Library
Unit 24, Day 4: Mga Taga Efeso 1


Unit 24: Day 4

Mga Taga Efeso 1

Pambungad

Sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Efeso tungkol sa kanilang pagkakaorden noon pa man na tumanggap ng ebanghelyo. Nagsulat siya tungkol sa huling dispensasyon—ang dispensasyong kinabibilangan natin ngayon—kung saan ang Diyos ay “[ti]tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo” (Mga Taga Efeso 1:10). Itinuro ni Pablo na makikilala natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa pamamagitan ng paghahayag.

Mga Taga Efeso 1:1–8

Itinuro ni Pablo sa mga Banal na sila ay itinalaga o inorden noon pa man na tumanggap ng ebanghelyo

Isipin ang isang pangyayari sa buhay mo na sumang-ayon kang tanggapin ang isang mahalagang responsibilidad. Nang mahirapan ka sa responsibilidad na ito, paano ka pinalalakas ng kaalamang sumang-ayon ka na tanggapin ito at nagtiwala sa iyo ang isang tao na magagawa mo ito? Paano ka napagpala o nagantimpalaan sa pagtupad sa iyong responsibilidad?

Larawan
Si Pablo na nagsusulat sa mesa

Si Apostol Pablo ay nakabilanggo sa isang bahay sa Roma.

Hinangad ni Apostol Pablo sa sulat na ito na palakasin ang matatagal nang miyembro ng Simbahan at tulungan ang mga bagong miyembro na umunlad sa kanilang espirituwal na kaalaman at manatiling tapat sa kanilang mga tipan.

Basahin ang Mga Taga Efeso 1:3–8, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Pablo sa mga Banal na makatutulong sa kanila na manatiling tapat sa kanilang mga tipan.

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang dalawa o tatlong pangunahing doktrina na ituturo mo para tulungan ang isang miyembro ng Simbahan na manatiling tapat sa kanyang mga tipan at manatiling aktibo sa Simbahan?

    2. Paano makatutulong sa isang tao ang pagkaunawa sa mga katotohanang iyon na piliing manatiling tapat?

Ang mga katagang “bago itinatag ang sanglibutan” sa Mga Taga Efeso 1:4 ay tumutukoy sa buhay bago ang buhay sa mundo, at ang mga katagang “pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya” at ang mga salitang itinalaga nang una pa sa Mga Taga Efeso 1:5 ay tumutukoy sa mga yaong mga hinirang o itinalaga o inorden noon pa man na tumanggap ng ebanghelyo sa buhay na ito. Ang isang katotohanan na matututuhan natin sa mga talatang ito ay itinalaga o inorden noon pa man ang mga anak ng Diyos na tumanggap ng mga pagpapala ng ebanghelyo. Ang pagtanggap ng mga pagpapalang ito ay nakasalalay sa ating katapatan sa buhay na ito.

Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag mula sa Tapat sa Pananampalataya, pag-isipan kung paano makatutulong ang pag-unawa sa doktrina ng pagtatalaga o pag-oorden noon pa man sa isang tao na piliing manatiling tapat sa kanyang mga tipan at aktibo sa Simbahan:

“Sa buhay bago tayo isinilang, pumili ng ilang espiritu ang Diyos na tutupad sa mga natatanging misyon habang nabubuhay sila sa daigdig. Tinatawag itong pag-oorden noon pa man.

“Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad ang mga tao. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang. …

“Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, hindi lamang sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta. Bago nilikha ang daigdig, nabigyan na ng tiyak na mga responsibilidad ang matatapat na kababaihan at naorden na noon pa man sa tiyak na mga tungkulin sa priesthood ang matatapat na kalalakihan. Bagama’t hindi ninyo naaalala ang panahong iyon, tiyak na sumang-ayon kayong tuparin ang mahahalagang tungkulin sa paglilingkod sa inyong Ama. Habang pinatutunayan ninyo ang inyong pagkamarapat, bibigyan kayo ng mga oportunidad na matupad ang mga tungkuling natanggap ninyo noon” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 146–47).

Paano makatutulong sa atin ang pagkaunawang inorden o itinalaga tayo noon pa man na tumanggap ng ebanghelyo at ng maraming pagpapala nito upang maisagawa ang mga gawain dito sa mortalidad na manatiling tapat sa ating mga tipan?

Mga Taga Efeso 1:9–12

Binanggit ni Pablo ang tungkol sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon

Hanapin ang kahulugan ng mga dispensasyon sa bahaging Mga Pangunahing Doktrina sa simula ng manwal na ito. Basahin ang mga talata na nagpapaliwanag kung ano ang kahulugan ng dispensasyon. Sa iyong pagbabasa, alamin ang dispensasyong kinabibilangan natin.

Mula sa nabasa mo, kailan nagsimula ang dispensasyong kinabibilangan natin?

Basahin ang Mga Taga Efeso 1:9–10, na inaalam ang mga isinulat ni Pablo na mangyayari sa ating dispensasyon, ang “dispensasyon ng kaganapan ng panahon.” (Ang mga katagang “hiwaga ng kaniyang kalooban” ay tumutukoy sa mga plano at mga layunin ng Diyos.)

Nang isulat ni Pablo na ang “lahat ng mga bagay kay Cristo,” kapwa sa langit at lupa, ay “titipunin” (Mga Taga Efeso 1:10), ang tinutukoy niya ay ang Panunumbalik at sama-samang pagtitipon ng lahat ng susi, kapangyarihan, at pangako na inihayag ng Diyos sa Kanyang mga anak mula pa sa simula ng daigdig, gayon din ang iba pang kaalaman na hindi pa kailanman naipahahayag (tingnan sa D at T 128:18).

Mula sa Mga Taga Efeso 1:10, nalaman natin ang sumusunod na katotohanan: Sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, ang lahat ng bagay mula sa mga naunang dispensasyon ay ipanunumbalik.

Larawan
Elder B.H. Roberts

Ipinaliwanag ni Elder B.H. Roberts ng Pitumpu kung paano nauugnay ang bawat nakaraang dispensasyon sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon: “Ito ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon, at nakita natin, tulad ng mga sapa na dumadaloy patungo sa dagat, na tayo at ang lahat ng tao sa mga naunang dispensasyon ay naugnay sa isa’t isa; at nakita natin na ang Diyos ay may iisang dakilang layunin mula sa simula, at iyan ay ang kaligtasan ng Kanyang mga anak. At dumating na ang huling araw, ang huling dispensasyon, kung kailan ang katotohanan at liwanag at kabutihan ang dapat lumaganap at pumuno sa buong mundo” (sa Conference Report, Okt. 1904, 73).

Larawan
ilog sa kabundukan
  1. Itinuro ni Elder Roberts na dapat mapuno ng katotohanan, liwanag, at kabutihan ang buong mundo sa huling dispensasyon. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng lima o mahigit pa na katotohanan, banal na kasulatan, tipan, at kapangyarihan mula sa mga naunang dispensasyon na ipinanumbalik o ibinigay sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. (Kung kailangan mo ng tulong, tingnan ang “Panunumbalik ng Ebanghelyo” sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 186–90.)

  2. Kumpletuhin ang isa o lahat ng sumusunod:

    1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano naging pagpapala sa iyo ang mabuhay sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon? Anong mga resources sa ating dispensasyon ang makatutulong para mapuno ng katotohanan at liwanag ang buong mundo?

    2. Sa isang social media website na ginagamit mo, mag-post ng isang paliwanag tungkol sa mga dispensasyon at kung bakit ka nagpapasalamat na nabuhay ka sa dispensasyong ito. Kapag tapos ka na, isulat sa iyong scripture study journal ang naramdaman mo sa pag-post mo ng iyong mensahe.

Larawan
Elder David A. Bednar

Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mahal kong mga kapatid, ang nagawa na sa dispensasyong ito sa pagbabahagi ng mga mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng social media ay isang magandang simula—ngunit isang maliit na patak pa lamang. Ngayon ay inaanyayahan ko kayo na tumulong na gawing malaking baha ang isang patak. … Pinapayuhan ko kayo na ipalaganap sa mundo ang mga mensaheng puno ng kabutihan at katotohanan—mga mensaheng totoo, nagpapasigla, at maipagkakapuri—at literal na paabutin sa buong mundo gaya ng isang baha” (“To Sweep the Earth as with a Flood” [Brigham Young University Campus Education Week devotional, Ago. 19, 2014], LDS.org).

Ano ang ginagawa mo para makatulong sa pagpapalaganap ng mga mensaheng puno ng kabutihan at katotohanan sa buong mundo? Isipin kung paano mo maibabahagi ang mahahalagang katotohanan na ipinanumbalik sa dispensasyong ito sa mga taong naninirahan malapit sa iyo at sa mga taong nakatira sa malayo.

Sa Mga Taga Efeso 1:11–12, itinuro ni Pablo na sa pamamagitan ni Jesucristo ay nagtamo ang mga Banal ng mana sa kaharian ng Diyos.

Mga Taga Efeso 1:13–23

Itinuro ni Pablo ang tungkol sa Banal na Espiritu ng Pangako

Basahin ang Mga Taga Efeso 1:13–14, na inaalam ang mga pagpapalang natanggap ng mga Banal dahil sa kanilang katapatan at pagtitiwala at pananalig kay Jesucristo.

Ang ibig sabihin ng “tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako” ay ang Espiritu Santo ay “sumasaksi … sa Ama na ang makapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.lds.org). Ang mga katagang “patotoo sa ating mana” sa Mga Taga Efeso 1:14 ay nagpapakita na kapag ibinuklod ang matatapat na Banal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng Pangako, tatanggap sila ng personal na katiyakan na mamanahin nila sa huli ang kahariang selestiyal. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagtawag at paghirang, basahin ang II Ni Pedro 1 at ang komentaryong ibinigay para sa kabanatang iyan sa Unit 30: Day 1 lesson.)

Tulad ng nakatala sa Mga Taga Efeso 1:15–16, sinabi ni Pablo sa mga Banal na patuloy siyang nagpapasalamat sa Diyos para sa kanilang katapatan. Basahin ang Mga Taga Efeso 1:17–18, na inaalam kung ano ang idinalangin ni Pablo na ibigay ng Diyos sa mga Banal.

Isipin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kung paano natin makikilala ang Ama sa Langit.

Ang isang katotohanan na matutukoy natin sa mga talatang ito ay makikilala natin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng paghahayag.

Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar, markahan ang itinuro niya tungkol sa paghahayag:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak sa lupa at isa sa pinakamalalaking pagpapalang kaugnay ng pagtanggap at palagiang pagsama ng Espiritu Santo. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, ‘Ang Espiritu Santo ay isang tagapaghayag,’ at ‘walang taong makatatanggap ng Espiritu Santo nang hindi tumatanggap ng mga paghahayag’ (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153).

“Ang diwa ng paghahayag ay maibibigay sa bawat taong tumanggap mula sa tamang awtoridad ng priesthood ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan at ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo—at gumaganap nang may pananampalataya na isagawa ang atas ng priesthood na ‘tanggapin ang Espiritu Santo.’ Ang pagpapalang ito ay hindi lang para sa mga nangungulong awtoridad ng Simbahan; sa halip, ito ay tinataglay at dapat na ginagamit ng bawat lalaki, babae, at bata na nasa hustong gulang na upang managot at gumagawa ng sagradong mga tipan. Ang tapat na hangarin at pagkamarapat ay nag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa ating buhay” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87).

Isipin kung paano makatutulong sa atin ang paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo na makilala ang Ama sa Langit.

  1. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano nakatulong sa iyo o sa isang taong kilala mo ang paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo na mas makilala ang Ama sa Langit.

Ang mamuhay nang marapat sa paggabay ng Espiritu Santo ay makatutulong sa iyo na mas makilala ang Ama sa Langit.

Sa Mga Taga Efeso 1:19–23, nagpatuloy si Pablo sa pagtuturo tungkol sa mana ng mga Banal at sa posisyon ni Jesucristo bilang pinuno ng Kanyang Simbahan.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Taga Efeso 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

Print