Unit 21: Day 1
Mga Taga Roma 8–11
Pambungad
Itinuro ni Apostol Pablo ang mga pagpapalang dulot ng espirituwal na pagsilang na muli at pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Itinuro niya na hindi tinanggap ng Israel ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham at sa angkan nito. Itinuro ni Pablo na ang mga piniling tao ng Diyos ay mas natutukoy sa kanilang katapatan sa tipan kaysa sa kanilang angkang pinagmulan, at itinuro niya ang pagdadala ng ebanghelyo sa mga Gentil.
Mga Taga Roma 8
Inilarawan ni Pablo ang mga pagpapalang dulot ng espirituwal na pagsilang na muli
May kakilala ka ba na nakamana ng napakahalagang bagay mula sa isang tao? Halimbawa, kung minsan may mga magulang o mga lolo’t lola na nagbibigay ng napakahalagang bagay sa kanilang mga anak o apo.
Kung may mamanahin kang ari-arian mula sa sinuman, ano ang pipiliin mong mga ari-arian at bakit mo gusto ang mga ito?
Isipin ang mga pagpapalang matatanggap mo kung mamanahin mo ang lahat ng mayroon ang ating Ama sa Langit. Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Roma 8:1–18, alamin ang dapat nating gawin para maging mga tagapagmana ng lahat ng mayroon ang ating Ama sa Langit.
Basahin ang Mga Taga Roma 8:1, 5–7, 13, na inaalam ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa pamumuhay “ayon sa laman,” o pagpapadaig sa inklinasyon na magkasala, at pagsunod “ayon sa Espiritu.”
Itinuro ni Pablo sa mga talatang ito ang dalawang magkasalungat na pag-uugali: ang pagkakaroon ng “kaisipan ng laman” at ng “kaisipan ng Espiritu” (Mga Taga Roma 8:6). Ang pagkakaroon ng kaisipan ng laman ay pagtutuon sa mga hilig ng katawan, silakbo ng damdamin, at makamundong pagnanasa ng katawan. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kaisipan ng espiritu?
Ang ibig sabihin ng mga katagang “pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman” (Mga Taga Roma 8:13) ay sinusupil o inaalis ang mga kahinaan, tukso, at kasalanan na nararanasan ng ating mortal na katawan (tingnan sa Mosias 3:19). Natutuhan natin mula sa talatang ito na kung susundin natin ang impluwensya ng Espiritu, maiiwasan nating matukso na magkasala.
Basahin ang Mga Taga Roma 8:14–17, na inaalam kung ano ang tawag ni Pablo sa mga taong sumusunod sa Espiritu.
Tinutukoy tayo sa mga banal na kasulatan bilang “mga anak ng Dios” (Mga Taga Roma 8:16) sa maraming aspeto. Una, ang bawat tao ay literal na minamahal na espiritung anak ng Ama sa Langit. Pangalawa, isinilang tayong muli bilang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipagtipan kay Jesucristo kapag tayo ay nagsisi, bininyagan, at tumanggap ng Espiritu Santo.
Ang pag-aampon o pagkupkop ay karaniwan sa mga Romano, at tiyak na pamilyar ang konseptong ito sa mga mambabasa ni Pablo. Ang taong kumupkop nang ayon sa batas ay nagbibigay sa kinupkop ng lahat ng karapatan at pribilehiyo na mayroon ang isang tunay na anak. Sa gayon, kapag natanggap natin “ang espiritu ng pagkukupkop” (Mga Taga Roma 8:15) sa pagpasok sa ating tipan sa ebanghelyo, tayo ay magiging mga anak ng Diyos at “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Mga Taga Roma 8:17).
Sa Aklat ni Mormon, itinuro rin ni Haring Benjamin kung paano tayo magiging “mga anak ni Cristo” (tingnan sa Mosias 5:5–10).
Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na si Jesucristo ay “naging ating Ama … dahil Siya ay naghandog sa atin ng buhay, buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagbabayad-sala na ginawa niya para sa atin.” Ipinaliwanag niya na, “Naging mga anak tayo, anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo, sa pamamagitan ng ating mga tipan ng pagsunod sa kanya” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. [1954–56], 1:29).
Basahing muli ang Mga Taga Roma 8:17. Ang kasamang tagapagmana ay isang tao na nakatatanggap ng pantay na mana kasama ang iba pang tagapagmana.
Kung tayo ay mga anak na ng Diyos Ama, bakit hindi natin awtomatikong natatanggap ang mga manang kapantay ng natanggap ni Jesucristo? Bakit mahalaga na maging mga anak na lalaki’t babae ni Jesucristo?
Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tayong lahat ay mga tagapagmana ng ating mga magulang sa langit. ‘Tayo’y mga anak ng Dios,’ pagtuturo ni Apostol Pablo, ‘at kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo’ (Mga Taga Roma 8:16–17). Ang ibig sabihin nito, tulad ng sinabi sa atin sa Bagong Tipan, tayo ay mga ‘tagapagmana … [ng] buhay na walang hanggan’ (Tito 3:7) at kung lalapit tayo sa Ama, tayo ay ‘magmamana ng mga bagay na ito’ (Apocalipsis 21:7)—lahat ng mayroon Siya—isang konseptong mahirap maunawaan ng ating mortal na isipan. Ngunit kahit paano ay nauunawaan natin na ang pagkakamit ng sukdulang tadhanang ito sa kawalang-hanggan ay posible lamang kung susundin natin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagturo na ‘sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko’ (Juan 14:6)” (“Mga Tagasunod ni Cristo,” Ensign, Mayo 2013, 98).
Batay sa ating pagiging karapat-dapat, wala tayong tatanggapin dahil lahat tayo ay nagkasala nga at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Gayunpaman, kapag kinupkop tayo ni Jesucristo, ang ating mga kahinaan ay madaraig sa pamamagitan ng Kanyang perpektong buhay at Pagbabayad-sala. Sa gayon, sa pamamagitan ng ating mga tipan at pagsunod kay Jesucristo, tayo ay nagiging kasamang tagapagmana at tayo ay “[makaka]pagtiis [kasama si Jesucristo]” (Mga Taga Roma 8:17). Hindi ibig sabihin nito ay pagdudusahan din natin ang ginawa ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Sa halip, magtitiis tayo kasama Niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya at pagtalikod sa mga makamundong bagay, pagsunod sa mga kautusan, at pananatiling tapat sa kabila ng oposisyon.
Mula sa Mga Taga Roma 8:14–18, natutuhan natin na kung tayo ay matatapat na anak ng tipan ng Diyos, maaari tayong maging kasamang tagapagmana ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.
-
Magdrowing ng chart na may tatlong column sa iyong scripture study journal, at lagyan ang unang column ng label na Mga Kinakailangan, ang gitnang column na Oposisyon, at ang ikatlong column na Mana. Pagkatapos ay gawin ang sumusunod:
-
Sa column na “Mga Kinakailangan”, maglista ng apat o limang kautusan o pamantayan na dapat nating ipamuhay upang maituring na tapat na mga anak ng tipan ng Diyos.
-
Sa column na “Oposisyon”, ilista ang ilang halimbawa ng oposisyon na maaari nating maranasan habang nagsusumikap tayong mamuhay bilang matatapat na anak ng tipan ng Diyos.
-
Sa column na “Mana”, ilista ang ilang pagpapalang maaari nating mamana mula sa Ama sa Langit kung magsusumikap tayong mamuhay bilang Kanyang matatapat na anak ng tipan.
-
Tingnan ang inilista mo sa iyong scripture study journal, at ihambing ang mga pagpapala ng pagiging isang kasamang-tagapagmana ni Cristo sa mga kailangang pagtuunang gawin at oposisyon na maaari mong maranasan. Ano ang sasabihin mo sa isang tao na nagtanong kung sulit ba na maging tapat sa mga utos ng Panginoon?
Basahin ang Mga Taga Roma 8:18, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa isinasakripisyo natin kumpara sa mga natatanggap natin mula sa Ama sa Langit bilang pamana.
Nakatala sa Mga Taga Roma 8:19–30, na itinuro ni Pablo na tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating mga kahinaan at si Jesucristo ay tinawag na sa buhay bago ang buhay sa mundong ito na maging Tagapagligtas ng mga anak ng Diyos. (Sa Mga Taga Roma 8:29–30, ang ibig sabihin ng salitang itinalaga ay inorden noon pa man, o tinawag. Pag-aaralan mo ang mga turo ni Apostol Pablo tungkol sa pag-oorden o pagtatalaga noon pa man sa Mga Taga Efeso.)
Basahin ang Mga Taga Roma 8:28, 31–39, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Pablo tungkol sa pagmamahal ng Diyos na may kinalaman sa oposisyon, mga hamon, at mga pagsubok ng mortalidad. Maaari mong markahan ang mga salita o kataga na mahalaga sa iyo.
Ganito natin mababasa ang Joseph Smith Translation ng Romans 8:31, “Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang [makatatalo] sa atin?”
Ang sumusunod ay ilan sa mga katotohanang matutukoy natin sa mga talatang ito: Kung mahal natin ang Diyos, ang lahat ng bagay ay magiging maayos para sa ating ikabubuti. Malalampasan natin ang lahat ng mga hamon at paghihirap ng buhay sa pamamagitan ni Jesucristo. Walang makapaghihiwalay sa atin mula sa pagmamahal ng Diyos, na naipapakita sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Kumpletuhin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga aktibidad sa iyong scripture study journal:
-
Isipin ang mga pagsubok at paghihirap na dinanas mo, at pagkatapos ay sumulat ng dalawang pangungusap mula sa Mga Taga Roma 8:28, 31–39 na naging kapansin-pansin sa iyo at ipaliwanag kung bakit.
-
Ilarawan kung paano mo nadama ang pagmamahal ng Diyos kahit may mga pagsubok ka sa buhay.
-
Sumulat ng ilang paraan kung paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa Diyos. Magtakda ng mithiin na gagawin mo ang isinulat mo, at magtitiwala na ang lahat ay magiging maayos para sa iyong ikabubuti.
-
Mga Taga Roma 9–11
Itinuro ni Pablo ang hindi pagtanggap ng Israel sa mga tipan ng Diyos at ang pagdadala ng ebanghelyo sa mga Gentil
Tulad ng nakatala sa Mga Taga Roma 9–11, ginamit ni Pablo ang mga katagang Israel at mga Israelita sa halip na mga Judio. Noong panahon ng Lumang Tipan, pinili ng Diyos ang mga inapo ni Jacob, o Israel, para maging bahagi ng Kanyang tipan kay Abraham (tingnan sa Mga Taga Roma 9:4–5). Kabilang sa tipang ito ang mabigyan ng lupain, ng awtoridad ng priesthood, pati na ng responsibilidad na pagpalain ang mga tao sa buong mundo sa pamamagitan ng ebanghelyo, nang sa gayon ay magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.
Basahin ang Mga Taga Roma 9:6, 8, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga miyembro ng sambahayan ni Israel.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo sa “hindi ang lahat ng buhat sa Israel ay mga taga Israel” (Mga Taga Roma 9:6)?
Hindi maunawaan ng ilang Judio na hindi lahat ng tao na isinilang sa sambahayan ni Israel ay karapat-dapat na maging bahagi ng tipan ng Diyos kay Israel. Inakala nila na sigurado na nilang matatamo ang mga pagpapala ng tipan dahil sa kanilang lahi.
Basahin ang Mga Taga Roma 10:8–13, na inaalam kung paano magiging bahagi ng pinagtipanang tao ng Diyos ang sinuman, Isarelita man o hindi Israelita.
Sa mga talatang ito, ang ibig sabihin ng salitang Griyego na isinalin bilang ipahahayag ay pagtanggap, o pakikipagtipan, at ang ibig sabihin ng salitang Griyego na isinalin bilang maniwala ay pagtitiwala sa pangako. Ang malalim na pagtitiwalang ito sa Tagapagligtas ay umaakay sa mga tao na ipahayag ang kanilang pagtanggap sa Kanya sa mga paraan na itinakda Niya. Kasama sa mga paraang ito ang pagsunod sa mga utos ng Diyos, pagsisisi, at pagtanggap sa mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo, na kinabibilangan ng binyag at ng kaloob na Espiritu Santo.
Ayon sa mga turo ni Pablo, kung tatanggapin at susundin natin si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo, matatanggap natin ang mga pagpapala ng mga tipan ng Diyos at maliligtas tayo.
-
Ginamit ng ilang tao ang Mga Taga Roma 10:9, 13 para sabihin na ang dapat lang nating gawin para maligtas ay sabihing naniniwala tayo kay Jesucristo. Sa iyong scripture study journal, sagutin ang maling pahayag na ito sa tulong ng mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.
Sa natitirang bahagi ng Mga Taga Roma 10–11, nabasa natin na ang pakikinig sa salita ng Diyos ay mahalaga sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Ipinaliwanag pa niya ang hindi pagtanggap ng mga Israelita sa ebanghelyo ni Jesucristo at ginamit ang analohiya ng paghuhugpong o pag-graft ng mga sanga mula sa isang olibong ligaw sa isang mabuting punong olibo para ilarawan ang pagkupkop ng sambahayan ni Israel sa mga Gentil (tingnan din sa Jacob 5). Itinuro rin niya na muling dadalhin ang ebanghelyo sa mga Judio.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Taga Roma 8–11 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: