Unit 1: Day 3
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Pambungad
Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw at pagbabasa ng buong Bagong Tipan bilang bahagi ng pag-aaral na ito. Maaari mo ring matutuhan ang mga paraan na mapagbubuti pa ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan.
Ang Kahalagahan ng Epektibong Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Pag-isipan ang mga pahayag sa ibaba, at markahan sa scale ang sagot mo. Hindi ipapasabi sa iyo ang mga sagot mo sa iyong titser.
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano mo pagbubutihin ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga salita ni Cristo at ang mga ito ay imbakan ng tubig na buhay na nasa atin na at makaiinom tayo nang marami at sagana. …
“Sa karaniwang gawain sa bawat araw, maraming tubig ang nawawala sa ating katawan. Ang pagkauhaw ay reaksyon ng mga selula ng katawan, at ang tubig sa ating katawan ay dapat sapat araw-araw. Walang saysay ang paminsan-minsang ‘punuin’ ng tubig ang ating katawan, at magdanas ng dehydration sa matagal na panahon. Ang ganoong bagay ay totoo rin sa espirituwal. Ang espirituwal na pagkauhaw ay nangangailangan ng tubig na buhay. Ang palagiang pagdaloy ng tubig na buhay ay higit na mainam kaysa paminsan-minsang pag-inom” (“A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside, Peb. 4, 2007], 2, 9, speeches.byu.edu).
Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin na matututuhan natin mula sa pahayag ni Elder Bednar tungkol sa matatanggap natin mula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw: Kapag araw-araw tayong nag-aral ng mga banal na kasulatan, natatanggap natin ang na kailangan natin.
Ang Kahalagahan ng Banal na Kasulatan sa Ating Panahon
Sa halip na basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson, maaari mong panoorin ang Mormon Message video na “The Blessings of Scripture” (3:04) sa LDS.org, na naglalaman ng pagsasalaysay ni Elder Christofferson tungkol kay William Tyndale at payo sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan.
Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sakripisyong ginawa ng isang tao para mabasa ng mas marami pang tao ang Biblia:
“Noong Oktubre 6, sa taong 1536, isang kaawa-awang lalaki ang inilabas mula sa isang bartolina sa Vilvorde Castle malapit sa Brussels, Belgium. Halos isa’t kalahating taon na nag-isa ang lalaki sa madilim at mapanglaw na selda. Ngayong nasa labas na ng pader ng kastilyo, ang bilanggo ay itinali sa isang poste. Nabigkas pa niya nang malakas ang huling dasal niya, ‘Panginoon! buksan po Ninyo ang mga mata ng hari ng England,’ at pagkatapos siya ay ibinigti. Kaagad na sinunog ang kanyang katawan. Sino ang lalaking ito, at ano ang kasalanan niya … ? Ang pangalan niya ay William Tyndale, at ang krimeng nagawa niya ay ang pagsalin at paglathala ng Biblia sa wikang Ingles.
“… Sa mainitang pakikipagtalo sa isang paring tutol sa paglalagay ng banal na kasulatan sa mga kamay ng karaniwang tao, sumumpa si Tyndale na, ‘Kung pahahabain pa ng Diyos ang aking buhay, tutulungan ko ang batang nag-aararo na mas marami pang malaman sa mga Banal na Kasulatan kaysa sa iyo!’ …
“Si William Tyndale ay hindi ang una, ni ang huli, sa mga taong mula sa maraming bansa at wika na nagsakripisyo, maging hanggang kamatayan, upang ilabas ang salita ng Diyos mula sa kadiliman. … Ano ang nalaman nila tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan na kailangan din nating malaman? Ang mga tao noon sa ika-16 na siglo sa England, na nagbayad ng malalaking halaga at nanganib ang mga buhay sa pagkakaroon ng Biblia, ano ang naunawaan nila na dapat din nating maunawaan?” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 32).
Sa palagay mo, bakit nagsakripisyo nang gayon kalaki ang mga tao para mabasa ang mga banal na kasulatan?
Nagpatuloy si Elder Christofferson: “Noong panahon ni Tyndale, ang kamangmangan sa mga banal na kasulatan ay laganap dahil walang mabasang Biblia ang mga tao, lalo na sa wikang mauunawaan nila. Ngayon ang Biblia at iba pang banal na kasulatan ay nariyan lang, pero dumarami pa rin ang walang alam sa banal na kasulatan dahil hindi binubuklat ng mga tao ang mga aklat. Dahil dito, nalimutan nila ang mga bagay na alam ng kanilang mga lolo’t lola” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” 33).
Sa palagay mo, bakit ang mga tao ngayon ay hindi nagbabasa ng mga banal na kasulatan tulad ng nararapat?
Sa huli ay sinabi ni Elder Christofferson: “Pag-isipan ang dami ng ating biyaya sa pagkakaroon ng Banal na Biblia at mga 900 karagdagang mga pahina ng banal na kasulatan, kabilang ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas. … Tiyak na kaakibat ng pagpapalang ito ay sinasabi sa atin ng Panginoon na ang palagiang pagbaling sa mga banal na kasulatan ay higit na kailangan ngayon” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” 35).
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa pahayag ni Elder Christofferson ay mas kailangan natin ngayon ang mga banal na kasulatan kaysa alinmang nakaraang panahon.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa palagay mo, bakit mas kailangan natin sa panahong ito ang mga banal na kasulatan kaysa sa alinmang nakaraang panahon?
Sumulat ng isang liham si Apostol Pablo kung saan inilarawan niya ang ilang kalagayan ng mundo sa mga huling araw. Basahin ang II Kay Timoteo 3:1–5, 13, na inaalam ang ilan sa mga kasalanan at pag-uugali na sinabi niyang magiging karaniwan at laganap sa ating panahon. (You may want to refer to the footnotes for help in understanding difficult words and phrases in these verses.)
Ano ang ilan sa mga kasalanan at pag-uugali na nakasaad sa mga talatang ito na nakikita mo sa ating lipunan ngayon?
Basahin ang II Kay Timoteo 3:14–17, na inaalam kung paano tayo makahahanap ng kaligtasan sa mapanganib na panahong ito. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Mula sa mga natutuhan mo sa II Kay Timoteo 3:15–17, anong mga pagpapala ang makakamtan natin kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan at ipinamuhay ang mga turo nito? Itala ang mga sagot mo sa espasyong ibinigay para kumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, makatatanggap tayo ng na magliligtas sa atin.
Ang pahayag na kinumpleto mo ay isang halimbawa ng isang alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga alituntunin at mga doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mga di-nagbabagong katotohanan na nagbibigay ng patnubay sa ating buhay. Ang isa sa pinakamahahalagang layunin ng mga banal na kasulatan ay ituro ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Magagawa nating mas makabuluhan ang ating personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng mga doktrina at mga alituntunin, pag-iisip sa kahulugan nito, at pagsasabuhay ng mga ito.
-
Tingnan ang alituntuning kinumpleto mo sa itaas. Pagkatapos ay sagutin ang sumusunod na mga tanong sa iyong scripture study journal: Kailan mo nadama na nakatanggap ka ng karunungan, liwanag, katotohanan, pagwawasto, o tagubilin dahil pinag-aralan mo ang mga banal na kasulatan?
Pagbabasa ng Bagong Tipan Araw-araw
Isa sa mga inaasahan sa seminary course na ito ay babasahin mo ang buong Bagong Tipan. Kailangan ito para makatanggap ng diploma sa seminary. Kailangan ng patuloy na pagsisikap para mabasa ang buong Bagong Tipan.
Nasubukan mo na bang uminom ng tubig o juice gamit ang higit sa isang istraw? Kung may makukuha kang mga istraw, subukang uminom ng isang basong tubig o juice gamit ang pitong istraw na magkakasama. Mahirap inumin ang lahat ng nasa baso. Pero kung mabagal at mahinahon kang iinom gamit ang isang istraw, malalaman mong madali mong maiinom ang lahat ng ito (at mas masaya ang karanasang ito!).
Paano mo maiuugnay ang aktibidad na ito sa pagbabasa ng buong Bagong Tipan bilang bahagi ng pag-aaral na ito?
Gamitin ang sumusunod na equation para matulungan kang makita kung paano mo makukumpleto ang iyong mithiin na mabasa ang buong Bagong Tipan sa pagbabasa ng maliit na bahagi araw-araw:
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat tungkol sa ilang bagay na makatutulong sa iyo na makaugalian ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw para makatanggap ka ng karunungan, liwanag, katotohanan, pagwawasto, at tagubilin mula sa mga banal na kasulatan. Magsulat din ng mithiing maglaan ng oras araw-araw para personal na mapag-aralan ang mga banal na kasulatan at mabasa ang buong Bagong Tipan.
Mga Paraan at Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Pagyayamanin ng sumusunod na tala ng mga paraan at kasanayan sa pag-aaral ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Pumili ng dalawa mula sa mga sumusunod na mga paraan o kasanayan, at subukan ang mga ito gamit ang mga kaugnay na mga talata sa mga banal na kasulatan. Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano makatutulong ang dalawang kasanayang ito sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.
Mga Paraan at Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Pagpapalit ng pangalan: Para makatulong na maiugnay ang mga doktrina at alituntunin mula sa mga banal na kasulatan sa iyong buhay, ipalit ang iyong pangalan sa pangalang nasa mga talata. Subukang gamitin ang kasanayang ito sa pag-aaral ng banal na kasulatan sa pangalan ni Simon Pedro sa Mateo 16:15–17.
Sanhi at epekto: Para matulungan ka na matukoy ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan, hanapin ang “kung–sa gayon” at “dahil–samakatwid,” na mga ugnayang may pasubali o kondisyonal. Subukang gamitin ang kasanayang ito sa Mateo 6:14–15.
Mga listahan sa mga banal na kasulatan: Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman kung minsan ng mga listahan ng mga bagay-bagay tulad ng mga tagubilin o babala. Kapag may nakita kang listahan, lagyan ng numero ang bawat bagay na nakalista rito. Subukang gamitin ang kasanayang ito sa Mga Taga Galacia 5:22–23.
Paghahambing: Ang mga banal na kasulatan ay naghahambing kung minsan ng mga ideya, pangyayari, at tao. Ang mga paghahambing na ito ay nagbibigay-diin sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Tingnan ang mga paghahambing na nasa iisang talata, sa mga kabanata, at sa iba pang mga kabanata at aklat. Subukang gamitin ang kasanayang ito sa Mateo 5:14–16.
Paglalarawan sa isip: Maghanap ng mga detalye na makatutulong sa iyo na mailarawan ito sa iyong isip habang nagbabasa ka. Isipin na kunwari ay naroon ka sa isang pangyayari. Ito ay magpapalakas sa iyong patotoo tungkol sa katotohanan ng nabasa mo sa mga banal na kasulatan. Subukang gamitin ang kasanayang ito sa Mateo 8:23–27.
Simbolismo: Ang mga salitang katulad, gaya, o inihalintulad sa ay makatutulong sa iyo sa pagtukoy ng mga simbolo. Alamin ang ibig sabihin ng simbolo sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pag-iisip nang mabuti sa mga katangian nito. Ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan tulad ng mga footnote o Gabay sa mga Banal na Kasulatan ay makatutulong sa iyo na mabigyang-kahulugan ang ilang simbolo. Subukang gamitin ang kasanayang ito sa Mateo 13:24–30. (Maaari mong ihambing ang interprestasyon mo sa talinghagang ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 86:1–7.)
Mga cross-reference: Kadalasan, naipapaliwanag o nalilinaw ng isang talata sa banal na kasulatan ang isang parirala o konsepto na nasa ibang talata. Iugnay ang mga talata sa isa’t isa gamit ang mga footnote o Gabay sa mga Banal na Kasulatan para matulungan na malaman ang kahulugan ng talata sa banal na kasulatan. Praktisin ang kasanayang ito sa pagbabasa ng Juan 10:16 at pagkatapos ay pagtingin sa cross-reference sa footnote a (na makikita sa LDS edition ng Biblia sa Ingles) sa 3 Nephi 15:21. Paano nakatulong sa iyo ang pagbabasa ng 3 Nephi 15:21 na mas maunawaan ang kahulugan ng Juan 10:16?
Pagninilay: Ang pagninilay ay pag-iisip nang malalim, pagtatanong, at pagsusuri sa nalaman at natutuhan mo. Ang pagninilay ay karaniwang nakatutulong sa atin na maunawaan ang kailangan nating gawin para maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Pagnilayan kung paano mo maipamumuhay ang mga katotohanan sa Mga Hebreo 12:9.
Pagsasabuhay: Kapag natukoy at naunawaan mo ang mga doktrina at mga alituntuning matatagpuan sa mga banal na kasulatan, magkakaroon ka ng mas malalim na kaalaman sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga katotohanang natuklasan mo. Sinabi ng Tagapagligtas, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kalooban [ng Ama sa Langit], ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17). Maghanap ng mga pagkakataon na magamit ang natutuhan mo sa pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan (tingnan sa 1 Nephi 19:23).
Maghanap ng mga paraan na magawa ang bawat isa sa mga kasanayang ito sa pag-aaral sa mga darating na linggo sa pag-aaral mo ng Bagong Tipan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang lesson na “Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: