Unit 23 Day 2
I Mga Taga Corinto 15:30–16:24
Pambungad
Patuloy na itinuro ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto ang Pagkabuhay na Mag-uli. Nagalak siya sa tagumpay ni Jesucristo laban sa kamatayan. Hinikayat din ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na bukas-palad na magbigay ng abuloy para sa mga maralitang Banal na nakatira sa Jerusalem.
I Mga Taga Corinto 15:30–52
Itinuro ni Pablo ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli
Naisip mo ba ang magiging kaibhan ng buhay mo kung hindi ka naniniwala na may kabilang buhay? Ano kayang pamumuhay ang pipiliin ng mga tao kung hindi sila naniniwala na mabubuhay silang muli?
Nalaman natin sa I Mga Taga Corinto 15:1–29 na itinama ni Apostol Pablo ang maling paniniwala ng ilang Banal sa Corinto na hindi na muling mabubuhay ang mga patay. Mababasa natin sa I Mga Taga Corinto 15:30–34 na sinabi ni Pablo sa mga Banal na pag-isipan nila kung bakit ang isang taong naniniwala kay Jesucristo ay magtitiis na mausig at malagay sa panganib ang buhay kung wala namang pagkabuhay na mag-uli. Sinabihan din niya ang mga Banal na huwag magpalinlang sa mga taong nagsasabi na, “Magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo’y mangamamatay” (I Mga Taga Corinto 15:32), na nagsasaad ng maling paniniwala na puwede nating gawin ang gusto natin dahil wala namang kabilang buhay, at, samakatwid, walang paghatol na magaganap.
Dahil totoong may Pagkabuhay na Mag-uli, bakit mapanganib na tanggapin ang ganitong pananaw?
Sa pag-aaral mo ng nalalabing bahagi ng I Mga Taga Corinto 15, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano maiimpluwensyahan ng kaalaman mo sa Pagkabuhay na Mag-uli ang mga desisyong gagawin mo sa mundo.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:35, na inaalam ang maaaring itanong ng mga tao tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Nalaman natin sa I Mga Taga Corinto 15:36–38 na tumulong si Pablo na sagutin ang mga tanong na ito sa pamamagitan ng paggamit ng binhi para ilarawan ang mortal na katawan, na—matapos mamatay at malibing sa lupa—ay babangon sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Isipin kung paano mo ikukumpara ang kaibahan ng tindi ng sikat ng araw sa tindi ng liwanag ng buwan. Paano maikukumpara ang liwanag ng buwan sa liwanag ng mga bituin?
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:39–42, na inaalam kung paano ginamit ni Pablo ang liwanag ng araw, buwan, at mga bituin para ipaliwanag ang pagkakaiba-iba ng mga nabuhay na muling katawan. Basahin din ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng I Mga Taga Corinto 15:40 (sa Gabay sa Mga Banal sa Kasulatan, scriptures.lds.org). Sa kontekstong ito, ang tinutukoy ng salitang kaluwalhatian ay kaliwanagan, kaningningan, o kasikatan. (Tandaan na ang I Mga Taga Corinto 15:40–42 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Ang isang katotohanang itinuturo ni Apostol Pablo sa mga talatang ito ay may tatlong iba’t ibang antas ng kaluwalhatian sa mga nabuhay na mag-uling katawan. Sa madaling salita, ang ilang katawan na nabuhay na mag-uli ay magkakaroon ng mas matinding liwanag at ningning kaysa sa iba.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, na inaalam kung ano ang pagkakaiba ng iba’t ibang kaluwalhatian ng mga nabuhay na mag-uling katawan sa isa’t isa. (Nang banggitin ni Pangulong Smith ang “mga selestiyal na katawan,” ang tinutukoy niya ay ang mga nagtamo ng pinakamataas na antas ng kaluwalhatin sa kahariang selestiyal [tingnan sa D at T 131:1–4].)
“Magkakaroon sa pagkabuhay na mag-uli ng iba’t ibang uri ng katawan; hindi magkakatulad ang mga ito. Ang katawang tatanggapin ng isang tao ang magtatakda ng kanyang katayuan sa kabilang buhay. Magkakaroon ng mga katawang selestiyal, terestriyal, at telestiyal. …
“… Ang ilan ay magtatamo ng mga katawang selestiyal na nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan ng kadakilaan at walang-hanggang pag-unlad. Ang mga katawang ito ay magniningning na parang araw tulad ng sa ating Tagapagligtas. … Ang mga yaong papasok sa kahariang terestriyal ay magkakaroon ng katawang terestriyal, at hindi sila magniningning na parang araw, ngunit mas maluwalhati sila kaysa sa katawan ng mga tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. [1954–56], 2:286–87).
Pansinin na ipinaliwanag ni Pangulong Smith na ang kaluwalhatian o katawang tatanggapin natin sa Pagkabuhay na Mag-uli ang magpapasiya kung saang kaharian tayo maninirahan.
Kasama sa “mga kapangyarihan ng kadakilaan” na tinukoy ni Pangulong Smith ang kakayahan nating ipamuhay ang uri ng buhay ng Diyos, at ang “walang hanggang pag-unlad” ay ang kakayahan nating patuloy na magkaroon ng mga anak sa kawalang-hanggan. Ang mga pagpapalang ito ay ibinibigay lamang sa mga magmamana ng kadakilaan sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 131:1–4; 132:19–20).
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:21–22, na inaalam kung ano ang dapat nating gawin upang tumanggap ng selestiyal na katawan kapag tayo ay nabuhay na mag-uli. Ang ibig sabihin ng “[makasunod] sa batas ng kahariang selestiyal” (talata 22) ay tumanggap ng lahat ng ordenansa at gumawa at tuparin ang lahat ng mga tipan na kailangan para makapasok sa kahariang selestiyal.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano maaapektuhan ang mga desisyon ng tao sa mundo ng kaalaman nila tungkol sa kaluwalhatian at pagpapalang matatanggap ng mga nabuhay na mag-uling nilalang sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal.
Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 15:42–52, ipinaliwanag pang lalo ni Pablo ang anyo ng nabuhay na mag-uling katawan. Tinukoy niya ang mortal na katawan bilang “katawang ukol sa lupa” (mga talata 44, 46) at may kasiraan, at tinukoy niya ang nabuhay na mag-uling katawan bilang “ukol sa espiritu” (mga talata 44, 46) at “walang kasiraan” (talata 52).
Scripture Mastery—I Mga Taga Corinto 15:40–42
-
Ituro ang natutuhan mo tungkol sa pagkakaiba-iba ng mga nabuhay na mag-uling katawan sa isang kapamilya o kaibigan. Gamitin ang scripture mastery passage na ito (I Mga Taga Corinto 15:40–42) sa pagtuturo mo. Matapos kang magturo, sabihin sa taong tinuruan mo na magbahagi ng anumang maidaragdag niya sa itinuro mo. Ibahagi ang iyong patotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli sa taong tinuruan mo. Sa iyong scripture study journal, isulat ang natutuhan mo mula sa iyong naranasan.
I Mga Taga Corinto 15:53–58
Nagalak si Pablo sa tagumpay ni Jesucristo laban sa kamatayan
Bilugan ang mga sumusunod na kondisyon na gusto mong maranasan:
Karamdaman |
Kagutuman |
Pasakit |
Walang karamdaman |
Walang kagutuman |
Walang pasakit |
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:53, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa kalagayan ng ating mga katawan kapag tayo ay nabuhay na muli.
Mula sa talatang ito, natutuhan natin na tayo ay bubuhaying muli sa walang kasiraan at walang kamatayang kalagayan. Walang kasiraan ang ating nabuhay na muling katawan, ibig sabihin ay hindi ito mamamatay o makararanas ng sakit o karamdaman. Tumutulong sa atin ang kaalamang ito na maunawaan na ang mga agam-agam natin tungkol sa kamatayan ay “nilamon” (I Mga Taga Corinto 15:54) sa pag-asa ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli.
Alalahanin ang panahon na ikaw o ang isang kakilala mo ay nakagat ng isang insekto. Ano sa palagay mo ang pinakamasakit na kagat?
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:54–55, na inaalam ang sinabi ni Pablo na wala nang tibo (sting o hapdi).
Sa papaanong paraan nagiging “tibo,” o tila nagtatagumpay sa atin ang pisikal na kamatayan?
Paano “nilamon ng pagtatagumpay” (I Mga Taga Corinto 15:54) ang tibo ng pisikal na kamatayan sa pamamagitan ni Jesucristo?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay na hindi magtatagumpay sa atin ang pisikal na kamatayan dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:56, na inaalam ang tibo na mananatili sa atin kapag namatay tayo.
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:57–58, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa makatatanggal ng tibo ng kamatayan.
Ang tagumpay ni Jesucristo ay ang Kanyang Pagbabayad-sala, kung saan nagtagumpay Siya laban sa kasalanan at pisikal na kamatayan. Ayon sa talata 58, ano ang hinikayat ni Pablo na gawin ng kanyang mga mambabasa dahil nagtagumpay si Jesucristo sa kamatayan?
Ang katotohanan na matututuhan natin mula sa I Mga Taga Corinto 15:56–58 ay ang sumusunod: Kung tayo ay matatag at hindi natitinag sa pamumuhay ng ebanghelyo, ang tibo ng kamatayan na dulot ng kasalanan ay maaalis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ibig sabihin ng maging matatag at hindi natitinag sa pamumuhay ng ebanghelyo?
-
Ano ang kahalagahan ng pagsisisi sa pagiging matatag at hindi natitinag?
-
-
Mababasa natin sa I Mga Taga Corinto 15:30–58 ang mga turo ni Apostol Pablo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at ang kanyang pagsalungat sa pilosopiya ng mga taong nagturo na walang pagkabuhay na mag-uli. Naniwala sila na maaari tayong gumawa ng anumang gusto natin dahil “bukas tayo’y mangamamatay” (I Mga Taga Corinto 15:32), at dahil naniwala sila na walang pagkabuhay na muli, naniwala sila na walang paghatol. Sa iyong scripture study journal, gamitin ang natutuhan mo sa lesson na ito para ipaliwanag kung bakit mali ang pilosopiyang ito.
Isipin kung ano ang gagawin mo para maalis ang tibo ng kamatayan mo at makatanggap ka ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli sa hinaharap. Sumulat ng mithiin tungkol sa magagawa mo para maging mas matibay at matatag sa pamumuhay ng ebanghelyo. Isiping ibahagi ang isinulat mo sa isang taong sa palagay mo ay makikinabang sa pakikinig sa iyong patotoo.
I Mga Taga Corinto 16
Nagpasimula si Pablo ng ambagan para sa mahihirap na mga Banal sa Jerusalem
Mababasa natin sa I Mga Taga Corinto 16:1–24 na iniutos ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto na kalingain ang maralita na nasa Jerusalem, upang “mangagpakatibay … sa pananampalataya” (talata 13), at gawin ang lahat “sa pagibig” (talata 14).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Corinto 15:30–16:24 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: