ay naging patay na titik ng rituwalismong Judio sa kanilang mga kamay” (The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary, 4 tomo [1979–81], 1:238).
Ayon kay Elder McConkie, ano ang ginawa ng mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio sa mga batas ng Diyos na nadagdagan ng kanilang mga interpretasyon?
Ang mga Judio sa panahon ni Jesus ay nag-apostasiya. Kahit nasa kanila pa rin ang awtoridad at mga ordenansa ng Aaronic Priesthood, marami sa mga Judio ang tumalikod sa totoong mga ordenansa at alituntunin ng kanilang relihiyon na inihayag ng Diyos kay Moises (tingnan sa D at T 84:25–28). Ang idinagdag na oral na tradisyon ng mga pinunong Judio ay naging priyoridad kaysa sa dalisay na relihiyon at sa nakasulat na salita ng Diyos.
Basahin ang Mateo 12:14, na inaalam ang nais gawin ng mga Fariseo kay Jesus dahil hindi Niya kinilala ang mga oral na batas o tradisyon.
Pamamahala ng mga Dayuhan at Pag-asam sa Isang Mesiyas na Magliligtas sa Israel
Dagdag pa sa mga maling tradisyon ng mga Judio, ang maling mga inaasam sa darating na Mesiyas ay humantong sa hindi pagtanggap ng maraming Judio kay Jesus.
-
Basahin ang sumusunod na talata, at pagkatapos ay sagutin ang mga kaakibat na tanong sa iyong scripture study journal:
Maliban sa isang maikling panahon ng kalayaan, ang mga Judio noong panahon ng Bagong Tipan ay nasakop sa loob ng mahigit 500 taon. Ang pag-aaklas ng mga Macabeo, angkan ng mga makabayang Judio, ay humantong sa kalayaan noong 160 taon bago ang pagsilang ni Cristo. Gayunman, sa panahon ng pagsilang ni Cristo, nasakop na ng Roma ang Israel. Si Haring Herodes, na ikinasal sa isang babae na kabilang sa angkan ng mga Macabeo, ang hinirang ng Roma na mamahala sa Israel. Ang mga Judio ay galit sa pamamahala ng mga Romano at sabik nilang inasam ang ipinangakong Mesiyas na pinaniwalaan nilang magliligtas sa kanila mula sa mga Romano. Dahil umasa ang maraming Judio sa isang Mesiyas na magliligtas sa kanila mula sa pananakop ng mga dayuhan, hindi nila tinanggap si Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas.
-
Ano ang inasahan ng maraming Judio sa darating na Mesiyas?
-
Bakit ang maling pag-asam na ito ay humantong sa hindi pagtanggap ng mga Judio kay Jesus bilang Mesiyas?
-
Maraming Judio ang Mapagpakumbaba at Tinanggap si Jesus bilang Mesiyas o Tagapagligtas
Bagama’t hindi tinanggap ng ilang Judio si Jesucristo, ang ibang mapagpakumbaba at nakadama ng Espiritu Santo ay nakilala si Jesus bilang ang Mesiyas, o Tagapagligtas.
Basahin ang Lucas 2:25–33, na inaalam ang ginawa at sinabi ng isang mabuting lalaking nagngangalang Simeon nang dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa templo.
Ayon sa Lucas 2:30–32, bakit isinugo si Jesus sa mundo?
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na isinugo si Jesucristo para magbigay ng kaligtasan sa lahat ng tao.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang ginawa ni Jesucristo para mailigtas ang lahat ng tao.
Tinawag ng Diyos si Juan Bautista para ihanda ang mga tao sa pagdating ni Jesucristo. Sa sumunod na araw pagkatapos niyang mabinyagan si Jesus, nagpatotoo si Juan sa Kanya, na sinasabing, “Narito, ang Cordero ng Dios!” (Juan 1:36). Basahin ang Juan 1:37–42, na inaalam ang ginawa ng dalawang alagad ni Juan matapos marinig ang kanyang patotoo kay Jesus.
Ano ang ginawa ni Andres nang marinig niya ang patotoo ni Juan Bautista na si Jesus ang Mesiyas? Sa palagay mo, bakit gustung-gusto niyang ibalita ito sa kapatid niyang si Simon Pedro?
Tulad ng nakatala sa Juan 1:43–44, inanyayahan ng Tagapagligtas ang isang lalaking nagngangalang Felipe na maging Kanyang disipulo. Basahin ang Juan 1:45–46, na inaalam ang ginawa ni Felipe matapos niyang malaman na si Jesus ang Mesiyas.
Ano ang paanyaya ni Felipe kay Natanael?
Batay sa mga halimbawang ito mula sa Bagong Tipan, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng mas malaking pagnanais na .
Sa palagay mo, bakit tayo magkakaroon ng mas malaking pagnanais na anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo kapag lumapit tayo mismo sa Kanya?
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na may malaking pagpapala tayong matatanggap kapag inanyayahan natin ang iba na lumapit kay Jesucristo: “Kapag taos-puso ninyong inanyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo, mababago ang puso ninyo. … Sa pagtulong sa iba na lumapit sa Kanya, matutuklasan ninyo na kayo mismo ay napalapit sa Kanya” (“Lumapit Kay Cristo,” Liahona, Mar. 2008, 52).
-
Sagutin ang sumusunod na mga tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa palagay mo, bakit ang pag-anyaya natin sa iba na lumapit kay Cristo ay tumutulong sa atin na mas lumapit din sa Kanya?
-
Sino ang nag-anyaya sa iyo na lumapit sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo? Paano napagpala ang buhay mo dahil dito?
-
Isipin kung sino ang maaanyayahan mong lumapit kay Jesucristo. Ano ang maaari mong gawin para maanyayahan ang iba na lumapit sa Kanya?
-
Sa pag-aaral mo ng Bagong Tipan sa taong ito, madarama mo ang patuloy na pag-anyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya. Kapag tinanggap mo ang paanyayang ito, magkakaroon ka rin ng matinding pagnanais na tumulong sa iba na lumapit din sa Kanya.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang lesson na “Pambungad at Konteksto ng Bagong Tipan” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:
Ang chart sa susunod na pahina ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang konteksto ng mga tala ng buhay ni Jesucristo na pag-aaralan mo sa mga Ebanghelyo ayon kina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan.