Unit 13: Day 2
Juan 3
Pambungad
Isang gabi, nagtungo ang Fariseong nagngangalang Nicodemo kay Jesus at nakipag-usap sa Kanya. Itinuro ni Jesus kay Nicodemo na lahat ng tao ay kinakailangang ipanganak na muli upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Kalaunan, ipinaliwanag ni Juan Bautista sa kanyang mga alagad na ang kanyang tungkulin ay ihanda ang daan para kay Jesucristo.
Juan 3:1–21
Tinuruan ni Jesus si Nicodemo ng mga espirituwal na katotohanan
Isipin kunwari na isang araw, habang nakikipag-usap ka sa ilang kaibigan tungkol sa relihiyon, sinabi ng isa na, “Basta’t mabuti akong tao, makakapunta ako sa langit.” Isipin kung paano ka tutugon sa kaibigan mo.
Habang pinag-aaralan ang Juan 3, alamin ang mga bagay na itinuro ni Jesus na dapat nating gawin upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
Sa simula ng Kanyang ministeryo, ang Panginoon ay pumunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua. Maraming tao sa Jerusalem ang naniwala kay Jesus nang makita nila ang mga himalang ginawa Niya (tingnan sa Juan 2:23–25).
Basahin ang Juan 3:1–2, na inaalam kung sino ang bumisita sa Tagapagligtas noong nasa Jerusalem Siya.
Bilang “isang pinuno ng mga Judio” (Juan 3:1), si Nicodemo ay miyembro ng Sanedrin. Ang Sanedrin ay isang namumunong konseho na binubuo ng mga Fariseo at mga Saduceo na namamahala sa gawaing sibil at pangrelihiyon ng mga Judio.
Sa palagay mo, bakit kaya gabi binisita ni Nicodemo si Jesus?
Ang pagtawag ni Nicodemo kay Jesus na “isang guro na nagbuhat sa Dios” (Juan 3:2) ay nagpapahiwatig na gusto niyang matuto mula kay Jesus.
Basahin ang Juan 3:3–5, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo. (Ang Juan 3:5 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang matutulungan ka na madali itong mahanap.)
Itinuro ni Jesus kay Nicodemo na kailangan ng lahat na ipanganak na muli. Ano ang inisip ni Nicodemo na ibig sabihin ng mga katagang “ipanganak na muli” (Juan 3:3)?
Ang ipanganak na muli ay “ang matanggap ang Espiritu ng Panginoon [na] nagdudulot ng malaking pagbabago sa puso ng isang tao kung kaya’t nawawalan siya ng pagnanais na gumawa ng masama, sa halip ay nagnanais na hanapin ang mga bagay ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Isilang na Muli, Isinilang sa Diyos,” scriptures.lds.org; tingnan sa Mosias 5:2; 27:25–26).
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na, “ang pagkapanganak na muli, ay ipinararating ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 112).
Maaari mong markahan ang dalawang bagay sa Juan 3:5 na itinuro ni Jesus na kailangan upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
Ang ibig sabihin ng ipanganak ng tubig ay ang mabinyagan, at ang ipanganak ng Espiritu ay ang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo.
Kumpletuhin ang sumusunod na katotohanan batay sa nalaman mo mula sa Juan 3:5: ay kailangan upang espirituwal na ipanganak na muli at makatanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Juan 3:5.
Ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mabuting ugali at asal na walang mga ordenansa ng ebanghelyo ay hindi nakatutubos o nakakapagpadakila ng sangkatauhan; kinakailangan ang mga tipan at mga ordenansa” (“The Only True Church,” Ensign, Nob. 1985, 82).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang sagot mo sa kaibigan na nagsabing sapat na ang pagiging mabuting tao upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Tandaan na gamitin ang sinabi ni Jesus sa Juan 3:5 sa iyong sagot.
Nabasa natin sa Juan 3:6–12 na matapos ituro ni Jesus kay Nicodemo na lahat ng tao ay dapat espirituwal na ipanganak, tinanong ni Nicodemo si Jesus kung paano maipapanganak na muli ang isang tao. Sumagot si Jesus sa pagtatanong kung paano naging isang pinuno ng relihiyon ng mga tao si Nicodemo kung hindi niya nauunawaan ang Kanyang itinuturo.
Basahin ang Juan 3:13–15, na inaalam kung paano sinagot ni Jesus ang tanong ni Nicodemo tungkol sa kung paano nagiging posible ang espirituwal na ipanganak muli. Pansinin sa Juan 3:13 na nagpatotoo si Jesus tungkol sa Kanyang Sarili bilang ang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit.
Sa Juan 3:13, itinuro ni Jesus kay Nicodemo na walang sinuman ang makaaakyat sa langit sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap. Si Cristo lamang ang tanging makaaakyat sa langit sa Kanyang sarili.
Noong panahon na nagpapalibut-libot sina Moises at ang mga anak ni Israel sa ilang, nagpadala ang Panginoon ng mga makamandag na ahas bilang parusa sa pagkakasala ng mga Israelita sa Diyos. Ang mga Israelita ay nalason nang tuklawin sila ng mga ahas. Iniutos ng Panginoon kay Moises na gumawa ng isang ahas na yari sa tanso na kamukha ng mga makamandag na ahas at itaas gamit ang isang tikin. Ipinangako Niya na gagaling ang sinumang Israelita na tumingin sa ahas sa tikin. (Tingnan sa Mga Bilang 21:4–9.)
Sa paanong paraan katulad ng pagtataas ni Moises sa ahas na tanso ang gagawin ni Jesucristo para sa lahat?
Pansinin ang pagpapalang inihayag sa Juan 3:15 na darating sa mga umaasa sa Tagapagligtas.
Itinuro ni Jesus kay Nicodemo na lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Itinuro rin ng Tagapagligtas kay Nicodemo ang isang mahalagang doktrina tungkol sa Ama sa Langit. Basahin ang Juan 3:16–17, na inaalam ang doktrinang malalaman natin tungkol sa Ama sa Langit.
Itinuro sa Juan 3:16–17 na mahal na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak kaya ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang magdusa para sa kanilang mga kasalanan.
Pagnilayan kung paano ipinakita ng Ama sa Langit ang pagmamahal Niya sa bawat isa sa atin sa pagpapadala sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa mundo.
Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, isipin ang naramdaman mo nang malaman mo kung gaano ka kamahal ng Ama sa Langit: “Wala nang mas hihigit na katibayan sa walang-katapusang kapangyarihan at kaganapan ng pag-ibig ng Diyos [kaysa sa] ipinahayag ni Apostol Juan: ‘Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak’ (Juan 3:16). … Isipin na lamang kung gaano ang pighati ng ating Ama sa Langit sa pagsusugo ng Kanyang Anak upang tiisin ang di-maarok na pagdurusa para sa ating mga kasalanan. Iyan ang pinakamalaking katibayan ng Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin!” (“Pag-ibig at Batas,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 26).
-
Basahin ang Juan 3:16 at Doktrina at mga Tipan 34:3, na inaalam ang malalaman natin tungkol sa pagmamahal ng Ama at sa pagmamahal ni Jesucristo. Pagkatapos, sa iyong scripture study journal, isulat ang pakiramdam na alam mong mahal na mahal ka ng Ama sa Langit kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang magdusa at mamatay para sa iyo.
Isang karagdagang alituntunin na matututuhan natin mula sa Juan 3:16–17 ay kung naniniwala tayo kay Jesucristo, na kinapapalooban ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagsunod sa Kanyang salita, maaari tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Rebyuhin ang mga katotohanang itinuro ni Jesus kay Nicodemo na nakatala sa lesson na ito. Isulat sa iyong scripture study journal kung paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa bawat isa. Pagkatapos ay isulat ang mga sumusunod na kataga: Ipapakita ko ang aking pananalig kay Jesucristo sa pamamagitan ng … Tapusin ang mga katagang ito sa pagsusulat ng mga gagawin mo upang maipakita ang iyong pananalig kay Jesucristo.
Scripture Mastery—Juan 3:5
-
Ang scripture mastery passage sa Juan 3:5 ay nagtuturo ng mahalagang doktrinang kailangan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit. Makatutulong ang pagsasaulo nito sa pagbabahagi nito sa iba sa buong buhay mo. Isulat ang buong talata sa iyong scripture study journal. Bigkasin ang talatang ito nang paulit-ulit, at burahin ang ilang mga salita sa bawat pagbigkas mo rito. Gawin ito hanggang maisaulo mo ito. Maaari mo itong bigkasin sa isang kapamilya o kaibigan upang matiyak na naisaulo mo ito.
Juan 3:22–36
Itinuro ni Juan Bautista na si Jesus ang Cristo
Kung posible, punuin ang isang baso o lalagyan ng tubig at magdagdag ng isa o dalawang patak ng food coloring dito. Pagmasdan kung paano kumalat ang kulay sa lalagyan. Isipin kung paano natutulad sa food coloring ang impluwensya natin sa ibang tao.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong David O. McKay, na inaalam ang matututuhan mo tungkol sa iyong impluwensya sa buhay ng iba:
“Bawat taong nabubuhay sa mundong ito ay nag-iimpluwensiya, sa mabuti man o sa masama. Hindi lang sa sinasabi niya, ni sa ginagawa. Ito’y sa kung ano siya.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 259).
“Malaki ang epekto ng ating mga salita at gawa sa mundo. Sa bawat sandali ng buhay ay bahagya ninyong binabago ang buhay ng buong mundo” (Mga Turo: David O. McKay, 259).
Tulad ng nakatala sa Juan 3:22–26, nag-alala ang ilan sa mga alagad ni Juan Bautista. Sinabi nila kay Juan na nagbibinyag si Jesus at “tinatanggap ang lahat ng mga taong nagsisiparoon sa kaniya” (Joseph Smith Translation, John 3:27). Nag-alala sila na maraming tao ang sumusunod kay Jesus sa halip na kay Juan Bautista.
Basahin ang Juan 3:27–30, na inaalam kung paano mapagpakumbabang inilarawan ni Juan Bautista ang kanyang tungkuling may kaugnayan kay Jesucristo.
Sa analohiya ni Juan Bautista, ang kasintahang lalaki ay kumakatawan kay Jesus, at ang kasintahang babae ay kumakatawan sa mga taong lumalapit kay Cristo, at ang kaibigan ng kasintahang lalaki ay kumakatawan kay Juan Bautista. Ano ang pagkaunawa ni Juan Bautista sa kanyang tungkuling may kaugnayan kay Jesucristo? Sa palagay mo, anong uri ng impluwensya ang madarama mo sa mga salita ni Juan kung isa ka sa mga alagad niya?
Isang katotohanang malalaman natin mula sa halimbawa ni Juan Bautista ay na makakaimpluwensya tayo sa ikabubuti ng iba sa pag-akay natin sa kanila patungo kay Jesucristo.
Bakit mahalagang gamitin natin ang ating impluwensya sa pag-akay sa iba patungo kay Jesucristo?
-
Isipin ang isang taong nakita mong umakay sa iba patungo kay Jesucristo. Sa iyong scripture study journal, ilarawan ang mga katangian ng taong ito na nakatulong sa kanya na maimpluwensyahan ang iba na mahalin at tanggapin ang Tagapagligtas.
Isipin ang mga paraan kung paano mo maaakay ang iba patungo sa Tagapagligtas. Maaari mong hingin ang patnubay ng Espiritu Santo sa iyong pagsisikap na magawa ito.
Sa Juan 3:31–36, ipinahayag ni Juan Bautista na isinugo ng Diyos si Jesus at na lahat ng maniniwala sa Kanya ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: