Unit 16: Day 2
Juan 17
Pambungad
Bago nagdusa ang Tagapagligtas sa Getsemani, inialay Niya ang dakilang Panalangin ng Pamamagitan. Ipinagdasal Niya na makilala ng Kanyang mga disipulo at lahat ng sumusunod sa Kanya ang Ama sa Langit at matanggap nila ang buhay na walang hanggan, at ipinagdasal din Niya na maging isa sila sa Kanya at sa Kanyang Ama.
Juan 17:1–8
Nagdasal si Jesucristo sa Ama sa Langit
Mag-isip ng ilang sikat na tao. Dapat ay may alam ka tungkol sa mga taong ito.
Ngayon, isipin ang mga tao sa buhay mo na talagang kilalang-kilala mo.
Ano ang pagkakaiba ng may alam ka tungkol sa isang tao sa talagang kilalang-kilala mo siya? Sa sumusunod na espasyo, isulat ang ilang bagay na gagawin mo upang talagang makilala ang isang tao:
Itinuro ng Tagapagligtas na mahalagang makilala Siya at ang Ama sa Langit. Sa pag-aaral mo ng Juan 17, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na matahak ang landas na, pagkalipas ng panahon, aakay sa iyo hindi lamang para malaman ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kundi mas makilala rin Sila.
Pagkatapos ng Huling Hapunan, naglakad ang Tagapagligtas kasama ang Kanyang mga disipulo patungo sa Halamanan ng Getsemani. Bago nila marating ang halamanan, huminto si Jesus upang manalangin. Kilala ito bilang ang Panalangin ng Pamamagitan. Ang ibig sabihin ng salitang pumagitna ay makipag-usap sa isang tao para sa kapakanan ng iba. Sa pagkakataong ito, nakipag-usap si Jesucristo sa Ama sa Langit para sa kapakanan ng Kanyang mga disipulo, na nagsusumamo na makatanggap sila ng buhay na walang hanggan.
Basahin ang Juan 17:1–3, na inaalam kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang buhay na walang hanggan. (Ang Juan 17:3 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong markahan ang talatang ito sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Nalaman natin mula sa Juan 17:3 ang sumusunod na katotohanan: Upang matanggap ang buhay na walang hanggan, kailangan nating makilala ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang kaibahan ng talagang kilala mo ang Ama at ang Anak sa pagkakaroon lamang ng kaalaman tungkol sa Kanila?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, at markahan ang ibig sabihin ng makilala ang Ama at ang Anak: “Magkaiba ang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos at ang talagang makilala siya. May kaalaman tayo tungkol sa kanya kapag nalaman natin na siya ay isang tunay na nilalang at na nilalang ang tao ayon sa kanyang larawan; kapag nalaman natin na kawangis ng Ama ang Anak; kapag nalaman nating nagtataglay ng partikular na mga katangian at kapangyarihan ang Ama at ang Anak. Ngunit kilala natin sila, sa pagkaunawa tungkol sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan, kapag tinatamasa at nararanasan natin ang mga bagay na ginagawa nila. Ang makilala ang Diyos ay ang maisip ang mga naiisip niya, ang maramdaman ang mga nararamdaman niya, ang magkaroon ng kapangyarihang taglay niya, maunawaan ang mga katotohanang nauunawaan niya, at magawa ang mga ginagawa niya. Ang mga taong nakakakilala sa Diyos ay nagiging katulad niya, at magtatamo ng uri ng buhay na taglay niya, na siyang buhay na walang hanggan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 1:762).
Ang makilala ang Diyos at maging katulad Niya ay posible para sa atin kapag tinatanggap natin ang Espiritu Santo at nakikibahagi sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Gayunpaman, ito ay isang proseso na nagpapatuloy sa buong buhay na ito at kahit pagkatapos ng buhay na ito (tingnan sa Moroni 7:48; 10:32–33
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit hindi matatanggap ng isang tao ang buhay na walang hanggan kung hindi niya kilala ang Diyos Ama at si Jesucristo?
-
Ano ang ilang paraan upang makilala mo ang Ama at ang Anak?
-
Nalaman natin sa Juan 17:4–5 na sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama na natapos na Niya ang gawaing ibinigay Niya. Hiniling Niya sa Kanyang Ama na luwalhatiin Siya ng kaluwalhatiang tinamo Niya sa buhay bago ang buhay sa mundong ito.
Basahin ang Juan 17:6–8, na inaalam ang ginawa ng Kanyang mga disipulo upang makilala ang Tagapagligtas. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Scripture Mastery—Juan 17:3
-
Basahin nang malakas ang sumusunod na kopya ng scripture mastery passage Juan 17:3:
“Ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”
Pagkatapos, magbura ng kahit anong tatlong salita upang hindi mo na makita ang mga ito, at basahin muli nang malakas ang talata, kasama ang mga salitang binura mo. Ulitin ang pagbubura ng mga salita at pagbabasa nang malakas sa talata hanggang mabura ang lahat ng salita. Pagkatapos ay gawin ang lahat ng makakaya mo upang maisulat ang talata nang saulado sa iyong scripture study journal.
Juan 17:9–19
Ipinagdasal ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo
Basahin ang Juan 17:9, 11–18, na inaalam ang ipinagdasal ni Jesus para sa Kanyang mga disipulo.
Pansinin na binanggit ng Tagapagligtas na patuloy na maninirahan ang Kanyang mga disipulo sa isang mundong masama at napopoot sa kanila. Nalaman natin mula sa Juan 17:14–16 na bilang mga disipulo ni Jesucristo, nararapat na mamuhay tayo sa mundo ngunit hindi mamumuhay tulad ng mga nasa mundo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin ng mga banal na kasulatan mo.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mamuhay sa mundo ngunit hindi mamumuhay tulad ng mga nasa mundo?
Ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ay makatutulong sa iyong maunawaan kung paano mamuhay sa mundo ngunit hindi mamuhay tulad ng mga nasa mundo:
“Sa Simbahan, madalas nating binabanggit ang mga katagang: ‘Mamuhay sa mundo ngunit hindi mamumuhay tulad ng mga nasa mundo.’ …
“Marahil, dapat nating banggitin ang mga kataga … bilang dalawang magkahiwalay na utos. Una, ‘Mamuhay sa mundo.’ Makibahagi; magkaroon ng kabatiran. Sikaping maging maunawain at mapagparaya at pahalagahan ang pagkakaiba-iba. Gumawa ng mga makabuluhang ambag sa lipunan sa pamamagitan ng paglilingkod at pakikilahok. Pangalawa, ‘Hindi mamumuhay tulad ng mga nasa mundo.’ Huwag sumunod sa mga maling landas o magbago para lang makibagay o tanggapin ang hindi tama. …
“Kailangang mas mang-impluwensya ang mga miyembro ng Simbahan sa halip na maimpluwensyahan. Dapat tayong magsikap na pigilin ang paglaganap ng kasalanan at kasamaan sa halip na magpaanod na lamang dito. Kailangan ng bawat isa na tumulong sa paglutas sa problema sa halip na iwasan o pabayaan ito” (“The Effects of Television,” Ensign, Mayo 1989, 80).
Isiping mabuti kung bakit nais ng Panginoon na manatili tayo sa mundo bagama’t hindi tayo mamumuhay tulad ng mga nasa mundo.
-
Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paanong ang isang tao ay namumuhay sa mundo ngunit hindi namumuhay ng tulad ng mga nasa mundo sa bawat isa sa sumusunod na sitwasyon: sa paaralan, kasama ng mga kaibigan, at online. Pagkatapos ay magsulat ng isang paraan na mas masusunod mo ang Tagapagligtas sa pamumuhay sa mundo ngunit hindi namumuhay tulad ng mga nasa mundo.
Juan 17:20–26
Nanalangin ang Tagapagligtas para sa lahat ng taong tumanggap ng Kanyang ebanghelyo
Sa kabila ng ating pagsisikap, hindi tayo mananatiling lubos na malinis mula sa mga kasalanan at kasamaan na mayroon sa mundo. Kung hindi tayo malilinis mula sa ating mga kasalanan, mahihiwalay tayo mula sa Diyos magpakailanman dahil walang maruming bagay ang makapananahanan sa Kanyang kinaroroonan (tingnan sa 1 Nephi 15:33–34).
Basahin ang Juan 17:20–23, na inaalam ang ipinanalangin ni Jesucristo. Maaari mong markahan ang salitang isa kapag nakita ito sa mga talatang ito.
Pansinin na hindi lamang ang Kanyang mga Apostol ang ipinagdasal ng Tagapagligtas ngunit pati na rin ang mga maniniwala sa kanilang salita upang maging isa silang lahat tulad ng pagiging isa ni Jesus at ng Ama. Nililinaw ng mga talatang ito na dalawang magkaibang nilalang ang Ama at ang Anak. Ipinagdasal ni Jesus ang espirituwal na pagkakaisa, hindi pisikal.
Ano ang magtutulot sa atin na maging isa sa Ama at sa Anak?
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo magiging kaisa ng Ama at ng Anak: “Ang literal na ibig sabihin ng salitang Ingles na Atonement ay malinaw sa salita mismo: at-one-ment, ang pagsasama-sama ng mga bagay na nahiwalay o nalayo” (“The Atonement of Jesus Christ,” Ensign, Mar. 2008, 34–35).
Isang mahalagang katotohanan na malalaman natin mula sa Juan 17:20–23 ay kapag lumapit tayo kay Jesucristo at natanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala, magiging isa tayo sa Ama at sa Anak.
Mula sa nalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, bakit nais mong maging isa sa kanila?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan, na inaalam ang pagpapalang darating sa mga nagnanais na maging isa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
“Hindi lang natin dapat masigasig na hangarin na makilala ang Panginoon, ngunit magsikap tayo, tulad ng paanyaya Niya, na maging isa sa Kanya (tingnan sa Juan 17:21) upang ‘palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob’ (Mga Taga Efeso 3:16). …
“Nagpapatotoo ako na kinakaharap natin ang mahihirap na panahon. Dapat tayong maging matapang sa pagsunod. Ang aking patotoo ay tatawagin tayo upang patunayan ang ating espirituwal na katatagan, dahil puno ng pagdurusa at paghihirap ang mga araw na darating. Ngunit dahil sa katiyakang dulot ng personal na ugnayan sa Diyos, mabibigyan tayo ng nakapapanatag na katapangan” (“That We Might Know Thee,” Ensign, Ene. 1999, 2, 5).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang gagawin mo upang mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo at mapatibay ang iyong kaugnayan sa Kanila?
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: