Library
Unit 32, Day 1: Apocalipsis 12–13


Unit 32: Day 1

Apocalipsis 12–13

Pambungad

Naglalaman ang Apocalipsis 12–14 ng pansamatalang pagtigil sa sunud-sunod na paglalahad ng pangitain ni Apostol Juan. Nakita ni Juan ang isang pangitain ng isang dragon na nagbabanta sa isang babae at sa anak nito. Isinulat niya ang tungkol sa Digmaan sa Langit at sa mga kaharian ng sanlibutan na makikidigma sa mga tagasunod ng Diyos.

Apocalipsis 12

Ipinakita kay Juan na si Satanas at ang kanyang mga kampon ay palaging nakikipaglaban sa Panginoon at sa kanyang Simbahan

Gumuhit ng linya na kokonekta sa pagitan ng bawat isa sa mga panganib na nakalista sa kaliwang column at sa mga paraan na malalabanan ang mga ito na nakalista sa kanang column.

Mga Panganib

Mga paraan na malalabanan ang mga panganib

Sunburn

Magsisi at magtiwala kay Jesucristo

Mga kaaway na kawal

Gamot o pahinga

Sakit

Sunscreen o kasuotan

Kasalanan

Mga katotohanan sa Apocalipsis 12

Mga impluwensya ni Satanas

Mga sandata ng digmaan

Alin sa mga panganib na ito ang nilabanan mo kamakailan? Alin sa mga ito ang pinakamapanganib sa iyo? Bakit?

Sa iyong pag-aaral ng Apocalipsis 12, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang mga impluwensya ni Satanas. Ang Apocalipsis 12–14 ay pansamantalang pagtigil ng paglalarawan ni Juan sa kanyang pangitain ng mga mangyayari sa ikapitong tatak. Maaaring tinutulungan ng Panginoon si Juan sa bahaging ito na maunawaan ang kahulugan ng mga salitang “ang [mga] kaharian ng sanglibutan [na ito]” at “[ang mga kaharian ng] ating Panginoon” (Apocalipsis 11:15). Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng buong Apocalipsis 12 ay matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Tingnan ang sumusunod na larawan, at isipin kung ano ang mga simbolong sinasagisag nito.

dragon, babaeng may kargang anak

Basahin ang Apocalipsis 12:1–2, 5, at alamin kung ano ang nangyari sa babae. (Inilagay ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang talata 5 pagkatapos ng talata 2.)

Pansinin na ang anak ng babae ay “maghahari na may panghampas na bakal” (Apocalipsis 12:5).

Basahin ang Apocalipsis 12:3–4, at alamin kung ano ang nagbabanta sa babae at sa kanyang anak.

Sa iyong palagay, ano ang sinasagisag ng mga simbolo na inilarawan sa mga talata 1–4?

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7–8 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), at alamin ang sinasagisag ng dragon, ng babae, at ng anak. Maaari mong isulat ang ibig sabihin ng bawat simbolo sa tabi ng Apocalipsis 12:1–5.

Ang dragon ay sumasagisag kay Satanas (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:8), ang babae ay sumasagisag sa “simbahan ng Diyos,” at ang anak ay sumasagisag sa “kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7). Ang kahariang ito ay kinabibilangan ng matatapat na miyembro ng Simbahan ng Panginoon. (Para sa karagdagang paliwanag tungkol sa simbolismo sa mga talatang ito, tingnan sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 550–52.)

Ayon sa Apocalipsis 12:4, ano ang hangarin ng dragon?

Sa iyong palagay, bakit labis ang paghahangad ni Satanas na wasakin ang kaharian ng Diyos at ni Cristo?

Basahin ang Apocalipsis 12:6, at alamin ang ginawa ng babae dahil sa mapanganib na dragon.

Ang babaeng tumatakas papunta sa ilang ay sumasagisag sa pagpasok ng Simbahan sa Malawakang Apostasiya at ang pagkuha sa priesthood mula sa lupa matapos ang kamatayan ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol.

Pagkatapos makita ni Apostol Juan na nagbabanta ang dragon sa babae at sa anak nito, nakita niya ang isang pangyayari sa buhay bago ang buhay sa mundo—nang kalabanin ni Satanas at ng kanyang mga kampon ang plano ng kaligtasan at ang mga Banal ng Diyos.

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:6–11 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), at alamin ang nangyari kay Satanas sa Digmaan sa Langit at kung paano nadaig ng mga Banal ng Diyos si Satanas at ang mga kampon nito. Maaari mong markahan o isulat ang nalaman mo.

Nakatala sa Apocalipsis 12:4 na “kinaladkad ng buntot [ng dragon] ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit.” Ito ay simbolo ng malaking bilang ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit na piniling sundin si Satanas. Si “Miguel at ang kanyang mga anghel” (Apocalipsis 12:7) ay si Adan at ang iba pang mabubuting espiritung anak ng Diyos.

Ayon sa Apocalipsis 12:11, paano dinaig ng mabubuting hukbo ng langit (kasama ka) si Satanas?

Ayon sa Apocalipsis 12:8–9, saan itinapon si Satanas at ang kanyang mga kampon pagkatapos ng kanilang paghihimagsik?

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:12, 17 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), at alamin kung kanino nakidigma si Satanas matapos siyang itapon mula sa langit.

Ang pag-unawa kung paano natin nadaig si Satanas sa buhay bago ang buhay sa mundo ay makatutulong sa atin na malaman kung paano mapagtagumpayan ang impluwensiya at mga pag-atake niya rito sa lupa. Matutukoy natin mula sa mga talatang ito sa Apocalipsis 12 ang sumusunod na alituntunin: Mapaglalabanan natin ang impluwensya ni Satanas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at sa pananatiling tapat sa ating mga patotoo sa ebanghelyo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Itinuro ni Elder James J. Hamula ng Pitumpu kung paano inaatake ni Satanas ang iyong henerasyon:

Elder James J. Hamula

“Nakareserbang lumabas sa mga huling araw at gumawa para sa ating Ama at Kanyang Anak ang ilan sa pinakamagigiting at pinakamararangal na anak na lalaki at babae ng ating Ama. Ang kanilang kagitingan at karangalan ay ipinamalas sa pakikipaglaban kay Satanas bago pa nilikha ang mundo. …

“Dahil ipinanumbalik na ang kaharian ng Diyos sa lupa at isinilang na kayo sa mundo, alam ni Satanas na ‘kaunting panahon na lamang [ang] mayroon siya’ [Apocalipsis 12:12]. [Kaya nga tinitipon ni Satanas ang lahat ng paraan upang tuksuhin kayong magkasala.] Alam niya na kung mabubuyo niya kayong lumabag, mapipigilan niya kayong mag-full-time mission, magpakasal sa templo, at patatagin sa pananampalataya ang inyong magiging mga anak, na lahat ay magpapahina hindi lamang sa inyo kundi pati sa Simbahan. Alam niya na walang makapagpapabagsak sa kaharian ng Diyos ‘maliban sa pagkakasala ng [kanyang] mga tao’ [Mosias 27:13]. Huwag kayong magkamali—ang tuon ng kanyang laban ngayon ay nasa inyo” (“Pagwawagi sa Digmaan Laban sa Kasamaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 50–51).

Paano tayo pinahihina ni Satanas at ng kanyang mga kampon?

Isipin kung paano ka personal na dinidigma ni Satanas.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, maglista ng ilang paraan kung paano mo madaragdagan ang iyong pananampalataya kay Jesucristo at mapapalakas ang iyong patotoo sa Kanya.

  2. journal iconSagutin ang isa o lahat ng sumusunod sa iyong scripture study journal:

    1. Magsulat ng isang karanasan tungkol sa nagawang tulong sa iyo ng patotoo at pananampalataya sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas upang mapaglabanan mo ang mga impluwensya ni Satanas.

    2. Isulat ang iyong patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang Pagbabayad-sala sa pakikidigma natin kay Satanas at sa kanyang mga kampon.

Pumili ng isa o mahigit pa sa mga ideya na inilista mo, at gamitin ito sa iyong pakikidigma kay Satanas at sa kanyang mga kampon. Maaari mong isulat ang iyong mga mithiin sa isang papel at ilagay ito sa isang lugar na makikita mo nang madalas. Kapag umasa ka sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, tutulungan ka ng Panginoon sa iyong pakikipaglaban kay Satanas.

Apocalipsis 13

Isinulat ni Juan ang tungkol sa mga kaharian ng mundo na tatanggap ng kapangyarihan mula kay Satanas

Nabasa natin sa Apocalipsis 13 na nakita ni Juan sa pangitain ang mga nakakatakot na hayop na sumasagisag sa masasamang kaharian sa mundo na kontrolado ni Satanas. Nakita rin ni Juan na sa pamamagitan ng mga kahariang ito, gagawa si Satanas ng mga kamangha-manghang gawain at mga huwad na himala upang linlangin ang mga naninirahan sa mundo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Apocalipsis 12–13 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: