Library
Unit 14, Day 4: Juan 10


Unit 14: Day 4

Juan 10

Pambungad

Itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastor (o Pastol) at ibibigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa. Inakusahan Siya ng ilang tao ng kalapastanganan dahil ipinahayag Niya na Siya ang Anak ng Diyos.

Juan 10:1–24

Itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol at ibibigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tao

Kung nakapiring ang iyong mga mata at sinabi sa iyo na tukuyin ang mga kapamilya mo o ang ilan sa malalapit na kaibigan mo sa pamamagitan ng pagdama sa kanilang mukha, magagawa mo kaya ito? Kung ang nanay mo ang nakapiring, sa palagay mo ba ay matutukoy niya ang mga anak niya sa pamamagitan lamang ng pagdama sa kanilang mukha?

Isang pastol sa Gitnang Silang ang tinanong kung gaano niya kakilala ang kanyang mga tupa. Sumagot siya ng, “Kung pipiringan mo ang aking mga mata, at dadalhin sa akin ang kahit anong tupa, at ipapahawak sa aking mga kamay kahit ang mukha lang nito, masasabi ko sa iyo agad kung sa akin ito o hindi” (binanggit sa G. M. Mackie, Bible Manners and Customs [n.d.], 35).

Kung isa kang pastol, ano sa palagay mo ang kailangan mong gawin upang makilala mo rin nang ganito ang iyong mga tupa?

  1. journal iconBasahin ang Juan 10:14, at alamin kung bakit tinawag ni Jesus ang Kanyang sarili na Mabuting Pastor (o Pastol). Isulat ang sumusunod na pahayag sa iyong scripture study journal: Si Jesucristo ang Mabuting Pastol. Sa pag-aaral mo ng Juan 10, alamin ang mga katotohanang nagtuturo sa atin kung paano naging Mabuting Pastol natin ang Tagapagligtas. Isulat ang mga katotohanang ito sa iyong scripture study journal.

Alam ng mga nakinig sa mga turo ni Jesus na nakatala sa Juan 10 ang tungkol sa mga tupa, pastol, at mga kulungan ng tupa. Noong panahon ng Tagapagligtas, ginagabayan ng mga pastol ang kanilang mga kawan patungo sa pagkain, tubig, at tirahan sa buong maghapon. Sa gabi, iniipon ng ilang pastol ang kanilang mga kawan sa iisang kulungan. Ang kulungan ay isang kuweba o bakod na pinalilibutan ng mga pader na bato na may matutulis na tinik sa ibabaw nito para mapigilan sa pagpasok ang mababangis na hayop at mga magnanakaw.

kulungan ng mga tupa

Basahin ang Juan 10:1–5, na inaalam ang ginagawa ng isang mabuting pastol. Isulat ang nalaman mo sa ilalim ng pahayag na “Si Jesucristo ang Mabuting Pastol” sa iyong scripture study journal.

Inilalarawan ng Juan 10:3 kung paano pumapasok ang bawat pastol sa pintuan at tinatawag ang kanyang mga tupa sa pangalan. Ang mga tupa lamang sa kanyang kawan ang susunod sa kanya palabas ng kulungan, at mananatili ang ibang mga tupa.

Bakit ang mga tupa ay sumusunod lamang sa kanilang pastol?

Pansinin sa mga talata 1 at 5 ang itinawag ng Tagapagligtas sa mga sumusubok na pumasok sa kulungan ngunit hindi sa pintuan nito?

Maaaring makatulong na malaman na kasama sa grupo ng mga taong kinakausap ni Jesus ang mga Fariseo (tingnan sa Juan 9:40). Sa paanong paraan nakakatulad ng mga magnanakaw, kawatan, at estranghero ang karamihan sa mga Fariseo?

Nalaman natin sa Juan 10:6 na hindi maunawaan ng mga Fariseo ang itinuturo ni Jesus. Basahin ang Juan 10:7–10, na inaalam kung paano nagsimulang ipaliwanag ng Tagapagligtas ang simbolismo ng kulungan.

Pansinin na nilinaw ng Joseph Smith Translation ang sinabi ni Jesus sa mga talata 7 at 8:

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa.

“Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito na hindi nagpatotoo sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa’t hindi sila dininig ng mga tupa” (Joseph Smith Translation, John 10:7–8).

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sinabi Niyang, “Ako ang pintuan” sa mga talata 7 at 9?

“Ang mga pastol sa Israel ay tumatayo sa pasukan ng kulungan ng mga tupa at sinusuri ang bawat tupa na pumapasok, ginagamot ang mga sugat kung kinakailangan. Pagkatapos na matipon ang mga tupa sa kulungan sa gabi, hihiga sa pasukan ang pastol upang matulog, nakaharang upang hindi mapasok ng iba pang mga hayop o mga magnanakaw ang mga tupa ” (New Testament Student Manual [Manwal ng Church Educational System, 2014], 231–32).

Paano natutulad ang mga ginagawa ng mga pastol na ito sa ginagawa ng Tagapagligtas para sa atin?

Sa palagay mo, paano ibinibigay ng Tagapagligtas ang “kasaganaan” ng buhay (Juan 10:10) sa mga sumusunod sa Kanya?

Basahin ang Juan 10:11–15, na inaalam ang iba pang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng mabubuting pastol. (Ang nagpapaupa ay isang tao na ang pangunahing layunin sa pagtatrabaho ay mabayaran lamang para dito.) Isulat ang nalaman mo tungkol sa mga mabubuting pastol sa ilalim ng pahayag na “Si Jesucristo ang Mabuting Pastol” sa iyong scripture study journal.

Pansinin sa Juan 10:11, 13, 15 ang handang gawin ng mabuting pastol na hindi gagawin ng isang nagpapaupa.

Itinuturo sa atin ng Juan 10:11–15 na bilang Mabuting Pastol, kilala ni Jesucristo ang bawat isa sa atin at inialay ang Kanyang buhay para sa atin. Isulat ang alituntuning ito sa ilalim ng pahayag na “Si Jesucristo ang Mabuting Pastol” sa iyong scripture study journal.

  1. journal iconAlalahanin ang sinabi ng pastol sa Gitnang Silangan tungkol sa kung gaano niya kakilala ang kanyang mga tupa, at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa isang bagong pahina sa iyong scripture study journal:

    1. Gaano ka kaya kakilala ng Tagapagligtas? Sa palagay mo, bakit mahalagang maunawaan ito?

    2. Paano kaya maaapektuhan ang iyong pamumuhay sa bawat araw dahil nalaman mo na kilala ka ng Tagapagligtas at handa Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa iyo?

Matapos ituro na iaalay Niya ang Kanyang buhay para sa atin, sinabi ng Tagapagligtas ang isa pang gagawin Niya. Basahin ang Juan 10:16, na inaalam ang sinabi pa ng Tagapagligtas na gagawin Niya para sa Kanyang mga tupa (ibig sabihin ay ang Kanyang mga tao).

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Judio sa Jerusalem sa Juan 10:16 na pupuntahan Niya ang mga anak ng Ama sa Langit sa ibang mga lupain, ituturo sa kanila ang Kanyang ebanghelyo, at isasama sila sa Kanyang kawan (ang Kanyang Simbahan). Nagbigay ang Aklat ni Mormon ng karagdagang kaalaman tungkol sa talatang ito. Basahin ang 3 Nephi 15:14–24, at maaari mong isulat ang reference na ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 10:16. Maaari mo ring isulat ang cross-reference na Juan 10:16 sa tabi ng 3 Nephi 15:14–24.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano makatutulong sa atin ang mga talatang ito sa Aklat ni Mormon upang mas maunawaan ang Juan 10:16?

Basahin ang Juan 10:17–18, na inaalam ang doktrinang malalaman natin tungkol sa Tagapagligtas.

Tapusin ang mga sumusunod na kataga upang matukoy ang doktrinang ito: Bilang literal na Anak ng Diyos, may kapangyarihan si Jesucristo na . Maaari mong markahan ang mga salitang nagtuturo ng doktrinang ito sa mga talatang ito.

Mula sa Kanyang ina, si Maria, isang mortal na babae, namana ni Jesus ang mortalidad, kasama na ang katangiang mamatay. Mula kay Elohim, ang Kanyang banal na Ama, minana Niya ang imortalidad at ang kapangyarihang mabuhay magpakailanman. Sa gayon, minana Niya ang katangiang mamatay at kakayahang mabuhay muli. Mahalaga ito upang magawa ni Jesus ang Pagbabayad-sala.

Nalaman natin sa Juan 10:19–24 na matapos ituro ng Tagapagligtas ang mga bagay na ito, nagkaiba-iba ang mga opinyon ng mga tao tungkol kay Jesus. Kinausap nila si Jesus sa templo at pinilit Siyang ihayag ang Kanyang tunay na pagkatao bilang ang Cristo, o Mesiyas.

Juan 10:25–42

Ipinahayag ni Jesus na Siya ang Anak ng Diyos

Isipin ang ilang mga taong nakakasalamuha mo bawat araw, at subukang alalahanin ang tunog ng kanilang mga boses. Bakit mas madali para sa iyo na makilala ang ilang boses kaysa sa iba?

Basahin ang Juan 10:25–27, na inaalam kung ano ang isinagot ng Tagapagligtas sa hiling ng mga tao na sabihin sa kanila kung Siya ang Cristo. Maaari mong markahan kung paano malalaman kung ang isang tao ay isa sa mga tupa ng Tagapagligtas.

Tulad ng nakatala sa Juan 10:28–30, nagsalita si Jesus tungkol sa Kanyang Ama at nagpatotoong “Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

Pangulong Joseph F. Smith

Ibinigay ni Pangulong Joseph F. Smith ang sumusunod na paliwanag kung paano Sila iisa: “Si Jesus at ang kanyang Ama … ay isa lamang sa kaalaman, sa katotohanan, sa karunungan, sa pang-unawa, at sa layunin; tulad ng paghikayat ng Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo na maging isa sa kanya, at maging kaisa niya, upang siya ay maging kaisa nila. Sa ganitong kahulugan ko nauunawaan ang salitang ito, at hindi sa interpretasyon ng ilang tao na si Cristo at ang kanyang Ama ay isang katauhan. Ipinahahayag ko sa inyo na sila ay hindi isang katauhan, ngunit sila ay dalawang katauhan, dalawang katawan, magkahiwalay at magkabukod, at natatangi na gaya ng sinumang ama at anak” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 424–425).

Basahin ang Juan 10:28–30, na inaalam ang pagpapalang ibibigay sa mga duminig ng tinig ng Tagapagligtas at sumunod sa Kanya.

Itinuturo sa atin ng mga talatang ito na kapag nakilala natin ang boses ng Mabuting Pastol at sumunod sa Kanya, gagabayan Niya tayo patungo sa buhay na walang hanggan. Isulat ang alituntuning ito sa iyong scripture study journal sa ilalim ng “Si Jesucristo ang Mabuting Pastol.” Maaari mo ring isulat o itala ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 10:27–28.

Basahin ang mga sumusunod na kataga, na inaalam kung paano nakatutulong ang mga ito na maunawaan mo ang alituntuning ito: Enos 1:4–8; Doktrina at mga Tipan 1:38; 8:2–3; 18:34–36.

pastol na gumagabay sa mga tupa

Pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang mga nagawa mo upang mas makilala ang tinig ng Tagapagligtas?

  • Ano ang magagawa mo upang mas makilala ang tinig ng Tagapagligtas?

  • Ano ang naramdaman mong dapat mong gawin sa iyong buhay upang mas masunod ang Tagapagligtas?

Sa isang hiwalay na papel, isulat ang (1) isang mithiing mas makinig sa tinig ng Tagapagligtas at mga paraan kung paano mo magagawa ito, o (2) isang mithiing mas sundin ang Kanyang tinig at kung paano mo magagawa ito. Ilagay ang mithiin mo sa isang lugar na makikita mo ito at magpapaalala sa iyo na gawin ito.

Nakatala sa Juan 10:31–42 na matapos magpatotoo ang Tagapagligtas sa ugnayan Niya at ng Ama, hinangad ng mga Fariseo na batuhin Siya dahil sa kalapastanganan. Gayunman, sinagot ng Tagapagligtas ang kanilang paratang sa pagbanggit sa Mga Awit 82:6, na mababasa nang ganito, “Aking sinabi, Kayo’y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan” (tingnan sa Juan 10:34). Pagkatapos ay tinanong ng Tagapagligtas ang mga Judio kung bakit nila pinaratangan Siya ng panlalapastangan nang sabihin Niyang Siya ang Anak ng Diyos, gayong sinasabi ng mga banal na kasulatan na tayo ay mga anak ng Diyos at maaaring maging mga diyos din. Sinabi Niya sa kanila na maniwala sa Kanya at sa Kanyang mga gawa, na nagpapatotoo sa Kanya at sa Ama na nagpadala sa Kanya.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Juan 10 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: