Unit 16: Day 1
Juan 16
Pambungad
Pagkatapos kumain ng pagkain ng Paskua, nagpatuloy si Jesucristo sa pagtuturo sa Kanyang mga disipulo. Sinabi Niya na malapit na Siyang pumunta sa Kanyang Ama at na darating ang Espiritu Santo, o ang Mang-aaliw, at gagabayan sila sa katotohanan. Ipinropesiya ni Jesus ang Kanyang sariling kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at ipinahayag na nadaig Niya ang sanglibutan.
Juan 16:1–15
Itinuro ni Jesucristo ang gawain ng Espiritu Santo
Kunwari ay naglalakbay ka sa unang pagkakataon sa isang maganda ngunit mapanganib na daan. Gabay mo ang malapit mong kaibigan na may karanasan sa paglalakbay. Nang nakarating ka sa isang masalimuot na lugar sa paglalakbay mo, lumingon ka at natuklasang wala na ang kaibigan mo at ikaw ay nag-iisa at naliligaw. Ano kaya ang ipag-aalala at madarama mo kapag nasa gayong sitwasyon ka?
Nakaranas ka na ba ng mga gayong alalahanin at damdamin sa mahihirap at malulungkot na panahon sa iyong buhay? Sa pag-aaral mo ng Juan 16, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyong malaman kung paano hahanapin ang gabay at kapayapaan kapag kailangan mo ito.
Matapos makasama nang halos tatlong taon ang Kanyang mga disipulo, sinabi ni Jesucristo sa kanila na kailangan Siyang lumisan (tingnan sa Juan 14:28). Nalaman natin sa Juan 16:1–4 na matapos kumain si Jesus ng pagkain ng Paskua kasama ang Kanyang mga disipulo, sinabi Niyang darating ang oras na mapopoot sa kanila ang mga tao at maniniwala ang mga ito na isang paglilingkod sa Diyos ang pagpatay sa kanila.
Basahin ang Juan 16:5–6, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo at ang nadama nila tungkol dito.
Basahin ang Juan 16:7, na inaalam kung sino ang ipinangako ni Jesus na ipadadala kapag wala na Siya.
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hangga’t kasama ng mga disipulo si Jesus, hindi nila kailangan ang palagiang paggabay ng Espiritu na kakailanganin nila matapos lumisan ni Jesus” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:753).
Ipinaliwanag ni Jesus sa Juan 16:8–12 na isa sa mga gawain ng Espiritu Santo ay “sumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan” nito (Juan 16:8). Basahin ang Juan 16:13, na inaalam ang iba pang mga gagawin ng Mang-aaliw sa buhay ng mga disipulo matapos silang iwanan ni Jesus.
Sa kanyang komentaryo sa Juan 16:9–11, ipinaliwanag ni Elder McConkie: “Ito ay mga talatang mahirap maunawaan na ipinarating sa atin sa isang pinaikling anyo at nahirapan tayong maunawaan. Tila ang ibig sabihin nito ay: ‘Kapag natanggap mo ang patnubay ng Espiritu, na nasasabi mo ang mga inihahayag niya sa iyo, kung gayon ang mga turo mo ay hahatulan ang mundo na nagkasala, at sa katuwiran, at sa kahatulan. Ang mundo ay mahahatulang nagkasala sa hindi pagtanggap sa akin, sa hindi paniniwala sa iyong patotoong may inspirasyon ng Espiritu na ako ang Anak ng Diyos na pinagmumulan ng kaligtasan. Sila ay hahatulan na nagkasala sa hindi pagtanggap sa iyong patotoo sa aking kabutihan—na ipinapalagay na isa akong lapastangan, manlilinlang, at huwad—ngunit ang katotohanan ay nagtungo ako sa aking Ama, isang bagay na hindi ko magagawa maliban kung ang aking mga gawain ay totoo at lubusang mabuti. Mahahatulan sila na nagkasala ng maling pagpili na hindi tanggapin ang iyong patotoo laban sa mga relihiyon ng panahon, at sa halip ay piniling sumunod kay Satanas, ang prinsipe ng daigdig na ito, na siya mismo, kasama ang kanyang mga pilosopiyang panrelihiyon, ay hahatulan at mapapatunayang lumabag sa ilang pamantayan.’” (Doctrinal New Testament Commentary, 1:754).
Paano makikinabang ang mga disipulo mula sa patnubay at kaalaman na ibibigay ng Espiritu Santo?
Anong katotohanan tungkol sa Espiritu Santo ang malalaman natin mula sa Juan 16:13?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang paraan na papatnubayan tayo ng Espiritu Santo sa katotohanan?
-
Sa anong mga paraan maaaring maipahayag sa atin ng Espiritu Santo ang mga bagay na darating?
-
Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makapagbibigay ang Diyos ng katiyakan, pag-asa, pananaw, mga babala, at patnubay para sa ating hinaharap.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, na inaalam kung paano mo maaanyayahan ang Espiritu Santo na patnubayan ka sa iyong buhay: “Paano natin tinatanggap ang Banal na Espiritu bilang patnubay? Dapat tayong magsisi sa ating mga kasalanan linggu-linggo at magpanibago ng ating mga tipan sa pamamagitan ng pakikibahagi ng sakramento nang may malinis na mga kamay at dalisay na puso, tulad ng ipinagagawa sa atin (tingnan sa D at T 59:8–9, 12). Sa ganitong paraan lang natin matatamo ang banal na pangako na ‘sa tuwina ay mapasa[atin] ang Kanyang Espiritu’ (D at T 20:77). Ang Espiritung iyon ay ang Espiritu Santo, na ang misyon ay turuan tayo, akayin tayo sa katotohanan, at magpapatotoo sa Ama at sa Anak (tingnan sa Juan 14:26; Juan 15:26; Juan 16:13; 3 Nephi 11:32, 36)” (“Huwag Palinlang,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 46).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan mo nadama na ginabayan ka ng Espiritu Santo sa katotohanan o ipinakita sa iyo ang mga bagay na darating?
-
Paano mo nalaman na ang Espiritu Santo ang gumagabay sa iyo?
-
Isipin ang mga pagpiling gagawin mo upang maanyayahan ang Espiritu Santo na maging gabay mo. Pagsikapang mamuhay sa paraang maaanyayahan mo Siyang mapatnubayan ka sa iyong buhay.
Itinuro ni Jesus sa Juan 16:13 na ang Espiritu Santo ay “hindi magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain.” Basahin ang Juan 16:14–15, na inaalam kung kaninong mga mensahe ang sasabihin sa atin ng Espiritu Santo.
Mula sa mga nalaman mo sa mga talatang ito, kumpletuhin ang sumusunod na doktrina: Inihahayag ng Espiritu Santo ang mga katotohanan at mga tagubilin na nagmumula sa .
Bakit nakatutulong na malaman na kapag nangungusap sa atin ang Espiritu Santo, Siya ay nangungusap para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
“Ang pakikipagugnayan niya [Espiritu Santo] sa inyong espiritu ay may hatid na higit na katiyakan kaysa anumang pakikipag-ugnayang matatanggap ng inyong likas na mga pandamdam” (Tapat sa Pananampalataya [2004], 26). Ang ibig sabihin nito ay ang Espiritu Santo ang iyong pinakamahalagang gabay sa pag-aaral ng katotohanan. Ang Kanyang impluwensya ay mas mahalaga kaysa sa pisikal na ebidensya, mga opinyon ng ibang tao, o pangangatwiran ng mundo. Kailangang matutuhan ng mga disipulo ng Tagapagligtas na magtiwala sa Espiritu Santo na papatnubay sa kanila sa pisikal na pagkawala ng Panginoon, tulad ng pangangailangan nating magtiwala sa Espiritu Santo ngayon.
Juan 16:16–33
Tinalakay ng Tagapagligtas ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at sinabing nadaig Niya ang sanglibutan
Isipin ang isang pagkakataon na kailangan mong magpaalam sa isang kaibigan o kapamilya dahil mawawala ka nang matagal o di-tiyak na panahon. Ano ang sinabi mo upang mapanatag ang isa’t isa noong magpaalam ka?
Basahin ang Juan 16:16, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa mga disipulo na maaaring nagpanatag sa kanila habang iniisip nila na lilisan Siya.
Nabasa natin sa Juan 16:17–19 na hindi naunawaan ng mga disipulo ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niya na lilisan na Siya ngunit muli nila Siyang makikita.
Basahin ang Juan 16:20–22, na inaalam ang sinabi ng Panginoon na madarama ng Kanyang mga disipulo kapag umalis Siya at ang madarama nila kapag muli nila Siyang makita. Maaaring makatulong na malaman na ang mga katagang ang “babae pagka nanganganak ay nalulumbay” sa talata 21 ay tumutukoy sa isang babaeng dumaranas ng paghihirap bago maipanganak ang kanyang sanggol.
Ayon sa talatang ito, ano ang mararamdaman ng mga disipulo kapag wala na si Jesus? Ano ang ipinangako Niyang mararamdaman nila kapag muli nilang nakita Siya?
Alam ni Jesus na muli Siyang makikita ng mga disipulo pagkatapos Niyang mabuhay na muli. Bagama’t labis ang kanilang kalungkutan sa pagkamatay Niya, ang kagalakang madarama nila sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay magiging walang hanggan.
Nabasa natin sa Juan 16:23–32 na itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na direktang manalangin sa Ama sa Langit sa Kanyang pangalan (pangalan ni Cristo) (tingnan sa Juan 16:23) at tiniyak sa kanila ang pagmamahal ng Ama sa kanila at sa Kanya. Tiniyak Niya muli na ang kanilang mga panalangin, sa Ama sa Langit, ay sasagutin.
Basahin ang Juan 16:33, na inaalam ang mga salita at katagang ginamit ng Tagapagligtas upang panatagin ang Kanyang mga disipulo. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Bakit tayo magkakaroon ng kaligayahan at kapayapaan kahit narito tayo sa daigdig na puno ng pagdurusa, kasalanan, at kamatayan?
Nalaman natin mula sa Juan 16:33 na sapagkat nadaig ni Jesucristo ang sanglibutan, mapapalakas natin ang ating loob at magkakaroon ng kapayapaan. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng nadaig ni Jesucristo ang sanglibutan?
Bilang Bugtong na Anak ng Ama, namuhay si Jesucristo nang walang kasalanan, na dinaig ang lahat ng tukso ng mundo. Naranasan din Niya ang bawat uri ng sakit at paghihirap at nagbayad-sala para sa mga kasalanan ng mga anak ng Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay, Kanyang pagdurusa at kamatayan, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nadaig Niya ang lahat ng hahadlang sa atin na maging malinis, makahanap ng kapayapaan, at mamuhay muli kasama ang ating Ama sa Langit at ang mga mahal natin sa buhay.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa anong mga paraan makatutulong ang kaalaman na nadaig ni Jesucristo ang sanglibutan upang mapalakas mo ang iyong loob at magkaroon ng kapayapaan?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson, na inaalam kung bakit mapapalakas natin ang ating loob sa kabila ng mga pagsubok at suliranin ng mundong ito:
“Lakasan natin ang ating loob habang hinaharap natin ang mga hamon sa buhay. Bagama’t nabubuhay tayo ngayon sa mas lalong nagiging mapanganib na panahon, minamahal at pinapatnubayan tayo ng Panginoon. Palagi Siyang nariyan sa ating tabi kapag ginagawa natin ang tama. Tutulungan Niya tayo sa oras ng pangangailangan. … Ang buhay natin ay maaari ding maging puno ng kagalakan habang sinusunod natin ang mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo.
“Sinabi ng Panginoon, ‘Laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan’ [Juan 16:33]. Ang kaalamang ito ay dapat magdulot sa atin ng malaking kaligayahan. Siya ay nabuhay at Siya ay namatay para sa atin. Siya ang nagbayad ng ating mga kasalanan. Nawa’y tularan natin ang Kanyang halimbawa. Nawa’y ipakita natin ang ating malaking pasasalamat sa Kanya sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang sakripisyo at pamumuhay sa paraang magiging karapat-dapat tayo na makabalik at makasama Niya balang-araw” (“Patnubayan Nawa Kayo ng Diyos Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 110–11).
Pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong: Kailan nakatulong sa iyo ang kaalamang dinaig ni Jesucristo ang sanglibutan upang maging malakas ang loob mo at magkaroon ka ng kapayapaan?
Lakasan mo ang iyong loob at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag ginawa mo ito, makadarama ka ng kapayapaan at pag-asa dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: