Library
Unit 8, Day 2: Marcos 6–8


Unit 8: Day 2

Marcos 6–8

Pambungad

Si Jesus ay hindi tinanggap sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. Isinugo Niya ang Labindalawang Apostol upang mangaral ng ebanghelyo. Si Juan Bautista ay pinatay sa utos ni Herodes Antipas. Mahimalang napakain ni Jesus ang mahigit 5,000 tao, naglakad sa ibabaw ng tubig, pinatigil ang bagyo, at nagpagaling ng maysakit. Pagkatapos ay buong pagkahabag Niyang pinagaling ang isang bata na sinapian ng demonyo, gayundin ang isang taong bingi at utal. Pinakain Niya ang 4,000 tao malapit sa Dagat ng Galilea at naglakbay papuntang Betsaida, kung saan pinagaling Niya nang paunti-unti ang isang lalaking bulag.

Marcos 6:1–44

Si Jesus ay hindi tinanggap sa Nazaret at isinugo ang Labindalawang Apostol; ang kamatayan ni Juan Bautista ay isinalaysay; mahimalang napakain ni Jesus ang mahigit 5,000 tao

Isipin ang sumusunod na sitwasyon: Kabadung-kabado ang isang bagong tawag na missionary sa pag-alis sa kanyang tahanan para magmisyon. Ang taong ito ay hirap magbigay ng mensahe at makihalubilo sa iba.

Ano ang sasabihin mo sa binata o dalagang ito?

Sa pag-aaral mo ng Marcos 6, hanapin ang isang alituntunin na makatutulong sa bata pang missionary na ito, at sa ating lahat, kapag nadama nating hindi natin kayang gawin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon.

Nakasaad sa Marcos 6:1–13 ang hindi pagtanggap kay Jesus sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. (Ito ay tatalakayin nang mas detalyado kapag pag-aaralan mo na ang Lucas 4:14–30.) Habang naroon, isinugo Niya nang dala-dalawa ang Labindalawang Apostol upang ipangaral ang ebanghelyo. Habang nangangaral ng ebanghelyo, sila rin ay nagpaalis ng mga demonyo at nagpagaling ng mga maysakit. Binanggit din ni Marcos na nagpahid ng langis sa maysakit ang mga Apostol ng Tagapagligtas.

lalaking pinatungan ng mga kamay sa kanyang ulo.

Nang marinig ni Herodes Antipas ang tungkol sa maraming himalang ginawa ni Jesus, natakot siya na bumangon mula sa kamatayan si Juan Bautista at ginagawa ang mga himalang ito (tingnan sa Marcos 6:14). (Nalaman natin sa Marcos 6:17–29 na pinapugutan ni Herodes ng ulo si Juan Bautista para matuwa ang asawa ni Herodes.)

Nakasaad sa Marcos 6:30–33 na bumalik na ang Labindalawang Apostol mula sa pangangaral ng ebanghelyo, at si Jesus at ang mga Apostol ay sumakay sa isang daong o bangka para makapunta sa isang lugar kung saan sila maaaring makapag-isa at makapagpahinga. Gayunman, nagpuntahan ang mga tao mula sa ilang kalapit na bayan sa paroroonan ni Jesus at naghihintay sila sa Kanya nang dumating Siya.

Basahin ang Marcos 6:34, na inaalam ang naging tugon ng Tagapagligtas sa maraming tao kahit nais Niya at ng Kanyang mga disipulo na magpahinga at mapag-isa.

Isipin ang isang halimbawang nakita mo sa panahong ito tungkol sa isang taong isinakripisyo ang sariling oras para mapaglingkuran ang iba tulad ng ginawa ni Jesus.

Matapos magturo sa maraming tao nang buong maghapon, gumawa ng malaking himala ang Tagapagligtas. Basahin ang Marcos 6:35–44 at Mateo 14:18, at lagyan ng numero ang mga sumusunod na pangyayari ayon sa pagkakasunud-sunod nito. (Ang mga sagot ay nasa katapusan ng lesson.)

  • Pinarami ng Tagapagligtas ang pagkaing dala ng disipulo, tinugunan at hinigitan ang kailangan.

  • Sinabi ng mga disipulo na mayroon silang limang tinapay at dalawang isda.

  • Iminungkahi ng mga disipulo na pabilhin ng pagkain ang mga tao.

  • Tinanong ng Tagapagligtas kung ano ang maibibigay ng mga disipulo.

  • Sinabi ng Tagapagligtas sa mga disipulo na bigyan ng pagkain ang mga tao.

  • Walang makakain ang mga tao.

  • Sinabi ng Tagapagligtas sa mga disipulo na ibigay sa Kanya ang anumang mayroon sila.

(Nilinaw sa tekstong Griyego ng Marcos 6:44 na ang mga katagang “limang libong lalake” ay nangangahulugang limang libong adult na kalalakihan. Kung gayon, mas malaki ang bilang ng mga taong napakain, kung iisiping naroon din ang mga kababaihan at mga bata (tingnan din sa Mateo 14:21).

Pansinin na bago isagawa ang himalang ito, iniutos muna ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na ibigay ang limang tinapay at dalawang isda—na tanging mayroon sila—sa Kanya. Pinarami ng Tagapagligtas ang pagkaing ito para mapakain ang maraming tao.

maraming tao sa gilid ng burol

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa talang ito ay na kapag ibinigay natin sa Tagapagligtas ang lahat ng mayroon tayo, palalakihin Niya ang ating handog upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Bagama’t hindi iniuutos sa atin ng Tagapagligtas na dalhin natin sa Kanya ang lahat ng pagkain na mayroon tayo, inaanyayahan Niya ang mga taong nagnanais na isakatuparan ang Kanyang mga layunin na ibigay sa Kanya ang kanilang buong hangarin, mga abilidad, talento, kakayahan, lakas, talino, at pagsisikap (tingnan sa 2 Nephi 25:29; Omni 1:26).

  1. journal iconIsiping muli ang sitwasyon ng kabado at bagong tawag na missionary na nabanggit sa simula ng lesson, at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Batay sa alintuntunin na nasa itaas, ano sa palagay mo ang magagawa ng missionary na ito upang maibigay ang lahat ng mayroon siya sa Tagapagligtas? Ano sa palagay mo ang gagawin ng Tagapagligtas?

    2. Ano ang iba pang mga sitwasyon na maaaring maranasan ng mga kabataan ng Simbahan kung saan makatutulong ang alituntuning ito na natutuhan nila?

    3. Paano pinag-ibayo ng Panginoon ang iyong pagsisikap na maisakatuparan ang Kanyang mga layunin?

Marcos 6:45–56

Si Jesus ay naglakad sa ibabaw ng tubig at nagpagaling ng maysakit

Nakasaad sa Marcos 6:45–56 na, pagkatapos pakainin ang mahigit 5,000 tao, tinagubilinan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na lumulan sa sasakyang-dagat at pumunta sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea. Pagkatapos ay pinauwi na Niya ang mga tao at pumunta at nanalangin sa isang bundok. Pagsapit ng gabi ay bumagyo, at nakita ng Tagapagligtas mula sa bundok ang Kanyang mga disipulo na sinasagupa ang malakas na hangin. At naglakad Siya sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila at pinahinto ang bagyo. Ang impormasyon sa mga talatang ito ay tinalakay nang mas detalyado sa pag-aaral mo ng Mateo 14.

Marcos 7:1–8:21

Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo, pinagaling ang maysakit, at pinakain ang 4,000 tao

Sa pag-aaral mo ng Marcos 7–8, alamin ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat nating gawin kapag may nakita tayong nangangailangan.

Nabasa natin sa Marcos 7:1–23 na pinagsabihan ng Tagapagligtas ang mga Fariseo dahil sa pagsunod nila sa mga maling kaugalian, at itinuro Niya sa kanila at sa Kanyang mga disipulo na “mula sa loob, mula sa puso” (Marcos 7:21) nagsisimula ang masasamang pag-iisip at gawa at, dahil dito, nagkakasala ang isang tao.

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa “sali’t-saling sabi ng matatanda” (Marcos 7:5):

Elder Bruce R. McConkie

“Ang mga ordenansa at interpretasyong ginawa ng mga rabbi ay idinagdag ng mga eskriba at mga guro sa batas ni Moises sa pagdaan ng mga taon. Ang mga tradisyong ito ay talagang mas pinahalagahan at mas may bisa kaysa batas mismo. Kabilang sa mga ito, na ipinapalagay na proteksyon laban sa pagiging hindi malinis sa mga seremonya, ay ang ritwal na paghuhugas ng mga kamay na hindi sinunod ni Jesus at ng kanyang mga disipulo.

“Ang ganito ring paraan ng pagbabago sa katotohanan upang gawin itong mga tradisyon—ng pagpapalit sa batas ng Diyos ng ‘mga doktrina at mga kautusan ng tao’ [Joseph Smith Translation, Mark 7:7], ng mga interpretasyon at pagdagdag ng mga gurong hindi binigyang-inspirasyon—ay ang mismong nangyari sa malawakang apostasiya ng Kristiyanismo. Sa dalisay at simpleng mga doktrina ni Cristo, ang mga eskriba at mga saserdote ng sinaunang bansang Kristiyano ay nagdagdag ng mga bagay tulad ng: pagbebenta ng indulhensiya, na nagpapalaya sa masasama mula sa nagawang kasalanan noon at nagbibigay ng karapatan sa kanila na gumawa ng mga kasalanan sa darating na mga araw nang walang parusang matatanggap mula sa Diyos; pagpapatawad ng mga kasalanan (kunwari) sa pamamagitan ng paulit-ulit at hindi taimtim [hindi taos-puso] na pagtatapat ng mga kasalanan; pagdarasal sa … mga imahe o santo sa halip na sa Panginoon; pagsamba sa mga diyus-diyusan; … pagbabawal sa mga saserdote at iba pang opisyal ng simbahan na mag-asawa; … pagsusuot ng mamahaling damit at kasuotan ng mga saserdote at ng iba pang mga pinuno ng simbahan; paggamit ng magarbong titulo; pinalalaki [pinaparami] ang kabang-yaman ng Simbahan sa pamamagitan ng pagsusugal; at marami pang iba.

“Lahat ng ito, at marami pang katulad na mga tradisyon, ay itinuturing ng iba na mas mahalaga kaysa batas ng Diyos na ibinigay mismo ng Panginoon. Sa katunayan, ang mga Simbahang Kristiyano sa panahong ito ay nakabatay halos sa mga tradisyon ng mga ‘matatanda’ sa halip na sa mga paghahayag ng langit” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:366–67).

Nabasa natin sa Marcos 7:24–30 na pinagaling ni Jesus ang anak ng isang babaeng Griega, na sinapian ng demonyo. Alalahanin mo na sa panahong ito, ang misyon ng Tagapagligtas ay sa sambahayan ni Israel, hindi sa mga Gentil, subalit buong pagkahabag Niyang tinulungan ang babaeng Gentil na ito na nangangailangan at nananampalataya sa Kanya.

Hanapin ang mga lungsod ng Tiro at Sidon at ang Dagat ng Galilea sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 11, “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Matapos lisanin ng Tagapagligtas ang Tiro at Sidon, Siya ay nagpunta sa silangang dako ng Dagat ng Galilea, sa rehiyon ng Decapolis, na isang lugar na halos pinaninirahanan ng mga Gentil.

Basahin ang Marcos 7:31–37, na inaalam kung paano kinahabagan ng Tagapagligtas ang isang lalaking bingi at utal.

Basahin ang Marcos 8:1–3, na inaalam ang pangangailangang nakita ni Jesus.

Pansinin sa talata 2 ang nadama ng Tagapagligtas sa mga tao.

Basahin ang Marcos 8:4–9, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas kahit hindi Siya hinilingang gawin ito.

Mula sa ipinakitang pagkahabag at mga ginawa ng Tagapagligtas sa nagugutom na mga tao, natutuhan natin na matutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagpansin sa mga pangangailangan ng iba at pagkatapos ay pagtulong na matugunan ang mga pangangailangang iyon.

Itinuro ni Sister Linda K. Burton, Relief Society general president, na upang matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa mga anak ng Diyos, tayo ay kailangang “magmasid muna at pagkatapos ay maglingkod” (“Magmasid Muna at Pagkatapos ay Maglingkod,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 78). Maaari mong isulat ang mga katagang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Marcos 8:4–9.

Ang pananalangin at paghingi ng tulong sa Ama sa Langit at ang patuloy na pagtutuon ng ating isipan sa iba sa halip na sa ating sarili ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mga pangangailangan ng iba at makatulong sa pagtugon sa mga ito. Alalahanin na may ilang mga pangangailangan na hindi agad nakikita.

Ano ang maaaring makahadlang sa kakayahan nating mapansin ang mga pangangailangan ng iba at makatulong na matugunan ang mga ito?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Ilang beses na bang naantig ang inyong puso nang makita ninyo ang pangangailangan ng iba? Gaano kadalas ninyo binalak tulungan ang isang tao? Gayunman, gaano kadalas humahadlang ang pang-araw-araw na buhay at ipinauubaya ninyo sa iba ang pagtulong, iniisip na ‘ah, tiyak na may mag-aasikaso sa pangangailangang iyan.’

“Masyado tayong nagiging abala sa ating buhay. Gayunman, kung titigil tayo sandali, at mamasdan ang ating ginagawa, makikita nating masyado tayong abala sa ‘mga bagay na di gaanong mahalaga.’ Sa madaling salita, kadalasan ay ginugugol natin ang ating oras sa mga bagay na hindi gaanong makabuluhan sa kabuuang plano ng buhay, at napapabayaan ang mas mahahalagang dahilan” (“Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 85).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat tungkol sa isang pangyayari kung kailan napansin mong may pangangailangan at huminto ka sa ginagawa mo upang tulungan ang isang tao. Magsulat din tungkol sa isang pangyayari kung kailan napansin ng isang tao ang isa sa mga pangangailangan mo at tumulong na matugunan ito.

Manalangin at magmasid para sa mga pagkakataong makatulong na matugunan ang mga pangangailangan ng iba sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Nabasa natin sa Marcos 8:10–21 na pagkatapos mahimalang napakain ang 4,000 tao, si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay naglayag papunta sa lugar na tinatawag na Dalmanuta. Doon ay sinabi ng mga Fariseo na magpakita Siya sa kanila ng isang tanda. Si Jesus ay hindi nagbigay ng tanda at, tulad ng natutuhan natin sa Joseph Smith Translation, itinuro Niya sa kanila na “walang tandang ibibigay sa lahing ito, maliban ang tanda ng propetang si Jonas; sapagkat tulad ni Jonas na namalagi nang tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng balyena, gayon din naman ang Anak ng tao ay malilibing sa ilalim ng lupa” (Joseph Smith Translation, Mark 8:12).

Marcos 8:22–38

Unti-unting pinagaling ni Jesus ang isang lalaking bulag

Sa Betsaida, isang lalaking bulag ang dinala sa Tagapagligtas para pagalingin. Basahin ang Marcos 8:22–26, na inaalam kung paano pinagaling ng Tagapagligtas ang lalaking ito.

Pansinin sa talata 24 na pagkatapos unang maipatong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga kamay sa lalaking bulag, nakakita na ito, pero hindi pa gaanong malinaw.

Pagpapatong ng mga kamay ni Jesus sa mga mata ng lalaki

Sa Marcos 8:25, pagkatapos ipatong ng Tapagligtas ang Kanyang mga kamay sa lalaking bulag sa pangalawang pagkakataon, mababasa natin na lubos nang nakakita ang lalaki.

Bakit mahalagang maunawaan na ang ilang pagpapala, tulad ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo o pagtanggap ng pisikal o espirituwal na pagpapagaling, ay kadalasang dumarating nang paunti-unti o dahan-dahan, sa halip na agaran o minsanan?

Nabasa natin sa Marcos 8:27–38 ng pahayag ni Pedro na si Jesus ang Cristo. Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na huwag munang sabihin sa mga tao na Siya ang Cristo, o Mesiyas. Sinimulan din Niyang ituro sa kanila ang tungkol sa Kanyang nalalapit na pagdurusa at kamatayan sa Jerusalem.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Marcos 6-8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

  • Ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga sagot sa aktibidad sa lesson na ito: 7, 5, 2, 4, 3, 1, 6. (Ito ay mula sa New Testament Teacher Manual [Church Educational System manual, 2014], 68.)