Library
Unit 5, Day 2: Mateo 21:1–16


Unit 5: Day 2

Mateo 21:1–16

Pambungad

Si Jesus ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem sa simula ng huling linggo ng Kanyang buhay. Habang naroon, nilinis Niya ang templo sa ikalawang pagkakataon at pinagaling ang mga bulag at mga pilay na lumapit sa Kanya.

Mateo 21:1–11

Si Jesus ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem

  1. Mag-isip ng isang aktibidad na magandang gawin kasama ang iyong mga kaibigan at kapamilya. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng maikling talata tungkol sa maaari mong sabihin o gawin upang mahikayat ang iyong mga kaibigan o kapamilya na sumali sa aktibidad na iyon.

Maraming tao ang kaunti lang ang alam tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, at may responsibilidad tayong tulungan ang iba na malaman ang tungkol sa Kanya. Sa pag-aaral mo ng Mateo 21:1–11, pag-isipan kung ano ang magagawa mo para tulungan ang iba na naisin pang mas matuto tungkol kay Jesucristo.

Tingnan ang pahina sa lesson na ito na may pamagat na “Ang Huling Linggo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.” Ang maikling buod na ito ng huling linggo ng buhay sa mundo ng Tagapagligtas ay naglalahad ng mga pangyayaring humantong sa Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Nililinaw at pinalalalim nito ang iyong pag-unawa sa mga kuwento, turo, doktrina at alituntuning may kaugnayan sa huling linggo ng ministeryo ni Jesucristo sa mundo.

Nakatala sa Mateo 21 ang mga pangyayaring naganap limang araw bago ang Pagpapako sa Tagapagligtas sa Krus, simula sa Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. Alalahanin na maraming tao ang sumunod kay Jesus at sa Kanyang mga Apostol nang maglakbay sila sa Jerusalem mula sa Jerico (tingnan sa Mateo 20:17–18, 29).

Basahin ang Mateo 21:1–5, na inaalam kung ano ang iniutos ni Jesucristo sa dalawa sa Kanyang mga disipulo.

Ang propesiyang binanggit sa Mateo 21:4–5 ay matatagpuan sa Zacarias 9:9–10. Maaari mong isulat ang cross-reference na ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 21:4–5. Ang propesiyang ito ay tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o “pinahiran ng langis na Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas na ang pagparito ay sabik na hinihintay ng mga Judio” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.lds.org). Maaaring makatulong sa iyo na malaman na sa panahon ng Biblia, ang asno ay “simbolo ng maharlikang Judio. … Ang pagsakay sa asno … ay nagpakita na dumating si Jesus bilang isang payapa at ‘mapagpakumbabang’ Tagapagligtas, hindi bilang isang manlulupig na nakasakay sa kabayong pandigma” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 64).

Basahin ang Mateo 21:6–8, na inaalam ang ginawa ng “kalakhang bahagi ng karamihan” (talata 8) upang mapitagang kilalanin si Jesus bilang Mesiyas nang pumasok Siya sa Jerusalem.

Tinukoy sa Ebanghelyo Ayon kay Juan na gumamit ang mga tao ng “mga palapa ng mga puno ng palma” (Juan 12:13). Ang mga palapa ng palma ay simbolo ng mga Judio para sa kapayapaan at pagwawagi laban sa mga kaaway. Ang paglalatag ng alpombra sa daanan, katulad ng ginawa ng mga tao gamit ang mga palapa at damit, ay pagpaparangal sa mga dugong bughaw o sa mga manlulupig at mananakop. Sa paggawa nito, kinilala at malugod na tinanggap ng mga tao si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas at Hari.

Tingnan ang larawan ng Matagumpay na Pagpasok ni Cristo sa Jerusalem (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 50; tingnan din sa LDS.org). Kunwari ay isa ka sa mga taong ito. Basahin ang Mateo 21:9, at isipin na kunwari ay kasama ka nilang isinisigaw ito.

Larawan
Matagumpay na Pagpasok

Mapapansin na inuulit-ulit ng mga tao ang salitang hosana, na ang ibig sabihin ay “mangyari pong iligtas kami” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana”). Maaari mong isulat ang kahulugang ito sa margin sa tabi ng Mateo 21:9.

Ang pagsigaw ng mga tao ay katuparan ng propesiya tungkol sa Mesiyas na mababasa sa Awit 118:25–26. Maaari mong isulat ang cross-reference na ito sa margin sa tabi ng Mateo 21:9. Ang maringal at titulong nauukol sa mesiyas na “Anak ni David” (Mateo 21:9) ay inilaan para sa tagapagmana sa trono ni David. Ipinahayag ng mga tao sa pagsabi nito na si Jesus ang Mesiyas na pinili at isinugo ng Diyos na magligtas at mamuno sa Kanyang mga tao.

Isipin na kunwari ay nakatira ka sa Jerusalem nang panahong ito. Ano kaya ang maiisip o mararamdaman mo habang nasasaksihan ang matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas?

Libu-libo pa ang karagdagang taong pumunta sa Jerusalem noong panahong iyon para ipagdiwang ang Paskua. Basahin ang Mateo 21:10–11, na inaalam ang epekto sa iba ng ikinilos ng karamihan sa Jerusalem.

Ano ang itinanong ng iba dahil sa ikinilos ng karamihan?

Ang talang ito ay naglalarawan ng sumusunod na alituntunin: Kapag hayagan nating kinikilala si Jesucristo at hayagang nagsasalita tungkol sa Kanya, matutulungan natin ang iba na naisin na mas makilala Siya.

  1. Sa iyong scripture study journal, ilista ang ilang pagkakataon na maaari mong hayagang kilalanin si Jesucristo at magsalita tungkol sa Kanya maliban pa sa mga miting sa Simbahan. Pagkatapos ay isulat ang mga tamang paraan kung paano mo Siya maaaring hayagang kilalanin at magsalita tungkol sa Kanya na makatutulong sa iba na mas naisin na makilala Siya.

  2. Sagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan nangyari na nahikayat ka na mas makilala pa si Jesucristo dahil may isang taong hayagang kumilala at nagsalita tungkol sa Kanya?

    2. Paano ka, o ang isang kakilala mo, nakatulong sa isang tao na mas makilala si Jesucristo dahil hayagan mo Siyang kinilala o nagsalita ka tungkol sa Kanya?

Hanapin at samantalahin ang mga tamang pagkakataon na kilalanin si Jesucristo at magsalita tungkol sa Kanya.

Mateo 21:12–16

Nilinis ni Jesus ang templo at pinagaling ang mga bulag at mga pilay

Larawan
Orlando Florida Temple

Isiping mabuti ang mga naisip at nadama mo habang nasa loob ng templo. Kung hindi ka pa nakapunta sa templo, isipin kung ano kaya ang maiisip at mararamdaman mo kapag nasa loob ka ng templo.

Ano ang nangyayari sa loob ng templo na nagpapadama sa atin na ito ay banal na lugar?

Nang makapasok sa Jerusalem ang Tagapagligtas, nagpunta Siya sa templo.

Larawan
Templo ni Herodes na makikita mula sa Bundok ng Olibo

Basahin ang Mateo 21:12–13, na inaalam kung ano ang ginagawa ng mga tao sa templo na hindi nakasisiya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Ang mga bisitang nagpunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua ay kailangang bumili ng mga hayop na iaalay sa templo bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Ang mga mamamalit ng salapi ay pinapalitan ng pera ng templo ang pera ng Romano upang ipambili ng mga hayop, at ipinagbibili naman ng ibang negosyante ang mga hayop. Kahit kailangan at may magandang intensyon ang ganitong negosyo, ang gawin ito sa ganoong lugar at paraan ay kawalang paggalang at pagpipitagan. Bukod pa riyan, ang tala sa Mateo 21:13 ay nagpapahiwatig na ang mga mamamalit ng salapi at negosyante ay mas interesadong kumita kaysa sumamba sa Diyos at tinutulungan pa ang iba na gawin din ang gayon.

Mapapansin na sa Juan 2:16, noong unang paglilinis ng templo, tinawag ni Jesus ang templo na “bahay ng aking Ama.” Sa Mateo 21:13, noong pangalawang paglilinis ng templo, tinawag ni Jesus ang templo na “Ang aking bahay.”

Ang isang katotohanan tungkol sa templo na matututuhan natin mula sa mga salita at ginawa ng Tagapagligtas sa Mateo 21:12–13 ay ang bahay ng Panginoon ay isang banal na lugar, at gusto Niyang igalang natin ito.

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano natin maipapakita ang paggalang sa bahay ng Panginoon?

    2. Ano ang dapat nating gawin para maging karapat-dapat tayong makapasok sa templo?

Basahin ang Mateo 21:14, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas sa templo matapos linisin ito sa ikalawang pagkakataon.

Maaaring makatulong na malaman na “ang mga pilay” sa Mateo 21:14 ay tumutukoy sa mga tao na lumpo o hirap sa paglalakad.

Mula sa ginawa ng Panginoon para sa mga bulag at mga pilay na lumapit sa Kanya sa templo, matututuhan natin ang sumusunod na katotohanan: Kapag pumupunta tayo sa templo, mapapagaling tayo ng Panginoon.

Sa palagay mo, sa anong mga paraan tayo napapagaling ng Panginoon kapag pumupunta tayo sa templo?

Larawan
Pangulong James E. Faust

Nagpatotoo si Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan sa paggaling na mararanasan natin kapag pumupunta tayo sa templo: “Ang Panginoon ay naglaan ng maraming oportunidad na makatatanggap tayo ng [Kanyang] nagpapagaling na impluwensya. Nagpapasalamat ako na ipinanumbalik ng Panginoon sa mundo ang gawain sa templo. Ito ay mahalagang bahagi ng gawain ng kaligtasan kapwa para sa mga buhay at sa mga patay. Ang ating mga templo ay nagsisilbing santuwaryo kung saan maisasantabi natin ang halos lahat ng problema sa mundo. Ang mga templo natin ay mga lugar ng kapayapaan at kapanatagan. Sa mga banal na santuwaryong ito ang Diyos ay ‘pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian niya ang kanilang mga sugat.’ (Awit 147:3.)” (“Spiritual Healing,” Ensign, Mayo 1992, 7).

Ang pagpapagaling na nararanasan natin sa pagsamba sa templo ay maaaring dumating kaagad, tulad ng nangyari sa mga bulag at mga pilay na inilarawan sa Mateo 21:14, o maaaring matagalan pa bago mangyari ito.

Isipin kung kailan mo nadama, o ng kakilala mo, ang nakapagpapagaling na impluwensya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsamba sa templo.

Tulad nang nakatala sa Mateo 21:15–16, ang mga punong saserdote at mga eskriba ay hindi natuwa sa ginawa ni Jesus sa templo at ang pagsigaw ng mga tao ng “Hosana” sa Kanya roon. Ipinaliwanag ni Jesus na ang hayagang pagkilala sa Kanya ng mga tao ay katuparan ng propesiya (tingnan sa Mga Awit 8:2).

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 21:1–16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

Print