Unit 14: Day 2
Juan 8
Pambungad
Habang nasa Jerusalem ang Tagapagligtas para sa Pista ng mga Tabernakulo, dinala sa Kanya ng ilang mga eskriba at mga Fariseo ang isang babaeng nagkasala ng pakikiapid o pangangalunya, at itinanong nila kung siya ba ay dapat batuhin, na ayon sa batas ni Moises. Natigilan ang mga nagparatang dahil sa sinabi Niya at kinaawaan Niya ang babae. Ipinahayag din ni Jesus na ang Ama ay nagpapatotoo sa Kanya, at nagturo Siya tungkol sa kalayaan mula sa kasalanan. Nang ipahayag ni Jesucristo na Siya ang dakilang Jehova, tinangka Siyang batuhin ng mga Fariseo.
Juan 8:1–11
Ang babaeng nahuli sa pangangalunya ay dinala sa Tagapagligtas
Nais ng mga eskriba at mga Fariseo na siraan si Jesus sa harap ng mga tao at magkaroon ng dahilan para maakusahan Siya dahil nais nilang hulihin at patayin Siya (tingnan sa Juan 7:1, 32.)
Basahin ang Juan 8:2–5, na inaalam ang ginawa ng mga eskriba at mga Fariseo habang nagtuturo si Jesus sa templo sa Jerusalem.
Ayon sa Juan 8:6, bakit dinala ng mga eskriba at mga Fariseo kay Jesus ang babaeng nangalunya?
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano magagamit ng mga eskriba at mga Fariseo ang kaganapang ito upang akusahan si Jesus:
“Noong panahon ni Jesus … hindi na pinarurusahan ng kamatayan ang mga nangangalunya. Katunayan, walang parusang kamatayan ang ipinapataw nang walang pahintulot at pagsang-ayon ng mga pinunong Romano, at hindi kamatayan ang parusa ng batas ng Roma sa kaso ng pangangalunya.
“Sa pagdala ng nangalunyang babaeng ito kay Jesus, binibitag ng mga eskriba at mga Fariseo ang Panginoon: (1) Kung sumang-ayon siya sa batas ni Moises na dapat siyang batuhin, pareho niyang (a) gagalitin ang mga tao sa tila pagsuporta niya sa pagpaairal muli ng isang parusa na hindi na suportado ng maraming tao, at (b) kakalabanin ang umiiral na batas sa pagmumungkahing gawin ang ipinagbawal ng Roma. (2) Kung siya naman ay hindi sumang-ayon sa batas ni Moises at pinahintulutan ang ang anumang parusa na mas mababa sa pagbato hanggang mamatay, maaakusahan siya ng hindi pagsunod sa batas, at pagpapakita ng kawalang-paggalang at paglihis mula sa mga banal na kaugalian ng nakaraan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:450–51).
Sa halip na sagutin sila, ang Tagapagligtas ay “yumuko …, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa” (Juan 8:6).
Basahin ang Juan 8:7–8, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa mga eskriba at mga Fariseo.
Ano sa palagay mo ang naisip o nadama ng mga eskriba at mga Fariseo nang marinig nila ang sagot ni Jesus?
Matapos marinig ang sagot ng Tagapagligtas, ang mga nag-akusa sa babae ay nakaramdam ng pagsisisi at umalis nang hindi pinarurusahan ang babae (tingnan sa Juan 8:9).
Ano sa palagay mo ang maaaring naramdaman ng babaeng ito nang ibunyag kay Jesus at sa maraming tao ang kanyang kasalanan? Basahin ang Juan 8:10–11, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas sa babae matapos lumisan ang lahat ng tao.
Idinagdag ng Joseph Smith Translation sa Juan 8:11 ang sumusunod: “At pinuri ng babaeng ito ang Diyos simula noon, at naniwala sa kanyang pangalan” (Joseph Smith Translation, John 8:11).
Hindi pinalampas ng Tagapagligtas ang kasalanan ng babae ngunit itinuro sa kanya na “mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11). Nalaman natin mula sa talata 11 ang sumusunod na katotohanan: Kinaaawaan tayo ng Tagapagligtas sa pagbibigay sa atin ng mga pagkakataon na magsisi. Isipin kung paano nadaragdagan ng talang ito ang pananalig mo na si Jesucristo ay maawain at mabuti at nagnanais na patawarin ang mga tunay na nagsisisi.
Juan 8:12–30
Itinuro ni Jesus na ang Kanyang Ama ay nagpapatotoo sa Kanya
Isipin ang isang palamuti. Pagkatapos ay ipikit ang iyong mga mata, at subukang idrowing sa isang papel ang isang simpleng larawan ng palamuti nang hindi tumitingin sa papel.
Paano maihahambing ang iyong drowing sa kung ano ang naiisip mo?
Maliban sa pagdodrowing, ano pang bagay ang magagawa mo nang mas maayos kung nakikita mo ang iyong ginagawa?
Sa Pista ng mga Tabernakulo, apat na malalaking ginintuang kandelabra (tinatawag ding mga menorah) ang nagbibigay-liwanag sa templo sa mga sayawan o iba pang piging na ginaganap hanggang gabi o madaling araw. Hindi lamang nagbibigay-liwanag sa mga pagdiriwang ang mga ginintuang kandelabrang ito, ngunit sumisimbolo rin ang mga ito na magiging liwanag ang Israel sa mga naglalakad sa kadiliman.
Basahin ang Juan 8:12, na inaalam ang ipinahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang sarili habang nagtuturo Siya sa templo malapit sa kinatatayuan ng mga kandelabra. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Natutuhan natin sa talatang ito na si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan.
Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin mula sa natutuhan natin sa mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 8:12: Kung susundin natin ang Tagapagligtas, tayo ay
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano ka natutulungan ng Tagapagligtas na makaiwas na maglakad sa espirituwal na kadiliman?
Maraming mga propesiya sa Lumang Tipan ang nagsasabing ang Mesiyas ay magiging liwanag sa lahat ng bansa (halimbawa, tingnan sa Isaias 49:6; 60:1–3). Sa gayon, sa paghahayag sa Kanyang sarili na Siya ang Ilaw ng Sanlibutan, ipinahahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas.
Binatikos ng mga Fariseo si Jesus sa pagpapatotoo sa Kanyang Sarili (tingnan sa Juan 8:13). Ipinahayag ni Jesus na nagpapatotoo Siya at ang Kanyang Ama na ang Tagapagligtas ay ang Anak ng Diyos (tingnan sa Juan 8:14–18).
Basahin ang Juan 8:19, na inaalam ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaalaman ng mga Fariseo tungkol sa Ama sa Langit.
Mula sa talata 19, natutuhan natin ang sumusunod na alituntunin: Sa pag-aaral natin ng tungkol kay Jesucristo, makikila natin ang Ama.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin makikilala ang ating Ama sa Langit habang nag-aaral tayo ng tungkol sa Kanyang Anak na si Jesucristo:
“Sa lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinakikita Niya sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa sinikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit. …
“Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na ‘maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan’ [Lectures on Faith (1985), 42]” (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 70, 72).
Nabasa natin sa Juan 8:21–30 na nagbabala ang Tagapagligtas sa mga Fariseo na kung hindi sila maniniwala sa Kanya, mamamatay sila sa kanilang mga kasalanan. Itinuro rin Niya na hindi Siya makagagawa ng anuman sa Kanyang Sarili; ginagawa lang Niya ang itinuturo sa Kanya ng Ama na gawin.
Juan 8:31–36
Nagturo si Jesus tungkol sa kalayaan mula sa kasalanan
Naranasan mo na bang hindi gaanong makagalaw dahil nakatali ka o kaya ay hindi makalabas sa isang maliit na espasyo? Ano ang naramdaman mo? Sa pag-aaral mo ng bahaging ito ng lesson, alamin ang naglilimita sa iyong espirituwalidad at nagdudulot ng espirituwal na kalayaan.
Basahin ang Juan 8:31–32, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na kailangan natin upang maging malaya. Pagkatapos, batay sa napag-aralan mo, punan ang bawat patlang sa sumusunod na diagram:
Itinala ni Elder Bruce R. McConkie ang ilan sa mga kalayaan na matatamasa natin kung magpapatuloy tayo sa salita ni Cristo, maging mga disipulo Niya, at malaman ang katotohanan: “Malaya sa sumpang hatid ng maling doktrina; malaya sa pagkaalipin ng hilig ng laman at kahalayan; malaya sa mga gapos ng kasalanan; malaya sa anumang masamang impluwensya at sa bawat puwersang pumipigil at humahadlang; malayang magtamasa ng walang katapusang kalayaan na mararanasan lamang ng mga dinakilang nilikha” (Doctrinal New Testament Commentary, 1:456--57).
Basahin ang Juan 8:33, na inaalam ang pinaniniwalaan ng mga Judio na magpapalaya sa kanila.
Mali ang paniniwala ng mga Judio na magkakaroon sila ng espirituwal na kalayaan dahil lamang sa mga inapo sila ni Abraham at mga tagapagmana ng tipang Abraham. Basahin ang Juan 8:34–36, na inaalam kung saan dapat maging malaya ang mga tao ayon kay Jesus.
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na kung nagkasala tayo at hindi nagsisi, nagiging mga alipin tayo ng kasalanan. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging “alipin ng kasalanan” (Juan 8:34)? The word translated as servant here may also be translated as slave.
Pag-aralan ang sumusunod na diagram:
Ang ilan sa mga tao ngayon ay nalilito, iniisip na nalilimitahan sila ng mga salita ni Cristo, habang ginagawa silang malaya ng makamundong pamumuhay. Itinuro Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paanong ang kabaligtaran nito ang totoo:
“Ang pagpapatangay sa mga tukso [ni Satanas] ay humahantong sa pakaunti nang pakaunting pagpipilian hanggang wala nang matira at humahantong din sa mga adiksyon na iniiwan tayong walang lakas para mapaglabanan ito. …
“… Itinuturing ng mundo … na isang ‘pagkaalipin’ ang pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Diyos (Alma 30:24, 27). Kaya paano tayo ginagawang malaya ng pagsunod at katotohanan? Madali tayong makakaisip ng ilang praktikal na paraan kung saan nabibigyan tayo ng katotohanan ng kakayahang gawin ang mga bagay na marahil ay hindi natin magagawa o makaiwas sa mga kapahamakang maaaring magpahirap sa atin. …
“… May nag-aalinlangan pa ba, dahil taglay ang lahat ng liwanag at katotohanan, na nasa Diyos ang lubos na kalayaang gumawa at kumilos?
“Kapag lumalawak ang ating pang-unawa sa mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, ang ating kalayaang pumili ay lumalawak din. Una, mas marami tayong pagpipilian at makatatanggap tayo ng mas maraming pagpapala dahil mas marami tayong mga batas na masusunod. Isipin ang isang hagdan—bawat bagong batas o utos na natututuhan natin ay isa pang baitang sa hagdan na tutulong sa atin na mas makaakyat sa mataas. Pangalawa, dahil nadagdagan ang pagkaunawa natin, tayo ay makagagawa ng mas maraming matatalinong pagpili dahil hindi lang natin mas malinaw na nakikita ang mga alternatibo pati na rin ang mga maaaring kalabasan nito” (“Moral Agency,” Ensign Hunyo 2009, 49–51).
-
Tingnan sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan ang mga halimbawa kung paano nagdudulot ng kalayaan ang pagsunod sa mga utos at mga pamantayan at kung paano nagdudulot ng pagkaalipin ang hindi pagsunod. Pumili ng isang pamantayan mula sa buklet, at kopyahin at sagutan ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal:
Pamantayan mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan:
Sa paanong paraan makapagbibigay ng kalayaan ang pagsasabuhay sa pamantayang ito?
Sa paanong paraan humahantong sa pagkaalipin ang di-pagsasabuhay sa pamantayang ito?
-
Anong mga ipinangakong kalayaan na nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan ang personal mong naranasan dahil sa pagsunod sa mga kautusan at mga pamantayan? Sa iyong scripture study journal, magtala ng kahit isang partikular na paraan na pagsisikapan mo upang maging malaya sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga turo ng Tagapagligtas.
Juan 8:37–59
Pinatotohanan ni Jesus ang Kanyang pagiging Diyos
Isipin ang isang kilala mo na halos katulad o kahawig ng kanyang ama. Isipin ang isang kilala mo na ibang-iba sa kanyang ama.
Nakatala sa Juan 8:37–50 na sinabi ni Jesucristo sa mga di-naniniwalang Judio na habang sinasabi Niya ang salita ng Kanyang Ama, sila naman ay ginagawa ang gawain ng kanilang ama. Bilang pagtatangol sa kanilang sarili, sinabi nilang si Abraham ang kanilang ama. Pagkatapos ay itinuro ng Tagapagligtas na ang mga anak ni Abraham ay “gagawin … ang mga gawa ni Abraham” (tingnan sa Juan 8:39) at hindi hahangaring patayin ang isang taong nagtuturo ng katotohanan. Sinabi ni Jesus sa mga Judio (mga Fariseo) na ang kanilang ama ay ang diyablo. Ipinaliwanag Niya na ang mga tumatanggap sa salita ng Diyos ay sa Diyos. Galit na sinabi ng mga di-naniniwalang Judio na si Jesus ay isang Samaritano (na pinaniniwalaan ng mga Judio na pinakamababa sa lahat ng tao) at sinapian ng isang diyablo.
Basahin ang Juan 8:51–53, na inaalam ang itinanong ng mga Judiong ito sa Tagapagligtas.
Basahin ang Juan 8:56–58, na inaalam ang tugon ni Jesus sa mga Fariseo Also read John 8:58, footnote b, looking for the meaning of the term “I AM.” (Paalala: Ang katawagang “Ako nga” sa Juan 8:58 ay kapareho sa pangalang ginamit ng Diyos para sa Kanyang sarili sa panahon ng Lumang Tipan [tingnan sa Exodo 3:14]. Ibig sabihin ng “AKO NGA” ay Jehova.
Ang mga katagang “AKO NGA” ay mahalaga dahil tinutukoy nito si Jehova, ang kinikilala ng mga Judio na pangalan ng Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob sa panahon ng Lumang Tipan. Sa pagtawag sa Kanyang sarili na “Ako nga,” ipinahayag ni Jesus na Siya ang Diyos ng Lumang Tipan. Maaari mong isulat ang sumusunod na doktrina sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 8:58: Si Jesus ay si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan.
Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman natin na si Jesucristo ay si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan?
Basahin ang Juan 8:59, na inaalam ang reaksyon ng mga Judiong ito sa pagpapahayag ng Tagapagligtas na Siya si Jehova.
Dumampot ng mga bato ang mga Judio sa layuning patayin si Jesus, na naniniwalang nakagawa Siya ng kalapastanganan sa pagtukoy sa Kanyang sarili bilang si Jehova.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: