Unit 7: Day 4
Marcos 2–3
Pambungad
Si Jesus ay nagpatawad at nagpagaling ng isang lalaking lumpo, at tinawag si Mateo na sumunod sa Kanya. Itinuro Niya sa mga eskriba at mga Fariseo ang tungkol sa araw ng Sabbath. Patuloy na nagpagaling ng maraming tao ang Tagapagligtas, isinugo Niya ang Kanyang mga Apostol na mangaral, at nagbabala Siya tungkol sa pagsasalita ng kalapastanganan sa Espiritu Santo.
Marcos 2:1–12
Pinatawad at pinagaling ni Jesus ang isang lalaking lumpo
Isipin kunwari na malubha ang sakit ng isang taong mahal mo sa buhay at kailangan niya ng isang mahusay na doktor. Sino ang hihingan mo ng tulong para sa iyong mahal sa buhay? Bakit? Ano kaya ang handa mong gawin kung may iisang doktor lang na maaaring makatulong sa iyo, pero mahirap humingi ng appointment sa doktor na ito?
Tulad ng nakatala sa Marcos 2:1–4, sa nayon ng Capernaum sa Galilea, may isang lalaking “lumpo” (Marcos 2:3), na ibig sabihin ay paralisado siya. Apat na iba pang lalaki ang nagbuhat sa kanya papunta sa bahay kung saan naroon si Jesus, pero napakaraming tao kaya hindi sila makapasok. Binakbak ng apat na lalaki ang isang bahagi ng bubong ng bahay at ibinaba ang lalaking lumpo sa harapan ng Tagapagligtas.
Basahin ang Marcos 2:5, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa lalaking lumpo.
Basahin ang Marcos 2:6–12, na inaalam ang sumunod na nangyari.
Pansinin na nagduda ang “ilan sa mga eskriba” (Marcos 2:6) tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na magpatawad ng mga kasalanan. Isipin ang itinanong ni Jesus sa mga eskriba (tingnan sa Marcos 2:9).
Ang sumusunod ay isang katotohanan na maaari nating matukoy mula sa talang ito: Si Jesucristo ay may kapangyarihang pagalingin tayo kapwa sa espirituwal at pisikal.
Marcos 2:13–22
Tinawag ni Jesus si Mateo na sumunod sa Kanya, at kumain Siya kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan
Nang makita ng mga eskriba ang lalaking lumpo na bumangon mula sa kanyang higaan at lumakad, sila ay nabigyan ng di-mapag-aalinlanganang katibayan na si Jesucristo ay may kapangyarihang magpagaling ng maysakit, at narinig nila Siya na nagpatotoo na Siya ay makapagpapatawad ng mga kasalanan. Gayunman, hindi nakasaad sa talang ito kung lumapit kalaunan ang mga lalaking ito kay Jesus at humingi ng kapatawaran para sa kanilang sariling mga kasalanan.
-
Sa iyong scripture study journal, ilista ang mga dahilan kung bakit hindi humihingi ng kapatawaran sa Panginoon ang mga tao para sa kanilang mga kasalanan. Magpatulong sa isang kapamilya o kaibigan sa paglista nito.
Sa iyong patuloy na pag-aaral ng Marcos 2, hanapin ang mga katotohanang maghihikayat sa iyo na hangarin ang pagpapatawad ng Panginoon.
Basahin ang Marcos 2:13–15, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas pagkatapos pagalingin ang lalaking paralisado.
Si Levi kalaunan ay nakilala bilang Mateo. Siya rin ang Mateo na sumulat ng Ebanghelyo Ayon kay Mateo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “nakaupo sa paningilan ng buwis” (Marcos 2:14) ay si Mateo ay “isang tagasingil ng buwis para sa mga Romano sa Capernaum, [at] marahil ay naglilingkod kay Herodes Antipas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mateo,” scriptures.lds.org). Galit ang maraming Judio sa mga maniningil ng buwis dahil ang turing nila sa mga ito ay mga traydor na nangongolekta ng buwis sa mga kababayan nila para sa mga Romano.
Pansinin na maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang dumalo rin sa piging ni Mateo kasama si Jesus at Kanyang mga disipulo. Sa panahong ito, ang pagsasalu-salo sa pagkain ay higit pa sa simpleng pagkain nang magkakasama. Nagpapakita ito na may pagkakaibigan at kapayapaan sa lahat ng taong dumalo roon.
Basahin ang Marcos 2:16, at hanapin ang reaksyon ng mga eskriba at mga Fariseo nang makita nila na kumakain ang Tagapagligtas kasalo ang mga taong ito.
Sa iyong palagay, bakit kinutya ng mga eskriba at mga Fariseo si Jesus sa pagkain na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
Basahin ang Marcos 2:17, na inaalam ang tugon ng Tagapagligtas sa pangungutya ng mga eskriba at mga Fariseo. Maaari mong bilugan ang salitang ginamit ng Tagapagligtas para ilarawan ang Kanyang sarili?
Sa paggamit ng salitang manggagamot, muling pinagtibay ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihang magpagaling kapwa sa espirituwal at pisikal. Nalaman natin mula sa talata 17 na hangad ng Tagapagligtas na tulungan tayong magsisi ng ating mga kasalanan at mapagaling.
Isiping mabuti kung bakit mahalagang maniwala na hangad ni Jesus na tulungan tayong magsisi at mapagaling.
Sinabi ni Elder Craig A. Cardon ng Pitumpu:
“Mahal tayo ng Panginoon at nais Niyang maunawaan natin ang kahandaan Niyang magpatawad. …
“… Subalit sa Kanyang awa, tinutulutan Niya ang unti-unting pagpapakabuti kaysa iutos na maging perpekto kaagad. Kahit napakaraming kasalanan na sanhi ng kahinaan ng tao, kasindalas ng ating pagsisisi at paghingi ng tawad sa Kanya, Siya ay nagpapatawad nang paulit-ulit [tingnan sa Moroni 6:8].
“Dahil dito, lahat tayo, pati na yaong mga nahihirapang madaig ang pagkalulong sa droga o pornograpiya at iba pang kaugnay nito, ay malalaman na kikilalanin ng Panginoon ang matwid nating mga pagsisikap at mapagmahal na magpapatawad kapag ganap ang pagsisisi. … Ngunit hindi ibig sabihin nito na maaari nang sadyang magkasalang muli ang isang tao nang hindi napaparusahan” (“Nais ng Tagapagligtas na Magpatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 16).
Pag-isipang mabuti kung ikaw ba ay tulad ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan (na kinikilala na kailangan nila ang Tagapagligtas at nagsilapit sa Kanya) o tulad ng mga eskriba at mga Fariseo (na hindi lumapit sa Tagapagligtas para hangarin ang Kanyang pagpapatawad at pagpapagaling). Magpasiya ngayon na lumapit sa Tagapagligtas at hayaan Siyang tulungan ka sa iyong pisikal at espirituwal na mga pangangailangan.
Tulad ng nakatala sa Marcos 2:18–22, itinuro ni Jesus kung bakit hindi nag-ayuno ang Kanyang mga disipulo habang Siya ay kasama nila. Itinuro rin Niya kung bakit nahihirapan ang ilang tao na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo (tingnan din sa Mateo 9:14–17).
Marcos 2:23–3:6
Nagturo si Jesus tungkol sa araw ng Sabbath
Nagawa mo na bang huwag sumali sa isang aktibidad para masunod ang kautusan na panatilihing banal ang araw ng Sabbath? Sa iyong patuloy na pag-aaral ng Marcos 2–3, isiping mabuti ang sumusunod na tanong: Paano mo malalaman na angkop gawin ang isang aktibidad sa araw ng Sabbath?
Basahin ang Marcos 2:23–24 at Marcos 3:1–2, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo na pinaniniwalaan ng mga Saduceo na paglabag sa batas ng Sabbath.
Alalahanin na idinagdag ng mga guro ng mga Judio ang sarili nilang mga patakaran at interpretasyon, na tinatawag na oral na batas o tradisyon, sa batas ni Moises. Ang layunin ng mga idinagdag na patakarang ito ay maiwasan ang paglabag sa batas ng Diyos, ngunit hinahadlangan din nito ang ilang tao na maunawaan ang tunay na layunin ng mga kautusan, kabilang na ang kautusang panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
Basahin ang Marcos 2:27–28, at pagkatapos ay pansinin kung paano nilinaw ng Joseph Smith Translation ang dahilan kung bakit ibinigay sa atin ng Panginoon ang Sabbath:
“Samakatwid ang Sabbath ay ibinigay sa tao para magpahinga; at gayon din upang luwalhatiin ng tao ang Diyos, at hindi upang hindi kumain ang tao;
“Dahil ginawa ng Anak ng tao ang araw ng Sabbath, kaya’t ang Anak ng tao ay Panginoon din naman ng Sabbath” (Joseph Smith Translation, Mark 2:26–27).
Basahin ang Marcos 3:3–5, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagpapagaling sa lalaking tuyo ang kamay sa araw ng Sabbath.
Batay sa natutuhan natin mula sa Joseph Smith Translation at Marcos 3:3–5, kumpletuhin ang sumusunod na katotohanan: Mapapanatili nating banal ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng .
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa paanong paraan natin maluluwalhati ang Diyos sa Kanyang banal na araw?
-
Ano ang ilang halimbawa ng paggawa ng mabuti sa araw ng Sabbath?
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:9–13. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan, at pag-isipan kung paano mo malalaman ang angkop na gawin sa araw ng Sabbath:
“Ano ang angkop at hindi angkop na gawin sa araw ng Sabbath? Sa pamamagitan ng mga alituntunin, dapat sagutin ng bawat isa sa atin ang tanong na ito para sa ating sarili. Bagama’t ang mga alituntuning ito ay nasa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta, dapat nakasulat din ito sa ating puso at ipinamumuhay. … Tiyak na walang mangyayaring anumang mabigat na paglabag sa pagsamba sa araw ng Sabbath kung mapagkumbaba tayong lalapit sa Panginoon at iaalay sa kanya ang ating buong puso, kaluluwa, at isipan. (Tingnan sa Mat. 22:37.)
“Ang mga gawaing marapat o hindi marapat sa araw ng Sabbath ay dapat pagpasiyahan ng bawat isa sa atin sa pagsisikap na maging matapat sa Panginoon. Kailangan nating gawin sa araw ng Sabbath ang tama at nararapat nang may mapagsambang puso at limitahan ang iba pa nating mga aktibidad” (“The Lord’s Day,” Ensign, Nob 1991, 35).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano ka napagpala sa pagsisikap mong sambahin ang Diyos at gumawa ng mabuting bagay sa araw ng Sabbath?
-
Ano ang isang paraan na mas mapapanatili mong banal ang araw ng Sabbath?
-
Marcos 3:7–35
Si Jesus ay nagpagaling ng maraming tao, nagsugo ng Kanyang mga Apostol para mangaral, at nagbabala sa iba tungkol sa paglapastangan sa Espiritu Santo
Tulad ng nakatala sa Marcos 3:7–35, si Jesus ay nagpunta sa Dagat ng Galilea at nagpagaling ng maraming tao na sumunod sa Kanya roon, kabilang ang ilang sinapian ng mga karumal-dumal na espiritu. Pagkatapos pumili ng Labindalawang Apostol, inordena sila ni Jesus at isinugo sila na mangaral, magpagaling, at magpaalis ng mga demonyo. Pagkatapos ay binalaan Niya ang mga eskriba tungkol sa pagsasalita ng kalapastanganan sa Espiritu Santo at nagturo na ang Kanyang pamilya ay ang mga taong gumagawa ng kalooban ng Ama sa Langit. Natutuhan mo ang ilan sa mga pangyayaring ito nang pag-aralan mo ang Mateo 12:22–35.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Marcos 2–3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: