Library
Unit 10, Day 4: Lucas 8:1–10:37


Unit 10: Day 4

Lucas 8:1–10:37

Pambungad

Ang Tagapagligtas ay patuloy na nagministeryo sa Galilea, kung saan Siya ay nagpropesiya tungkol sa Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Pagkaalis sa Galilea, naglakbay si Jesus papunta sa Jerusalem. Sa Samaria, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na Siya ay pumarito upang iligtas ang mga tao, hindi upang lipulin sila. Itinuro rin Niya ang tungkol sa pagiging tunay na disipulo at ang talinghaga ng mabuting Samaritano.

Lucas 8:1–9:56

Ang Tagapagligtas ay gumawa ng mga himala, nagturo gamit ang mga talinghaga, at nagtungo sa Jerusalem

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon: Isulat kung ano ang iyong mararamdaman at gagawin sa bawat sitwasyon.

  • Nang pakiusapan mo ang iyong kapatid na tulungan kang linisin ang mga kalat, walang galang niyang sinabing gawin mong mag-isa ito.

  • Habang nagpaplano ng aktibidad sa paaralan, pinintasan at pinagtawanan ng ilang kaklase mo ang iyong ideyang ibinahagi.

  • Nang ibahagi mo ang ebanghelyo sa isang kaibigan, sinabi niya na kakaiba ang mga paniniwala mo.

Sa pag-aaral mo ng mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 8–9, alamin ang mga katotohanan na maaaring gumabay sa iyo kapag nasaktan ka sa ginawa o sinabi ng iba.

Basahin ang mga buod ng kabanata ng Lucas 8–9, na inaalam ang mga kaganapang nakatala sa mga kabanatang ito. Dahil napag-aralan mo nang detalyado ang mga kaganapang ito sa mga lesson sa Mateo at Marcos, magpopokus ang lesson na ito sa Lucas 9:51–62.

Basahin ang Lucas 9:51, na hinahanap ang lugar kung saan nagpasiyang pumunta ang Tagapagligtas. Ang mga katagang “na siya’y tatanggapin sa itaas” ay tumutukoy sa nalalapit na Pag-akyat sa langit ng Tagapagligtas.

Habang naglalakbay papunta sa Jerusalem, nakarating si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa isang nayon ng mga Samaritano. Basahin ang Lucas 9:52–54, na inaalam ang ginawa ng mga Samaritano nang malaman nila na gustong pumasok ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo sa kanilang nayon.

Ano ang reaksyon nina Santiago at Juan sa hindi mabuting pagtrato at hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Tagapagligtas?

Basahin ang Lucas 9:55–56, na inaalam ang itinugon ng Tagapagligtas kina Santiago at Juan.

Nang “sila’y pinagwikaan” (Lucas 9:55) ng Tagapagligtas, ipinahihiwatig Niya na ang hiling nina Santiago at Juan ay hindi ayon sa Espiritu ng Diyos.

Isipin ang maaaring maging reaksyon ng mga tao sa panahon ngayon sa mga pang-iinsulto o pananakit ng ibang tao. Balikang muli ang mga sitwasyon na nasa simula ng lesson na ito, at isiping mabuti kung ano ang maaaring gawin ng isang tao sa mga sitwasyong ito.

Paano naiiba ang reaksyon ng Tagapagligtas sa hindi pagtanggap sa kanila ng mga Samaritano sa reaksyon nina Santiago at Juan?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talang ito ay tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag pinili nating tumugon nang may pasensya at mahabang pagtitiis sa mga nagkasala sa atin. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Lucas 9:52–56.

Ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ay makatutulong sa atin na maunawaan na ang pagdaramdam ay pagpiling ginagawa natin, hindi isang kundisyon:

Elder David A. Bednar

“Kapag naniniwala tayo o nagsasabing nagdamdam tayo, kadalasan ang ibig nating sabihin ay nainsulto tayo, binastos, hindi pinansin, o hindi iginalang. At talaga namang may nangyayaring hindi tama, nakakahiya, at nakapapahamak sa pakikisama natin sa ibang tao na nagpapasama ng ating kalooban. Gayunman, halos imposibleng pasamain ng isang tao ang loob ninyo o loob ko. … Ang pagdaramdam ay pagpiling ginagawa natin; hindi ito isang kundisyon na sinadya o ipinilit sa atin ng isang tao o ng isang bagay. …

“… Kung sasabihin o gagawin ng isang tao ang isang bagay na ipagdaramdam natin, ang unang obligasyon natin ay tumangging masaktan at pagkatapos ay makipag-usap nang sarilinan, tapat, at tuwiran sa taong iyon. Ang gayong paraan ay mag-aanyaya ng inspirasyon ng Espiritu Santo at malilinawan ang mga maling akala at mauunawaan ang tunay na layon” (“At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 90, 92).

  1. journal iconPag-isipang muli ang mga sitwasyon sa simula ng lesson na ito. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang panganib o pinsalang maaaring idulot ng pagpiling maghinanakit sa bawat sitwasyong ito?

    2. Sa bawat sitwasyong ito, paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas?

    3. Paano tayo mapagpapala kapag pinili nating tumugon nang may pasensya at mahabang pagtitiis sa mga nagkakasala sa atin?

Pag-isipang mabuti kung pinili mo nang maghinanakit sa sinabi o ginawa ng iba. Magtakda ng isang mithiin na tutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagpiling tumugon nang may pasensya at mahabang pagtitiis sa mga mananakit ng damdamin mo. Maaari mong ibahagi ang iyong mithiin sa isang miyembro ng pamilya o kaibigan para matulungan ka niyang maisakatuparan ito.

Paalala: Ang pagsisikap na tumugon nang may pasensya at mahabang pagtitiis kapag inisip mo ang mga kamaliang nagawa laban sa iyo ay hindi nangangahulugang hahayaan mong magpatuloy ang seksuwal o pisikal na pang-aabuso sa iyo, pati na ang pananakot, pang-aapi o pangbu-bully. Kung biktima ka ng ganitong pang-aabuso, kausapin agad ang iyong bishop o branch president para makatanggap ng tulong at payo.

Lucas 9:57–62

Nagturo si Jesus tungkol sa pagiging tunay na disipulo

Bilangin ang mga bilog sa ibaba. Habang nagbibilang ka, kantahin ang paborito mong awitin.

maraming maliliit na bilog

Bakit mahirap magbilang ng mga bilog habang kumakanta?

Isipin kung paanong ang pagkanta na nakakaistorbo habang nagbibilang ay katulad sa pagsisikap na sundin si Jesucristo.

Sa iyong patuloy na pag-aaral ng Lucas 9, pag-isipan kung paano mo madaraig ang mga impluwensya na maaaring makagulo o makahadlang sa iyo sa pagsunod sa Tagapagligtas.

Basahin ang Lucas 9:57–58, na inaalam kung paano tumugon si Jesus sa lalaking nagnanais na maging disipulo Niya.

Ang mga katagang “ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo” ay nagpapahiwatig na ang buhay ng Tagapagligtas ay salat sa kaginhawahan at mahirap.

Basahin ang Lucas 9:59–60, na inaalam ang gustong gawin ng pangalawang lalaki bago sumunod sa Tagapagligtas.

Hindi sinasabi ni Jesus na maling magluksa sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay o pumunta sa burol (tingnan sa D at T 42:45). Sa halip, itinuturo Niya ang isang mahalagang aral tungkol sa pagiging disipulo. Ano ang matututuhan natin sa itinugon ng Tagapagligtas sa Lucas 9:60 tungkol sa mga priyoridad ng isang tunay na disipulo?

Basahin ang Lucas 9:61–62, na inaalam kung ano ang sinabi ng Tagapagligtas sa pangatlong lalaki na nagnanais na maging disipulo Niya.

Pangulong Howard W. Hunter

Ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter ay tumutulong sa atin na maunawaan ang analohiya sa Lucas 9:62 tungkol sa paghawak natin sa araro at hindi paglingon sa likod: “Upang maging tuwid ang nilalandas sa pag-aararo, dapat nakatuon ang mga mata ng nag-aararo sa kanyang unahan. Iyan ang magpapanatili sa kanya sa tuwid na landas. Ngunit kung sakaling lumingon siya para tingnan kung saan siya nanggaling, malaki ang tsansa na malihis siya. Ang ibinubunga nito ay hindi tuwid at hindi pantay na daan ng araro. … Kung ang ating lakas ay nakatuon hindi sa yaong nasa likuran natin kundi sa yaong nasa harapan natin—sa buhay na walang hanggan at kagalakan ng kaligtasan—tiyak na makakamtan natin ito” (“Am I a ‘Living’ Member?” Ensign, Mayo 1987, 17).

Isipin kung paano natutulad ang pagiging isang disipulo ni Jesucristo sa paghawak mo sa araro at hindi paglingon sa likod.

lalaki at kabayong nag-aararo

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa kalalakihang ito ay upang maging disipulo ni Jesucristo, huwag nating unahin ang anumang bagay kaysa sa pagsunod Kanya.

Pag-isipang mabuti kung bakit minsan ay inuuna natin ang ibang bagay kaysa sa mga responsibilidad natin bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Elder Richard G. Scott

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May makapangyarihang sandata na magagamit si Satanas laban sa mabubuting tao. Ito ay ang panggugulo sa isipan ng tao. Tutuksuhin niya ang mabubuting tao na punuin ang kanilang buhay ng ‘magagandang bagay’ upang mawalan ng paglalagyan para sa mahahalagang bagay” (“First Things First,” Ensign, Mayo 2001, 7).

  1. journal iconUpang matulungan ka na mapag-isipan ang mga bagay na maaaring makahadlang sa iyo sa lubos na pagsunod kay Jesucristo, kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Pagkatapos ay maglista sa iyong chart ng apat o limang responsibilidad bilang disipulo ni Jesucristo (halimbawa, paglilingkod sa iba, pagbabahagi ng ebanghelyo, pagdalo sa simbahan nang regular, o pagbabayad ng ikapu). Para sa bawat responsibilidad na natukoy mo, maglista ng mga halimbawa ng iba pang mga priyoridad na maaaring unahin ng isang tao kaysa sa responsibilidad na iyon.

Mga responsibilidad ng disipulo ni Jesucristo

Iba pang mga priyoridad

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat ng isang karanasan na nakita mo tungkol sa isang tao na piniling isantabi ang iba pang mga mithiin o priyoridad para sundin ang Tagapagligtas.

Isiping mabuti kung ano ang posibleng unahin mo kaysa pagsunod kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo. Magsulat ng isang mithiin sa isang papel na gagawin mo upang mas unahin mo ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Ilagay ang papel na ito sa isang lugar na araw-araw mo itong makikita.

Lucas 10:1–24

Ang Panginoon ay tumawag ng Pitumpu, at sila ay binigyan Niya ng awtoridad at tagubilin

Basahin ang Lucas 10:1–2, na inaalam kung sino ang itinalaga ng Panginoon para tumulong na magawa ang Kanyang gawain.

Ang salitang pitongpu sa Lucas 10:1 ay hindi lamang naglalarawan ng bilang ng mga tagapaglingkod na isinugo ni Jesus ngunit tumutukoy rin ito sa isang katungkulan sa priesthood. Ang katungkulan ding ito sa priesthood ay nasa ipinanumbalik na Simbahan ngayon. Ngayon ay mayroong walong korum ng Pitumpu, bagama’t ang mga miyembro lamang ng unang dalawang korum ang tinatawag na mga General Authority. Ang gawain nila na mangaral ng ebanghelyo at tumulong sa pangangasiwa ng Simbahan ay pinamamahalaan ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng Panguluhan ng Pitumpu.

Nalaman natin mula sa mga talatang ito na ang Panginoon ay tumatawag ng mga manggagawa bukod pa sa mga Apostol upang kumatawan sa Kanya at tulungan Siya sa Kanyang gawain. Sa palagay mo, bakit tumawag ng iba pa ang Panginoon para kumatawan at tumulong sa Kanya?

Ang Lucas 10:3–24 ay naglalaman ng tagubilin ng Tagapagligtas sa Pitumpu kung paano gawin ang kanilang mga responsibilidad. Kalaunan ay nag-ulat ang Pitumpu ng kanilang mga gawa kay Jesus, at nagbigay Siya sa kanila ng karagdagang tagubilin at nagalak kasama nila. Mapapansin na ang Lucas 10:10–11 ay naglalaman ng mga tagubilin ng Panginoon sa Pitumpu na iba mula sa mga tagubilin na natatanggap ng mga missionary ngayon. Ang Pitumpu ay pinahintulutang ipagpag ang alabok ng isang bayan na kumapit sa kanilang mga paa bilang patotoo laban sa yaong hindi tatanggap sa kanila. Sa panahong ito, gagawin lamang ito sa pinakamatinding sitwasyon at sa tagubilin ng Unang Panguluhan. Ang mga full-time missionary ngayon ay hindi awtorisadong gawin ito ayon sa kanilang sariling pagpapasiya.

Lucas 10:25–37

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng mabuting Samaritano

daan sa disyerto

Ang daan patungong Jerico

Basahin ang Lucas 10:25, na inaalam ang itinanong ng isang tagapagtanggol para tuksuhin, o subukin ang Tagapagligtas.

Paano mo sasagutin ang taong magtatanong sa iyo nito?

Basahin ang Lucas 10:26–28, na inaalam ang itinugon ng Tagapagligtas sa itinanong ng tagapagtanggol.

Batay sa nabasa mo sa Lucas 10:25–28, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Upang magtamo ng buhay na walang hanggan, dapat tayong .

Basahin ang Lucas 10:29, na inaalam ang pangalawang itinanong ng tagapagtanggol kay Jesus.

Ang Mabuting Samaritano

Ang mabuting Samaritano

Para masagot ang tanong ng tagapagtanggol, itinuro ng Tagapagligtas ang talinghaga tungkol sa isang Samaritano (tingnan sa Lucas 10:30–35). Sa panahon ng Bagong Tipan, matinding pagkapoot ang nadarama sa isa’t isa ng mga Judio at Samaritano (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga”). Ang dalawang grupong ito ay talagang nag-iiwasan sa isa’t isa.

Basahin ang Lucas 10:30–37, na inaalam kung ano ang itinuturo ng talinghaga tungkol sa kung sino ang ating kapwa-tao.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na dapat nating alalahanin ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano kapag pinag-iisipan natin kung paano tutugon sa mga taong nangangailangan ng ating tulong:

Pangulong Thomas S. Monson

“Bawat isa sa atin, sa paglalakbay sa mortalidad, ay maglalakbay sa sarili niyang Daan Patungong Jerico. Ano ang magiging karanasan ninyo? Ano ang sa akin? Hindi ko ba papansinin ang taong nabiktima ng mga magnanakaw at nangangailangan ng aking tulong? Ganito rin ba ang gagawin ninyo? Makakakita ba ako ng nasaktan at maririnig ang kanyang pagmamakaawa, subalit tatawid lang ako sa kabilang daan? Ganito rin ba ang gagawin ninyo? O, ako ang taong makakakita, makakarinig, hihinto, at tutulong? Ganito rin ba ang gagawin ninyo?

“Tinagubilinan tayo ni Jesus: ‘Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.’ Kapag sinunod natin ang tagubiling iyan, mabubuksan sa ating walang hanggang pananaw ang kagalakan na bibihirang mapantayan at hindi kailanman mahihigitan.

“Ngayon ang Daan Patungong Jerico ay maaaring hindi malinaw na nalagyan ng tanda. Ni hihingi ng tulong ang nasaktan, na maaari sana nating marinig. Ngunit kapag sumunod tayo sa mga yapak ng mabuting Samaritanong iyon, tinatahak natin ang landas patungo sa pagiging perpekto” (“Your Jericho Road,” Ensign, Peb. 1989, 2, 4).

  1. journal iconIsipin kunwari na may kaibigan ka na nahihirapang mahalin ang isang taong nang-iinis, nagpapalungkot, o nagpapagalit sa kanya. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isang maikling liham sa iyong kaibigan, na nagpapaliwanag kung ano ang matututuhan natin mula sa talinghagang ito tungkol sa pagmamahal sa iba at kung paano natin mapagsisikapang maging katulad ng mabuting Samaritano.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Lucas 8:1–10:37 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: