Unit 11: Day 4
Lucas 17
Pambungad
Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa kahalagahan ng pagpapatawad sa iba. Pagkatapos, hiniling ng mga Apostol kay Jesus na dagdagan ang kanilang pananampalataya. Bilang tugon, itinuro sa kanila ng Tagapagligtas ang talinghaga ng aliping walang kabuluhan. Pagkatapos niyon, pinagaling ni Jesus ang 10 ketongin, ngunit isa lang sa kanila ang bumalik para magpasalamat sa Kanya. Tinanong ng mga Fariseo ang Tagapagligtas, at Siya ay nagturo tungkol sa pagdating ng kaharian ng Diyos.
Lucas 17:1–10
Hiniling ng mga Apostol kay Jesus na dagdagan ang kanilang pananampalataya
-
Mag-isip ng mga sitwasyon na maaaring kailanganin mong manampalataya tulad ng paghingi ng priesthood blessing, pagbabayad ng ikapu, o pagbibigay ng mensahe o lesson sa simbahan. Isulat ito sa iyong scripture study journal. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong: Ninais mo bang magkaroon ng mas malaking pananampalataya? Kung gayon, ano ang mga naranasan mo na nakatulong sa iyo na makadama ng ganitong pagnanais?
Sa pag-aaral mo ng Lucas 17, alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa iyo na madagdagan ang iyong pananampalataya.
Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa Lucas 17:1–2 na papanagutin ang taong naglilihis o nag-uudyok sa iba na magkasala.
Basahin ang Lucas 17:3–4, na inaalam ang iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na maaaring mangailangan ng pananampalataya. Maaari mong markahan ang kautusang iyan sa iyong mga banal na kasulatan.
Bakit parang mahirap patawarin ang isang taong paulit-ulit na nagkasala sa iyo?
Basahin ang Lucas 17:5, na inaalam ang ninanais ng mga Apostol mula sa Tagapagligtas pagkatapos Niyang ituro sa kanila ang tungkol sa pagpapatawad.
Paano nakatulong sa kanila ang paghiling sa Panginoon na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa pagsunod sa kautusang patawarin ang iba?
Tulad ng nakatala sa Lucas 17:6, tinugon ng Tagapagligtas ang kahilingan ng mga Apostol na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapatotoo na ang pananampalataya na kasing laki ng isang butil ng binhi ng mostasa ay nagdudulot ng mga himala. Upang matulungan sila na malaman kung paano madaragdagan ang kanilang pananampalataya, si Jesus ay nagbigay ng isang talinghaga na naglalarawan ng kaugnayan ng panginoon at alipin.
Basahin ang Lucas 17:7–10, na inaalam ang inaasahan ng panginoon sa kanyang alipin. Use the footnotes to help you understand some of the difficult words in the parable.
Sa panahon ng Biblia, inilalaan ng panginoon ang lahat ng pangangailangan sa buhay ng kanyang alipin kapag tapat na ginagampanan ng alipin ang kanyang mga tungkulin. Dahil dito, hindi na kailangang magbigay ng espesyal na pasasalamat ang panginoon sa kanyang alipin o magkaroon ng utang na loob sa kanya sa paggawa ng kanyang mga tungkulin.
Mag-isip ng mga paraan kung paano natutulad ang Ama sa Langit sa panginoon sa talinghagang ito.
Maaari mong markahan sa Lucas 17:10 ang mga katagang “nangagawa ang lahat ng mga bagay na sa inyo’y iniutos.”
-
Isulat ang sumusunod sa iyong scripture study journal: Madaragdagan ang ating pananampalataya kapag sinikap nating gawin ang lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit. Dadagdagan mo kalaunan ang pahayag na ito.
Maaaring markahan sa Lucas 17:10 ang sinabi ni Jesus na dapat sabihin ng mga alipin matapos gawin ang iniutos sa kanila.
Ang amining tayo ay mga aliping walang kabuluhan ay nangangahulugang nalalaman natin na kahit napakatapat natin sa pagsunod sa mga kautusan, tayo ay laging may pagkakautang sa Diyos. Binibiyayaan Niya tayo nang lubos at hinding-hindi natin Siya kayang bayaran kailanman—kahit pa masunurin tayo at matwid na namumuhay (tingnan sa Mosias 2:20–26).
-
Kumpletuhin ang pahayag sa iyong scripture study journal para maituro nito ang sumusunod na alituntunin: Madaragdagan ang ating pananampalataya kapag sinisikap nating gawin ang lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit at kapag inaalala natin na palagi tayong may pagkakautang sa Kanya. Sagutin ang sumusunod na tanong: Paano nadaragdagan ang ating pananampalataya kapag pinagsisikapan nating gawin ang lahat ng iniuutos ng Diyos?
Itinuro ni Pangulong Heber J. Grant ang tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng ating tungkulin sa paglilingkod sa Diyos: “Hindi dapat matakot ang sinumang lalaki o babae na mawawala ang kanyang pananampalataya sa Simbahang ito kung siya’y mapagpakumbaba at madasalin at masunurin sa kanyang tungkulin. Wala pa akong alam na gayong tao na nawalan ng pananampalataya. Sa paggawa sa ating tungkulin ay nadaragdagan ang ating pananampalataya hanggang sa maging perpektong kaalaman ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 31).
Pag-isipang mabuti ang pagkakataon na sinunod mo ang mga kautusan o tapat na isinagawa ang iyong tungkulin sa Diyos at nadamang nadagdagan ang iyong pananampalataya dahil dito.
Lucas 17:11–19
Pinagaling ni Jesus ang 10 ketongin
Batay sa nalalaman mo tungkol sa ketong, kumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Noong panahon ng Biblia, napakahirap magkasakit ng ketong dahil .
Ang ketong ay isang sakit na maaaring humantong sa pagkasira ng hitsura at kamatayan. Ang mga ketongin ay nakahiwalay sa iba pang mga tao sa komunidad para mapangalagaan ang kalusugan ng iba; at sila ay kinakailangang sumigaw ng “Karumal-dumal!” upang balaan ang sinumang papalapit sa kanila (tingnan sa Bible Dictionary, “Leper”).
Basahin ang Lucas 17:11–12, na inaalam kung sino ang nakasalubong ni Jesus nang tumigil Siya sa isang nayon habang naglalakbay papunta sa Jerusalem.
Kung ikaw ay isa mga ketonging iyon, ano kaya ang madarama mo pagkakita mo kay Jesus?
Basahin ang Lucas 17: 13–14, na inaalam ang sinabi ng mga ketongin sa Tagapagligtas at ano ang sinabi Niya sa kanila.
Nakasaad sa batas ni Moises na dapat ipakita ng mga ketongin ang kanilang sarili sa mga saserdote matapos silang gumaling upang tanggapin silang muli sa komunidad (tingnan sa Levitico 14). Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan ang nangyari nang pumunta ang mga ketongin para ipakita ang kanilang sarili sa saserdote.
Natutuhan natin mula sa Lucas 17:14 na matatanggap natin ang mga pagpapala ng Panginoon kapag ginawa natin ang iniuutos Niya sa atin.
Pag-isipan kung ano kaya ang pakiramdam—kung paano mababago nito ang iyong buhay—kung isa ka sa mga ketongin na pinagaling. Ano kaya ang gagawin mo kapag natanto mo na gumaling ka na sa ketong mo?
Basahin ang Lucas 17:15–19, na inaalam kung ano ang ginawa ng isa sa mga ketongin na kakaiba sa mga kasama niya.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa ketongin na bumalik upang magpasalamat ay mahalagang magpasalamat sa mga pagpapalang natanggap natin.
Bakit mahalagang magpasalamat sa Diyos para sa mga pagpapalang natatanggap natin?
Paano tayo natutulad kung minsan sa siyam na ketongin?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson, at markahan ang itinuro niya na mangyayari kapag nagpasalamat tayo sa ating Ama sa Langit: “Mga kapatid ko, naaalala ba nating magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap natin? Ang taos-pusong pasasalamat ay hindi lamang nakakatulong para makilala natin ang ating mga pagpapala, kundi nagbubukas din ng pintuan ng langit at nagpapadama sa atin ng pag-ibig ng Diyos” (“Ang Banal na Kaloob na Pasasalamat,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 87).
Maaari mong markahan sa Lucas 17:19 ang sinabi ng Tagapagligtas sa ketongin na nagpasalamat.
Sa paanong paraan nakatutulong ang pasasalamat sa Panginoon para sa mga pagpapalang natanggap natin upang tayo ay lubos na mapagaling?
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang mga pagpapala na natanggap mo mula sa Ama sa Langit na ipinagpapasalamat mo. Maglista ng ilang bagay na magagawa mo sa iyong buhay na nagpapakita ng iyong pasasalamat para sa mga pagpapalang ito.
Lucas 17:20–37
Itinuro ni Jesus ang tungkol sa pagdating ng kaharian ng Diyos
Itinuro ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito sa Lucas 17:20–37. Napag-aralan mo na ang ilan sa mga nilalaman ng talatang ito nang pag-aralan mo ang Mateo 24 at Joseph Smith—Mateo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Lucas 17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: