Unit 17: Day 3
Mga Gawa 2
Pambungad
Ang mga disipulo ay napuspos ng Espiritu Santo sa araw ng Pentecostes at nabiyayaan ng kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika habang ipinangangaral nila ang ebanghelyo. Ipinahayag ni Pedro na si Jesus ang “Panginoon at Cristo” (Mga Gawa 2:36) at inanyayahan ang mga tao na magsisi, magpabinyag, at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Mga 3,000 katao ang nagbalik-loob at nabinyagan sa araw na iyon, at patuloy silang naging tapat sa Simbahan.
Mga Gawa 2:1–13
Napuspos ng Espiritu Santo ang mga disipulo ni Jesucristo sa araw ng Pentecostes
Isipin ang pinakahuling pagkakataon na nagsalita ka sa simbahan, nagturo ng lesson, o nagbahagi ng ebanghelyo sa iba. Ano ang maaaring mahirap sa iyo tungkol sa pagsasalita, pagtuturo, o pagpapatotoo sa iba tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 2:1–13, alamin ang katotohanan na makatutulong sa iyo kapag nababalisa o natatakot kang magsalita, magturo, at magpatotoo sa iba tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Mga isang linggo matapos umakyat sa langit ang Tagapagligtas, maraming Judio mula sa maraming bansa ang nagdatingan sa Jerusalem upang makibahagi sa pagdiriwang sa pista ng Pentecostes at upang sumamba sa templo at magpasalamat sa Panginoon. “Bilang bahagi ng mga batas ni Moises, ang piging ng Pentecostes o ng mga Pangunahing Bunga ay idinaraos ng limampung araw pagkatapos ng piging ng Paskua (Lev. 23:16). Ang Pentecostes ay upang ipagdiwang ang araw ng pag-aani, at sa Lumang Tipan ito ay tinatawag na Piging ng Pag-aani o Piging ng mga Linggo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pentecostes,” scriptures.lds.org).
Basahin ang Mga Gawa 2:1–4, na inaalam ang naranasan ng mga disipulo ni Jesucristo sa araw ng Pentecostes.
Ang mga katagang “mga dilang kawangis ng apoy,” sa literal na kahulugan, ay tumutukoy sa mga dilang nagkabaha-bahagi, o may anyo ng ningas ng apoy. Nang ibuhos ang Espiritu Santo sa mga disipulo, ang “mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi” (Mga Gawa 2:3) ay nagpapahiwatig ng presensya ng Espiritu.
Inihalintulad ni Juan Bautista ang pagtanggap ng Espiritu Santo sa binyag “sa apoy” (Mateo 3:11; Lucas 3:16). Sa sinaunang Israel, kadalasang sumasagisag ang apoy sa presensya ng Diyos. Ang imahe na “mga dilang kawangis,” na ginamit upang ilarawan ang banal na apoy sa araw ng Pentecostes, ay simbolo na tumanggap ang mga disipulo ng kaloob na Espiritu Santo, na ipinangako ng Tagapagligtas (tingnan sa Mga Gawa 1:8).
Basahin ang Mga Gawa 2:5–8, na inaalam ang nangyari nang mapuspos ng Espiritu Santo ang mga disipulo. Isipin kung ano kaya ang pakiramdam na masaksihan ang pangyayaring ito.
Basahin ang Mga Gawa 2:9–11, at bilangin ang iba’t ibang grupo ng mga tao o nasyonalidad na nakarinig sa mga disipulo na nagsalita ng iba’t ibang wika sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa kalakip na mapa, hanapin ang ilang lugar na nabanggit.
Pansinin na narinig ng bawat isa sa mga grupong ito ang “mga makapangyarihang gawa ng Dios” na ipinangaral sa kanilang sariling wika (Mga Gawa 2:11). Sa paanong mga paraan naririnig ng mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo ang mga katotohanan ng ebanghelyo na ipinangaral sa sarili nilang wika sa ating panahon?
Dahil puspos ng Espiritu Santo, naibahagi ng mga disipulo ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa iba, maging sa katutubong wika ng mga tinuturuan nila. Ang isang katotohanan na malalaman natin mula sa talang ito ay na kapag napuspos tayo ng Espiritu Santo, tutulungan Niya tayong magturo at magpatotoo sa iba.
Ang isang halimbawa ng katotohanang ito ay kapag tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na ituro ang ebanghelyo sa mga taong iba ang wika sa atin.
Para mas maunawaan ang ibig sabihin ng mapuspos ng Espiritu Santo, tingnan ang sumusunod na drowing at kunwari ay maglalagay ka ng tubig sa mga baso. Bakit magiging mahirap maglagay ng tubig sa alinman sa mga basong ito?
Isipin kung paano maaaring ihalintulad ang mga baso sa mga tao at ang tubig sa Espiritu Santo. Ano ang maaaring sinisimbolo ng mga harang sa paglalagay ng tubig sa mga baso? Anong mga pag-uugali at asal ang maaaring makahadlang sa atin para mapuspos tayo ng Espiritu Santo?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang maaari mong gawin upang mapuspos ka ng Espiritu Santo nang sa gayon ay matulungan ka Niya na magturo at magpatotoo sa iba?
-
Sa anong mga paraan ka tinulungan ng Espiritu Santo upang maituro ang ebanghelyo o maibahagi ang iyong patotoo sa iba?
-
Paano napapasaatin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento?
-
Mababasa natin sa Mga Gawa 2:12–13 na namangha ang ilang Judio sa narinig nila nang magsalita ang mga disipulo sa iba’t ibang wika, samantalang kinutya ng iba ang mga disipulo at sinabing lasing sa alak ang mga ito.
Mga Gawa 2:14–47
Si Pedro ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at nagturo sa mga tao kung paano matatamo ang kaligtasan
Basahin ang Mga Gawa 2:14, na inaalam kung sino ang nagsimulang magturo sa mga tao.
Isipin kunwari na nasa sitwasyon ka ni Pedro na nakatayo sa harap ng maraming tao. Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang ituturo at patototohanan mo? Bakit?
Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 2:15–35, sinabi ni Pedro na ang kaloob na pagsasalita ng mga wika at iba pang pagpapahiwatig ng Espiritu sa mga disipulo ay isa sa mga katuparan at kahulugan ng propesiyang ibinigay ng propetang si Joel (tingnan sa Joel 2:28–32). Pagkatapos ay nagturo at nagpatotoo si Pedro sa mga tao gamit ang ilan sa mga salita at mga awit ni Haring David.
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Joel 2:28–32 ay isang halimbawa ng banal na kasulatan na maraming kahulugan at katuparan:
“Marami sa mga propesiya at mga doktrina sa mga banal na kasulatan ang maraming kahulugan. …
“Ang [isang] halimbawa ng propesiyang maraming kahulugan ay matatagpuan sa aklat ni Joel na sa mga huling araw ay ibubuhos ng Panginoon ang kanyang espiritu sa lahat ng laman at magpopropesiya ang ating mga anak na lalaki at mga anak na babae (tingnan sa Joel 2:28). Sa araw ng Pentecostes, ipinahayag ni Apostol Pedro na ang mga pangyayaring nasaksihan nila ay ang mga yaong ‘sinalita na sa pamamagitan ng propeta[ng] Joel’ (Mga Gawa 2:16). Makalipas ang labing-walong daang taon, binanggit muli ni anghel Moroni ang propesiyang ito at sinabing ‘hindi pa ito natutupad, ngunit malapit na’ [Joseph Smith—Kasaysayan 1:41]” (“Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8).
Kapwa ipinahayag nang tama nina Pedro at Moroni na ang propesiyang ibinigay ng propetang si Joel ay may katuparan, kahulugan, at aplikasyon para sa araw ng Pentecostes at sa mga huling araw.
-
Basahin ang Mga Gawa 2:22–24, 29–33, 36, at pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilan sa mahahalagang katotohanan na itinuro at pinatotohanan ni Pedro?
-
Ano ang napansin mo tungkol sa patotoo ni Pedro sa mga Judio?
-
Pag-isipan ang sinabi at ginawa ni Pedro nang tanungin siya kung ano ang kaugnayan niya kay Jesus noong gabing dakpin ang Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 22:54–62).
Pag-isipan kung paano nagkaiba ang mga salita at ikinilos ni Pedro sa araw ng Pentecostes mula sa pangyayaring ikinaila niya nang tatlong beses na kilala niya si Jesus. Ano sa palagay mo ang nakaimpluwensya sa pagbabagong ito ni Pedro?
Basahin ang Mga Gawa 2:37, na inaalam kung paano nakaapekto ang mga salita ni Pedro sa mga tao. (Ang Mga Gawa 2:36–38 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong markahan ito sa kakaibang paraan para madali mo itong mahanap.)
Pansinin ang mga katagang “nangasaktan ang kanilang puso” sa Mga Gawa 2:37. Ang ibig sabihin dito ng salitang nangasaktan ay tumimo at nagpapahiwatig na nakadama ng kalungkutan at pagsisisi ang mga tao dahil ang mga Judio, bilang mamamayan at isang bansa, ay ipinako sa krus ang kanilang Panginoon, si Jesucristo. Hindi sinasabi ni Pedro na ang grupo ng mga Judio na nagmula sa iba’t ibang nasyonalidad na tinuruan niya noong araw na iyon ng Pentecostes ang siyang responsable sa pagpapako kay Jesucristo.
Ayon sa Mga Gawa 2:37, ano ang itinanong ng mga tao? Pag-isipan kung paano ipinahiwatig sa tanong na ito na nagsisimulang makadama ng pagbabago ng puso ang mga tao.
Basahin ang Mga Gawa 2:38–41, na inaalam kung ano ang ipinagawa ni Pedro sa mga tao. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng liko ay mapanghimagsik, napakasama, o tiwali.
Ayon sa Mga Gawa 2:41, paano tumugon ang mga tao sa mga turo at paanyaya ni Pedro na magsisi at magpabinyag?
Basahin ang Mga Gawa 2:42–47, na inaalam kung ano ang ginawa ng mga bagong nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo matapos nilang matanggap ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at mabinyagan.
Paano nakita sa kanilang kilos na tunay silang nagbalik-loob?
Ang mga katagang “pagpuputolputol ng tinapay” (Mga Gawa 2:42) ay tumutukoy sa pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento at na ang “lahat nilang pagaari ay sa kalahatan” (Mga Gawa 2:44) ay tumutukoy sa mga Banal na ipinamumuhay ang batas ng paglalaan, kabilang ang pangangalaga sa mga maralita at mga nangangailangan sa kalipunan nila.
Alalahanin na bago nila narinig ang mga salita ni Pedro at sinunod ito, hindi tanggap ng mga Judiong ito si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas, ni hindi rin nila sinusunod ang Kanyang mga turo. Pag-isipan kung gaano nagbago ang mga tao.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa Mga Gawa 2:37–47 ay na kapag tinanggap natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, magbabago ang ating puso at magbabalik-loob tayo kay Jesucristo.
-
Sa iyong scripture study journal, gawin ang mga sumusunod:
-
Sumulat ng mga bagay na magagawa ng isang tao para matanggap ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
-
Itanong ang sumusunod sa isang kapamilya, kaibigan, o kapitbahay, at isulat ang kanyang sagot (maaari mo ring isulat ang sarili mong sagot sa tanong): Kapag sinisikap mong matutuhan at ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo, paano ka tinutulungan ng Espiritu na magbago at magbalik-loob kay Jesucristo?
-
-
Pag-isipang mabuti nang ilang minuto kung ano ang magagawa mo upang mas lubos na matanggap ang mga salita at turo ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Anong mga tiyak na pagbabago ang magagawa mo sa paghahangad mong kumilos ayon sa mga pahiwatig na natanggap mo? Isulat sa iyong scripture study journal ang mga naisip at nadama mo. Magtakda ng mithiin hinggil sa magagawa mo sa linggong ito upang mas lubos na matanggap ang mga salita at turo ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Scripture Mastery—Mga Gawa 2:36–38
Basahing muli ang Mga Gawa 2:38, na inaalam ang mga pagpapalang sinabi ni Pedro na matatanggap ng mga tao dahil nagsisi sila at nagpabinyag.
Mula sa talatang ito nalaman natin na kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, nagsisi, at nagpabinyag, handa na tayong tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Paano inihahanda ng pagsisisi at binyag ang isang tao para matanggap ang kaloob na Espiritu Santo? Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin na tayo ay “pa[ba]banalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo” (3 Nephi 27:20) at na maaari tayong tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 31:17).
-
Ikumpara ang Mga Gawa 2:36–38 sa ikaapat na saligan ng pananampalataya. Tukuyin sa Mga Gawa 2:36–38 ang mga salita at mga parirala na nagpapakita o nagtuturo ng unang mga alituntunin at mga ordenansa ng ebanghelyo. Isulat ang mga unang titik ng bawat salita sa Mga Gawa 2:38 sa iyong scripture study journal (halimbawa, A s s k n P, M k, a m …). Pagkatapos ay gamitin ang isinulat mo para matulungan ka na maisaulo ang scripture mastery passage. Bigkasin ang talata hanggang sa masabi mo ito nang walang kopya. Kunwari ay inaanyayahan mo ang isang tao na mabinyagan upang matamo niya ang kaloob na Espiritu Santo sa kanyang buhay.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: