Unit 1: Day 2
Ang Responsibilidad ng Estudyante
Pambungad
Ang Espiritu Santo ay may mahalagang gawain, at ang titser at ang estudyante ay may mahalagang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo. Makatutulong sa iyo ang lesson na ito na maunawaan ang bawat isa sa mga gawain at responsibilidad na ito upang magtagumpay ka sa iyong pag-aaral. Kailangan mong rebyuhin palagi ang mga alituntuning itinuro sa lesson na ito para ipaalala sa iyong sarili ang responsibilidad mo sa pag-aaral ng ebanghelyo.
Ang Gawain ng Espiritu Santo, at ang Responsibilidad ng Titser at ng Estudyante sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Isipin ang sumusunod na sitwasyon:
Nakaramdam ng inspirasyon at sigla ang isang dalagita habang pinag-aaralan niya ang kanyang home-study seminary lessons. Nadama niya ang impluwensya ng Espiritu Santo. Nagpapasalamat siya para sa mga bagay na kanyang natutuhan at nag-iisip ng mga paraan para maipamuhay ang mga ito. Isa pang dalagita ang nakatapos ng parehong mga lesson, pero madalas na naiinip siya at pakiramdam niya ay wala siyang natututuhan sa mga ito.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano kaya ang ilang posibleng dahilan kung bakit magkaiba ng naramdaman ang dalawang dalagitang ito gayong pareho lang naman ang pinag-aralan nilang lesson sa seminary?
Sa pag-aaral mo ng lesson ngayon, alamin ang mga doktrina at mga alituntunin na makatutulong sa iyo na gawin ang iyong responsibilidad bilang estudyante sa seminary at mapalakas ang patotoo mo sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Tatlong indibiduwal ang may mahalagang gawain at responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo sa isang klaseng tulad ng seminary: ang Espiritu Santo, ang titser, at ang estudyante.
Basahin ang Juan 14:26 at Juan 16:13, na inaalam ang ilan sa mga gawain ng Espiritu Santo.
Ang isang katotohanang malalaman natin sa mga talatang ito tungkol sa mga gawain ng Espiritu Santo ay na nagtuturo ang Espiritu Santo ng katotohanan.
Ayon sa naranasan mo sa buhay, paano natin malalaman na may itinuturong katotohanan sa atin ang Espiritu Santo? (Maaaring makatulong ang Doktrina at mga Tipan 8:2–3 sa iyo.)
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:13–14, na inaalam ang responsibilidad ng isang titser ng ebanghelyo. Pansinin na ang mga talatang ito ay ibinigay sa mga naunang miyembro ng Simbahan na inorden na magturo ng ebanghelyo.
Ano ang responsibilidad ng titser ng ebanghelyo?
Basahin ang 2 Nephi 33:1, na inaalam ang ginagawa ng Espiritu Santo kapag naituro ang katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan.
Ayon sa 2 Nephi 33:1, ano ang ginagawa ng Espiritu Santo para sa atin?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:118, na inaalam kung paano tayo dapat maghangad na matuto.
Isang paraan ng paghahangad na matuto ay sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mangyayari habang naghahangad tayong matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Matapos banggitin ang 2 Nephi 33:1, sinabi ni Elder Bednar: “Pansinin kung paanong ang kapangyarihan ng Espiritu ang nagdadala ng mensahe sa damdamin at hindi kinakailangang sa loob ng puso. Ang isang guro ay maaaring magpaliwanag, magpatunay, makahikayat, at magpatotoo, at magagawa ito na may labis na espirituwal na lakas at bisa. Gayunman sa huli, ang nilalaman ng mensahe at ang patotoo ng Espiritu Santo ay maisasapuso lamang kung pahihintulutan ito ng nakikinig. Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ang nagbubukas ng daan papasok sa puso” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 17).
Nalaman natin sa pahayag na ito na kung hangad nating matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, maaanyayahan natin sa ating mga puso ang Espiritu Santo para magturo at magpatotoo sa katotohanan.
-
Ang pananampalataya ay hindi lamang simpleng paniniwala. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagkilos. Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano sa palagay mo ang magagawa natin para matuto sa pamamagitan ng pananampalataya?
Isipin na kunwari ay hindi ka pa kailanman nakapaglaro ng soccer, pero nangako sa iyo ang isang titser na tuturuan ka niyang maglaro ng soccer nang mahusay para makasali ka sa isang soccer team. Naniniwala ka sa kakayahan ng titser na magturo at sa kakayahan mong matuto. Dinala ka ng titser sa isang soccer field. Ipinaliwanag at ipinakita niya kung paano sumipa ng soccer ball pero hindi ka niya hinayaang subukan mo mismo ito. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung paano magpasa ng soccer ball at ipinakita niya ito sa pamamagitan ng pagpasa nito sa iyo. Gayunman, bago ka magkaroon ng pagkakataon na ipasa ito pabalik, lumapit sa iyo ang titser at kinuha ang bola. Gayon din ang ginawa niya sa pag-inbound ng soccer ball matapos itong lumabas sa soccer field. Nagpasalamat siya sa panahong inukol mo at umalis.
Pagkatapos ng ganitong uri ng lesson, gaano ka kahandang mag-try out para sa isang soccer team? Bakit?
Bagama’t makatutulong ang matutuhan ang paglalaro ng soccer at mapanood ang iba na naglalaro nito, kung gusto mong magkaroon ng mga kinakailangang kasanayan sa soccer, ano ang dapat mong gawin?
Paano maaaring maiugnay ang halimbawang ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pananampalataya?
Hindi sapat ang maniwala at magtiwala lamang na matuturuan tayo ng Espiritu. Upang magkaroon ng kaalaman sa mga katotohanan ng Diyos, dapat din tayong magsikap na matuto at gawin ang natutuhan natin. Itinuro ni Elder Bednar ang tungkol sa paggawa nang may pananampalataya na kailangan para matuto sa pamamagitan ng pananampalataya:
“Ang isang nag-aaral na ginagamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pagkilos nang naaayon sa mga tamang alituntunin ay binubuksan ang kanyang puso para sa Espiritu Santo at inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihan na magturo at magpatotoo, at nagpapatunay na pagsaksi. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi maluwag na pagtanggap lamang. Sa katapatan at patuloy na paggawa nang may pananampalataya naipapakita natin sa ating Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo, na tayo ay handang matuto at tumanggap ng tagubilin mula sa Espiritu Santo. …
“… Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan kapwa ng ‘puso at may pagkukusang isipan’ (D at T 64:34). Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay resulta ng pagpapaunawa ng Espiritu Santo sa kapangyarihan ng salita ng Diyos kapwa sa damdamin at sa kaibuturan ng puso. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi puwedeng mailipat mula sa nagtuturo tungo sa tinuturuan sa pamamagitan ng [lecture], pagsasalarawan, o pagsasanay; sa halip, ang tinuturuan ay dapat magkaroon ng pananampalataya at kumilos para makamtan ang kaalaman para sa kanyang sarili” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” 20).
Alalahanin ang dalagitang inilarawan sa simula ng lesson na ito na madalas mainip at hindi madama na may natututuhan siya mula sa mga home-study seminary lesson. Isipin na kunwari ay sinabi niya sa iyo ang bagay na ito. Mula sa mga sinabi niya dati tungkol sa kung paano niya kinukumpleto ang mga lesson, nalaman mo na hindi siya gaanong seryoso sa pagsagot sa mga assignment sa kanyang scripture study journal at madalas kapag nag-aaral siya ng mga lesson ay nawawala ang pokus niya dahil may iba siyang gustong gawin. Hindi rin siya sumasali sa mga aktibidad ng klase o sa mga talakayan sa mga weekly class session.
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat ng tatlo o apat na halimbawa ng mga gawaing pang-espirituwal, pangkaisipan, at pangpisikal na hihikayatin mong gawin ng dalagitang ito para makinabang siya mula sa pag-aaral sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang mga halimbawa mula sa buhay ni Apostol Pedro ay naglalarawan kung paano ang paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo na sumapuso natin upang magturo at magpatotoo ng katotohanan. Basahin ang Mateo 4:18–20, na inaalam ang paanyaya ng Tagapagligtas kay Pedro at sa kanyang kapatid na si Andres.
Ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas kina Pedro at Andres?
Paano naging halimbawa ng paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang pagsunod?
Ang pagsunod ni Pedro kay Jesucristo ay nagtulot sa kanya na makasama ang Tagapagligtas sa buong mortal na ministeryo nito. Nagkaroon siya ng pribilehiyong laging marinig magturo ang Tagapagligtas at masaksihan Siyang gumawa ng maraming himala. Matapos anyayahan ng Tagapagligtas, si Pedro ay nakapaglakad pa nga sa ibabaw ng tubig (tingnan sa Mateo 14:28–29).
Minsan, may dalawang bagay na itinanong si Jesus sa Kanyang mga disipulo. Basahin ang Mateo 16:13–17, na inaalam ang personal na itinanong ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo at kung paano tumugon si Pedro.
Pansinin na ipinaliwanag ng Tagapagligtas sa talata 17 kung paano natanggap ni Pedro ang kanyang kaalaman. Natanggap ni Pedro ang kaalaman niya sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Ama sa Langit na dumating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Isipin kung paano nailarawan sa karanasan ni Pedro ang mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.
-
Kumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:
-
Ilarawan ang isang pagkakataon na naghangad kang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Paano nagampanan ng Espiritu Santo ang Kanyang gawain sa pag-aaral ng ebanghelyo nang gawin mo ito?
-
Ano ang gagawin mo upang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya at maanyayahan ang Espiritu Santo na sumapuso mo upang magturo at magpatotoo ng katotohanan? Kung kailangan mo ng ilang partikular na mga ideya para sa gagawin mo, maaari kang pumili ng isa o dalawa sa sumusunod na mga hakbang na pagtutuunan:
-
Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.
-
Magkaroon ng mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, tulad ng pagmamarka, cross-referencing, at paggamit ng mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Makibahagi nang mapitagan at magpokus sa mga aktibidad sa pag-aaral at umiwas sa mga bagay na nakagagambala.
-
Seryosong kumpletuhin ang mga learning activity sa bawat lesson.
-
Magrekord ng mga impresyon, ideya, at maiikling tala sa iyong scripture study journal.
-
Ipaliwanag sa iba ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, magrekord at magbahagi ng mga ideya at karanasan na may kinalaman sa mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, at magpatotoo sa katotohanan ng mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo.
-
Ipamuhay ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa Juan 7:17).
-
-
Kapag hinahangad mong matuto sa pamamagitan ng pananampalataya sa iyong pag-aaral sa seminary, masusunod mo ang payong ito ni Pangulong Thomas S. Monson: “Mga kabataan, hinihiling ko sa inyo na makibahagi sa seminary. Pag-aralan ang inyong mga banal na kasulatan araw-araw. Makinig na mabuti sa inyong mga guro. Mapanalanging ipamuhay ang natutuhan ninyo” (“Participate in Seminary,” Ago. 12, 2011, seminary.lds.org).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang lesson na “Ang Responsibilidad ng Estudyante” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: