Library
Unit 26, Day 3: II Mga Taga Tesalonica


Unit 26: Day 3

II Mga Taga Tesalonica

Pambungad

Pagkatapos gawin ang kanyang unang sulat sa mga Banal sa Tesalonica, kaagad gumawa si Apostol Pablo ng ikalawang sulat para sa kanila, kung saan ipinaliwanag niya ang marami pang katotohanan tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Itinuro niya na ang Tagapagligtas ay hindi muling paparito hangga’t hindi nangyayari ang apostasiya. Nangaral si Pablo tungkol sa katamaran at pinayuhan ang mga mga Banal na “huwag … mangapagod sa paggawa ng mabuti” (II Mga Taga Tesalonica 3:13).

II Mga Taga Tesalonica 1–2

Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa pamamagitan ng pagpropesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

Elder Jeffrey R. Holland

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May paghanga at panghihikayat sa lahat [na] kakailanganing maging matatag sa mga huling araw na ito, sinasabi ko sa lahat at lalo na sa mga kabataan ng Simbahan na kung hindi pa kayo natatawag, balang-araw ay kakailanganin ninyong ipagtanggol ang inyong pananampalataya o tiisin pa ang ilang harapang pang-aabuso dahil lamang sa miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga sandaling iyon ay mangangailangan kapwa ng tapang at paggalang ninyo” (“Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 6).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat ng isang karanasan na kinailangan mong ipagtanggol ang iyong relihiyon o tiisin ang oposisyon dahil sa pagiging miyembro mo ng Simbahan. Isulat din kung paano ka tumugon sa sitwasyon. Kung hindi mo pa naranasang ipagtanggol ang iyong relihiyon o hindi ka pa nakaranas ng pag-uusig dahil sa pagiging miyembro mo ng Simbahan, isulat kung paano ka tutugon sa ganitong sitwasyon kapag naranasan mo ito.

Isinulat ni Apostol Pablo ang ikalawang sulat sa mga Banal sa Tesalonica at tinalakay ang ilang paksa, kabilang ang pag-uusig na kinakaharap ng mga Banal. Sa pag-aaral mo ng II Mga Tesalonica 1, alamin ang isang alituntuning makatutulong sa iyo na matiis ang pag-uusig at paghihirap na maaaring maranasan mo bilang miyembro ng Simbahan.

Basahin ang II Mga Tesalonica 1:3–5, at alamin ang dahilan kung bakit pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica.

Maaari mong markahan sa talata 5 ang gantimpalang matatanggap ng mga Banal dahil nakayanan nila ang pag-uusig at paghihirap nang may “pagtitiis at pananampalataya” (II Mga Tesalonica 1:4).

Natutuhan natin mula sa II Mga Tesalonica 1:3–5 na kung makakayanan natin ang pag-uusig at paghihirap nang may pagtitiis at pananampalataya, maaari tayong maituring na karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.

Isipin ang ibig sabihin ng makayanan ang mga pagsubok nang may pagtitiis o pagtitiyaga. Bakit kailangan nating makayanan nang may pagtitiis o pagtitiyaga ang pag-uusig o paghihirap?

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, na minamarkahan ang ibig sabihin ng makayanan ang mga pagsubok nang may pagtitiis o pagtitiyaga: “Ang pagtitiyaga ay hindi pagsuko nang walang ginagawa, ni pagkabigong kumilos dahil sa takot. Ang pagtitiyaga ay [masigasig na] paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis; iyon ay pagtitiis nang husto!” (“Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 57).

  1. journal iconMag-isip ng isang tao na kilala mo o nabasa mo sa banal na kasulatan na nakayanan ang pag-uusig at paghihirap nang buong katapatan at pagtitiis. Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit makabuluhan sa iyo ang halimbawa ng taong ito.

Isipin ang pag-uusig o mga paghihirap na maaaring nararanasan mo sa kasalukuyan, at magpasiya kung paano mo makakayanan ang mga hamong ito nang may pagtitiis at pananampalataya. Maaari kang manalangin na tulungan ka.

Nagpropesiya si Pablo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Basahin ang II Mga Tesalonica 1:6–10, na inaalam ang mga salita at mga parirala na ginamit ni Pablo sa paglalarawan sa Ikalawang Pagparito. Sa pagbabasa mo, pansinin kung paano magkakaiba ang karanasan ng mabubuti mula sa karanasan ng masasama kapag dumating ang Panginoon.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang mabubuti ay bibigyan ng kapahingahan at ang masasama ay lilipulin.

Sa palagay mo, sa anong bagay mapapahinga ang mabubuti?

Paano mapapanatag ng doktrinang ito ang mga yaong nagtitiis ng paghihirap sa kasalukuyan dahil sa kanilang katapatan kay Jesucristo?

Inisip mo na ba kung kailan mangyayari ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? Ipinahiwatig sa II Mga Taga Tesalonica 2:2 na maaaring iniisip ng mga Banal sa Tesalonica na malapit nang mangyari o nangyari na ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Nag-alala si Pablo na sila ay nalinlang.

Basahin ang II Mga Tesalonica 2:1–3, na inaalam ang sinabi ni Pablo na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito. Tinutukoy ng mga katagang “ito’y” sa talata 3 ang Ikalawang Pagparito at ang ibig sabihin ng katagang “pagtaliwakas” ay apostasiya, o paglayo sa katotohanan. (Tandaan na ang II Mga Taga Tesalonica 2:1–3 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang matutulungan ka na madali itong mahanap.)

Natutuhan natin mula sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3 na bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, magkakaroon ng apostasiya.

Iminungkahi ni Pablo sa mga talatang ito na dapat mas nag-aalala ang mga miyembro ng Simbahan sa kanyang panahon tungkol sa apostasiya na nagsimula na sa kalipunan nila kaysa sa panahon kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ang sumusunod na paliwanag ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang Malawakang Apostasiya, na nangyari agad pagkatapos mamatay ni Pablo at ng iba pang mga Apostol. Alam ni Pablo na ang pagtaliwakas o apostasiya na ito ay mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

“Nang mamatay si Jesucristo, inusig ng masasamang tao ang mga Apostol at miyembro ng Simbahan at pinatay ang marami sa kanila. Nang mamatay ang mga Apostol, inalis sa mundo ang mga susi ng priesthood at ang awtoridad ng priesthood na mangulo. Pinanatiling dalisay ng mga Apostol ang mga doktrina ng ebanghelyo at ang kaayusan at pamantayan ng pagiging karapat-dapat ng mga miyembro ng Simbahan. Nang tumagal, dahil wala na ang mga Apostol, nahaluan na ng mali ang mga doktrina, at binago nang walang pahintulot ang organisasyon ng Simbahan at mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag at pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo.

“Dahil walang paghahayag at awtoridad ng priesthood, umasa ang mga tao sa kanilang karunungan sa pagbibigay kahulugan sa mga banal na kasulatan at mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang maling mga ideya ay itinuro bilang katotohanan. Karamihan ng kaalaman tungkol sa tunay na katauhan at likas na katangian ng Diyos Ama, ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at ng Banal na Espiritu Santo ay nawala. Ang mga doktrina ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo ay sinira o kinalimutan. Ang awtoridad ng priesthood na ibinigay sa mga Apostol ni Cristo ay wala na sa mundo. Sa huli, ang apostasiya na ito ang naging dahilan ng paglitaw ng maraming simbahan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 37).

Habang isinasaalang-alang ang natutuhan mo tungkol sa Apostasiya, isiping mabuti kung bakit mahalaga na maipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang Simbahan bago ang pagparito ng Panginoon.

Ang “taong makasalanan” na binanggit sa II Mga Taga Tesalonica 2:3 ay tumutukoy kay Satanas. Ang Panunumbalik ng ebanghelyo, kabilang ang paglabas ng Aklat ni Mormon, ay naglantad sa mga panlilinlang ni Satanas at ng kanyang mga tagasunod.

Mababasa natin sa II Mga Taga Tesalonica 2:4–17 na nagpropesiya si Pablo na hahayaan ng Panginoon na linlangin ni Satanas ang mga naninirahan sa lupa hanggang sa mangyari ang Ikalawang Pagparito (tingnan sa Joseph Smith Translation, 2 Thessalonians 2:7–9). Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na “mangagpakatibay” sa mga katotohanang itinuro sa kanila (II Mga Taga Tesalonica 2:15).

scripture mastery icon
Scripture Mastery—II Mga Tesalonica 2:1–3

  1. journal iconGamit ang tulong sa pag-aaral ng banal na kasulatan (tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan), maghanap ng iba pang talata sa mga banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa Apostasiya. Maaari mong isulat ang scripture reference na ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng II Mga Taga Tesalonica 2:1–3. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano mo gagamitin ang mga talatang ito para ipaliwanag ang mga pangunahing doktrina ng Apostasiya at Panunumbalik sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan.

II Mga Tesalonica 3

Binalaan ni Pablo ang mga tao na hindi sumusunod sa payo ng Panginoon, at nangaral siya tungkol sa pag-asa sa sariling kakayahan

Sa panahong isinulat ni Pablo ang ikalawang sulat niya sa mga taga-Tesalonica, ilan sa mga miyembro ng Simbahan ay tamad, at hindi nagtatrabaho upang maitaguyod ang sarili. Inaasahan nila na tutustusan sila ng mga taong nagtatrabaho.

Anong mga problema ang maaaring ibunga ng sitwasyong ito?

Ayon sa II Mga Taga Tesalonica 3:1–9, pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica na matatapat at binalaan sila sa pakikisalamuha sa mga yaong “walang kaayusan” (talata 6). Ang isang kahulugan ng salitang walang kaayusan ay walang disiplina, at nagpapahiwatig ito ng katamaran sa konteksto ng II Mga Taga Tesalonica 3. Ang mga miyembro ng Simbahan na walang kaayusan ay ang mga taong may kakayahang magtrabaho para itaguyod ang sarili ngunit ayaw itong gawin. Binigyang-diin ni Pablo na siya at ang kanyang mga kasama ay nagpakita ng halimbawa sa pag-asa sa sariling kakayahan sa pamamagitan ng pagtatrabaho para matustusan ang kanilang sarili.

Basahin ang II Mga Taga Tesalonica 3:10–13, na inaalam ang ipinagawa ni Pablo sa mga Banal patungkol sa mga yaong ayaw magtrabaho.

Pinayuhan din ni Pablo ang mga Banal na “huwag … mangapagod sa paggawa ng mabuti” (II Mga Taga Tesalonica 3:13). Tinagubilinan niya sila na paunlarin ang kanilang sarili sa lahat ng aspeto at tulungan ang iba (tingnan din sa D at T 64:33).

Natutuhan natin mula sa tagubilin ni Pablo na inuutusan tayo na magsikap na maitaguyod ang sarili at matulungan ang iba.

Basahin ang sumusunod na pahayag, na inaalam ang ibig sabihin ng pag-asa sa sariling kakayahan:

“Isa sa mga pagpapala ng pagtatrabaho [ay] ang pag-asa sa sariling kakayahan. Kapag may tiwala kayo sa sariling kakayahan, ginagamit ninyo ang mga pagpapala at kakayahang ibinigay sa inyo ng Diyos para alagaan ang inyong sarili at ang inyong pamilya at makahanap ng solusyon sa sarili ninyong mga problema. Ang pag-asa sa sarili ay hindi nangangahulugan na dapat ninyong kayanin ang lahat ng bagay nang mag-isa. Upang tunay na makaasa sa sariling kakayahan, dapat kayong matutong magtrabaho na kasama ang iba at humingi ng tulong at lakas sa Panginoon.

“Alalahaning may dakilang gawaing ipagagawa sa inyo ang Diyos. Pagpapalain Niya kayo sa pagsisikap ninyong magampanan ang gawaing iyan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 41).

Mag-isip ng isang bagay na magagawa mo upang mas makaasa sa sariling kakayahan sa kasalukuyan at sa hinaharap. Magtakda ng mithiin, at hingin ang tulong ng Panginoon sa pagkakamit ng mithiing ito.

Tulad ng nakatala sa II Mga Taga Tesalonica 3:14–18, tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa paghikayat sa mga Banal na tulungan ang mga yaong tamad na matutong umasa sa sarili sa pamamagitan ng “[hindi] … [paki]kisama” sa kanila, o paglayo sa kanila (talata 14). Gayunman, hinikayat niya ang mga Banal na huwag ituring ang mga tamad na mga kaaway kundi mga kapatid sa ebanghelyo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang II Mga Taga Tesalonica at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: