Unit 22: Day 2
I Mga Taga Corinto 9–10
Pambungad
Sinagot ni Apostol Pablo ang pag-aalala ng mga Banal sa Corinto tungkol sa paggamit ng salapi ng Simbahan para tustusan ang kanyang mga gastusin. Ipinaliwanag niya na layunin ng kanyang pangangaral na maghatid ng kaligtasan sa mga anak ng Diyos. Hinikayat niya sila na iwasang magkasala at hamakin ang iba dahil sa kanilang relihiyon.
I Mga Taga Corinto 9
Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo upang kapwa sila maligtas ng kanyang mga tagapakinig
Naranasan mo na bang hindi magising nang maaga at dahil dito ay napalampas mo ang isang mahalagang bagay? Ano ang pakiramdam kapag natuklasan mong may napalampas kang mahalagang bagay o may hindi ka nagawa dahil hindi ka naghanda?
Ang pinakamahalagang bagay sa buhay na ito na dapat nating pagsikapang kamtin ay ang pagkakataong maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit gusto mong makamit ang buhay na walang hanggan.
Tulad ng maaaring mapalampas natin o hindi magawa ang mahahalagang bagay dahil sa hindi paggising nang maaga, maaaring maging hadlang ang ating pag-uugali para hindi natin makamtan ang pinakamahalaga sa lahat—ang buhay na walang hanggan. Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 9, alamin ang alituntuning makatutulong sa iyo na malaman kung paano mo masisiguro na magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.
Sinagot ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 9:1–21 ang iba’t ibang tanong mula sa mga Banal sa Corinto. Isinulat niya na bagama’t makatwiran naman na suportahan siya ng mga miyembro ng Simbahan sa kanyang mga temporal na pangangailangan, hindi niya iniasa sa kanila ang kanyang mga gastusin. Ipinaliwanag niya na sa pakikibagay sa iba’t ibang sitwasyon nang hindi pinapababa ang mga pamantayan ng ebanghelyo, natulungan niya ang mga Judio, Gentil, at sinumang nanghihina sa ebanghelyo na tanggapin ang ebanghelyo.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 9:17, na inaalam kung paano itinuro ni Pablo ang ebanghelyo.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 9:22–23, na inaalam kung bakit ninais ni Pablo na ipangaral ang ebanghelyo.
Isipin kung kailan ka nagpraktis o nagsanay para sa isang paligsahan. Gaano katindi ang iskedyul ng praktis o pagsasanay mo? Paano naging motibasyon sa iyo ang pagkamit ng isang mithiin?
Ipinaliwanag ni Pablo na malalabanan ng mga atleta ang tukso na huwag nang magpraktis sa pamamagitan ng pagpokus sa kanilang mithiin. Basahin ang I Mga Taga Corinto 9:24–25, na inaalam ang paligsahan ng mga atleta na ginamit ni Pablo sa pagtuturo sa mga Banal sa Corinto.
Ayon kay Pablo, anong mga katangian ang kailangan ng mga mananakbo para magtagumpay?
Ang ibig sabihin ng mapagpigil sa lahat ng mga bagay ay madisiplina o may kontrol sa sarili. Ang korona o putong na walang pagkasira na tinukoy ni Pablo na hindi masisira kailanman ay ang buhay na walang hanggan.
Matututuhan natin mula sa I Mga Taga Corinto 9:25 ang sumusunod na alituntunin: Upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, dapat tayong magpigil o maging disiplinado sa lahat ng bagay. Gayunman, sa huli, ang buhay na walang hanggan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng “kabutihan, at awa, at biyaya” ni Jesucristo (2 Nephi 2:8) sa halip na sa ating sariling kahusayan.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang magpigil sa sarili o maging disiplinado upang makamit ang buhay na walang hanggan?
-
Anong mga aspeto ng ating buhay ang kailangan nating gamitan ng pagpipigil ng sarili upang matamo natin ang buhay na walang hanggan?
-
Basahin ang I Mga Taga Corinto 9:26 –27, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang ginawa niyang pagpipigil sa sarili. Ang ibig sabihin ng salitang “hinahampas” sa talata 27 ay mahigpit na dinidisiplina.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo sa talata 27 nang isulat niyang “Hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil”?
Isipin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young:
“Hindi ninyo mamanahin ang buhay na walang hanggan, hangga’t hindi ninyo napapasailalim sa espiritu na nananahan sa inyo ang inyong mga hilig, [sa] espiritu na [iyon na] ipinagkaloob ng ating Ama sa Langit. Ang tinutukoy ko ay ang Ama ng inyong mga espiritu, ng mga espiritung inilagay niya sa mga tabernakulong [katawang] ito. Ang mga tabernakulo ay kailangang ganap na mapasailalim sa espiritu, kundi ay hindi maibabangon ang inyong mga katawan upang magmana ng buhay na walang hanggan. … Masigasig na magsaliksik, hanggang sa mapasailalim ninyo ang lahat sa batas ni Cristo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 226–27).
“Kung nagpapaubaya ang espiritu sa katawan, ito ay nagiging makasalanan; ngunit kung nagpapaubaya ang katawan sa espiritu, ito ay nagiging dalisay at banal” (Mga Turo: Brigham Young, 228).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ilang bagay na magagawa mo para matulungan ang katawan mo na magpaubaya sa iyong espiritu?
I Mga Taga Corinto 10
Sinabihan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na iwasang magkasala at hamakin ang iba
Nagbigay ng babala si Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan: “Isa sa malalaking pagkakamali sa buhay ay kapag iniisip ng mga tao na sila’y walang pagkagupo. Napakarami ang nag-iisip na napakalakas nila, sapat para labanan ang anumang tukso. Dinadaya nila ang kanilang sarili sa pag-iisip na, ‘Hindi ito mangyayari sa akin’” (“Hindi ito Mangyayari sa Akin,” Ensign, Mayo 2002, 46).
Mag-isip ng mga sitwasyon na hinahayaan ng mga tao na malantad sila sa tukso dahil iniisip nila na sapat ang kanilang lakas para mapaglabanan ito.
Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 10:1–5, binanggit ni Pablo ang ilang bagay na naranasan ng mga anak ni Israel noong panahon ni Moises na nagpalakas sana ng kanilang espirituwalidad. Kahit na pinagpala sila ng Panginoon sa ilang at nakasaksi ng maraming himala, nagalit ang Panginoon sa marami sa kanila, at sila ay pinarusahan.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 10:6–11, na inaalam ang gusto ni Pablo na matutuhan ng mga Banal sa Corinto mula sa halimbawa ng mga sinaunang Israelita.
Kahit pinagpala nang lubos ang mga sinaunang Israelita, pinili pa rin nilang magpatangay sa tukso. Binalaan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto para maiwasan nilang maulit muli ang mga kasalanan ng mga sinaunang Israelita.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 10:12, at ibuod ang mensahe ni Pablo sa sarili mong mga salita:
Basahin ang I Mga Taga Corinto 10:13, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa tukso. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Ano ang matututuhan natin tungkol sa tukso sa talatang ito?
Pag-isipan ang sumusunod na tanong: Kung hindi pinahihintulutan ng Diyos na matukso tayo nang higit sa kakayahan nating labanan ito, bakit nadaig ng tukso ang mga sinaunang Israelita?
Basahin ang I Mga Taga Corinto 10:14, na inaalam ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto. Ang pagsamba sa diyus-diyosan ay isang kasalanan na nahirapang talikuran ng mga sinaunang Israelita at mga Banal sa Corinto.
Matututuhan natin mula sa I Mga Taga Corinto 10:13–14 na maghahanda ang Diyos ng paraan upang makatakas tayo sa tukso, ngunit dapat tayong magpasiyang ilayo ang ating sarili mula sa tukso.
Basahin ang Alma 13:28, na inaalam kung ano ang magagawa natin para ilayo ang ating sarili sa tukso. Maaari mong isulat ang cross-reference na ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng I Mga Taga Corinto 10:13–14.
-
Sagutin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Mula sa natutuhan mo sa I Mga Taga Corinto 10:13–14 at Alma 13:28, magsulat ng newspaper headline o billboard slogan na nagsasabi sa mga tao kung paano nila matatakasan ang tukso.
-
Paano nakatutulong ang pagiging mapagkumbaba at madasalin sa paglayo natin sa tukso?
-
Maaaring hindi sa lahat ng oras ay makakaiwas ka sa tukso. Dahil dito, kailangan nating magpasiya ngayon pa lang kung paano tayo kikilos kapag naharap tayo sa tukso. Pag-isipan ang mga sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Pinakamadaling gumawa ng mga tamang desisyon kapag maaga natin itong ginagawa, na may mithiin sa isipan; hindi tayo lubhang nag-aalala sa oras ng pagpapasiya, kung kailan pagod na tayo at labis na natutukso. …
“… Ngayon na ang oras para ipasiyang wala tayong ibang gusto kundi ang oportunidad na makapiling nang walang hanggan ang ating Ama, kaya nga bawat pasiyang gagawin natin ay maaapektuhan ng determinasyon nating huwag tulutang makasagabal ang anuman sa pagkakamit ng mithiing iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball, [2006], 131–32).
“Magkaroon ng disiplina sa sarili upang, habang tumatagal, hindi mo na kailangang magpabagu-bago ng pasiya kung ano ang gagawin kapag nahaharap ka sa tukso maya’t maya. Minsan ka lang magpapasiya sa ilang bagay!
“Kaylaking pagpapala ang maging malaya sa paulit-ulit na paghihirap na magpasiya hinggil sa isang tukso. Aksaya iyon sa oras at napakadelikado” (Mga Turo: Spencer W. Kimball, 132).
“Ang oras ng pagtigil sa paggawa ng kasamaan ay bago pa ito magsimula. Ang lihim ng magandang buhay ay nasa pangangalaga at pag-iwas. Ang mga nagpapatangay sa kasamaan ay karaniwang yaong mga isinusubo ang sarili nila sa panganib” (Mga Turo: Spencer W. Kimball, 132–33).
Isipin kung anong tukso ang talagang nahihirapan kang iwasan. Anong mga pagbabago ang magagawa mo para iwasan ang tukso bago pa man dumating ito?
Mag-ukol ng oras na basahin ang isang paksa mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na makatutulong para mailayo mo ang iyong sarili sa tukso. Batay sa nabasa mo, maaari kang magsulat ng isang mithiin na pansamantala mong dadalhin para mapaalalahanan ka na umiwas sa tukso.
Pinayuhan ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 10:15–33 ang mga Banal sa Corinto na igalang ang relihiyon ng iba nang hindi nanghihina sa kanilang pananampalataya, at muli niyang isinulat na nangangaral siya para tulungang maligtas ang marami.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Corinto 9–10 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: