Library
Unit 32, Day 3: Apocalipsis 17–19


Unit 32: Day 3

Apocalipsis 17–19

Pambungad

Nakita ni Apostol Juan na ang espirituwal na Babilonia, o ang masamang daigdig, ay makikidigma sa Kordero ng Diyos at ang Kordero ay magtatagumpay laban sa kasamaan. Iniutos sa mga Banal na magsilabas sa espirituwal na Babilonia, at ang malilinis at mabubuti ay aanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero. Nakita ni Juan ang pagparito ni Jesucristo na may napakalakas na kapangyarihan na lilipol sa mga kakalaban sa Kanya.

Apocalipsis 17–18

Nakita ni Juan ang pagkawasak ng espirituwal na Babilonia

Itinuro ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu, “Mas madaling iwasan ang tukso kaysa labanan ang tukso” (“Avoid It” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2013], 1, speeches.byu.edu).

Sa iyong palagay, bakit mas madaling iwasan ang tukso kaysa labanan ito?

Isipin ang maaaring mangyari kung inilalagay natin ang ating sarili sa mga sitwasyon na lagi nating nilalabanan ang tukso.

Sa iyong pag-aaral ng Apocalipsis 17–18, alamin ang isang katotohanang tutulong sa iyo na malaman kung paano iwasan ang maraming tukso at kasalanan sa daigdig na ito.

Nalaman natin sa Apocalipsis 16 na nakita ni Juan sa isang pangitain ang pitong anghel na magbubuhos ng mga salot sa masasama sa mga huling araw. Basahin ang Apocalipsis 17:1, at alamin ang sinabi ng isa sa pitong anghel na ipapakita niya kay Juan.

Ayon sa Apocalipsis 17:15, ang “maraming tubig” na kinauupuan ng babae (tingnan sa talata 1) ay sumasagisag sa mga tao at mga bansa na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan at impluwensya (tingnan din sa 1 Nephi 14:11).

Basahin ang Apocalipsis 17:2–6, at hanapin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa babae at sa kanyang impluwensya sa buong daigdig. Ang salitang pakikiapid sa talata 2 ay tumutukoy sa imoral at masasamang gawain.

Sa talata 2, paano inilarawan ang impluwensya ng babae sa mga pinuno at mga tao ng buong mundo?

Sa iyong palagay, ano ang sinasagisag sa Apocalipsis 17:6 ng babae na lasing sa dugo ng mga Banal at mga martir? Tandaan na ang ibig sabihin ng salitang panggigilalas sa talatang ito ay pagkamangha o pagkagulat.

Ipaliwanag na ang hayop na inilarawan sa Apocalipsis 13:3 ay maaaring sumagisag sa Roma sa panahon ni Juan pati na rin sa masasamang kaharian at bansa sa mga huling araw (tingnan sa Apocalipsis 17:8–13).

Basahin ang Apocalipsis 17:18, at alamin kung ano ang sinasagisag ng babae.

Ang “dakilang bayan” sa talata 18 ay tumutukoy sa espirituwal na Babilonia (tingnan sa Apocalipsis 14:8; D at T 133:14). Dahil sa kamunduhan at kasamaan ng sinaunang Babilonia, at dahil ito ang lugar kung saan binihag ang mga anak ni Israel, madalas gamitin ang Babilonia sa mga banal na kasulatan bilang simbolo ng kasalanan, kamunduhan, at impluwensya ng diyablo sa lupa, at espirituwal na pagkabihag (tingnan din sa 1 Nephi 13:1–9; 14:9–10).

Basahin ang Apocalipsis 17:14, at alamin kung sino ang kakalabanin ng mga kampon ng Babilonia.

Ano ang kalalabasan ng digmaang ito?

Nalaman natin mula sa talatang ito na sa mga huling araw, mapagtatagumpayan ni Jesucristo ang kasamaan ng daigdig. Maaari mong markahan o isulat ang mga salita sa Apocalipsis 17:14 na nagtuturo ng katotohanang ito.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung paano makatutulong sa iyo bilang isang disipulo ni Jesucristo na malaman ang katotohanang ito?

Nabasa natin sa Apocalipsis 18:1–3 na isa pang anghel ang nagpahayag ng pagbagsak ng masamang Babilonia. Basahin ang Apocalipsis 18:4, at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa Kanyang mga tao.

Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon sa pagpapalabas Niya sa Kanyang mga tao mula sa Babilonia?

Ang isang alituntunin na malalaman natin mula sa Apocalipsis 18:4 ay na ang paghiwalay ng ating sarili mula sa kasamaan ng daigdig ay makatutulong sa atin na maiwasan ang kasalanan at ang kahatulan na darating sa masasama sa mga huling araw. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Apocalipsis 18:4.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano tayo natutulungan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na ihiwalay ang ating sarili mula sa kasamaan ng daigdig?

    2. Ano ang ilan sa mga hamon na kinakaharap ng mga kabataan habang sinisikap nilang ihiwalay ang kanilang sarili mula sa kasamaan ng daigdig ngunit patuloy na namumuhay, nagmamahal, at nakikisalamuha sa mga hindi nila kapareho ang mga pamantayan?

    3. Paano nakatulong sa iyo o sa iba ang paglayo sa masasamang impluwensya at gawain upang maiwasan ang mga tukso at mga kasalanan ng daigdig na ito?

Isipin ang masasamang impluwensya o gawain na kinakailangan mong layuan at kung paano mo ito gagawin. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan ka sa iyong mga pagsisikap na lumayo sa masasamang impluwensya at gawain.

Nabasa natin sa Apocalipsis 18:5–24 na nakita ni Juan ang pagbagsak ng masamang Babilonia at ang kalungkutan ng mga sumusunod rito.

Apocalipsis 19

Nakita ni Juan ang pagparito ni Jesucristo na may kapangyarihan na lilipol sa mga yaong kumakalaban sa Kanya

magkasintahang ikakasal

Isipin ang pinakamainam na regalo na maibibigay mo sa iyong magiging asawa sa araw ng inyong kasal.

Elder Jeffrey R. Holland

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pinakamainam na regalo na maibibigay ninyo sa inyong asawa sa kawalang-hanggan sa araw ng inyong kasal ay ang inyong sarili mismo—malinis at dalisay at karapat-dapat sa gayon ding kadalisayan” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 77).

Sa iyong palagay, bakit ang pagiging malinis at dalisay ang pinakamainam na regalo na maibibigay mo sa iyong magiging asawa sa araw ng inyong kasal?

Nakatala sa Apocalipsis 19 ang isang analohiya tungkol sa kasal na ginamit upang ilarawan ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ayon sa Apocalipsis 19:1–6, nakita ni Apostol Juan na pupuriin ng mabubuti ang Diyos para sa Kanyang paghatol sa masasama.

Basahin ang Apocalipsis 19:7, at alamin kung kaninong kasal ang ibinalita ng anghel kay Juan.

Ano ang nalaman ni Juan tungkol sa asawa ng Kordero?

Ang “pagkakasal ng Cordero” (Apocalipsis 19:7) ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Elder Bruce R. McConkie

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin kung sino ang kasintahan ng Kordero: “Sa dispensasyong ito, ang Kasintahang Lalaki, na Kordero ng Diyos, ay darating upang angkinin ang kanyang kasintahan, na ang Simbahan na binubuo ng matatapat na banal na nangagpuyat para sa kanyang pagbabalik” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 469).

Isipin ang ilan sa mga paraan kung paanong angkop na simbolo ang pagpapakasal para sa ating pakikipagtipan kay Jesucristo. Sa iyong pagninilay-nilay, isipin kung paanong ang pag-aasawa o kasal ay isang relasyon na nangangailangan ng katapatan, sakripisyo, pagmamahal, debosyon, at pagtitiwala.

Basahin ang Apocalipsis 19:8–9, at alamin ang magagawa ng mga Banal para maihanda ang kanilang sarili para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Ang puting lino na binanggit sa talata 8 ay maaaring simbolo ng kabanalan, kalinisan, at kabutihan. Bilang simbolo ng damit ng asawa ng Kordero, ano ang dapat nating gawin upang maging handa ang ating sarili sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo?

Ang isang katotohanan na malalaman natin sa mga talatang ito ay na kung tayo ay malinis at matwid, magiging handa tayo sa pagparito ng Panginoong Jesucristo. Maaari mong markahan o isulat ang mga salita sa Apocalipsis 19:8 na nagtuturo ng katotohanang ito.

Ang ibig sabihin ng salitang ipinagkaloob sa Apocalipsis 19:8 ay ibinigay. Ang maging malinis mula sa kasalanan at maging matwid ay kaloob na mula sa Diyos.

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Ano ang ginawa ng Diyos para malinis tayo mula sa kasalanan at maging matwid? Sa iyong palagay, bakit ang pagiging malinis at matwid ang isa sa mga pinakamainam na regalo na maibibigay natin sa Tagapagligtas kapag pumarito SIyang muli?

Magpasiya kung ano ang kailangan mong gawin upang maging malinis at matwid nang sa gayon ay maging handa ka sa pagparito ng Panginoong Jesucristo. Kumilos ayon sa mga pahiwatig na matatanggap mo.

Basahin ang Apocalipsis 19:10, at alamin ang reaksyon ni Juan matapos marinig ang inihayag ng anghel sa kanya. Ang anghel na ito ay nabigyan ng awtoridad mula sa Diyos na mangusap at kumatawan kay Jesucristo.

Ano ang inihayag ng anghel kay Juan na taglay nito (ng anghel) at ng iba pang mga tagapaglingkod ng Diyos?

Ang “espiritu ng [propesiya]” (Apocalipsis 19:10) ay tumutukoy sa kaloob na paghahayag at inspirasyon mula sa Diyos, na nagtutulot sa isang tao na matanggap at maipahayag ang Kanyang salita (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propesiya, Pagpopropesiya,” scriptures.lds.org).

Sa paanong paraan natutulad ang patotoo sa propesiya?

Sa paanong paraan nakakaimpluwensya ang pagkakaroon ng patotoo sa iyong paghahanda para sa Ikalawang Pagparito?

Basahin ang Apocalipsis 19:11–16, at hanapin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Basahin din ang pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 19:15 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

Ang kabayong maputi na binanggit sa Apocalipsis 19:11 ay simbolo ng paglupig at tagumpay. Darating ang Tagapagligtas upang lupigin ang kasalanan at kasamaan.

Pansinin kung paano inilarawan ang damit ng Tagapagligtas sa Apocalipsis 19:13. Ang ibig sabihin ng mga katagang “damit na winisikan ng dugo” ay ang Kanyang kasuotan ay magiging kulay-dugo. Sumisimbolo ang kulay na ito sa pagkalipol ng masasama sa Kanyang Pagparito (tingnan sa D at T 133:46–51), at magpapaalaala rin sa atin ng naranasan Niyang pagdurusa sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neal A. Maxwell

“Dahil sa paglabas ng dugo sa bawat butas ng Kanyang balat, gaano na lang kapula ang kanyang kasuotan sa Getsemani!

“Hindi nakapagtataka na kapag dumating si Cristo na may kapangyarihan at kaluwalhatian, Siya ay darating na pula ang kasuotan (tingnan sa D at T 133:48), na hindi lamang nagpapahiwatig ng kapootan, kundi nagpapaalala sa atin ng Kanyang pagdurusa para sa bawat isa sa atin sa Getsemani at sa Kalbaryo!” (“Overcome … Even As I Also Overcame,” Ensign, Mayo 1987, 72).

Ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Apocalipsis 19:15, nakita ni Juan na kapag pumarito ang Tagapagligtas bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon (tingnan sa Apocalipsis 19:16), paghaharian Niya ang mga bansa gamit ang salita ng Diyos. Sa Apocalipsis 19:17–21, nakita ni Juan ang pagkalipol ng mga kumakalaban sa Kordero ng Diyos. Pansinin na nilinaw sa Joseph Smith Translation ng Apocalipsis 19:18 na ang “lahat ng tao, kapwa malaya at alipin, kapwa maliliit at malalaki” ay tumutukoy sa “lahat ng kumakalaban sa Kordero.”

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Apocalipsis 17–19 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: