Unit 11: Day 1
Lucas 10:38–12:59
Pambungad
Tinuruan ng Tagapagligtas sina Maria at Marta sa bahay ni Marta. Kalaunan, itinuro Niya ang maraming katotohanan sa Kanyang mga disipulo tungkol sa panalangin at nagbabala laban sa pagpapaimbabaw at pag-iimbot o kasakiman.
Lucas 10:38–42
Tinuruan ni Jesus sina Maria at Marta
-
Sa iyong scripture study journal, ilista ang lahat ng makakaya mo sa isang minuto na mga pagpili na iyong ginawa kahapon. Kapag natapos ka na, tingnan ang lahat ng inilista mo, at markahan ang ilan sa mabuting pagpili na ginawa mo. Ano ang ilang sitwasyon na maaaring kailanganin nating pumili sa dalawang mabuting bagay?
Sa pag-aaral mo ng Lucas 10:38–42, alamin ang isang alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas na gagabay sa iyong pagpili o pagpapasiya—lalo na kapag mahigit sa isang mabuting bagay ang pagpipilian o pagpapasiyahan mo.
Habang Siya ay nasa Judea, si Jesus ay pumunta sa Betania, na hindi kalayuan mula sa Jerusalem, at dumalaw sa tahanan nina Marta, Maria, at Lazaro.
Basahin ang Lucas 10:38–40, na inaalam ang kani-kanyang piniling gawin ni Maria at ni Marta habang nasa kanilang tahanan ang Tagapagligtas.
Sa panahon ni Jesus, napakahalaga ng pag-aasikaso sa panauhin. Sinikap ni Marta na gawin ang karaniwang inaasahan sa kanya bilang punong-abala o nag-aasikaso sa mga bisita. Nakatuon siya sa pag-aasikaso ng mga bagay na temporal, o pisikal, gaya ng paghahanda at pagsisilbi ng pagkain.
Mapapansin sa Lucas 10:40 na si Marta ay “naliligalig,” o nahihirapan, at gusto niyang tulungan siya ni Maria.
Basahin ang Lucas 10:41–42, na inaalam ang itinugon ng Tagapagligtas kay Marta.
Ano kaya ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Isang bagay ang kinakailangan: sapagka’t pinili ni Maria ang magaling na bahagi” (Lucas 10:42)?
Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Marapat purihin si Marta na ‘naliligalig at nababagabag tungkol sa maraming bagay’ [Lucas 10:41], ngunit ang matutuhan ang ebanghelyo mula sa Pinunong Guro ay higit na ‘kailangan’” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104).
Nang sabihin ng Tagapagligtas na ang “magaling na bahagi” na pinili ni Maria ay “hindi aalisin sa kaniya” (Lucas 10:42), maaaring ipinahihiwatig Niya na sa pagpiling makinig sa Tagapagligtas sa halip na pagpiling magtuon sa mga bagay na temporal o mga bagay ng mundo, si Maria ay makatatanggap ng mga espirituwal na pagpapala, na walang hanggan.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga sinabi ng Tagapagligtas kay Marta ay kung pipiliin nating ituon ang ating sarili sa mga bagay na espirituwal kaysa sa mga bagay na temporal, makatatanggap tayo ng mga walang hanggang pagpapala.
Sa patlang, sumulat ng ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan ang isang tao ay makapipiling ituon ang kanyang sarili sa mga bagay na espirituwal kaysa sa iba pang mabubuti ngunit hindi gaanong mahahalagang bagay, alalahanin, o mga aktibidad:
Itinuro rin ni Elder Oaks:
“Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda. …
“Pag-isipan kung paano natin ginagamit ang ating oras sa pagpili ng panonoorin sa telebisyon, lalaruing mga video game, hahanapin sa Internet, o babasahing mga aklat o magasin. Siyempre pa magandang panoorin ang makabuluhang palabas o makakuha ng nakawiwiling impormasyon. Ngunit hindi lahat ng ganitong uri ng bagay ay nararapat pag-ukulan ng ating panahon para makamtan. May ilang bagay na mas maganda, at may iba pang pinakamaganda. Nang sabihin ng Panginoon na hangarin nating matuto, sinabi Niya, ‘Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan’ (D at T 88:118; idinagdag ang pagbibigay-diin). …
“May ilang paggamit ng oras ng indibiduwal at pamilya na mas maganda, at may ibang pinakamaganda. Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil ang mga ito ay nagpapalakas sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” 104–5, 107).
-
Tingnang muli ang listahan ng mga pagpiling isinulat mo sa unang assignment at lagyan ng label na “maganda,” “mas maganda,” o “pinakamaganda” ang bawat isa sa mabubuti mong pinili. Pagkatapos ay kumpletuhin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Magsulat ng isang paraan na napagpala ka dahil inuna mo ang mga bagay na espirituwal kaysa sa mga bagay na temporal.
-
Pumili ng kahit isang bagay na espirituwal na gusto mong mas mapagtuunan pa, at sumulat ng isang mithiin tungkol sa gagawin mo upang mas maipriyoridad ito sa iyong buhay.
-
Lucas 11
Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa panalangin
Kunwari ay isa kang full-time missionary at tinuturuan mo ang isang investigator na ilang beses nang nanalangin pero pakiramdam niya ay hindi siya sinasagot ng Ama sa Langit. Naisip ng investigator kung dapat ba siyang magpatuloy pa sa pagdarasal. Ano ang sasabihin mo para matulungan ang taong ito?
Sa pag-aaral mo ng Lucas 11, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa isang tao na nakadaramang hindi sinasagot ng Diyos ang kanyang mga panalangin.
Ayon sa Lucas 11:1–4, matapos marinig ang panalangin ng Tagapagligtas, hiniling ng isa sa Kanyang mga disipulo na turuan Niya sila kung paano manalangin, at tinuruan nga sila ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay gumamit ang Panginoon ng mga analohiya para maituro ang mga karagdagang katotohanan tungkol sa panalangin. Mapapansin na sa Joseph Smith Translation ng Lucas 11:4 mababasa rito na, “At ilayo kami sa tukso; at iligtas ninyo kami sa masama” (Joseph Smith Translation, Luke 11:4 ; idinagdag ang italics). Hindi kailanman aakayin sa tukso ng Ama sa Langit ang sinuman sa Kanyang mga anak.
Pag-aralan ang Lucas 11:5–13, na inaalam ang itinuro ng Panginoon tungkol sa panalangin.
Ang Joseph Smith Translation ay naglalaan ng mga karagdagang kaalaman sa mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa panalangin. Nalaman natin na bago niya ibinigay ang analohiya na nagsisimula sa Lucas 11:5, “sinabi niya sa kanila, Ang inyong Ama sa langit ay patuloy na magbibigay sa inyo anuman ang inyong hingin sa kanya. At nangusap siya sa isang talinghaga, sinasabing …” (Joseph Smith Translation, Luke 11:5 ). Nalaman din natin ang tungkol sa “mabubuting kaloob” na sinasabi Niya: “Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng mabubuting kaloob, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa kanila na nagsisihingi sa kaniya” (Joseph Smith Translation, Luke 11:14 ).
Ayon sa Lucas 11:8, bakit pinagbigyan ng pangalawang kaibigan ang kahilingan ng unang kaibigan na pahiramin siya ng tinapay? (Ang salitang pagbagabag sa talatang ito ay tumututukoy sa patuloy na pagsamo ng lalaki sa kanya, kahit noong una ay tumanggi ang kanyang kaibigan sa pakiusap niya.)
Sa pamamagitan ng Kanyang mga analohiya sa Lucas 11:5–13, itinuro ng Tagapagligtas na kung tayo, na hindi perpekto, ay handang ipagkaloob ang mga kahilingan ng mga taong mahal natin at pinagmamalasakitan, “gaano pa kaya ang [ating] Ama sa kalangitan na magbibigay … sa nagsisihingi sa kaniya” (Lucas 11:13).
Ano ang layunin ng panalangin? “Pinag-uugnay at pinagkakaisa ng panalangin ang kalooban ng Ama at kalooban ng anak. Ang layunin ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos kundi upang matiyak sa ating sarili at para sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan natin itong hilingin upang matanggap. Ang mga pagpapala ay nangangailangan ng sapat na pagkilos o pagsisikap natin bago natin makamtan ang mga ito. Ang panalangin ay isang uri ng gawain, at isang itinakdang paraan para makamtan ang pinakamataas sa lahat ng pagpapala” (Bible Dictionary, “Prayer”).
Batay sa natutuhan mo mula sa Lucas 11:5–13, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kung mananalangin tayo at patuloy na hihingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa oras ng pangangailangan, gagawin Niya, sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan, na .
Sa pag-unawa sa alituntuning ito, kailangan din nating tandaan na hindi lahat ng pagpapala mula sa Ama sa Langit ay maibibigay sa atin sa mga paraang inaasahan, hinahangad, o kaagad nating makikilala.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang tungkol sa isang pangyayari na nasagot ang iyong mga panalangin dahil patuloy kang humingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit.
Ang Lucas 11:14–54 ay naglalaman ng tala tungkol sa pagpapaalis ni Jesus sa isang demonyo mula sa isang lalaki, pagpapayo sa mga tao na pakinggan ang salita ng Diyos, at pagsasalita sa mga Fariseo at mga eskriba dahil sa kanilang kamangmangan sa mga bagay na espirituwal at kasamaan.
Lucas 12
Ang Tagapagligtas ay nagbabala laban sa pagpapaimbabaw o pagkukunwari at kasakiman
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: May isang bagay ba na gustung-gusto mo kaya lagi mo itong naiisip? Ano ang negatibong epekto sa atin ng labis na pagkagusto sa isang bagay?
Mababasa natin sa Lucas 12:1–13 na “samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao” (Luke 12:1), itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na iwasan ang pagpapaimbabaw o pagkukunwari. Itinuro Niya sa kanila na lahat ng nakatagong bagay ay ipahahayag balang-araw at na kilala at pinangangalagaan ng Diyos ang Kanyang mga anak. Nagsalita rin Siya tungkol sa pangangailangang ipagtapat ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang pangalan sa harapan ng mga tao at tungkol sa kasalanan na paglapastangan (o blasphemy). Pagkatapos ay hiniling ng isang lalaki sa Tagapagligtas kung pwede Niyang kausapin ang kapatid nito at hikayatin ito na bahagian siya ng mana.
Basahin ang Lucas 12:14–15, na inaalam ang itinugon ng Tagapagligtas sa kahilingang ito.
Anong babala ang ibinigay Niya sa mga tao?
Ang ibig sabihin ng kasakiman ay labis na paghahangad na maangkin ang isang bagay. Mula sa payo ng Panginoon, matututuhan natin ang sumusunod na katotohanan: Iniutos sa atin ng Panginoon na huwag nating pag-imbutan ang mga bagay-bagay ng mundo. Itinuro Niya na mayroong mas mahalaga pa sa buhay kaysa sa mga temporal na bagay na nakamtan natin at na ang kahalagahan ng isang tao ay hindi nakabatay sa dami ng kanyang ari-arian.
Pagkatapos sabihin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na iwasan ang kasakiman, nagbigay Siya ng isang talinghaga para ituro ang kahalagahan ng kautusang ito. Basahin ang Lucas 12:16–19, na inaalam kung ilang beses ginamit ng lalaki sa talinghaga ang mga salitang ako at akin.. Maaari mong markahan ang bawat salita.
Ano ang itinuturo sa iyo ng madalas na paggamit ng lalaki ng ako at akin tungkol sa mga bagay na labis niyang inaalala?
Paano tayo maaaring matukso na maging katulad ng lalaking ito?
Basahin ang Lucas 12:20–21, na inaalam ang sinabi ng Diyos sa kasakiman at pag-iimbot ng lalaking ito.
Maaari mong isulat sa iyong mga banal na kasulatan ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pinakamahalaga ay kung ano ang [mananatili hanggang sa kabilang buhay]” (“Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 44).
Kung alam ng mayamang lalaki sa talinghaga na siya ay mamamatay nang gabing iyon at hindi niya madadala ang kanyang ari-arian, ano sa palagay mo ang kakaibang gagawin niya isang araw bago siya mamatay? Isipin kung paano naaangkop sa iyo ang kautusang huwag pag-imbutan ang mga bagay ng mundo.
Mababasa natin sa Lucas 12:22–30 na binigyang-diin ng Panginoon na hindi kailangang mag-alala nang husto ang Kanyang mga disipulo tungkol sa kanilang temporal na mga pangangailangan. Ang tagubiling ito ay ibinigay sa mga Apostol at sa mga tinawag na maglingkod bilang mga missionary. Basahin ang Lucas 12:31–32, na inaalam kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat hangarin ng Kanyang mga disipulo sa halip na magtuon sa sarili nilang mga pangangailangan at mga hangarin (tingnan din sa Jacob 2:18–19).
Sa Joseph Smith Translation ng Lucas 12:31, nalaman natin na tinagubilinan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo, “Gayon ma’y hangarin ninyo na itatag ang kaharian ng Diyos” (Joseph Smith Translation, Luke 12:34; idinagdag ang italics). Ang “kaharian ng Diyos” ay tumutukoy sa Simbahan ni Jesucristo. “Ang layunin ng Simbahan ay ihanda ang mga kasapi nito na mabuhay magpasawalang hanggan sa kahariang selestiyal o kaharian ng langit” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit,” scriptures.lds.org). Ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol at mga missionary na kung hahangarin nilang itatag ang kaharian ng Diyos, tutulong Siya sa kanilang mga pangangailangan at bibigyan sila ng lugar sa Kanyang kaharian.
-
Isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong scripture study journal: Kapag sinikap nating gawin ang ating tungkulin sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos at ng Kanyang katwiran, tutulungan tayo ng Diyos sa ating mga pangangailangan at maghahanda ng lugar para sa atin sa Kanyang kaharian.
Pag-isipang mabuti ang ilang paraan na maitatatag mo ang kaharian ng Diyos. (Habang pinag-iisipan mo ito, alalahanin ang alituntuning natukoy sa simula ng lesson tungkol sa pagtutuon ng ating sarili sa mga bagay na espirituwal kaysa mga bagay na temporal.)
Mababasa natin sa Lucas 12:35–59 na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Tinulungan Niya sila na maunawaan na “sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya” (Lucas 12:48), at ipinaliwanag Niya na magdudulot ng paghahati-hati sa mga tao ang Kanyang ebanghelyo..
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Lucas 10:38–12:59 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: