Unit 17: Day 2
Mga Gawa 1:9–26
Pambungad
Matapos tagubilinan ang Kanyang mga disipulo nang 40 araw, umakyat na sa langit si Jesucristo. Ang mga Apostol at iba pa ay nagkaisa sa panalangin at pagsamo. Sa pamamagitan ng inspirasyon, tinawag si Matias para punan ang katungkulan sa Korum ng Labindalawang Apostol na nabakante dahil sa pagkanulo at kamatayan ni Judas Iscariote.
Mga Gawa 1:9–12
Ang Tagapagligtas ay umakyat sa langit
Basahin ang mga sumusunod na pahayag tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at isulat sa patlang kung tama (T) o mali (M) ang bawat pahayag. Gamitin ang sumusunod na mga banal na kasulatan na makatutulong sa iyo sa pagsagot nang tama.
-
____ 1. Babalik si Jesucristo sa mundo sa mga huling araw. (Tingnan sa Moises 7:60.)
-
____ 2. Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, magpapakita lamang si Jesucristo sa mabubuting tao. (Tingnan sa D at T 101:23; Joseph Smith—Mateo 1:26)
-
____ 3. Dahil nakabalatkayo si Jesucristo sa muli Niyang pagparito, hindi malalaman ng karamihan sa mga tao na nangyari na ang Ikalawang Pagparito. (Tingnan sa D at T 49:22–23.)
Sa Kanyang mortal na ministeryo, nagpropesiya si Jesucristo na sa mga huling araw ay may mga taong magtuturo ng mali tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:22–25). Malalaman natin kung tama o mali ang isang turo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo kung susundin natin ang mga salita ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta. Hindi tayo malilinlang sa paggawa nito (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:37).
Sa pag-aaral mo ng Mga Gawa 1:9–12, alamin ang mga katotohanan tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Tinagubilinan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol nang 40 araw pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mga Gawa 1:3). Basahin ang Mga Gawa 1:9–12, na inaalam ang nangyari pagkatapos silang tagubilinan ng Tagapagligtas.
Kunwari ay naroon ka noon at nasaksihan mo ang pag-akyat sa langit ng Tagapagligtas. Ano kaya ang maiisip o madarama mo?
Sa sinaunang Israel, minsan ay sumasagisag ang isang alapaap o ulap sa presensya at kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa Exodo 40:34). Ang alapaap na binanggit sa Mga Gawa 1:9 ay ulap ng kaluwalhatian (tingnan sa Bible Dictionary, “Cloud”). Ang dalawang lalaki na binanggit sa Mga Gawa 1:10 ay mga anghel.
Pansinin sa Mga Gawa 1:11 ang sinabi ng mga anghel sa mga Apostol. Ang isang katotohanan na malalaman natin sa sinabi ng mga anghel ay na sa Kanyang Ikalawang Pagparito, ang Tagapagligtas ay bababa mula sa langit sa kaluwalhatian.
Pansinin sa Mga Gawa 1:12 na ang Pag-akyat ng Tagapagligtas sa langit ay naganap sa Bundok ng mga Olivo. Kapag muling pumarito ang Tagapagligtas, ang isa sa Kanyang pagpapakita ay sa pagbaba Niya at pagtayo sa Bundok ng mga Olivo (tingnan sa Zacarias 14:4; D at T 45:47–53; D at T 133:19–20). Magaganap ito bago ang Kanyang dakila at maluwalhating pagpapakita sa buong mundo (tingnan sa Isaias 40:5).
Isipin ang sumusunod na tanong: Paano makatutulong sa atin ang malaman ang paraan ng pagparito ng Tagapagligtas upang hindi tayo malinlang habang naghihintay sa Kanyang Ikalawang Pagparito?
Mga Gawa 1:13–26
Napili si Matias na punan ang katungkulang nabakante sa Korum ng Labindalawang Apostol
Matapos bumalik ang mga Apostol sa Jerusalem mula sa Bundok ng mga Olivo, nagtipon sila kasama ang ilang matatapat na kalalakihan at kababaihan, kasama si Maria, ang ina ni Jesus, upang manalangin at sumamba. Basahin ang Mga Gawa 1:13, at bilangin kung ilan ang mga Apostol na nakatala.
Bakit may 11 Apostol lamang noong panahong iyon?
Nalaman natin sa Mga Gawa 1:15–20 na tumayo si Pedro sa harap ng 120 disipulo at isinalaysay ang pagkamatay ni Judas Iscariote. Dahil naging isa sa Labindalawang Apostol si Judas, nagtipon ang mga disipulo upang pumili ng isang bagong Apostol.
Pag-isipan ang iba’t ibang paraan kung paano pinipili ang ilan sa mga sumusunod na lider: team captain, lider ng lokal na pamahalaan, isang hari o reyna, at presidente ng kompanya. Ano ang ilan sa mga kwalipikasyon para sa mga katungkulang ito sa pamumuno?
Pag-isipan kung paano pinipili ang isang Apostol ni Jesucristo at ano ang mga kwalipikasyon para makapaglingkod bilang Apostol.
Basahin ang Mga Gawa 1:21–26, na inaalam kung paano pinili ang isang bagong Apostol sa pagkamatay ni Judas Iscariote.
Tinutukoy ng mga katagang “sila’y pinagsapalaran nila” sa talata 26 ang isang sinaunang paraan ng paggawa ng desisyon. Sa kalipunan ng matatapat, nasa kamay ng Diyos ang buong pagpapasiya (tingnan sa Mga Kawikaan 16:33).
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung nagsasapalaran sila, ang Panginoon ang pumipili ng magiging resulta nito. Gayunpaman, mas malamang na ‘bumoboto sila,’ marahil ‘mga boto ng pagsang-ayon’ upang sang-ayunan ang pinili ng Diyos na maglilingkod sa banal na pagka-apostol” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:32).
Ayon sa Mga Gawa 1:21–22, sinabi ni Pedro na pipiliin ang bagong Apostol sa kalipunan ng mga yaong personal na kilala si Jesus at mga saksi sa Kanyang ministeryo sa simula pa lamang hanggang sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
Ano ang napansin mo tungkol sa panalangin ng mga Apostol na nakatala sa Mga Gawa 1:24–25?
Ang isang katotohanan na malalaman natin mula sa talang ito ay na tinatawag ng Diyos ang mga Apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng paghahayag. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mga Gawa 1:24.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture journal: Sa palagay mo, bakit mahalagang tinawag ng Diyos ang isang Apostol sa pamamagitan ng paghahayag sa halip na mapili sa paraang katulad sa pagpili ng mga lider sa mundo?
Para sa halimbawa kung paano pinipili ang isang Apostol sa panahong ito sa pamamagitan ng paghahayag, basahin ang sumusunod na tala mula sa buhay ni Pangulong Heber J. Grant:
“Nakatanggap si Pangulong [Heber J.] Grant ng mga paghahayag bilang Pangulo ng Simbahan na papatnubay sa Simbahan sa kabuuan. Ang isang gayong paghahayag ay dumating matapos siyang italaga bilang Pangulo ng Simbahan, nang hangarin niya ang kalooban ng Panginoon sa paghirang ng bagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Habang pinagninilayan ang tungkuling ito, paulit-ulit na nabaling ang kanyang isipan sa kanyang matagal nang kaibigan na si Richard W. Young, isang matapat na Banal sa mga Huling Araw at matatag na pinuno. Tinalakay ni Pangulong Grant ang posibilidad na ito sa kanyang mga tagapayo, na sumuporta sa kanyang desisyon. Nang sa huli’y mapanatag siya sa gagawing hakbang na ito, isinulat niya ang pangalan ng kanyang kaibigan sa isang papel at dinala ito sa lingguhang pulong sa templo kasama ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa. Gayunman, nang babanggitin na niya ang pangalan para sa pagsang-ayon ng kanyang mga Kapatid, hindi niya ito magawa. Sa halip na bigkasin ang pangalan ni Richard W. Young, binigkas niya ang pangalan ni Melvin J. Ballard, isang lalaking halos hindi niya kakilala. Sa huli’y ikinuwento ni Pangulong Grant ang naging epekto sa kanya ng karanasang ito:
“‘Nadama ko ang inspirasyon ng buhay na Diyos na pumapatnubay sa aking mga pagsisikap. Simula noong piliin ko ang isang tila estranghero na maging isa sa mga apostol, sa halip na piliin ang matagal ko nang minamahal na kaibigan, nalaman ko gaya ng pagkakaalam kong buhay ako, na may karapatan ako sa liwanag at inspirasyon at patnubay ng Diyos sa pamamahala sa Kanyang gawain dito sa lupa’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 203–04).
Pag-isipang mabuti kung paano inilarawan ang katotohanang itinuro sa Mga Gawa 1:24 sa talang ito na naglalarawan sa pagtawag sa isang Apostol sa panahong ito.
Paanong nagpapakita na patuloy pa ring pinamumunuan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan ang pagtawag sa isang Apostol? (Alalahanin ang katotohanang itinuro sa Mga Gawa 1:2—na pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga Apostol sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)
-
Sagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan ka nakakita ng isang bagong Apostol na tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol, at ano ang naramdaman mo nang sang-ayunan mo siya sa katungkulang ito?
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na malaman na tinawag ng Diyos ang mga buhay na Apostol?
-
Bakit mahalaga sa iyo na magkaroon ng patotoo na tinawag ng Diyos ang mga buhay na Apostol?
-
Alam mo ba ang mga pangalan ng lahat ng Apostol na kasalukuyang naglilingkod sa Simbahan? Ilista ang pangalan ng mga kasalukuyang Apostol na maaalala mo. (Para malaman kung gaano mo kahusay natukoy ang pangalan ng mga kasalukuyang Apostol, tingnan ang pahina na naglalaman ng mga retrato at pangalan ng mga General Authority sa pinakahuling edisyon ng kumperensya sa magasin na Ensign o Liahona o maghanap sa LDS.org.)
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 1:9–26 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: