Unit 31: Day 3
Apocalipsis 6–7
Pambungad
Nakita ni Apostol Juan ang isang pangitain na binubuksan ng Kordero ng Diyos ang unang anim na tatak ng aklat na mahigpit na isinara. Sa ikaanim na tatak, na sumasagisag sa dispensasyon sa mga huling araw na ito, nakita ni Juan ang mga tagapaglingkod ng Diyos na “nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero” (Apocalipsis 7:14).
Apocalipsis 6
Nakita ni Juan ang Kordero ng Diyos na binubuksan ang ang unang anim na tatak ng aklat na mahigpit na isinara
Ano ang ilang alalahanin o pangamba na maaaring nadarama mo o ng mga taong kilala mo tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang nadarama ng mga sinaunang propeta tungkol sa ating panahon, “Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 215–16).
Sa iyong palagay, bakit ganito ang nadama ng mga sinaunang propeta tungkol sa ating panahon?
Si Apostol Juan, na tinatawag din na Juan ang Tagapaghayag, ay isa sa mga propeta na nakaaalam sa mga mangyayari sa mga huling araw at nagpropesiya tungkol sa ating panahon nang may masayang pag-aasam. Sa iyong pag-aaral ng Apocalipsis 6–7, alamin ang mga katotohanang magbibigay ng kapanatagan sa iyo at sa mga kakilala mo hinggil sa mga mangyayari sa mga huling araw.
Alalahanin na nakatala sa Apocalipsis 5:1–5 na nakita ni Juan ang isang aklat na may pitong tatak na ang Kordero lamang ang karapat-dapat magbukas. Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang matalinghagang representasyon ng ilan sa mahahalagang pangyayari na nauukol sa bawat 1,000 taon na sinasagisag ng pitong tatak.
-
Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng isang simpleng larawan na nagpapakita ng mga pangyayaring nauukol sa unang limang tatak, na matatagpuan sa mga scripture reference sa ibaba. Kapag binasa mo ang tungkol sa bawat tatak, isipin ang maaaring ibig sabihin ng ilan sa mga simbolismo.
-
Unang tatak (Apocalipsis 6:1–2)
-
Ikalawang tatak (Apocalipsis 6:3–4)
-
Ikatlong tatak (Apocalipsis 6:5–6)
-
Ikaapat na tatak (Apocalipsis 6:7–8)
-
Ikalimang tatak (Apocalipsis 6:9–11)
-
Bagama’t hindi pa inihayag ng Panginoon ang kahulugan ng ilang simbolo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, inihayag Niya ang ibig sabihin ng marami sa mga ito sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Kapag iyong pinag-aralan ang mga banal na kasulatan at may mga tanong ka, maaari mong tingnan ang komentaryo ng propeta upang makita kung ano ang sinabi ng mga lider ng Simbahan tungkol sa mga partikular na talata. Ang impormasyon sa kalakip na chart ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang ilan sa mga simbolismo na matatagpuan sa Apocalipsis 6:1–11 tungkol sa pagbubukas ng unang limang tatak.
Unang tatak (Mga 4000 hanggang 3000 B.C.) |
Kabayong maputi = Tagumpay Busog = Digmaan Putong (korona) = Mananakop Iminungkahi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Apocalipsis 6:1–2 ay naglalarawan sa panahon ni Enoc at ang nakasakay sa kabayo ay si Enoc (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 3:476–78). |
Ikalawang tatak (Mga 3000 hanggang 2000 B.C.) |
Kabayong mapula = Pagdanak ng dugo Tabak = Digmaan at pagkawasak Iminungkahi ni Elder McConkie na ang Apocalipsis 6:3–4 ay naglalarawan sa panahon ni Noe, nang mapuno ng kasamaan ang buong mundo. Ang nakasakay sa kabayong mapula ay maaaring ang diyablo mismo o marahil “isang taong kumakatawan sa maraming pumapaslang na mandirigma” (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3:478–79). |
Ikatlong tatak (Mga 2000 hanggang 1000 B.C.) |
Kabayong maitim = Taggutom Timbangan = Mataas na halaga ng pagkain Sinabi ni Elder McConkie na ang Apocalipsis 6: 5–6 ay naglalarawan sa panahon ni Abraham, na maraming namatay sa gutom (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3:479–80). Sapat lamang na pagkain sa isang araw ang mabibili ng sweldo ng isang tao sa maghapon, na nagpapahiwatig na napakataas ng presyo ng bilihin. |
Ikaapat na tatak (Mga 1000 B.C. hanggang sa pagsilang ni Cristo) |
Kabayong maputla = Kamatayan Kamatayan at hades [impiyerno] = Pagkalipol ng masasama at ang kanilang pagpunta sa bilangguan ng mga espiritu (tingnan sa Isaias 5:14) Sinabi ni Elder McConkie na ang Apocalipsis 6:7–8 ay tumutukoy sa “malalaking kaharian at bansang iyon na ang mga digmaan at kataksilan ay paulit-ulit na nagpahirap at tumalo sa [Israel]” (Doctrinal New Testament Commentary, 3:481). Kabilang sa mga bansang iyon ang Babilonia, Persia, Egipto, Asiria, Grecia, at Roma. |
Ikalimang tatak (Mga sa panahon ng pagsilang ni Cristo hanggang A.D. 1000) |
Dambana = Sakripisyo Mga kaluluwa = Mga martir, mga Kristiyanong pinatay dahil sa kanilang paniniwala Sinabi ni Elder McConkie na ang Apocalipsis 6: 9–11 ay tumutukoy sa maraming sinaunang Kristiyano, kabilang ang halos lahat ng orihinal na Apostol, na namatay bilang mga martir (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3:482–83). Dahil ibinuwis ng mga Banal na ito ang kanilang buhay “dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila” (Apocalipsis 6:9), sila ay binigyan ng “mapuputing damit,” (Apocalipsis 6:11), na simbolo ng kadalisayan (tingnan sa Apocalisis 7:13–14; 3 Nephi 27:19). |
Ang ikaanim na tatak ay sumasagisag sa ating sariling panahon at sa mga mangyayari, lalo na sa mga kalamidad, hanggang sa Milenyo, kung kailan personal na maghahari si Jesucristo sa mundo (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3:485–86).
Basahin ang Apocalipsis 6:12–17, at alamin ang nakita ni Juan sa ating panahon hanggang sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Pansinin na mababasa sa Joseph Smith Translation ng talata 14, “At ang langit ay nahawi na gaya ng isang balumbon ng papel kung ito ay nakabalumbon; at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinatatayuan.”
Pansinin na inilarawan sa Apocalipsis 6:16 kung gaano katinding hinahangad ng ilang tao na matakasan ang poot ng Diyos. Pagkatapos ay itinanong ni Juan, “Sino ang makatatayo?” (Apocalipsis 6:17). Tinutulungan tayo ng Apocalipsis 7 na maunawaan kung sino ang makatatayo, o mananatili, sa kabila ng mga kalamidad ng ikaanim na tatak.
Apocalipsis 7
Nakita ni Juan ang mga tagapaglingkod ng Diyos na nangaghugas ng kanilang mga damit sa dugo ng Kordero
Basahin ang Apocalipsis 7:1–4, at alamin kung ano pa ang nakita ni Juan sa ikaanim na tatak. Basahin din ang Doktrina at mga Tipan 77:8–11, kung saan ipinaliwanag ng Panginoon ang kahulugan ng mga talatang ito.
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na ang salitang Elias, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan, ay “isang pangalan at titulo para sa mga yaong ang misyon ay magkaloob ng mga susi at kapangyarihan sa kalalakihan sa huling dispensasyong ito” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966] 221).
Ang ilan sa mga kalalakihang ito na nagkaloob ng mga susi at kapangyarihan ay sina Adan; Moroni; Juan Bautista; Pedro, Santiago, at Juan; Moises; at Elijah.
Ang pagbubuklod, o pagtatatak sa “mga noo [ng] mga alipin ng ating Dios” (Apocalipsis 7:3) ay isang metapora para sa kanilang katapatan, paglilingkod, at pagpanig sa Diyos.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang tatak ng matatapat sa kanilang mga noo ay “nangangahulugang pagbubuklod ng pagpapala sa kanilang mga ulo, ibig sabihin ay ang walang hanggang tipan, sa gayon ay tinitiyak ang kanilang pagkatawag at pagkahirang (sa History of the Church, 5:530).
Ang bilang na 144,000 na binanggit sa Apocalipsis 7:4 “ay bilang ng mga kinatawan mula sa labindalawang lipi ng Israel na ioorden upang tumulong sa iba na makamtan ang kanilang kadakilaan. … Hindi ito, tulad ng pinaniniwalaan ng ilan, ang bilang ng mga taong magtatamo ng kadakilaan” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 544).
Tulad ng nakatala sa Apocalipsis 9, tinukoy muli ni Juan ang mga matwid na tagapaglingkod na ito. Basahin ang Apocalipsis 9:3–4, at alamin ang mangyayari sa mga hindi matatatakan bilang mga tagapaglingkod ng Diyos.
Basahin ang Apocalipsis 7:9–10, at alamin kung sino ang nakita ni Juan. Pansinin ang suot ng mga taong ito.
Tulad ng nakatala sa Apocalipsis 7:11–12, nakita ni Juan ang mga taong ito, kasama ang ang 24 na elder at ang apat na nilalang na binanggit sa Apocalipsis 4, na nakapalibot sa trono ng Diyos at sumasamba sa Kanya.
Basahin ang Apocalipsis 7:13–17, at hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Maaari mong markahan o isulat ang nalaman mo.
-
Ano ang tiniis ng mga taong ito?
-
Paano naging mapuputi ang kanilang mga damit?
-
Anong mga pagpapala ang tatanggapin nila?
Pansinin na ang mga damit ng mga tao ay “pinaputi sa dugo ng Cordero” (Apocalipsis 7:14), na simbolo ng mga taong dinalisay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jeuscristo. Ang mga pagpapala sa mga talata 16–17 ay naglalarawan ng kagalakan, kapayapaan, at katapatan ng mga taong magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal (tingnan din sa D at T 138:12–15).
Malalaman natin sa mga talatang ito na kung matitiis natin ang mga paghihirap nang may pananampalataya at magiging mas dalisay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matatamo natin ang selestiyal na kaluwalhatian sa piling ng Diyos.
Pag-isipan kung ano kaya ang pakiramdam ng makatayo nang dalisay sa harapan ng Diyos. Paano maihahalintulad ang damdaming ito sa nadama ng mga taong inilarawan sa Apocalipsis 6:16?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang dapat nating gawin upang madalisay tayo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Paano ka natulungan ng pag-alaala sa mga pagpapala ng kaluwalhatiang selestiyal sa iyong pagsisikap na tiisin ang paghihirap at maging mas dalisay?
-
Pag-aralang muli ang mga alalahaning isinulat mo sa simula ng lesson na ito. Isipin kung paano makatutulong ang alituntuning natukoy sa Apocalipsis 7 kapag nag-aalala ka sa pamumuhay sa mga huling araw na ito.
Maaari kang mag-ukol ng ilang minuto para pag-isipan at ipagdasal sa iyong puso kung paano mo maipamumuhay ang alituntuning ito.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Apocalipsis 6–7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: