Unit 15 Day 4
Juan 14–15
Pambungad
Pagkatapos kumain ng pagkain ng Paskua, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol kung paano makababalik sa Ama sa Langit at paano maipapakita ang kanilang pagmamahal sa Kanya. Pagkatapos ay ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na magpapadala Siya sa kanila ng isa pang Mang-aaliw. Itinuro Niya na Siya ang Tunay na Puno ng Ubas at ang mga disipulo Niya ang mga sanga. Inutos din ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na mangagibigan sa isa’t isa at nagbabala sa kanila tungkol sa mga daranasin nilang pag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa Kanya.
Juan 14:1–-14
Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol kung paano makababalik sa Ama sa Langit
Kunwari ay may kaibigan kang nagtanong nito, “May nagsabi sa akin na maraming landas patungong langit at ipinapakita ng iba’t ibang relihiyon ang iba’t ibang landas patungo sa kaharian ng Diyos. Naniniwala ka bang totoo ito?” Sa espasyo na ibinigay, isulat kung ano ang isasagot mo sa ganitong tanong, at ipaliwanag kung bakit naniniwala ka o bakit hindi ka naniniwalang totoo ang pahayag.
Basahin ang Juan 14:1–6, na inaalam ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano makababalik sa kaharian ng Ama sa Langit. (Ang Juan 14:6 ay scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Natutuhan natin mula sa Juan 14:6 na sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa pagsunod sa Kanyang landas tayo makapapasok sa kaharian ng Ama sa Langit.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paanong ang Tagapagligtas ang tanging Daan pabalik sa Ama sa Langit?
-
Sa anong mga paraan na si Jesucristo ang Katotohanan?
-
Sa anong mga paraan na si Jesucristo ang Buhay?
-
Kasama sa paraan ng Tagapagligtas ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Kanya at sa Ama sa Langit; pagsisisi; pagtanggap sa mga ordenansa ng kaligtasan, tulad ng binyag at mga ordenansa sa templo; at pagtitiis hanggang wakas nang may pananampalataya at pagsunod.
Basahin ang Juan 14:7–14, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa kaugnayan Niya sa Kanyang Ama. Maaari mong markahan ang mga katagang “ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama” sa talata 9.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ipinadala ng Ama ang Kanyang Anak upang matulungan tayong makilala, mahalin, at sundin ang ating Ama sa Langit:
“Sa lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinakikita Niya sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa sinikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.
“Inihayag Niya ito kahit paano dahil noon at ngayon kailangan nating lahat na ganap na makilala ang Diyos para lalo natin Siyang mahalin at lalo pa Siyang sundin. …
“Matapos sikapin ng mga henerasyon ng mga propeta na ituro sa pamilya ng tao ang kalooban at paraan ng Ama, na karaniwa’y di nagtagumpay, ang Diyos sa Kanyang matinding pagsisikap na makilala natin Siya, ay isinugo sa lupa ang Kanyang Bugtong at perpektong Anak, na nilikhang kawangis at kamukha Niya, upang mamuhay at maglingkod sa mga tao sa araw-araw na hamon ng buhay. …
“… Pumarito si Jesus … upang baguhin ang pananaw ng tao sa Diyos, at isamo sa kanila na mahalin ang kanilang Ama sa Langit tulad ng walang humpay na pag-ibig Niya sa kanila. Ang plano, kapangyarihan, at kabanalan ng Diyos, oo, maging ang galit at paghatol ng Diyos ay ipinaunawa sa kanila. Ngunit ang pag-ibig ng Diyos, ang taimtim na katapatan Niya sa Kanyang mga anak, ay hindi pa nila ganap na naunawaan—hanggang sa dumating si Cristo.
“Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na ‘maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan’ [Lectures on Faith (1985), 42]. Sa buhay Niya at lalo na sa Kanyang kamatayan, inihayag ni Cristo, ‘Ito ay ang habag ng Diyos na ipinamalas ko sa inyo, gayundin din ang sa akin’” (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 70–72).
Scripture Mastery—Juan 14:6
-
Ang pagsasaulo sa scripture mastery passage na Juan 14:6 ay makatutulong sa pagsagot sa mga tanong na tulad ng nasa simula ng lesson na ito. Isaulo ang talatang ito sa pag-uulit nang malakas nito nang maraming beses. Pagkatapos ay bigkasin ito sa isang kapamilya o kaibigan. Pagkatapos, isulat ang Naisaulo ko ang Juan 14:6 sa iyong scripture study journal at palagdain sa journal mo ang taong nakinig ng pagbigkas mo.
Juan 14:15–31
Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol kung paano maipapakita ang pagmamahal nila sa Kanya
Isipin ang isang taong mahal mo. Paano mo naipapakita sa taong ito ang iyong pagmamahal?
Basahin ang Juan 14:15, na inaalam ang ipinagawa ni Jesus sa Kanyang mga Apostol upang maipakita ang pagmamahal nila sa Kanya. (Ang Juan 14:15 ay scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Ayon sa itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol, kumpletuhin ang sumusunod na katotohanan: Maipapakita natin ang ating pagmamahal kay Cristo sa .
Isipin kung paano ipinapakita ng pagsunod sa bawat utos na ito ang pagmamahal mo kay Jesucristo: pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, paggalang sa iyong ama at ina, pagbabayad ng ikapu, at pagmamahal sa iyong kapwa.
Pag-isipang mabuti nang mga tatlo o apat na minuto kung gaano mo lubos na naipapakita sa Tagapagligtas ang pagmamahal mo sa pagsunod sa Kanyang mga utos.
Basahin ang Juan 14:16–17, 26, na inaalam ang pangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol.
Ang mga katagang “ibang Mangaaliw” sa talata 16 ay tumutukoy sa Espiritu Santo. Dahil ang Tagapagligtas ay isang Mang-aaliw sa mga Apostol noong magministeryo Siya sa mundo, tinawag Niyang ibang Mang-aaliw ang Espiritu Santo. Sa ilang kadahilanan, ang Espiritu Santo ay hindi pa lubos na ibinigay noong mortal na ministeryo ni Jesus, bagama’t lubos na nadama ang Kanyang presensya bago at matapos ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas (tingnan sa Bible Dictionary, “Holy Ghost”).
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ginagampanan ng Espiritu Santo bilang Mang-aaliw:
“Hangga’t kasama nila si Jesus, siya ang kanilang Mang-aaliw; nangusap siya ng kapayapaan sa kanilang mga kaluluwa; silang mga nabibigatan sa mga pagdurusa at paghihirap at pakikibaka ng mundo ay nagsilapit sa kanya at nakatanggap ng kapahingahan para sa kanilang mga kaluluwa. Inalo Niya ang mga balo at naging ama sa mga ulila. Pinasigla ng Kanyang mga salita ang mga naniniwala at nakadama sila ng ibayong katiwasayan at kapayapaan. Ngayon ay lilisan na siya, ngunit magpapadala siya ng isa pang Mang-aaliw—ang Espiritu Santo—upang manatili sa mga nananampalataya magpakailanman.
“Para sa lahat ng tao maliban sa iilan na narinig ang kanyang tinig sa mortalidad, ang Espiritu Santo ang ating unang Mang-aaliw. Ang miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay nangungusap ng kapayapaan sa kaluluwa ng mabubuti sa lahat ng panahon. Ang Espiritu Santo ang ‘kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya, kapwa sa sinaunang panahon at maging sa panahong ipakikita niya ang kanyang sarili sa mga anak ng tao’ (1 Ne. 10:17), at, gayon din, sa mga panahong darating. Siya ang Espiritu ng katotohanan—tulad din ni Cristo—ngunit hindi matatanggap ng mundo ang Espiritu Santo dahil hindi nananahan ang Espiritu Santo sa mga templong hindi banal” (Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary, 4 na tomo [1979–81], 4:74–75).
Ayon sa Juan 14:16–17, 26, ano ang tatlong bagay na magagawa ng Espiritu Santo para sa atin? Sagutin ang tanong na ito sa pagkumpleto sa sumusunod na katotohanan: Magagawa ng Espiritu Santo na .
-
Sagutin ang isa o higit pang mga tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan mo nadama na ginabayan ka ng Espiritu Santo?
-
Kailan mo nadama na tinuruan ka ng Espiritu Santo?
-
Kailan ka tinulungan ng Espiritu Santo na maalala ang isang bagay?
-
Basahin ang Juan 14:18–23, na inaalam ang pangako ng Tagapagligtas sa mga nagpapakita ng pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos.
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na kung susundin natin ang mga kautusan, makakasama natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:3, na inaalam ang ibig sabihin ng makasama natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Basahin ang Juan 14:27, na inaalam ang panghihikayat ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol.
Isiping mabuti ang pagkakaiba ng kapayapaang ibinibigay ng Tagapagligtas at ng kapayapaang ibinibigay ng mundo.
Ipinaliwanag ni Elder McConkie ang kapayapaang ibinibigay ng Tagapagligtas: “[Ito ay] kapanatagan ng damdamin na dulot ng lubusang pananalig sa kabanalan ng kaharian ng Panginoon dito sa mundo; isang kapanatagang nagbibigay ng katiyakan sa isang mas magandang daigdig na darating; isang kapanatagang nananahan sa mga kaluluwa ng tao sila man ay nasa gitna ng digmaan at kaguluhan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:742).
Nalaman natin sa Juan 14:28–30 na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na dapat silang magalak dahil iiwan Niya sila upang bumalik sa Ama sa Langit. Tulad ng nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith, sinabi ni Jesus sa kanila na walang kapangyarihan sa Kanya si Satanas dahil nadaig Niya ang mundo, ngunit maiimpluwensiyahan pa rin sila ni Satanas dahil hindi pa nila natatapos ang kanilang gawain sa lupa (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 14:30 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).
Basahin ang Juan 14:31, na inaalam kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang pagmamahal Niya sa Kanyang Ama. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Scripture Mastery—Juan 14:15
-
Tingnan kung gaano katagal mong maisasaulo ang Juan 14:15. Bigkasin ito nang malakas. Pagkatapos ay isulat ito sa iyong scripture study journal gamit lamang ang iyong memorya.
Basahing muli ang Juan 14:31, na inaalam ang halimbawang ipinakita ni Jesucristo sa atin sa itinuro Niyang alituntunin sa Juan 14:15. Pansinin ang pangungusap na “Magsitindig kayo, at magsialis tayo rito” (Juan 14:31). Maaaring tinutukoy ng Tagapagligtas ang pag-alis sa silid sa itaas kung saan idinaos ang Huling Hapunan at ang kasunod nitong pagtupad ng Kanyang tungkulin sa Diyos sa Getsemani at Golgota. Ang pinakamahirap na kautusan ng Ama sa Anak ay ang magdusa at mamatay si Jesus para sa atin (tingnan sa 3 Nephi 27:13–14). Isipin ang mga kautusan at pamantayan ng Panginoon na para sa iyo ay mahirap sundin. Isiping mabuti kung paano maipapakita ng pagsunod sa mga kautusang ito ang pagmamahal mo sa Tagapagligtas. Sa iyong sariling journal, magsulat ng isang mithiing maging masunurin sa mga paraang naisip mo.
Juan 15:1–11
Ipinaliwanag ni Jesus na Siya ang Tunay na Puno ng Ubas
Kunwari ay ginugunita mo ang iyong buhay 60 taon mula ngayon. Bilugan ang mga salitang nais mong maglarawan sa buhay mo: matagumpay, malungkot, masaya, may pakinabang, walang nagawa, maginhawa, maraming nagawa, masagana, hindi matagumpay.
Ginamit ni Jesus ang metapora ng isang puno ng ubas upang matulungan ang Kanyang mga disipulo na maunawan kung paano magkaroon ng maginhawa, kapaki-pakinabang, at masaganang buhay.
Basahin ang Juan 15:1–5, na inaalam ang iba’t ibang bahagi na kinakatawan ng metaporang ito.
Nalaman natin mula sa mga talatang ito na ang puno ng ubas ay kumakatawan kay Jesucristo, at ang mga sanga ay kumakatawan sa mga disipulo ni Jesucristo. Ang bunga ay kumakatawan sa mabubuting gawa at kilos na dapat gawin ng mga disipulo ni Jesucristo. Isulat ang mga kahulugang ito sa tabi ng mga label sa larawan. Ang magsasaka, tulad ng sabi ng Tagapagligtas sa Juan 15:1, ay ang Ama sa Langit. Ang isang magsasaka ay isang taong nangangalaga sa ubasan.
Maaari mong markahan ang mga salitang manatili o nananatili sa Juan 15:4–5. Ang ibig sabihin ng salitang manatili na ginamit sa mga talatang ito ay manatiling matatag at lubos na nakaugnay kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan.
Natutuhan natin sa Juan 15:5 na kung mananatili tayo sa Tagapagligtas, makagagawa tayo ng mabubuting gawa.
Nalaman natin sa Juan 15:6–8 na itinuro ng Tagapagligtas na ang mga taong hindi nananatili sa Kanya ay katulad ng mga sangang pinutol—malalanta at mamamatay. Ang mga taong nananatili kay Jesucristo ay gumagawa ng mabubuting gawa na lumuluwalhati sa Diyos.
Ano ang magagawa natin upang manatili, o maging matibay na nakaugnay sa Tagapagligtas?
Basahin ang Juan 15:9–11, na inaalam ang itinuro ni Jesus na gawin ng Kanyang mga disipulo at ang mga pagpapalang matatanggap nila. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Perpekto at walang hanggan ang pagmamahal sa atin ng Ama at Anak, at ang pagsunod natin sa Kanilang mga kautusan ang nagtutulot sa atin na matanggap ang buong pagpapalang nais Nilang ipagkaloob sa atin (tingnan sa 1 Nephi 17:35; D at T 95:12; 130:20–21.)
Natutuhan natin mula sa Juan 15:10–11 na kung susundin natin ang mga kautusan, mananatili tayo sa pagmamahal ng Tagapagligtas at makatatanggap ng ganap na kagalakan.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa palagay mo, bakit ang pananatili sa Tagapagligtas ay nagtutulot sa atin na matanggap ang ganap na kagalakan?
-
Sa palagay mo, bakit makagagawa ng mabubuting gawa ang mga taong nananatili sa Tagapagligtas?
-
Mag-isip ng mga paraan na magpapanatili sa iyo na matibay na nakaugnay sa Tagapagligtas at makatanggap ng mas malaking kagalakan.
Juan 15:12–17
Iniutos ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na mangagibigan sila sa isa’t isa
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Tunay na ang pinakamainam na ebidensya ng ating pagsamba kay Jesus ay ang pagtulad natin sa Kanya” (“Ang Misyon at Ministeryo ni Jesucristo,” Liahona, Abr. 2013, 38).
Ang pagsamba ay malaking pagmamahal at paggalang, at ang pagtulad ay nangangahulugang paggaya.
Basahin ang Juan 15:12, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas kung paano natin Siya matutularan. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Basahin ang Juan 15:13–17, na inaalam kung paano tayo minahal ng Tagapagligtas. Sa talata 13, maaari mong markahan ang sinabi ng Tagapagligtas na pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig o pagmamahal.
Salungguhitan ang iminungkahi ni Elder Claudio R. M. Costa ng Panguluhan ng Pitumpu na gawin natin upang maialay ang ating buhay para sa mga taong mahal natin: “Maiaalay natin ang ating buhay para sa ating mga minamahal hindi sa pamamagitan ng pagkamatay para sa kanila, kundi sa pamumuhay para sa kanila—pag-uukol ng panahon sa kanila; pagiging bahagi lagi ng kanilang buhay; paglilingkod sa kanila; paggalang, pagiging magiliw, at pagpapakita ng tunay na pagmamahal sa ating pamilya at sa lahat ng tao—gaya ng itinuro ng Tagapagligtas” (“Huwag Nang Ipagbukas pa ang Maaari Mong Gawin Ngayon,” Ensign o Liahona Nob. 2007, 74).
Mag-isip ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa iyo nang tulad ng isa sa mga paraang ito.
Juan 15:18–27
Nagbabala si Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa mga pang-uusig na mararanasan nila dahil sa pagpapatoo tungkol sa Kanya
Pagkatapos ituro ng Tagapagligtas sa mga disipulo Niya ang tungkol sa pananatili sa Kanya at pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa, itinuro Niya ang mangyayari sa kanila dahil sa kaugnayan nila sa Kanya. Nalaman natin sa Juan 15:18–25 na ang mundo, o ang mga makasalanan, ay mapopoot sa mga Apostol. Ipinahayag ni Jesucristo na ang mga yaong napopoot sa Kanya ay napopoot din sa Ama at pananagutin sila sa mga pagpili nila.
Sa kabila ng pagkapoot at pang-uusig ng iba sa mga tagasunod ng Tagapagligtas, naglaan si Jesucristo ng mga paraan upang matanggap ng mundo ang patotoo sa Kanya. Basahin ang Juan 15:26–27, na inaalam ang mga saksi na magpapatotoo kay Jesucristo sa mundo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 14–15 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: