Library
Unit 26, Day 1: Mga Taga Colosas


Unit 26: Day 1

Mga Taga Colosas

Pambungad

Si Apostol Pablo ay nagturo tungkol sa kadakilaan ni Jesucristo (kahigitan, kabutihan, o kahusayan) at nagbabala laban sa maling doktrina. Hinikayat niya ang mga Banal sa Colosas na ituon ang kanilang isipan at puso sa mga bagay na nauukol sa langit at magkaroon ng mga katangian ni Cristo. Tinagubilinan din sila ni Pablo na maging mabait at matalino sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba.

Mga Taga Colosas 1–2

Si Apostol Pablo ay nagturo tungkol sa kadakilaan ni Jesucristo at nagbabala laban sa maling doktrina

drowing, mga puno at mga ugat

Ilarawan sa isip ang dalawang puno na pareho ang laki—ang isa ay may mababaw na mga ugat at ang isa naman ay may malalim na mga ugat. Kung dumating ang isang malakas na buhawi, alin sa mga punong ito ang maaaring matumba? Bakit?

Elder Neil L. Andersen

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, na inaalam kung anong uri ng buhawi ang kailangan nating iwasan: “Ang mas nakapag-aalala kaysa mga ipinropesiyang lindol at digmaan [sa mga huling araw] ay ang mga espirituwal na buhawi na maaaring bumunot sa inyo mula sa inyong mga espirituwal na pundasyon at ilapag ang inyong kaluluwa sa mga sitwasyong hindi ninyo sukat-akalain, na kung minsan ay halos hindi ninyo namamalayan na naalis na pala kayo sa inyong pundasyon” (“Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18).

Ano ang ilang halimbawa ng mga espirituwal na buhawi na maaaring bumunot o magpahiwalay sa atin mula sa ating pananampalataya kay Jesucristo?

Bakit mas nakababalisa ang mga espirituwal na buhawi na ito kaysa sa mga pisikal na kalamidad, tulad ng mga lindol o digmaan?

Isipin sandali kung anong espirituwal na buhawi ang maaaring nakakaapekto sa iyo.

Sumulat si Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Colosas matapos mabalitaan ang mga impluwensya at mga maling turo doon na nagbabantang maialis sila sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Colosas, alamin kung paano hinangad ni Pablo na palakasin ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan kay Cristo at ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng malalim na pananampalataya kay Cristo.

Sa panahon ngayon, ang Colosas ay isang lugar sa Turkey. Tingnan sa Mga Mapa sa Biblia blg. 13, “Ang Mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang lungsod ng Laodicea sa mapa. Ang Colosas ay tinatayang 11 milya (17.7 kilometro) sa timog-silangan ng Laodicea.

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Colosas 1:1–11, binati ni Pablo ang mga Banal sa Colosas at pinasalamatan ang kanilang katapatan. Ipinaliwanag niya na ang ebanghelyo ay nagdadala ng mga bunga, o mga pagpapala sa buhay ng mga tumatanggap nito at namumuhay ayon dito. Pagkatapos ay nagturo si Pablo sa mga Banal tungkol kay Jesucristo.

Basahin ang Mga Taga Colosas 1:12–19, na inaalam ang mga itinurong katotohanan ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Maaari mong markahan o isulat sa iyong mga banal na kasulatan ang nalaman mo. Ang ibig sabihin ng mga salitang “naglipat sa atin” sa talata 13 ay “nagpabago sa atin.”

Itinuturo sa Mga Taga Colosas 1:12–19 ang sumusunod na katotohanan tungkol kay Jesucristo: Si Jesucristo ang Manunubos, ang panganay sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit, ang Lumikha ng lahat ng bagay, ang pinuno ng Simbahan, at ang unang nabuhay na mag-uli.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa iyong palagay, bakit mahalaga sa atin na malaman at paniwalaan ang mga katotohanang ito tungkol kay Jesucristo?

    2. Paano nakapagpapalakas ng ating pananampalataya sa Kanya ang pag-alam at paniniwala sa mga bagay na ito?

Itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang ating Manunubos (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:14). Basahin ang Mga Taga Colosas 1:20–22, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Colosas kung bakit kailangan nila ng Manunubos.

Ayon sa talata 21, paano napahihiwalay ang isang tao mula sa Diyos?

Ang ibig sabihin ng salitang pakipagkasunduin (tingnan sa Mga Taga Colosas 1:20–21) ay pagkasunduin o pagkaisahin. Ayon sa Mga Taga Colosas 1:20–22, paano tayo pinakipagkasundo ni Jesucristo sa Diyos? (Ang mga katagang “pinayapa … sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus” [talata 20] ay tumutukoy sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

Ang pagpapala ng pakikipagkasundo sa Diyos ay may kundisyon. Basahin ang Mga Taga Colosas 1:23, na inaalam kung ano ang kailangan para makipagkasundo sa Diyos.

Ang ibig sabihin ng “mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay” (Mga Taga Colosas 1:23) ay manatiling matatag sa ating pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at pagsisisi ng ating mga kasalanan. Nalaman natin mula sa Mga Taga Colosas 1:20–23 ang sumusunod na katotohanan: Magagawa nating makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kung mananatili tayong matatag at di-natitinag sa ating pananampalataya.

  1. journal iconIsiping muli ang kalagayan ng dalawang puno sa simula ng lesson na ito. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sino ang kilala mo na katulad ng puno na mayroong malalim na ugat—matibay at di-natitinag sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo?

    2. Paano naging isang pagpapala sa iyo ang kanyang halimbawa?

Isiping muli ang buhawi na umiihip nang malakas sa dalawang punong iyon. Basahin ang Mga Taga Colosas 2:4, 8, na inaalam ang mga espirituwal na buhawi na nagbabantang bumunot o gumiba sa mga Banal sa Colosas.

Noong panahong iyon ay may mga itinurong pilosopiya at mga tradisyon ang ilang tao na nagtatangkang pababain ang kahalagahan ni Jesucristo. Ang iba pang laganap na maling pilosopiya noon na sumisikat ay na ang mga anghel ang mga tagapamagitan para sa Diyos at dapat silang sambahin at ang ideyang ang katawan ay masama (tingnan sa Mga Taga Colosas 2:16–23).

Bakit ang paniniwala sa mga maling turo, kabilang na ang mga turo na pinapababa ang kahalagahan ni Jesucristo, ay nagpapadali para espirituwal na mabunot o maalis ang pananampalataya ng isang tao?

Basahin ang Mga Taga Colosas 2:6–7, na inaalam ang payo na ibinigay ni Pablo upang tulungan ang mga Banal na maiwasang malinlang ng mga pilosopiya at mga tradisyon ng mundo.

Nalaman natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na katotohanan: Kapag malalim at matatag tayo sa ating pananampalataya kay Jesucristo, maiiwasan nating malinlang ng mga pilosopiya at mga tradisyon ng mundo.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano sa palagay mo ang isa sa pinakamahahalagang bagay na dapat nating gawin upang maging matatag tayo at di-natitinag sa pananampalataya kay Jesucristo?

    2. Bakit ka naniniwala na napakahalaga ng bagay na iyan?

Pag-isipan ang sumusunod na karugtong na pahayag ni Elder Andersen tungkol sa mga espirituwal na buhawi:

Elder Neil L. Andersen

“Ang pinakamalalakas na buhawing tatangay sa inyo ay ang mga tukso ng kaaway. Noon pa man ay bahagi na ng mundo ang kasalanan, ngunit ngayon lang ito naging mabilis gawin, mahirap iwaksi, at katanggap-tanggap. Mangyari pa, may isang makapangyarihang puwersang daraig sa mga buhawi ng kasalanan. Ang tawag dito ay pagsisisi.

“Hindi lahat ng paghihirap sa buhay ay kayo ang may gawa. Nangyayari ang ilan dahil sa mga maling pagpili ng iba, at ang ilan ay dahil lamang sa nabubuhay tayo sa mundong ito. …

“Paano ninyo pinaghahandaan ang mga buhawi sa inyong buhay? ‘Tandaan … na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, … ang kanyang mga palaso sa buhawi, … kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan … na hilahin kayong pababa … dahil sa bato kung saan kayo nakasandig’ [Helaman 5:12]. Ito ang magliligtas sa inyo sa buhawi” (“Mga Espirituwal na Buhawi,” 18–19).

  1. journal iconAlalahanin muli ang mga personal na espirituwal na buhawi na naisip mo sa simula ng lesson na ito. Sa iyong scripture study journal, isulat ang mga gagawin mo para manatiling nakaugat at nakatayo kay Jesucristo at maiwasang mabunot ng mga espirituwal na buhawi.

Mga Taga Colosas 3–4

Hinikayat ni Pablo ang mga taga-Colosas na ituon nila ang kanilang isipan at puso sa mga bagay na nauukol sa langit at maging matalino

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Colosas 3–4, hinikayat ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Colosas na itigil ang kanilang kasamaan at magkaroon ng mga katangian ni Jesucristo. Hinikayat din niya sila na maging mapanalangin at matalino, lalo na sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga hindi Kristiyano. Pagkatapos ay ipinaabot niya ang pagbati ng ilan sa kanyang kapwa lingkod, kabilang na ang kay Lucas.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Taga Colosas at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: